Chapter Two

2830 Words
"ANG taray naman talaga! Anong sabi ng mga artista natin sa ganda mo?" nakangiting puri ni Cristy kay Sumi. "Heh! Huwag ka na ngang mangbola diyan!" saway niya sa kaibigan. "Sus! Ikaw talaga, imbes na magpasalamat ka dahil pinupuri ka." Maktol nito. "Actually, nagpapatawa lang ako. Dahil sa totoo lang, kinakabahan din ako. My gulay! Pagkatapos ng ilang siglo kong pagbabalik loob sa Diyos, bigla kong babalikan ang ganitong gawain. Ang alam ko na lang ngayon ay tumipa ng keyboard at makipagtitigan sa monitor ng computer." Sabi pa ni Cristy. Malungkot siyang napangiti. Sabay gagap sa isang kamay ng kaibigan. "Pasensiya ka na ha? Alam kong nangako na tayo pareho noon na wala ng balikan sa ganitong trabaho. Pero, nandito ka. Kinalimutan ang pangako sa sarili mo para lang matulungan ako." Naiiyak niyang wika. "Ay ano ba 'yan? Huwag ka ng umiyak! Okay lang 'yun. Naiintindihan ko naman eh. Kung ako siguro ang nasa kalagayan mo, baka ganoon din ang gawin ko." Pag-aalo pa nito sa kanya. "Maraming Salamat," sabi pa niya. "Walang anuman, 'to naman! Parang hindi tayo mag-bestfriend." Sagot nito. "Teka nga, ano? Okay na ba ang ayos ko?" tanong pa niya. Naroon sila sa loob ng kuwarto ng bahay ni Cristy at nag-aayos para sa lakad nila ng gabing iyon. "Oo nga! Kung tama ang bilang ko, pang limang beses mo nang tinatanong sa akin 'yan. Ang arte mo, parang first time mong gawin 'to ah!" sagot pa ni Cristy. Muli ay pinakatitigan niya ang sarili sa malaking salamin. Iyon ang araw na kailangan niyang balikan ang isang bagay na matagal na niyang pilit kinalimutan at talikuran. Ang pagiging ConArtist. Ang panloloko ng mga tao, para lang magkaroon ng malaking pera. Bakit nga ba niya ginagawa iyon? Simple lang ang sagot. Dahil sa pera, para maisalba ang buhay ng kapatid niya. Magaling kasi siyang impersonator. Matandang babae, Executive and Career Woman, College Student, Ladyguard, Pulis, Siga sa kanto, tomboy at maging isang GRO ay kaya niyang gayahin. Iyan si Sumi noon. Trabaho niya dati ang gayahin ang mga iba't ibang klase ng tao. Trabaho niya na manloko ng tao para sa malaking halaga ng pera. Simple lang naman ang kailangan niyang gawin. Kakaibiganin niya ang biktima, nang makuha na niya ang tiwala nito saka niya ito kukuhanan ng pera. Kapit sa patalim sabi nga nila. Ganoon nga siguro kapag hindi mataas ang pinag-aralan. Kahit anong klase ng trabaho ay papasukin, may maipakain lang sa pamilya. Hindi kasi siya nakatapos ng highschool. Nasa third year highschool na siya noon, nang mapilitan siyang tumigil para magtrabaho sa batang edad niya. Iyon ang mga panahon na iniwan sila ng Tatay nila para sumama sa ibang babae. Naiwan silang mag-iina na halos walang makain. At dahil menor de edad, wala siyang mapasukan na matinong trabaho. Lahat na yata ng klaseng trabaho napasukan na niya. Tindera sa palengke, kasambahay, labandera, kusinera. At dahil sa squatter's area sila nakatira. Isang kapitbahay nila ang nagturo sa kanya kung paano kumita ng mas malaking pera. Ang pagiging ConArtist. Sa trabahong ito niya nakilala si Cristy. Mas propesyunal ito kumpara sa kanya. Ayon na rin kay Cristy, bata pa lang ito ay iyon na ang gawain nito. Ito halos ang nagturo sa kanya ng lahat na modus operandi na alam niya. Nang mga panahon na iyon ay mag-iisang taon pa lang si Jepoy, pero napaka-sakitin nito. Kaya para sa kapatid ay pikit-mata niyang tinanggap ang alok ng kapitbahay niya. Gustuhin man ng Nanay niyang tulungan siya sa pagta-trabaho ay hindi rin pwede. Naging sakitin ito nung mga panahon na pinagbu-buntis nito si Jepoy. Kaya ng lumabas ang kapatid niya ay naging mahina din ang katawan nito. Ngayon, ito lang tanging magbabantay kay Jepoy. Kaya siya ang nagsisilbing Padre de Pamilya. Sa una'y kinakabahan siya. Hanggang sa masanay na. Nang makaipon ng sapat na pera, pinlano na niyang huminto sa masamang gawain na iyon. Hindi biro ang pang-uusig ng konsensiya niya sa gabi bago siya matulog. Sa bawat taong niloloko nila at nakukuhanan niya ng pera, abot hanggang langit ang paghingi ng tawad niya sa Diyos. Alam ng Panginoon na hindi niya ginusto iyon, ngunit wala siyang mapagpipilian. Kailangan mabuhay ng kapatid niya. Hanggang sa dumating ang araw na nakaipon siya ng sapat para makapag-bagong buhay. Dala ang pag-asa, nilisan nila ni Cristy ang masamang gawain na iyon. Ilang taon na nga ang nakakalipas, nakapag-bagong buhay na sila pareho. Ngunit dumating na naman ang isang dagok sa buhay niya. Muli na naman kinailangan ni Jepoy na magpagamot, at sa pagkakataon na ito. Kailangan na nitong maoperahan. Ayon sa doctor, kapag hindi nito naoperahan ang kapatid niya. Sa susunod na atakehin ito ay baka hindi na ito makaligtas pa. "Girl, okay ka lang?" untag sa kanya ni Cristy. Bahagya siyang napapitlag. Saka niya namalayan na umiiyak na pala siya. Mabilis niyang dinampian ng tissue ang pisngi niya. Baka kasi mabura ang make-up niya. Hindi pwedeng mabulilyaso ang gabing iyon. Iyon ang unang gabi niyang pagbalik sa gawain na iyon. Kapag nakaipon na siya, balik na siya sa normal na buhay. "Oo, pasensiya ka na. Napaka-emotera ko ngayon." Aniya. "Sure ka ba dito, girl?" tanong pa ni Cristy sa kanya. "Puwede naman na ako ang gumawa nito." Umiling siya. "Hindi. Ako ang gagawa nito. Marami ka nang nagawa para sa akin ng pamilya ko." Lumuluhang sagot niya. "Ano ka ba? Wala 'yun! Kaibigan mo ako. Kaya tutulungan kita hangga't kaya ko." Naluluha na rin wika nito. Pagkatapos ay niyakap siya nito ng mahigpit. "Kaya mo 'yan, Sumi. Marami ka ng problemang nalagpasan. Maliit na bagay na lang ito para sa'yo." Pagpapalakas pa nito ng loob niya. Naiyak na siya ng tuluyan. Dahil ang totoo, unti-unti na rin siyang pinanghihinaan ng loob. Minsan nga ay nakakaramdam na rin siya ng pagod, ngunit hindi siya pwedeng mapagod. Kanino pa huhugot ng lakas ang Nanay niya at si Jepoy kung pati siya ang manghihina. "Tama na nga ang dramahan." Awat sa kanya nito. Ito na ang nagpunas ng  luha niya, pagkatapos ay nag-retouch na lang siya. "So paano? Let's go? Ready ka na?" tanong pa sa kanya ni Cristy. Huminga muna siya ng malalim. "Oo, ready na ako." Sagot niya. Ang role niya ng gabing iyon ay isang kolehiyala. Target nila ang mga mayayaman at mga guwapong lalaki sa loob ng Groove Bar. At dahil sa angkin niyang galing sa panggagaya. Sisiw lang sa kanya ang gumanap bilang isang kolehiyala at party goer na babae. Nang makarating na sila doon, tatlong beses pa siyang huminga ng malalim. Kasama niya si Cristy sa loob ng Bar. Ito ang magsisilbing look out. Magkukunwari itong isa sa mga socialite. Papasok pa lang sila sa entrance ay naririnig na nila ang malakas na musika na nagmumula sa loob ng Bar. Unti-unti ay sinalakay ng kaba ang kanyang dibdib. Parang gusto niyang mag-back out na lang. Ngunit sa tuwina ay sumasagi sa isip niya ang kapatid na nakaratay sa ospital. Go Sumi! Kaya mo 'yan! Ilang gabi lang 'to! Pangungumbinsi pa niya sa sarili. Pagpasok nila sa loob ay agad na humiwalay sa kanya si Cristy. Pasimple niyang inayos ang suot niyang black dress. Hanggang itaas ng tuhod niya ang haba niyon, at labas ang isang balikat niya. Hindi rin niya pinahalata na gusto na niyang ibato ang suot niyang high heels dahil sumasakit na ang paa niya doon. Kailangan niyang umarte ng natural. Habang nagmamasid ng possible target niya. Naupo muna siya sa Bar Counter. "One dry martini, please." Sabi pa niya sa bartender. Agad na tumalima ito. Habang nagmamasid sa paligid, ilang mga lalaki ang lumapit sa kanya. Pinag-aralan niya ang mga ito, karamihan sa mga iyon ay pawang mga kabataan. Nakokonsensiya naman siya na biktimahin ang mga ito. Muli ay nagmasid siya sa paligid. Ilang sandali pa, may tumabi sa kanyang isang lalaki. Pasimple siyang lumingon dito. Lihim siyang napangiti. Unang tingin pa lang ay halatang mayaman na ito. Mukha rin naman mas matanda ito sa kanya. Pero isa ang tumatak sa isip niya. Napaka-guwapo nito. Hindi niya namalayan na nakatitig na pala siya dito. Sino nga ba ang hindi matutulala dito? Walang sinabi ang mga artista sa guwapo nito. Sa tingin niya, isa itong modelo. Hindi siya sigurado pero tila Moreno ang kulay ng balat nito. Matangos ang ilong nito. Sayang nga lang at hindi niya makita ang mata nito. Naka-sideview kasi ito. Ang buhok naman nito ay natural at mukhang malinis ang pagkakagupit. Heh! Hindi ka pumunta dito para mag-pogi hunting. Pumunta ka dito para mag-trabaho. Paalala ng isip niya. Napakurap siya. Kasabay niyon ay biglang lumingon ito sa gawi niya. Parang nagliwanag ang paligid ng bigla itong ngumiti sa kanya. Bigla ay kumabog ang puso niya. Pakiramdam niya ay may mga paruparo sa tiyan niya. "Hi," anito. Bumuka ang bibig niya, ngunit walang lumabas na boses doon. Parang nalunok niya ang dila niya. Tumikhim pa siya bago nakapagsalita ng maayos. "Hi," sagot niya. "What's your name?" pasigaw na tanong nito sa kanya. Dahil napakalakas ng musika, halos hindi sila magkarinigan. "Mae!" sagot niya habang kunwari ay umiindak siya kasabay ng musika. "How about you?" tanong din niya. "Miguel!" Ngumiti siya dito. "Nice to meet you!" "Care to dance?" tanong nito sa kanya. Tumaas ang invisible na antenna niya sa ulo. 'Eto na ang tamang tyempo para sa kanya. Kapag nagsasayaw na sila, ang kailangan lang niyang gawin ay libangin ito habang pasimpleng dinudukutan ito. Pasalamat pa siya dahil maraming tao sa dance floor, ang atensiyon ng mga tao doon ay ang walang katapusang pagsayaw. Kaya malaki ang tsansa niyang hindi mapansin, kailangan lang talaga ay ang doble ingat. "Sure!" sagot naman niya. Habang papunta sa dance floor. Nasipat ng mata niya si Cristy, abala ito sa pakikipag-harutan sa isang lalaki, mukhang lasing na ang huli. Base sa nakikita niya sa mukha nito, mukhang gaya niya ay kinakabahan na rin ito. Pero sa tantiya niya, hindi malayong makuha nito ang pakay nito, dahil halatang lasing na ang lalaking kausap nito. Samantalang itong guwapong mama na ito. Walang bahid ng kalasingan. Ni hindi nga amoy alak ito, samakatuwid, ang bango nito. Nanunuot sa ilong niya ang panlalaking pabango nito. Tila ba inaakit siya para magpakulong ng kusa sa mga matipunong bisig nito. Pagdating sa dance floor, nilandian niya ang bawat indak ng katawan niya. Kailangan mahumaling ito sa kanya, kailangan ay makakuha siya ng tamang pagkakataon para makuha ang wallet nito. Habang nagsasayaw ay hinapit siya nito sa beywang, palapit dito. Nahigit niya ang hininga, kasabay ng muling pag-arangkada ng malakas na kabog sa dibdib niya. Hindi sinasadyang napatitig siya sa mata nito. The Amber brown color of his yes, relaxes her soul. Pakiramdam ni Sumi ay nahihipnotismo siya nito. Agad niyang binawi ang tingin dito. Hindi dapat siya ma-distract. Dapat ang isipin niya ay kung paano makukuha ang wallet nito. Kaya lalo pa niyang ginalingan ang pagkembot ng beywang niya. Ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya ng bigla siya nitong halikan sa mga labi. At sa bawat galaw ng labi nito, ay parang libo-libong boltahe ng kuryente ang nanunulay sa buong katawan niya. Pakiramdam ni Sumi ay nasa alapaap siya sa sarap ng halik na binibigay nito sa kanya. Wala sa loob na napapikit siya kasabay ng pagyapos niya sa katawan nito. Hanggang sa nahagip niya ang beywang nito. Naalala niya. Ang wallet. Agad siyang gumanti ng halik dito. Hindi dapat ito makahalata sa balak niya. Sa kabila ng ginagawa ay mas matinding kaba ang umaahon sa dibdib niya. Sa tagal ng panahon na ginawa niya ang ganitong klase ng trabaho. Hindi pa siya umabot sa eksenang ganito. Ngayon lang may lalaking humalik sa kanya, at isa pang estranghero. Isang napaka-guwapong estranghero. At hindi niya maintindihan kung anong mayroon ang lalaking ito at ganoon na lang kalakas ang dating nito sa kanya. Sa bawat galaw ng labi nito ay ginagaya niya. Kasabay niyon, ay ang unti-unting pagbaba ng isang kamay niya sa likod na bulsa ng pantalon nito. Dahan-dahan niyang dinukot ang wallet nito. Habang sakop pa rin nito ang labi niya. Siya naman ay nagdidiwang na sa isip niya. Malapit na niyang makuha ang wallet nito. Pero sa kabilang bahagi ng isip niya ay tila ayaw niyang huminto ang sandaling iyon. Parang gusto pa niyang manatili sa bisig ng lalaking ito at hindi na umalis doon. Weird man isipin, pero pakiramdam ni Sumi ay safe siya doon. Na tila ba hindi na siya iiyak pang muli. Agad na sumikdo ang puso niya sa isiping iyon. Konti na lang, Sumi. Wika niya sa isip niya. Ganoon na lang ang pagtataka niya ng bigla itong tumigil sa paghalik sa kanya. Parang gusto pa nga niyang mag-protesta. Pagkatapos ay tinitigan siya nito ng diretso sa mata. "What do you think you're doing?" tanong nito. "Ha? Anong ibig mong sabihin?" maang naman niyang tanong dito. Ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya nang bigla nitong hawakan ang kamay niyang nakahawak sa likod ng bulsa nito. Ang hindi niya maintindihang kaba na kanina pa gumugulo sa kanyang damdamin ay napalitan ng takot. Hindi sigurado si Sumi, pero parang nag-kulay suka ang mukha niya. "At ako pa talaga ang napili mong nakawan ah," sabi pa nito. Pagkatapos ay hinawakan siya ng mahigpit nito sa pulsuhan saka hinila palabas ng bar. "Teka, ano ba!" sigaw niya paglabas nila ng Bar. Dinala siya nito sa parking area kung saan wala halos mga tao. "Magnanakaw ka." Mababa ang tinig na pag-aakusa nito sa kanya. Pero may bahid ng awtoridad doon. "Wala akong alam sa sinasabi mo!" mariing tanggi niya. "Sinungaling ka!" prangkang sabi ni Miguel sa kanya. "Hoy excuse me! Hindi ako nagsisinungaling! Hindi ako magnanakaw!" giit pa niya. Kahit na ang totoo ay abot langit ang dasal niya na huwag sana siyang patamaan ng kidlat ng Diyos. Gustong-gusto ni Sumi na kumaripas ng takbo palayo sa lalaking ito. "Aamin ka ba? O ikukulong kita?" tanong pa nito na may kasamang pagbabanta. "Puwede ba? Hindi nga ako magnanakaw! Bakit may ebidensya ka ba? May nawala ba sa'yo?" panghahamon naman niya. "You're hands is on my wallet!" "At hinahalikan mo ako! Dapat nga ako ang magreklamo sa'yo, dahil sinasamantala mo ako!" ganti niya. "Huwag nga tayong maglokohan dito, Miss! You were kissing me back!" Napipilan siya. Oo nga naman. Kung alam lang ng lalaking ito ay nag-enjoy siya sa halik nito. "Hindi ah!" tanggi na naman niya. "Alam mo, Miss. Niloloko mo ang sarili mo!" sabi nito. Hindi siya sumagot. Humalikipkip siya, saka sumandal sa kotseng nakaparada sa likod niya. Wala na siyang masabi pa. May katotohanan naman ang sinasabi nito. "Ano? Aamin ka ba?" "Wala akong aaminin!" pagmamatigas niya. "Sayang ka! Ang ganda ganda mo pa naman, pero magnanakaw ka." "Hoy mister! Magdahan-dahan ka ng pananalita mo diyan! Baka isumbong kita sa pulis!" Sa gulat niya ay natawa ito ng malakas. Imbes na lalong mainis at mainsulto sa ginawang pagtawa nito. Tila naging musika pa sa pandinig niya ang sa tunog ng tawa nito. "Nagbibiro ka ba?" tanong nito sa kanya. "Mukha ba akong nagbibiro?" pagtataray pa niya dito. "Isang tanong. Isang sagot." Diretso sa matang wika nito. Sa pagkakataong iyon, halos isang dangkal na lang ang layo ng mukha nito sa kanya. "Umamin ka, sinubukan mong kunin ang wallet ko kanina, 'di ba? Ninanakawan mo ako." Napalunok siya ng laway. Inaatake na naman kasi siya ng kaba. Kung maaari nga lang niyang layasan ito ay ginawa na niya. Hindi niya gusto ang lakas ng dating ng lalaking ito sa kanya. "Hi-hindi." Halos pabulong na sagot niya. "Sumi! Sumi! My Gosh! Parang sasabog ang puso ko sa sobrang kaba. Natakot ako doon. Grabe! Ayoko na talaga, promise! Huli na 'to! Ayoko na! Akala ko mabubuking na ako. Mabuti na lang nakuha ko ang wallet ni Mamang m******s. Yuck! Hinihipuan ako! Ikaw? Kumusta lakad mo? May nakuha ka ba sa poging Mamang kasama mo kanina? Magkano? Basta last na 'to! Nangako tayo na huling huli na 'to! Ano na? Bakit hindi ka na kumibo diyan? Magkano nakuha mo kay pogi? Bilangin mo ng makaalis na tayo dito. Mas gusto ko na 'yung buhay na tahimik. Kung hindi lang talaga dahil sa'yo, grabe. Hindi ko na babalikan talaga ang gawain na ito." walang prenong sabi nito habang papalapit ito patungo sa kinaroroonan niya. Awtomatikong napahinto ito sa paglalakad ng pag-angat ng ulo nito ay nakita sila nito na parehong nakatingin dito. Kung pwede nga lang niyang ibato dito ang suot niyang sapatos ay ginawa na niya. Nawalan ng saysay ang pagda-drama niya. Ang walang habas na pagtanggi niya. Dahil buking na siya. Nanlaki ang mata nito. "Patay!" sabi nito, saka biglang namutla. "Hindi pala magnanakaw ah." Nakangising wika ni Miguel. Ganoon na lang ang nais niyang biglang mag-disappear nang dukutin nito ang dog-tag necklace nito mula sa loob ng suot nitong itim na polo. Tumambad sa kanya ang isang katotohanan na tatapos sa pangarap niya sa buhay. Nakasabit doon ang tsapa nito. "PO3 Miguel Mondejar Despuig." Pagpapakilala nito. "Patay," bulong niya. Kasunod niyon ay bigla siyang nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD