Chapter Six

2411 Words
"ATE, sino po siya?" tanong ng sampung taong gulang na kapatid ni Sumi. Ngumiti siya sa kapatid. Saka sinulyapan niya si Miguel na nasa tabi niya. Naroon sila sa Pederico Medical Center. Ilang araw na rin ang nakakalipas simula ng ilipat sa ospital na iyon ang kapatid niya. Sa ngayon, naka-schedule na ang operasyon ni Jepoy. "Siya si Kuya Miguel." Sagot niya. "Boyfriend mo ba siya?" tanong ulit nito sa nanghihinang tinig. Natawa siya, sabay sulyap sa katabi niya. "Bakit? Boto ka ba sa akin kung sakaling boyfriend ako ng Ate mo?" balik-tanong naman ni Miguel dito. "Guwapo ka naman po, Kuya. Maganda ang Ate ko. Mukha kang mabait. Sige, pasado ka na sa akin para sa Ate ko." Sagot pa nito. Humagalpak sila ng tawa sa naging sagot ng kapatid niya. Kung makapagsalita kasi ito ay parang malaking tao. Pagkatapos ay binalingan siya nito. "Ate, gagaling pa ba ako?" Nangilid ang luha niya. Hindi sa kalungkutan, kung hindi sa saya. Dahil sa tulong ng kaibigang Doctor ni Miguel ma-ooperahan na ito at malaki ang tsansa nitong umayos ang kalagayan kapag naging matagumpay ang operasyon. "Huwag kang mag-alala, malapit ka nang gumaling. Tinulungan tayo ni Kuya Miguel. Kaibigan n'ya yung Doctor mo." Sagot niya. "Ate, kapag magaling na ako. Gusto kong bumalik sa school. Tapos kapag malaki na ako, gusto kong mag-pulis. Para ako ang magtatanggol sa inyo ni Nanay." Anang Kapatid. "Alam mo ba? Pulis siya." Sabi niya dito, sabay turo kay Miguel. "Talaga po? Kuya, kapag nakalabas ako dito. Turuan mo ako kung paano maging Pulis ah." Baling kay Miguel nito, bigla ay tila sumigla ang boses nito. "Oo ba! Basta kailangan magpagaling ka agad ah." Sabi pa ni Miguel. "Opo." Napangiti si Sumi. Hindi niya alam kung dapat bang ipagpasalamat ang gabing nakilala niya si Miguel. Nagmistula itong anghel. Binago nito ang takbo ng buhay niya, maging ang t***k ng puso niya. HABANG tahimik na nakaupo sa mahabang silya sa labas ng pinto ng operating room. Walang patid ang pagdadasal ni Sumi. Iyon ang araw ng operasyon ni Jepoy, ang Nanay naman niya ay nasa chapel at nagdadasal din. Ilang oras na ang lumipas nang ipasok doon ang kapatid niya. Ngunit hanggang ngayon, tila hindi pa rin yata tapos ang operasyon. Lalo siyang kinakabahan at natatakot para sa kapatid sa pagdaan ng mga oras. Isa lang ang dalangin ni Sumi, na sana'y makaligtas ang kapatid niya. Napatingin siya sa katabi niya ng hawakan nito ang kamay niya. "Hey, are you okay?" tanong ni Miguel. Pilit siyang ngumiti. "Hindi ko alam. Kinakabahan ako." Sagot niya. Ngumiti ito sa kanya, isang ngiti na may hatid na lakas ng loob at pag-asa. "Huwag kang mag-alala, matapang na bata si Jepoy. Alam kong kakayanin niya ang operasyon." Sabi pa nito. "Salamat ah," sabi niya. Bumuntong hininga ito. "Hay naku, ayan ka na naman sa pagpapasalamat mo. Hindi na natapos 'yan. Dalawang linggo mahigit na simula ng magkakilala tayo. Ganoon katagal ka na rin nagpapasalamat sa akin." "Hindi ako magsasawang magpasalamat sa'yo. Hindi ko nga alam kung paano ko mababayaran lahat ng kabutihan mo." Bahagya itong pumihit paharap sa kanya, saka siya tinitigan sa mukha. May nakikita siyang hindi maipaliwanag na emosyon sa mga mata nito. Nahigit niya ang hininga ng bigla nitong gagapin ang pisngi niya. Pinag-aralan niya ang mukha nito. Tila may gusto itong sabihin sa kanya. Ngunit nanatili lang itong tahimik sa sumunod na ilang segundo. "Hindi mo kailangan magpasalamat sa akin. Basta, ipangako mo lang na hindi ka aalis sa tabi ko." Makahulugang pahayag nito. "A-anong ibig mong sabihin?" Napuno ng kaba ang dibdib niya, kasabay niyon ay kinapa niya ang puso. Gusto niyang malaman kung ano nga ba ang tunay niyang damdamin para sa lalaking nasa harap niya? Ito na nga yata iyong sinasabi nilang pagmamahal. Sa sandaling panahon na nagkasama sila. Tila ayaw niyang maniwala. Pilit niya iyong tinanggi sa kanyang isipan, maging ang puso ay pilit niyang tinuturuan na huwag mahalin si Miguel. Pero hindi rin siya nagwagi. Mahirap nga talagang kalabanin ang puso. At sa kabila ng pag-amin niya sa sarili ng nararamdaman niya. Naroroon pa rin ang takot niyang magmahal. Marami na siyang kabiguan sa buhay na pinagdaanan. Ayaw niyang pati sa larangan ng pag-ibig ay lumuha siya. Bukod doon, ay ang malinaw na agwat ng pamumuhay niya. "I mean—" Nawala ang atensiyon niya sa sinasabi ni Miguel nang biglang bumukas ang pinto ng Operating Room at lumabas doon ang si Doctor Ken Charles Pederico. Agad siyang tumayo at sinalubong ito. "Doc, kumusta na po ang kapatid ko?" tanong niya agad. "Pare, insan!" bati nito kay Miguel, nagkamay pa ang dalawa. Tinanggal ni Ken ang mask niya. "Tapos na namin operahan si Jepoy. Sa ngayon ay nasa mabuti siyang kalagayan, masasabi kong ligtas na siya. Pero kailangan pa rin natin siyang obserbahan. Kung magiging masigla na siya at mabilis na maka-recover ang katawan niya. Then, we'll do another test. Para malaman natin kung kailangan pa ng follow-up medication. Pero sa ngayon, ipanatag mo na ang loob mo. Nasa mabuti siyang kalagayan. Nasa Recovery Room na siya." Paliwanag ni Doctor Ken Pederico, saka ito ngumiti sa kanya. Daig pa niya ang nabunutan ng napakalaking tinik sa dibdib matapos marinig ang magandang balita. Kasunod niyon ay ang pagpatak ng mga luha niya. Wala sa loob na napayakap siya kay Miguel. Iyon na yata ang isa sa hindi niya makakalimutang sandali ng buhay niya. Ang malaman na wala na sa panganib ang buhay ni Jepoy. "Salamat." Umiiyak na wika niya kay Ken. "Walang anuman. Ang mabuti pa magpahinga ka na muna." Payo pa sa kanya ni Ken. "Opo. Maraming Salamat Dr. Pederico!" ulit pa niya. Tumango lang ito ng nakangiti. "Sige, I'll go ahead." Paalam nito. "Sige po," "Regards kay Myca, Pare." Pahabol ni Miguel. "Malaki na utang mo sa inaanak mo." Biro pa ni Ken, pagkatapos ay binalingan siya nito. "Doon ka nakatira sa bahay nila, 'di ba? Sa gabi i-lock mo ang pinto ng kuwarto mo, naglalakad ng tulog 'yan. Delikado ka." "Oo, lista mo lang sa baha! Siraulo! Tulad mo 'ko sa'yo!" ganting biro ni Miguel. Natawa siya sa biruan ng dalawa. Nang makaalis na si Ken, muli siyang hinarap ni Miguel. "Wala ka na sigurong aalalahanin ngayon. Okay na ang kapatid mo, ligtas na siya." Anito. "Oo, at iyon ay dahil sa'yo." "Hindi naman ako ang nag-opera sa kanya." Sabi pa nitong nilakipan ng pagbibiro. "Alam mo namang magkasa lang ng baril ang alam ko." "Sira! Halika na, puntahan natin si Nanay sa Chapel." Pagyaya niya dito. "Let's go," Napuno ng saya ang puso niya ng kunin ni Miguel ang isang kamay niya at ikulong yun sa palad nito. Kaysarap sa pakiramdam na naglalakad sila na hawak nito ang kamay niya. Naroon ang kapanatagan ng loob niya. Pakiramdam niya ay ligtas siya. Parang walang sino man ang maaaring manakit sa kanya. Miguel, Bakit sa sandaling panahon? Natutunan na kitang mahalin? PAWIS na pawis na naupo si Miguel sa isang bench sa gilid. Naroon siya sa gym na pag-aari niya. Katatapos lang niyang mag-work out ng umagang iyon. Kasama niya ang ilan niyang pinsan. Si Gogoy, Daryl, Glenn at Kevin. "Ano na ba ang status n'yo ni Sumi?" biglang tanong ni Daryl sa kanya, sabay bato ng bote ng mineral water sa kanya. Kunot-noong napatingin siya dito. "Anong status ang ibig mong sabihin?" balik-tanong niya dito. "C'mon insan! You know exactly what I'm talking about." Ani Daryl. "Ang alam kong status, status sa f*******:. Nag-post ako kanina. Sabi ko pa nga, Time is gold. I-like n'yo na lang mamaya ah?" pamimilosopo pa niya dito. "Minsan, gusto kong ikahiyang pinsan kita." Sagot ni Glenn. "Ako rin. Ang corny men!" dagdag pa ni Kevin. "Direstong tanong, mahal mo ba si Sumi?" seryosong tanong ni Gogoy. Hindi agad siya sumagot, awtomatikong napangiti siya. Kahit siya ay hindi kayang i-describe ang nararamdaman niya para dito. Pero sa sapat na ang panahon na magkasama sila para masiguro niyang espesyal sa kanya ito. "Akin na lang muna 'yun mga pinsan. This is the first time, I've felt this kind of feeling. Gusto kong alagaan 'to." Sagot niya. Nagkibit-balikat si Gogoy. "Sige, sabi mo eh. Masaya ka ba?" "Sobra." "Goy, bakit ba seryoso ka masyado? Anak ng kamote! Naging barangay captain ka lang, hindi ka na marunong ngumiti." Puna ni Kevin dito. Tumingin lang ito sa huli. "Si Marisse, nakita mo Kevin?" tanong nito. Natahimik si Kevin. Natawa sila. Hindi kaila sa kanilang magpi-pinsan ang pagkagusto nito kay Marisse. Hindi naman pinagbabawalan iyon ng Lolo niya, dahil hindi naman nila pinsan ito. Hindi lang niya maintindihan kung anong pumipigil sa dalawa at tila nag-iiwasan ang mga ito. "Hoy mga pogi!" Napalingon sila sa may entrance door ng gym. Nakasilip doon si Inday, ang kasambahay ng Lolo at Lola niya. Kakabalik lang nito galing sa probinsya. "Pinatatawag kayo ng Lolo n'yo. Nakahain na ang almusal! Ay, kasarap ng niluto ni Sushmita!" "O tara! Masarap kayang magluto si Sumi!" sabi pa ni Glenn saka mabilis na lumabas ng gym. Ganoon na lang ang naramdaman niyang saya ng marinig ang sinabi ni Inday. Simula ng doon tumira sa kanila ang dalaga, ito na ang naging tagaluto nila. At napatunayan nila ang talent nito sa kusina. Kahit na ang simpleng putahe ay nagiging parang espesyal kapag ito ang nagluto. Kaya kahit na bumalik na si Inday galing sa Pampanga, hindi na pumayag pa si Lolo Badong na umalis si Sumi. Nagustuhan nito ang maayos na trabaho ng dalaga. Bukod doon, tinutulungan nito si Inday sa paglilinis ng bahay. Madalas, kung hindi pa nila ito awatin. Hindi ito magpapahinga. Maging sa personal niyang gamit ay naging hands-on ito. Dati ay nagpapa-laundry siya, ngayon, ito ang pilit na naglalaba ng damit niya at nagpa-plantsa. Kapag papasok siya sa trabaho, madalas niyang naaabutang nakahanda na ang uniporme niya na nasa ibabaw ng kama. Simula ng ma-operahan ang kapatid nito at tuluyan ng gumaling, ilang araw na ang nakakaraan. Napansin niya ang doble sipag nito. Mas naging masayahin na rin ito. Mas madalas ay nakikita niya itong nakangiti. At mas naging maaliwalas ang mukha nito. Iyon lang ang kasiyahan niya sa buhay, simula ng mag-krus ang landas nila ni Sumi. Ang makitang nakangiti at masaya ito. MASAYANG nakatambay si Sumi sa Jefti's Restaurant kasama ang mga kaibigan niya, pati na rin ang magpi-pinsang Mondejar ng hapon na iyon. Palibhasa, weekend kaya halos mga walang pasok ito sa opisina. Tanging si Miguel na lang ang kulang sa grupo. Sa kabilang mesa naman ay sina Lolo Badong at Lola Dadang. Natutuwa siyang pinagmasdan ang dalawa, daig pa nito ang mga teenager. Mukha kasi itong nagde-date. Nakikita niya sa dalawang matanda na sa kabila ng edad nito. Mahal na mahal pa rin nito ang isa't isa. Alam niyang masaya ang dalawa sa piling ng isa't isa. Bigla siyang napaisip, siya kaya? Magiging ganito din kasaya? Wala sa loob na napapatingin siya sa labas, hinihintay kasi niya si Miguel. Nagbabaka-sakaling maaga itong umuwi. Dahil ang totoo, nami-miss na niya ito. Maghapon itong nasa trabaho nung nakaraang araw, hindi ito umuwi ng nagdaang gabi. Ngayon naman ay hapon na'y wala pa ito. Aaminin niya, nag-aalala na siya dito. "Uy! Hinihintay n'ya!" halos sabay-sabay na tudyo sa kanya ng mga kaibigan niyang babae. "Hindi ah!" mabilis niyang tanggi. "Hinihintay 'yung magtataho!" sabi pa ni Sam. "Weh? Ikaw ah! Huli ka!" Natatawang umiling siya. "Wala akong alam sa sinasabi mo." "Nami-miss mo na si PO3, no?" sabad sa usapan ni Marvin. "Huwag kang mag-alala. Uuwi din 'yun! Masanay ka na ngayon pa lang, hija. Para kapag nagpakasal na kayong dalawa. Sanay ka sa klase ng trabaho ni Miguel." Singit din ni Lola Dadang. "Ho?" gulat niyang tanong. "Hala! May kasalang nagaganap agad?" komento pa ni Marisse. Nagtawanan ang lahat, siya naman ay nawi-windang na. Nami-miss pa lang ang pinag-uusapan biglang kasal agad ang binanggit ni Lola. "Naku Lola, wala pong ganun." Sabi pa niya. "Ano bang walang ganoon ang sinasabi mong bata ka? Eh halatang halata naman sa inyong dalawa na nagkakagustuhan kayo. Kitang-kita sa mga kilos n'yo!" ani Lola Dadang. "O 'yan ah! Si Lola na nagsabi sa'yo." Wika ni Jefti. "Aba'y Dadang, huwag mo ng intindihin ang mga 'yan! Ako itong ka-date mo, pansinin mo na kasi ako." Sabi naman ni Lolo Badong. "Aruuu! Tumigil ka nga Badong! Naku eh, ako'y uuwi nga muna at naiihi ako!" nakukunsuming nilayasan ni Lola ito. "Aba'y hintayin mo ako, honey, my love so sweet. Magla-labing pa tayo!" habol pa ni Lolo sa asawa. Napailing ang mga apo nito. "Si Lolo talaga, intensity ten pa rin ang pagnanasa kay Lola." Komento ni Wesley. Hindi pa man din siya nakakabawi ng biglang mag-ring ang cellphone niya. Agad niyang tiningnan kung sino ang caller. Akala niya si Miguel ang tumatawag, nawala tuloy ang level of excitement niya. Pero agad na nagtaka siya ng makitang numero lang ang lumabas sa screen. "Hello?" bungad niya. "Kumusta ka na?" mababa at seryoso ang tinig ng nasa kabilang linya. "Sino 'to?" tanong niya. "Ang bilis mo naman makalimot, Sumi." Sagot nito. "Sino ba 'to? Hindi ko makilala 'yung boses mo." Paliwanag niya. "Nakalimutan mo na agad, ang bestfriend mo." Sabi nito. "Cristy?" tanong niya. "Mabuti naman naalala mo na." sabi pa nito. Napakunot-noo si Sumi. Nag-iba kasi ang boses nito, mabuti na lang at hindi siya matatakutin. Dahil nakakatakot ang timbre ng boses nito. Saka niya naalala, simula ng magkahiwalay sila ni Cristy nung gabing nakilala niya si Miguel. Hindi na sila nagkita pa nito. Ayon kay Miguel, hinabol nito ang kaibigan niya ngunit hindi rin nito naabutan 'yon. Pagkatapos ay wala na siyang balita dito. Hanggang sa nawala na ito sa isip niya, naging abala na siya sa pagta-trabaho sa Mondejar at pag-aasikaso ng naging operasyon ng kapatid niya. "Kumusta ka na? Nasaan ka na ba ngayon?" sunod-sunod niyang tanong. Hindi agad ito nagsalita, tanging ang paghinga lamang nito ang naririnig niya mula sa kabilang linya. "Ayos lang ako. Magkita tayo bukas. Ite-text ko na lang sa'yo kung saan at kung anong oras." Sagot nito sa garalgal na tinig. Pakiramdam niya ay umiiyak ito. Magsasalita pa lamang siya ng mawala na ito sa kabilang linya. Nang sinubukan niya itong tawagan, nakapatay na ang cellphone nito. Wala sa loob na napatingin siya sa cellphone niya. Bigla ay kinabahan siya. Kilala niya si Cristy. Masayahin ito. Kahit na may problema ito, mataas pa rin ang energy ng kaibigan niyang iyon. Kung ano man ang mayroon sa kaibigan niya, dalangin niyang nasa mabuti itong kalagayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD