WALANG abog na naibagsak ni Miguel ang hawak niyang taco sa ibabaw ng billiard table. Na-scratch kasi ang tira niya. Ibig sabihin, pumasok ang cueball sa pocket hole ng billiard table. Kung kailan isang bola na lang ang natitira, saka pa siya na-foul. Nakangising tumayo si Jefti, si Marvin na nagsisilbing referee ay inabot ang cueball sa huli.
"Badtrip!" naiiritang sabi niya. Sa larangan kasi ng larong billiards, siya ang pumapangalawa sa magaling sa kanilang magpi-pinsan. Unang-una na si Jefti. Ang goal niya ay talunin ito. Isang hakbang na lang sa tagumpay, sumablay pa. Napabuntong-hininga siya. Mukhang malabo ang suwerte sa kanya sa araw na iyon. At tama nga siya ng hinala. Panalo na naman ito sa laban nilang Race to seven. Naghabulan sila ng score at ang huli nga ay ang tie breaker. Ang resulta, talunan na naman siya. Naroon sila ng hapon na iyon sa Restaurant at Billiard Hall na pag-aari ng pinsan at kalaban niya ngayon na si Jefti.
"Sorry insan! Today is not your lucky day." Nang-aasar pang wika ni Jefti.
"Yeah, I guess you're right. Pero huwag kang mag-alala. Darating din ang araw na matatalo kita." Nangingiting wika niya.
"Damn! Really? Hihintayin ko ang araw na 'yan!"
"O 'insan," ani Karl, sabay abot ng isang bote ng beer.
"No thanks," tanggi niya. "May duty pa ako eh, kailangan kong bumalik sa presinto mamaya." Paliwanag niya.
"Bilib din ako sa'yo." Sabad ni Mark sa usapan. "Kung tutuusin kahit hindi ka na mag-pulis at mag-negosyo ka na lang. Mas malaki pa ang kikitain mo. Hindi pa delikado buhay mo. Pero pinilit mo pa rin pumasok sa serbisyo."
Seryosong tiningnan niya ang pinsan niya. "You know the reason," walang bahid ng ngiti na wika niya.
His father, Major General Renato Despuig was one of the high ranking officials of Philippine National Police. Isa sa mga tinitingala at nirerespeto ng mga kapwa nila pulis. Ayon na rin sa kanyang Ama, bata pa lamang daw ito ay pagpu-pulis na ang ninais nito. Kaya nang makatapos ito sa highschool, kursong Crminology ang kinuha nito pagtungtong nito sa kolehiyo. Habang sa kasagsagan ng serbisyo nito ay may binuwag itong isang malaking sindikato. Isang grupo ng human traffickers. Kumukuha ito ng mga babae sa probinsya at illegal na binabyahe papuntang Malaysia upang dalhin sa isang Casa doon. At labis iyong ikinabahala ng gobyerno, at dahil sa maingat na imbestigasyon. Nabuwag ng grupo ng Papa niya ang sindikato.
Dahil sa pagkakabuwag ng grupo ng human traffickers. Lumabas din sa imbestigasyon na may ilang opisyal ng gobyerno ang kasama sa sindikato. Ang iba ay ang isang nagsilbing financier ng grupo. Naipakulong lahat ng iyon ng Papa niya.
Ngunit naging mitsa din iyon ng buhay ng mga magulang niya. Hindi niya makakalimutan ang gabing pinasok sila ng grupo ng mga kalalakihan. Sa harapan niya mismo ay pinagbabaril ng mga ito ang magulang niya, na siyang ikinamatay ng mga ito. Nakapagtago lang siya sa ilalim ng kama ng mga magulang niya kaya nakaligtas siya. He was only eleven years old back then. Sobrang trauma ang inabot niya ng mga panahon na iyon. Pero sa tulong na rin ng Lolo Badong at Lola Dadang niya, sampu ng buong Mondejar Family. Naka-recover siya sa malagim na pangyayaring iyon sa buhay niya. Nahuli ang mga pumatay sa magulang niya. Nakuha man niya ang katarungan, hindi rin nito naibalik ang buhay ng dalawang taong pinaka-importante sa buhay niya. Kaya't simula noon ay pinangako na niya sa sarili niya magiging katulad niya ang Papa niya. At nang lumaki siya, sinundan niya ang yapak ng nasirang Ama.
Kung wala siyang nagawa noon, ngayon, bilang si Police Officer 3 Miguel Dustine Mondejar Despuig. Gagawin niya ang lahat para maging mabuti at matapat sa sinumpaang tungkulin niya. At para masugpo ang masasamang elementong nagkalat sa paligid.
Napabuntong-hininga siya, saka napailing. Habang buhay na yatang nakatatak sa isip niya ang nakaraan niya. Muli niyang tinuon ang atensyon sa mga pangaral ng mga pinsan niya.
"Oo, alam ko. Pero concern lang kami. Pamilya tayo dito, ayaw lang namin may masamang mangyari sa'yo." Dagdag pa ni Marvin.
"Kaya kong sarili ko, insan. Kung oras ko, oras ko na. Wala ako magagawa doon, o kahit kayo. Saka nung araw na pumasok ako sa pagpupulis, tanggap ko nang nakabaon na sa hukay ang isang paa ko. God is with me."
"Eh paano ang gagawin mo kung mahanap mo ang babaeng mamahalin mo? Siyempre, mag-aalala siya sa'yo." Tanong pa ni Daryl.
"Saka ko na iisipin 'yon, kapag nasa tabi ko na ang sinasabi mong babae." Sagot niya. "Teka nga, bakit ba ako ang ini-interview n'yo? Alam ko talo ko sa laro." Protesta pa niya.
"Aruuu! Nandito lang pala kayong magpi-pinsan na Carwash Boys eh. May tatlong kotseng dumating. Hugasan n'yo na daw sabi ni Lolo!" sabad ni Inday sa usapan. Napalingon silang lahat dito.
"Ikaw na lang muna maghugas ng kotse doon, Inday. Malaki naman katawan mo eh." Pang-aasar pa ni Wesley sa kasambahay nito.
"Bangis!" dagdag pa ni Wayne. Pagkatapos ay nagtawanan sila. Iyon ang bansag at biro nila dito dahil habang tumatagal ang araw ay tumataba ito.
"Oh yes, bangis ako. Bangis sa kagandahan!" pakikisakay nito sa biro, saka pumose pa na parang modelo sa likod ni Jefti.
"Okay, nagkakalokohan na tayo dito." ani Jefti, kunwari ay walang ganang nag-martsa ito pababa ng hagdanan. Nasa second floor kasi ang billiard hall, sa first floor naman ang restaurant.
"Ate Inday, sa susunod tapangan mo pa ang kapeng iniinom mo. Para tubuan ka ng konting nerbiyos." Pang-aasar din ngi Jester dito.
"Tse! Mga Pengkum kayo! Tandaan n'yo, darating din ng araw na ang isa sa inyo babagsak din sa mga kamay ko!" sabi pa ni Inday.
"Asa ka pa!" ani Jefti.
"Ay siya, uwi na at naghihintay ang mga customer!"
Pagdating nila sa malaking garahe ng bahay ng Lolo at Lola nila. Napahinto pa sila may gate pa lang ng makita kung sino ang naabutan nilang nagsisimula nang maghugas ng kotse.
"Pinsan!" sigaw ni Karl. Sabay takbo at dinaluhong ng yakap ang mga bagong dating. Napangiti si Miguel. Bakit nga ba hindi? Dahil ang bagong dating ay ang dalawa pa niyang pinsan. Si Glenn Mondejar Pederico at Kevin Kyle Mondejar Bandong.
Si Glenn ay second cousin nila. Ang Mommy nila at Mommy nito ay mag-pinsang buo. Sa itsura nito, mukhang kakauwi lang nito galing sa Canada. Doon na ito naninirahan. Kapatid nito ang kilalang doctor at taga-doon din sa Tanangco na si Doctor Ken Charles Pederico. Gaya ng kapatid nito, ay Doctor din ito.
Si Kevin naman. Ang katotohanan ay hindi nila ito pinsan, o kahit kamag-anak. Ayon na rin mismo kay Lolo Badong kinupkop ito ng mga magulang ni Jester noong walong taong gulang lamang ito. Ayon pa dito. Ulilang lubos na daw ito, ikinamatay daw ng Nanay nito ang panganganak kay Kevin. Samantalang ang Ama nito ay namatay sa isang aksidente sa construction, na dating taga-doon sa Tanangco. Wala itong kahit isang kamag-anak kaya nagdesisyon ang pamilya na kupkupin ito. At dahil natural ang kabaitan kay Kevin, naging magaan ang loob nila dito. Hanggang sa tuluyan na itong naging parte ng pamilya nila.
"Miguel!" tuwang-tuwa salubong sa kanya ng dalawa.
Sinalubong niya ito ng yakap. "Langya! Insan, balita ko respetadong pulis ka na ah!" sabi pa ni Kevin sa kanya.
"Siyempre," sagot niya. "Teka, kelan ka pa dumating galing ng America?"
"Ngayong umaga lang,"
"Pambihira naman! Hindi man lang kayo nagpasabi na uuwi kayo, para nasundo man lang namin kayo sa airport." Sabi pa ni Gogoy.
"Nah! We wanted to surprise you!" sagot pa ni Glenn.
"Welcome home, insan!" sabi ni Jester dito. Pagkatapos ay binalingan nito si Kevin. "'Tol! Welcome home!"
"Salamat 'tol!" nakangiting wika ni Kevin.
Nagulat silang lahat ng biglang silang mabasa ng tubig. Si Wayne at Wesley pala, hawak nito ang dalawang hose gamit sa carwash at sadyang binasa sila. Malakas na nagtatawanan ang dalawa.
"Welcome home mga insan!" sigaw pa ng dalawa.
Imbes na maasar ay nagtawanan pa sila. Nang kalaunan ay nagbatuhan na sila ng sponge na may carwash soap. Habang abala silang magpi-pinsan sa pagkukulitan at parang mga batang naglalaro. Ang kanilang pinakamamahal na Lolo at Lola ay naroon lang sa lanai at parang mga teenager kung maglambingan.
Nakangiting pinagmasdan ni Miguel ang masayang pamilya niya. Oo nga't maagang kinuha ng Diyos ang kanyang magulang. Pero may isang bagay pa rin siyang dapat ipagpasalamat. Ang pangalawang buhay na binigay Niya sa kanya. At ang mga pinsan niya at ang Lolo at Lola niya na siyang nagsilbing pangalawang magulang niya.
HINDI mapakali si Sumi habang nasa emergency room. Naiiyak na siya sa sobrang pag-aalala sa nakakabata niyang kapatid. Kinailangan kasi niyang itakbo ito doon dahil biglang nanikip ang dibdib nito at mawalan ng malay. Matapos itong ma-check up ng doctor, may ilang test at procedures na ginawa sa kapatid niya.
Diyos ko po, iligtas N'yo po ang buhay ng kapatid ko. Taimtim niyang dalangin.
Mayamaya ay lumapit sa kanila ng Nanay niya ang doctor. "Kayo po ba ang pamilya ni Jepoy?" tanong nito.
"Opo, doc. Kumusta na po ang kapatid ko?" nag-aalalang tanong niya.
"Doon po tayo sa opisina ko mag-usap." Anang Doctor. Ginaya sila nito sa pribadong opisina nito. Agad naman sila nitong pinaupo sa dalawang bakanteng silya na nasa harap ng mesa nito.
"Pagkatapos ng series of test namin kay Jepoy, napag-alaman namin na may butas sa puso ng kapatid mo. Ito 'yung tinatawag na Complete Antrioventricular Canal Defect." Paliwanag ng doctor. Kumuha pa ito ng papel at doon drinawing ang kondisyon ni Jepoy. "Ang normal na porma ng puso natin ay ganito. May isang malaking butas sa puso natin sa upper chamber ng heart natin, at isa din sa lower chamber ng heart natin. Ang nangyari sa kapatid mo, ay imbes na dalawang magkahiwalay, naging isang malaking butas ang nag-develop sa heart niya. Kaya hirap na hirap siyang huminga." Paliwanag ng Doktor.
"Misis, matanong lang po kita. Nagkasakit ba kayo noong pinagbubuntis ninyo ang bata?" tanong ng Doktor.
"Opo Doc, naging mahina ang katawan ko noong pinagbubuntis ko siya." Sagot naman ng Nanay niya.
"Marahil, dahil doon kaya hindi na-develop ng tama ang puso ni Jepoy. Ang simptomas ng sakit na ito ay palaging kinakapos sa paghinga, walang ganang kumain, namamayat, at nag-bluish ang balat." Dagdag pa ng Doktor. Natatandaan ni Sumi, lahat ng simtomas na sinabi nito ay nakita niyang lahat sa kapatid niya. Ilang araw bago ito atakehin ng grabe. "Pero, huwag po kayong mag-aalala. May paraan naman po para maging maayos ang puso niya."
"Ano po 'yon?" tanong ni Sumi.
"Kailangan siyang ma-operahan. Ganito po ang klase ng operasyon ang gagawin namin kay Jepoy. Isasarado namin ang malaking butas sa puso niya, Gagamit po kami ng isa o dalawang patches para maisara ang malaking butas sa puso ni Jepoy. Tapos tatahiin po namin ang patches na iyon sa heart muscles ng pasyente, para habang lumalaki siya. Lumalaki at nagde-develop din pati ang tissue over the patches. Pagkatapos ay ise-separate namin ang single large valves sa dalawa. Ire-reconstruct namin ito para mas maging normal ang function ng puso niya." paliwanag muli ng Doktor.
Parang nauupos na kandila ang naging pakiramdam ni Sumi. Parang hindi siya makapaniwala na ganoon na pala kalala ang sakit ng kapatid niya. Bilang isang ordinaryong waitress sa isang simpleng restaurant, kahit isang linggo siyang magtrabaho bente kwatro oras. Hindi siya makakalikom ng malaking halaga para maipa-opera ang kapatid niyang sampung taong gulang.
"Ano ho ang mangyayari sa kapatid ko pagkatapos ninyong operahan?" tanong pa niya.
"Oobserbahan natin siya kung anong magiging kondisyon niya at ng puso niya. Kapag naging maganda ang response ni Jepoy matapos ang operasyon, mas maigi. Ibig sabihin ay tuloy-tuloy na makakarecover kapatid mo. Kung hindi naman, baka kailanganin pa natin ng ikalawang operasyon. Kaya nga po, tibayan n'yo po ang loob ninyo. Magdasal po tayo sa Diyos na nawa'y iligtas niya ang buhay ni Jepoy." Paliwanag ng doktor.
"Natatakot po ako, doc. Baka kung anong mangyari sa anak ko, habang inooperahan n'yo siya." Anang Nanay niya.
"Misis, sa nakikita ko sa anak n'yo. Malakas ang loob ni Jepoy. Kaya dapat, ganoon din kayo. Huwag po kayong mag-alala, kami pong bahala sa anak n'yo. Magtiwala lang po kayo." Sagot ng Doktor.
"Salamat po, gawin n'yong lahat ng magagawa n'yo para sa kapatid ko." Sabi pa ni Sumi. Lihim siyang huminga ng malalim. Tama ang doktor. Kailangan niyang maging matatag.
Si Sushmita Mae Librada. Sumi sa mga kaibigan at pamilya niya. Siya ang breadwinner ng pamilya. Tanging ang Nanay niya ang kasama nilang magkapatid. Ang Tatay nila ay may iba ng pamilya at wala nang balita mula dito. Kaya bilang panganay, maaga niyang pinasan ang responsibilidad na iniwan ng Tatay nila sa kanila. Tanging highschool lang ang inabot niya. Matapos iyon ay kung anu-anong trabaho na ang pinasok niya para lang may maibuhay sa pamilya niya. Hindi na niya pinagtrabaho ang Nanay niya, kahit gusto nitong tumulong. Kailangan kasi ng may magbabantay kay Jepoy, dahil may biglang sumpong ang sakit nito. Kagaya na lang ng nangyari sa araw na iyon.
Kaya para makatulong kahit paano, tumatanggap ng labada ang Nanay niya mula sa kapitbahay nila. Ayaw man niya ay mapilit naman ito. Gusto daw nitong makatulong sa kanya kahit paano.
