NAALIMPUNGATAN si Sumi ng biglang tila mauntog siya sa kung saan. Agad niyang minulat ang mata niya. Pakiramdam niya ay medyo nahihilo siya, para kasing umuuga ang kinauupuan niya. Bahagya niyang pinilig ang ulo. Ganoon na lang gulat niya ng makita niyang nasa isang sasakyan siya at umaandar iyon. Ang mas ikinagulat niya ay ang nakalagay sa mga kamay niya. Nakaposas siya.
Si Miguel ang nalingunan niyang nagmamaneho ng sasakyan.
"Walanghiya ka! Bakit ako naka-posas? Saan mo ako dadalhin? Nasaan si Cristy? Anong ginawa mo sa kaibigan mo? Pakawalan mo ako dito!" sunod-sunod na tanong niya. Nagsisimula na siyang mag-panic.
"Hey, easy...ang dami mo agad tanong. But first, ano ang tunay mong pangalan?" tanong pa nito sa kanya. At nakakainis na tila ba kalmado ito.
"Sumi. Sushmita Mae Librada." Sagot niya.
Tumango-tango ito. "Sige. Isa-isahin natin ang mga tanong mo, okay? Kaya ka nakaposas kasi arestado ka sa salang pagnanakaw. Pangalawa, sa presinto kita dadalhin. Pangatlo, hindi ko alam kung nasaan ang kaibigan mong 'yon. Hinabol ko pa nga siya, pero natakasan ako." Mahabang paliwanag nito.
Nataranta siya ng marinig ang salitang "presinto". Hindi siya puwedeng makulong. Kapag nakulong siya, paano ang Nanay niya? Lalong lalo na si Jepoy? Baka may mangyaring masama sa kapatid niya.
"Parang awa mo na Sir. Huwag mo naman ako ikulong. May dahilan naman kung bakit ko ginawa 'yun eh." Pakiusap pa niya dito.
"Tinanong na kita kanina, pero nagsinungaling ka pa rin. Kung hindi sa walang preno mong kaibigan, hindi kita mahuhuli." Sabi pa nito.
Nanlaki ang mga mata niya ng matanaw niya sa hindi kalayuan ang presinto. Lalo siyang nag-panic.
"Mamang Pulis! Parang awa mo na! Huwag mo na akong ikulong. Nasa ospital ang kapatid ko at kailangan siyang maoperahan. Kailangan ko ng malaking pera sa lalong madaling panahon, ito lang ang naisip kong gawin para kumita ng malaki ng mabilisan." Pagmamakaawa pa niya.
"Puwede ba, Miss? Narinig ko na 'yan! Ganyan palagi ang katwiran ng mga kawatang gaya mo! Palagi n'yong dahilan 'yan!"
"Hindi ako nagdadahilan lang. Maniwala ka sa akin." Giit pa niya.
"Kung totoo man o hindi ang rason mo. Hindi dahilan ang pagnanakaw. Marami diyan puwedeng pagkakitaan. Bakit hindi ka magtrabaho? Sayang! Ang ganda mo pa naman. Iyon pala—"
"Wala kang alam sa pinagdaanan ko! Wala kang alam sa hirap ng buhay ko! Kaya huwag mo akong papangaralan na akala mo ako ang kauna-unahang magnanakaw na nahuli mo!" singhal niya dito. Kasunod niyon ay kumawala ang mga luha niya.
Natahimik ito. Siya naman ay hindi na muli pang nagsalita at tahimik lang na umiyak habang nakatanaw sa gilid ng daan. Kailangan niyang makaisip ng paraan para makatakas. Ilang sandali pa ang nagdaan ng mag-ring ang cellphone niya. Naka-posas man ang magkabilang kamay ay nakuha pa rin niya iyon mula sa bag niya na sa ibabaw ng hita niya. Nang makita niyang ang Nanay niya ang tumatawag, agad na sinagot niya iyon. Ni-loudspeaker pa niya iyon para marinig ng walang modong pulis na ito na sa pagkakataong ito. Hindi siya nagsisinungaling.
"Hello 'Nay," bungad niya.
"Anak, Nasaan ka na ba?" tanong nito. Nasa boses nito ang labis na pag-aalala.
"Bakit po? May problema ba?"
"Kinausap ako ng doctor ulit kanina, Sumi. Tinatanong nila yung pambayad sa pang-opera ni Jepoy. Kapag hindi daw naoperahan agad ang kapatid mo, baka daw hindi na tumagal ang buhay niya." paliwanag ng Nanay niya, kasunod niyon ay napahagulgol na ito sa kabilang linya.
Hindi na rin niya napiligilang umiyak. Pero tinakpan niya ang bibig niya para hindi marinig ng Nanay nito na maging siya ay humahagulgol na. Siya lang ang kinukuhanan ng lakas nito. Hindi siya maaaring magpakita ng anuman kahinaan dito. Tumikhim siya para umayos kahit paano ang boses niya.
"'Nay, huwag po kayong mag-alala. Gagawa po ako ng paraan. Akong bahala." Wika niya.
"Sige Anak, mag-ingat ka." Anang Nanay niya.
"Opo. Kayo din po, balitaan n'yo ako."
Nang mawala na ito sa kabilang linya ay hindi pa rin siya nagsalita. Maging ito ay tahimik din na nagmamaneho. Ilang sandali pa ang nagdaan. Nagulat siya ng dumiretso ito at hindi tinuloy sa presinto ang sasakyan. Bagkus ay pumarada ito sa isang tabi. Saka walang imik na tinanggal ang posas sa kamay niya.
"I'm sorry." Kapagkuwan ay sabi nito.
Hindi pa rin siya sumagot. "Hindi mo masisisi sa akin na hindi maniwala ng basta-basta sa'yo. Pulis ako. Marami na akong nahuli na magnanakaw na ganyan ang mga rason." Sabi ni Miguel.
"Alam ko," usal niya.
"Gusto kong makasigurado."
Napatingin siya dito. "Ha? Saan?" tanong niya.
"Gusto kong makasigurado kung anong tunay na lagay ng kapatid mo." Sagot ni Miguel.
"Bakit?" tanong ulit niya.
"I have a proposal." Sagot nito.
"Ano naman 'yon?"
"Hindi na kita ikukulong. I'll help you financially about your brother's operation. On one condition, sasama ka sa akin."
"Ha? Ano? Saan? Nababaliw ka na ba?" sunod-sunod at naguguluhang tanong niya.
"Sa bahay ng Lolo at Lola ko. Maninilbihan ka doon."
Nanlaki ang mata niya. "Baliw ka ba? Hindi mo ako kilala. Pinagnakawan kita! Tapos tutulungan mo pa ako? At dadalhin mo pa ako sa bahay n'yo. Paano kung doon ako magnakaw? Base sa gara ng kotse mo, mukhang mayaman ka." Sabi pa niya.
"Take it or leave it. Mamili ka. Dadalhin kita sa presinto ngayon? O papayag ka sa gusto ko? Kung tutuusin, wala dapat akong pakialam sa'yo. Pero alam ko ang pakiramdam ng mawalan ng minamahal sa buhay. Kahit na pulis ako, tao din ako. May puso ako. At marunong akong makaramdam." Seryosong paliwanag nito.
"Sabi mo nga Miss Sushmita Librada, napilitan kang gawin 'yon. Siguro naman may konsensiya ka." Dagdag pa nito.
"Sumi na lang ang itawag mo sa akin." Singit niya.
Ilang sandali siyang natahimik. May katwiran ito. Mas mainam na siguro iyon, kesa maghimas siya ng rehas na bakal. Mas lalo siyang walang magagawa para sa kapatid niya.
"Kailan ako magsisimula?" tanong niya dito.
NILUKOB ng awa ang damdamin ni Miguel. Hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit bigla ay nagbago ang isip niya. He was so eager to put her in jail. Galit siya sa mga magnanakaw. Pero nang marinig niya ang conversation nito at ng Nanay nito. Hinaplos ng awa ang puso niya. Ramdam niya ang sinseridad ng sitwasyon ng dalaga. Pero bilang isang alagad ng batas. Kailangan din niyang makasigurado. Ayaw na niyang maloko ulit.
Naroon na sila ng mga oras sa iyon sa ospital. Personal niyang nakita ang tunay na kalagayan ng kapatid nito. Maging ang Nanay ni Sumi ay nangangayayat, halatang mahina din ang katawan nito. Nang naging abala sa pakikipag-usap si Sumi sa Nanay nito ay pasimple siyang nag-imbestiga sa mga Nurses na naka-duty. Kinumpirma ng mga ito na totoo ngang pamilya ni Sumi ang naroon. Sa unang tingin niya sa dalaga. Mas mukha itong easy-go-lucky na kolehiyala. Hindi halatang halos pasan na nito ang daigdig sa sobrang bigat ng problemang dinadala nito.
Nang saglit itong kinausap muli ng Nanay nito, ay tumawag siya sa bahay nila. Kinausap niya ang Lolo niya tungkol sa plano niyang pagdala kay Sumi sa bahay. Sinabi niyang maninilbihan ito doon, sa ilang minuto nilang pag-uusap ng Lolo niya sa telepono ay naikuwento niya dito ang tunay na nangyari. Masaya naman siyang naintindihan nito ang naging desisyon niya. Sinabi rin nito na timing ang pagkuha niya kay Sumi. Kaya pumayag ito sa sinabi niya. Umuwi kasi si Inday sa Pampanga. Kinailangan nitong umuwi sa pamilya nito, dahil napag-alaman nitong may sakit ang asawa nito.
He looked like a lovestruck fool when he first saw her. Napakaganda kasi nito. She has a face of an innocent angel. Her almond-shaped brown eyes give more emphasis to her beauty. Tila ba pinto iyon ng langit sa tuwing ngumingiti ito. Nakita niya iyon kanina habang nagsasayaw sila sa Bar. And her lips, her sweet kissable lips. Kaya hindi niya napigilan ang sarili na halikan ito kanina. At ang maputi at flawless nitong balat, para bang kay sarap haplusin niyon. A true and natural beauty. Kahit sinong lalaki ay mabibighani ito. Kaya hindi na siya nagtaka na sa sandaling oras ay daig pa niya ang namatanda.
"Hoy, okay ka lang?" pukaw nito sa kanya.
Napapitlag siya. Sabay lingon sa katabi niya. Nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya.
"H-ha? Ano nga ulit ang sabi mo?" balik-tanong niya kay Sumi.
"Nagugutom ka na nga." Sabi nito. "Tinatanong kita kung nagugutom ka ba?"
Nagkibit-balikat siya. "Hindi masyado. Pero, okay lang din kumain." Sagot naman niya.
"Good. Tara! Kain tayo. Nagugutom na ako eh." Wika nito.
Habang kumakain sila sa canteen ng ospital. Nagku-kwento ito kung paano nito natutunan ang ganoon gawain. Pati ang dahilan kung bakit naghirap ito at ang pamilya nito ng ganoon. At gustong hangaan ni Miguel ang tibay at lakas ng loob ni Sumi. "Hanga ako sa katatagan mo." Aniya. Sa pagkakataong iyon, nasa garden na sila ng ospital naglalakad at nagpapahangin.
Nagkibit balikat ito. "Kailangan eh. Dahil kung hindi, baka matagal na kaming patay na dilat ang mga mata."
Tumango siya. "Nagpaalam ka na ba sa Nanay mo?" tanong niya.
"Oo. Nasabi ko na."
"Handa ka na? Simple lang naman ang gagawin mo doon. Maglinis ng bahay. Magluto. Maglaba ng damit ng Lolo at Lola ko." Paliwanag niya.
"Mabait ba mga kamag-anak mo?" balik-tanong nito. Hindi siya sumagot. Ngumiti lang siya.
"I'm sure, mag-eenjoy ka doon." Sa halip ay sagot niya.
ALAS-kuwatro na ng umaga ng dumating sila sa Pasig. Ayon dito, doon daw ito nakatira. Saglit itong tumigil sa isang malaking gate na kulay pula, bumaba ito at binuksan iyon. Saka doon pinasok ang sasakyan. Pagpasok ng bakuran ay bumungad sa kanya ang isang malaki at lumang bahay. Habang ang hardin ay may mga ilaw sa paligid.
Napaisip siya. Mukhang mayaman at may sinabi sa buhay si Miguel.
"Let's go. Baba na tayo." Anito.
Pagbaba niya ng sasakyan ay muli niyang nilibot ang paningin sa paligid.
"Dito ka nakatira?" manghang tanong niya. "Ang laki pala ng bahay mo."
Napangiti ito. "Correction. Bahay ito ng Lolo at Lola ko. Anyway, mamaya na lang natin pag-usapan 'yan. Ang mabuti pa, matulog na lang muna tayo." Sagot nito.
"Okay."
"Alam mo? Hindi ka mukhang pulis." Komento niya.
"Talaga?"
Tumango siya. "Mas mukha kang modelo. Buti walang babaeng gustong magpahuli sa'yo. Sa guwapo mong 'yan. Mas nanaisin nilang makulong para sa'yo." Wala sa loob na sagot niya. Mayamaya ay natigilan siya.
Ano ba 'yung sinabi mo, Sumi? Para mo na rin sinabing na-attract ka sa kanya!
Natutop niya ang bibig. Bahagya itong tumawa.
"Really? Guwapo ako? Siguro sinadya mong magpapansin sa akin kanina no?" tudyo pa nito sa kanya. "Siguro may gusto ka sa akin."
"Tse! Feelingero naman agad!" kunwari'y pagtataray niya dito.
Natatawang kinuha nito ang malaking bag na bitbit niya, mga damit niya ang laman niyon. "Ako ng magdadala n'yan." Sabi nito, sabay kuha ng bag.
Agad siyang sumunod ng pumasok ito ng bahay. Dahil madaling araw na, nakapatay lahat ng ilaw sa buong bahay kaya medyo madilim ang paligid. Paakyat na sila ng hagdan ng matalisod siya.
"Ay peklat!"
Sa isang sandali ay nasa tabi na siya nito. Naalalayan siya nito sa magkabilang braso. Umangat ang ulo niya. Parang may sumipa sa dibdib niya ng biglang sumikdo ang puso niya. Halos isang dangkal lang kasi ang layo ng mukha nila sa isa't isa.
"Shhh!" saway nito sa kanya.
"So-sorry naman. Ang dilim kaya." Kandautal niyang hinging-paumanhin.
Matiwasay silang nakapasok sa kuwarto nito. Pagkatapos nitong ibaba ang gamit niya sa isang tabi ay binalingan siya nito.
"Magtitimpla ako ng coffee. Gusto mo rin ba?" tanong nito.
Tumango siya. "Sige," pagpayag niya.
"Okay, hintayin mo na lang ako diyan." Anito, saka sandaling lumabas sa kuwarto nito. Inikot ni Sumi ang mata sa paligid. Base sa klase ng disenyo ng bahay na iyon. Halata ng mataas ang antas ng pamumuhay nito. Nang igala niya ang paningin sa buong silid. Nakita niya ang iba't ibang koleksiyon ng baril ni Miguel na nakasabit sa dingding. Nang medyo maramdaman na niya ang pagod, nagdesisyon siyang sandaling mahiga sa kama ni Miguel.
Hindi maiwasan ni Sumi ang mapapikit. Kaysarap kasing mahiga doon. Malambot ang kama, hindi kagaya ng hinihigaan niyang papag sa bahay nila na masakit sa likod. Doon, parang minamasahe ang likod niya. Hanggang sa hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya.
"SUMI," tawag ni Miguel dito, pagpasok niya sa silid. "Tara, dito tayo sa labas magkape." Sabi pa niya.
Pero agad din siyang natigilan ng makitang himbing na natutulog na ito sa ibabaw ng kama niya. Kahit na alam niyang may mabigat itong dinadalang problema. Nakikita niya ang kapayapaan sa mukha nito. Marahil ay talagang pagod ito. Physically ang emotionally. Hindi napigilan ni Miguel ang sarili na lapitan ito. Saka tinitigan ito ng malapitan.
Tunay nga na kay gandang babae nito. Nakakapanghinayang lamang, dahil naging biktima ito ng kahirapan. Hindi alam ni Miguel kung ano itong ginagawa niya. Kung bakit niya tinutulungan ang isang estrangherang sinubukan siyang nakawan. Marahil, dahil napatunayan niyang hindi nito ginusto ito. Puwede rin naman dahil naawa siya dito. Pero ang sabi ng puso niya, iyon ang nararapat gawin. Ang maging blessing sa ibang tao, sa kabila ng lahat. Hindi niya maintindihan, pero tila ba sinasabi ng puso't isip niya na tama ang ginawa niya.
"Hoy! Anong ginagawa mo sa kanya?" singhal sa kanya ni Marisse pagpasok nito sa silid niya.
"Shhh!" saway niya dito. "Huwag kang maingay, natutulog na siya." Aniya.
"Eh bakit ang lapit ng mukha mo sa kanya? May balak kang masama no?" panghuhuli pa nito.
Binato niya ito ng unan. "Baliw! You know me better than that." Sagot niya.
"Joke lang, 'to naman! Eh paano na 'yan nakatulog na siya?" tanong ni Marisse.
"Hayaan mo na lang muna siya dito, bukas na lang natin siya palipatin sa kabilang kuwarto. Ayokong gisingin, mukhang masarap ang tulog niya eh." Sagot niya.
"Huwag kang gagawa ng kalokohan ah!" paalala ni Marisse.
"Alam ko! Pulis ako Marisse! Hindi ko gagawin ang kung ano mang nasa isip mo."
"Good!"
"Bihisan mo na lang muna siya ng pantulog mo, lalabas muna ako." Aniya dito.
NAG-INAT si Sumi, saka niyakap ang malaking unan sa tabi niya. Kaysarap ng tulog niya. Iyon na yata ang pinakamasarap na tulog niya sa buong buhay niya. Nanaginip kasi siya. Nakahiga daw kasi siya sa isang malaki at malambot na kama. Pero ganoon na lang gulat niya at biglang dilat ng may isang malaking braso na yumapos sa beywang.
Nanlaki ang mata niya. Dahil bumungad sa kanya ang natutulog at guwapong mukha ni Miguel. Nang tingnan niya ang suot niya. Hindi na ang itim na dress ang suot niya. Nakapantulog na siya. At maganda ang suot niya. Kung ganoon, sino ang nagpalit ng damit niya? Sa isiping iyon, agad siyang bumalikwas ng bangon. Saka umalingawngaw ang malakas na tili niya sa buong paligid. Halos tumalon ito pababa ng kama, at sa isang iglap ay may hawak na itong baril.
"Nasaan ang magnanakaw? Nasaan?" sigaw pa nito habang nanlalaki ang mata at nakatayo ang buhok nito.
Muli na naman siyang napatili ng makitang tanging boxer shorts lang ang suot nito. Tumambad sa harap niya ang matipunong katawan nito. Bigla ay naalala niya ang halik na pinagsaluhan nila sa gitna ng dancefloor ng Bar. Mabilis niyang pinilig ang ulo. Hindi na dapat maulit ang eksenang iyon.
"Nasaan ang kalaban?" tanong ulit nito.
Binato niya ito ng unan. "Walanghiya ka! Anong ginawa mo sa akin?" naiiyak na tanong niya, saka tinakpan ng kumot ang sarili.
Nagulat pa ito ng tumama ang unan dito. "Ano?" naguguluhang tanong nito.
"Anong ginawa mo sa akin? Walanghiya ka! Oo, nanloloko ako ng tao. Pero hindi ako babaeng mababa ang lipad! Virgin pa kaya ako!" tungayaw niya.
Tila naguguluhan na kumunot ang noo nito, saka binaba ang hawak na baril.
"Ano bang pinagsasabi mo diyan?" tanong nito.
"Anong ginawa mo sa akin? Bakit iba na ang damit ko?" balik-tanong niya dito.
Parang nakukunsuming nagkamot ito ng ulo. "Pambihira naman oh! Akala ko naman kung ano ng nangyari eh, kung makasigaw ka! Wala akong ginagawa sa'yo! Walang nangyari sa atin kung iyan ang iniisip mo!"
"Eh bakit iba na ang damit ko?"
"Hindi ako ang nagpalit ng damit mo. Si Marisse, 'yung pinsan ko."
"Eh bakit magkatabi tayo?"
"Saan mo ako balak patulugin? Sa lapag? This is my room, Miss. And this is my bed. Besides, hindi ako kagaya ng ibang lalaki diyan. Gentleman ako. Dahil kung may sapak ang utak ko, hindi lang halik ang ginawa ko sa'yo kagabi." Mahabang litanya nito.
Mabilis niyang inalis ang tingin dito. Bigla kasing nag-init ang pisngi niya, alam niyang namumula na ang mukha niya. Parang kabuteng sumulpot sa isip niya ang halik na pinagsaluhan nila kagabi.
Nagulat pa sila pareho ng biglang bumukas ang pinto, saka sunod sunod na pumasok ang tatlong kalalakihan. May mga hawak itong walis tingting, dos por dos na kahoy at ang may hawak ng takip ng arinola ay ginawang helmet ang mismong arinola, sa kabilang kamay nito ay walis tambo.
"Pinsan! Nasaan ang magnanakaw?!" pasigaw na tanong ng isa.
"Lumabas ka diyan! Pangahas na kawatan!" anang lalaki na nasa gitna.
"Lumwal ka nung ali! Mayari ka kanaku!" sabi pa ng ikatlong lalaki. Ibig sabihin nito ay "Lumabas ka! Kundi yayariin kita!"
Imbes na matakot ay natawa pa siya. Bukod kasi mga nakakatawa ang itsura ng mga ito, ay hindi magpapahuli ang mga ito sa kaguwapuhan. Ngunit hindi niya maintindihan, iba pa rin ang dating ni Miguel sa kanya.
"Ano ba? Tumigil nga kayong tatlo!" saway pa nito sa mga bagong dating.
"Bakit ka ba sumigaw?" tanong ng may hawak na walis tingting. Iiling-iling na napakamot sa batok si Miguel.
"Hindi ako ang sumigaw! Kelan pa 'ko naging boses babae?" sagot ni Miguel.
"Aba malay ko, kung iyan ang bagong talent mo." Sabi pa ng may hawak na dos por dos.
"Ho my Gad!" kunwa'y tili ng may hawak na arinola. Nakatingin ito sa kanya. "Pinsan, ot me sinira ing prinsipyu mu? Kakarine daka! Bakit? Pagkayari dakang pigmaragul!"
Napakunot-noo siya. "Ano daw?" tanong niya kay Miguel.
"Sinira ko daw ang prinsipyo ko, Kinahihiya daw n'ya ako! Pagkatapos daw niya akong ipagmalaki." Paliwanag nito.
"Ano na naman 'yun?" baling nito sa huli.
"Sino ang babaeng ito?" tanong nito, sabay turo sa kanya.
Sasagot pa lang si Miguel nang pumasok ang isang babaeng medyo may kaliitan. Sa tantiya niya, medyo mas matangkad siya dito ng konti. Napansin niyang may malaking pagkakahawig ito sa mukha ng lalaking arinola.
"Oh! There you are beautiful girl." Magiliw na bati nito sa kanya. "Good Morning to you! Huwag mong masyadong titigan sa umaga ang pagmumukha nila. Baka magka-bad breath ka!" biro pa nito.
"Good Morning din!" ganting-bati niya dito.
"First of, let me introduce myself. I'm Maria Marisse Mondejar Ison. Sa kasamaang palad, nagkamali yata si God ng sinapupunan na pinagdalan sa akin, at isiniksik ako sa matris ng Mommy ko kung saan nandoon na ang isang ito." Sabi nito, sabay hila sa lalaking arinola. "My unfortunately, twin brother. Marvin Mondejar Ison." Nilahad nito ang isang kamay, na tinanggap naman niya.
"Nice to meet you. Uh, what's your name again?" tanong pa ng lalaking nagngangalang "Marvin."
"Sushmita Mae. Pero Sumi na lang ang itawag n'yo sa akin." Sagot niya.
Nag-unahan sa paglapit ang dalawa pa. "Hi Sumi, I'm Wesley." Pagpapakilala ng may hawak na walis tingting.
"And my name's Glenn. Mga pinsan kami ni Miguel." Anang may hawak na dos por dos.
"Hoi! Pota yu nia bulabagun I Sumi! Lumwal ko pa mu!" singhal ni Miguel sa mga ito.
"Hoy! Mamaya n'yo na nga kunsumihin si Sumi! Lumabas muna kayo!" pag-translate pa ni Marisse, pagkatapos ay ngumiti ito sa kanya. "Sumama ka na rin sa akin, ituturo ko ang magiging kuwarto mo. Mas okay na rin kung hindi ka magtagal dito. Baka mamaya sapian ng kung ano si Miguel at bigla kang sunggaban." Sabi pa nito sa kanya, sabay peace sign sa pinsan nito.
"Labas na kung lalabas kayo, gusto ko pang matulog." Reklamo ni Miguel.
Binalingan ni Marisse ang kakambal nito. "Ikaw naman hunyango, kunin mo 'yung bag n'ya para may maganda kang ambag sa bayan na ito."
"Oo ba, total mukha kang tuko!" ganti naman na pang-aasar nito.
Napangiti siya. Hindi pa man nangangalahati ang unang araw niya sa bahay na iyon. Mukhang magiging maganda ang kakahinatnan pagtigil niya doon. Bukod sa mga bagong kakilala. Ang unang dahilan ng iyon ay ang biglang pagsulpot ng nagmistulang anghel na nagkatawang tao. Si Miguel.
Sino ka nga ba PO3 Miguel Despuig? Gusto kitang makilala...