"Doc, magkano ho ba ang kakailanganin para ma-operahan agad ang anak ko?" lumuluhang tanong ng Nanay niya.
"Tatapatin ko ho kayo, Misis." Anang Doktor. "Medyo malaking halaga po talaga ang kakailanganin n'yo." Sagot naman ng Doktor.
"Ako hong bahala," seryosong wika niya.
"Anak, saan tayo kukuha ng pera para maipa-opera si Jepoy? Baon na tayo sa utang. Wala nang gustong magpa-utang sa atin." Nag-aalalang sabi ng Nanay niya.
"Ako na pong bahala, 'Nay. Basta dito lang kayo kay Jepoy, bantayan n'yo na lang po siya. Gagawa ako ng paraan. Ayokong may mangyaring masama sa kapatid ko." Lumuluha sabi niya. "Sige po, aalis muna ako."
Habang naglalakad palabas ng ospital ay walang patid ang pagdaloy ng mga luha niya. Marami na siyang problemang hindi inurungan. Sa edad niyang bente singko, lahat kinaya niyang harapin. Halos lahat ng alam niyang trabaho ay pinasukan niya. Lahat ay kakayanin niya para sa pamilya niya. Matapang siya at walang kinatatakutan, pero pagdating sa usapan tungkol sa Nanay at kapatid niya. Suko ang damdamin niya. Sa hirap ng buhay nila, tanging ang pamilya na lang niya ang mayroon siya.
Pagdating sa labas ng ospital ay nagtungo siya sa may garden area. Sa isang wooden bench na nasa isang sulok, umupo siya at doon binuhos ang kanyang mga luha. Ayaw niyang humagulgol sa harap ng Nanay niya. Sa kanya lang ito humuhugot ng lakas ng loob. Kaya kailangan niyang maging matatag.
Saan nga ba siya kukuha ng ganoong kalaking halaga?
Hindi nagtatagal ay bigla siyang natigilan. Isang bagay ang puwede niyang gawin para lang magkaroon ng malaking pera. Isang bagay na matagal na niyang kinalimutan at binaon sa limot. Bahagya niyang pinilig ang ulo niya.
"Hindi Sumi, may iba pang solusyon." Pagkausap pa niya sa sarili.
Hanggang sa biglang nag-ring ang cellphone niya. Napakunot noo siya ng makita kung sino ang caller niya. Si Cristy, ang matalik niyang kaibigan. Sinagot niya ang tawag. "Hello," aniya.
"Hello Sumi, kumusta na si Jepoy?" tanong nito mula sa kabilang linya.
"Malaking problema, kailangan namin maipa-opera si Jepoy. May butas ang puso niya. Kaso saang kamay ng Diyos ako makakahanap ng ganoong kalaking pera sa maikling panahon." Mahabang paliwanag niya.
"Oo nga, trouble nga 'yan." Sang-ayon naman ni Cristy. "May suggestion ako, Sumi. Kaso, hindi ako sigurado kung papayag ka. Tsaka nagdadalawang isip din ako. Nangako na kasi tayo, na hindi na natin ito babalikan pa."
"Ano 'yon?" tanong niya.
"Dating gawi."
Hindi agad siya nakaimik. Pagkatapos ay pumikit siya. Labag man sa loob niya, pero wala siyang maisip na ibang paraan para makakuha ng malaking pera sa lalong madaling panahon. "Gaano katagal ang project?" tanong niya. "Kailangan ko agad ng pera."
"Hahanap ako kung gusto mo. Isang linggo, o kaya kung hanggang kailan ka makaipon ng pampa-opera ni Jepoy." Sagot ni Cristy.
"Parang ayoko eh," nagdadalawang-isip niyang wika.
"Pag-isipan mong mabuti, Sumi. Tawagan mo ako agad, kapag nakapag-desisyon ka na. Hindi madali para sa atin ito. Matagal na natin inayawan pareho ang gawaing ito."
Mariin siyang napapikit, pagkatapos ay humugot siya ng malalim na hininga. Nangako na silang dalawa noon na hindi na niya babalikan ang dating gawain. Pero kung para sa ikaliligtas ng buhay ni Jepoy. Bakit hindi?