"HEY, okay ka lang ba?" tanong ni Miguel kay Sumi. Napatingin siya dito, naka-uniporme na ito at papasok na ng umagang iyon. Sa dinami-dami ng pulis na nakita niya sa tanan ng buhay niya. Si Miguel pa lang ang nakikita niyang pinaka-magandang magdala ng isang uniporme ng pulis at lalong guma-guwapo ito.
Tumango siya. "Oo." Sagot niya.
"Mukhang ang lalim kasi ng iniisip mo eh." Komento nito. Pagkatapos ay naupo na ito sa isang bakanteng silya sa harap ng mesa. Binigay niya ang kape nito, saka tila wala sa sariling tumingin dito. "Sumi, may problema ka ba?" tanong ulit nito.
Bumuntong-hininga siya. "May gusto kasi akong malaman sa'yo eh."
"Ano 'yon?"
"Tungkol kay Cristy,"
Kumunot noo ito. "Cristy? Sino 'yon?"
"'Yung kaibigan ko na sinabi mong hinabol mo, noong gabing nagkakilala tayo." Paliwanag niya.
"Ah Oo! Bakit? Anong tungkol sa kanya?"
"Talaga bang hindi mo siya nahuli ng gabing 'yon?" tanong pa niya. Naupo din siya sa silyang nasa tapat nito.
"Bakit mo naman naitanong?" balik-tanong nito habang kumukuha ng bacon at sinangag. Napakunot-noo siya ng ilagay nito sa harap niya ang pinggan na nilagyan nito ng pagkain. "Sabayan mo akong kumain kung gusto mong sagutin kita."
"Tse! Anong sagutin mo ako?" kunwa'y pagsusuplada niya. "Ayusin mong salita mo, double meaning 'yan!"
Natawa ito, saka kinuha ang isa pang pinggan saka kumuha ng sarili na nitong pagkain.
"O? Wala akong ibig sabihin doon ah! Ikaw talaga, ano bang nasa isip mo?" painosenteng tanong nito, ngunit may kahulugan naman ang ngiti nito.
"Wala!" mabilis niyang sagot. "Ay! Sagutin mo na lang kasi 'yung tanong ko." Pangungulit pa niya, habang kumakain.
"Gaya ng sinabi ko sa'yo dati. Hinabol ko siya, pero mabilis tumakbo ang kaibigan mo. Dinaig ako, hinabol ko siya hanggang sa highway. Tapos may nakitang eskinita, biglang lumusot doon. Ayon, naligaw na ako. Hindi ko na alam kung saan siya pumunta. Simula noon, hindi ko na siya hinanap ulit." Kuwento nito. "Teka, bakit mo ba naitanong ulit?"
Nagkibit-balikat siya. "Wala naman. Tumawag kasi siya sa akin noong nakaraang araw. Sabi niya, ite-text daw n'ya ko dapat magkikita kami kahapon. Hindi naman nag-text."
"Gusto mo bang hanapin ko siya para sa'yo?" alok ni Miguel.
Umiling siya. "Hindi na. Hihintayin ko na lang ulit ang tawag n'ya." sagot niya.
"Are you sure?" paniniguro pa nito.
Tumango siya.
"Okay, kumain ka na diyan. Sabayan mo na ako. Palagi na akong gabi umuwi lately, pagdating ko dito palagi ka ng tulog. Hindi na tayo nagkikita. Hindi mo na rin ako naaasikaso. Paano naman ang responisibilidad mo sa akin?" walang prenong wika nito. Natawa siya. Nagda-drama na kasi ito.
"Weh! Feeling mo naman, mag-asawa tayo!" pambabara pa niya dito.
"Bakit? Ayaw mo ba?" tanong pa nito, sabay tingin sa kanya.
Agad na nagtagpo ang mga mata nila , kasunod niyon ay ang malakas na kaba. Hindi na siya sigurado kung biro na ito dahil seryoso na ang mukha nito.
"Hoy, ano ka ba? Mangarap ka diyan, hindi nga kita boyfriend eh." Pagbibiro pa niya.
"Problema ba 'yun? Eh di manliligaw ako sa'yo."
"Tigilan mo nga ako, Miguel. Huwag kang magbibiro ng ganyan." Saway pa niya.
"Totoo, liligawan kita!" giit pa nito.
"Tse! Hindi ako bagay sa'yo!"
"Bakit naman hindi? kalagu mu, kaganaka mu. Isa pa, Kaluguran daka." Diretso sa matang sagot nito.
Napakunot-noo siya. Kasabay ng lalong paglakas ng kaba sa dibdib niya. Hindi niya naintindihan ang sinabi nito, pero nagtataka siya kung bakit ganoon kalakas ang dating ng sinabi nito. Bukod pa doon ay iba ang klase ng pagtitig nito sa kanya. Naroon na naman ang hindi niya maipaliwanag na emosyon sa mata nito.
"Teka, ano bang ibig mong sabihin? Paki-translate nga."
Ngumiti lang ito, saka siya kinindatan. Napangiti din siya dahil sa ginawa nito, saka umiling. Hindi na nito sinagot ang tanong niya hanggang sa dumating na ang ibang mga pinsan nito.
"Wow! Breakfast! Tamang-tama! Nagugutom na ako!" sabi ni Jefti sabay upo sa isang bakanteng silya.
"Uy, nandito na pala ang future lovers and husband and wife!" sabi naman ni Wesley.
"Shhh!" aniya. "Tumigil ka nga, Wesley. Baka marinig ka nila Lolo Badong at Lola Dadang, nakakahiya!" saway niya dito.
"Ano bang nakakahiya? Gusto na nga nilang ipakasal kayong dalawa eh!" singit pa ni Wayne, na bagong dating din.Napatingin siya kay Miguel. Ngumisi ito sa kanya, sabay kindat ulit. Bakit ba hindi man lang ito kumontra sa mga sinasabi ng mga pinsan nito?
"Ano? Sagutin mo na!" panunudyo pa ni Daryl.
"Hay naku! Bahala nga kayo diyan, dito na lang ako sa dirty kitchen kakain. Baka hindi ako matunawan sa mga sinasabi n'yo." Sagot niya, sabay bitbit ng pinggan niya.
"Hoy, dito ka lang!" pigil sa kanya ni Miguel.
"Ayoko!"
"Huwag kang mag-alala, Pinsan. Ilalakad ka namin." Narinig niyang sabi ni Jefti kay Miguel."
"Gusto mo itakbo pa kita." Dagdag ni Wayne.
Pagdating niya sa dirty kitchen. Hindi niya napigilan ang mapangiti. Alam niyang masarap ang bacon, pero mas masarap pala ito kung ang maghahain sa'yo ay ang lalaking nagpapakilig sa puso niya.
Hay naku, Sushmita! Malala ka na...Bacon na pala ang batayan ng pag-ibig?
HINDI alam ni Sumi kung nakakailang beses na siyang tingin sa suot niyang relos. Mag-iisang oras na kasi siyang naghihintay doon sa restaurant na siyang meeting place nila ni Cristy. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin ito, labis niyang ipinagtataka iyon. Sa kanilang dalawa. Si Cristy ang madalas na maaga sa tuwing may usapan sila, siya ang palaging late. Kinuha niya ang cellphone niya. Nakailang text na rin siya, pero hindi ito sumasagot. Sinubukan din niyang tawagan ito, pero nakapatay ang cellphone nito. Bumuntong-hininga siya. Mas mabuti pa siguro kung umalis na lang siya doon. Dadaan na lang muna siya sa bahay nila. Matapos ang matagumpay na operasyon ni Jepoy, ilang araw lang ang lumipas ay nakalabas na rin ito. Sa ngayon ay naiuwi na ng Nanay niya ito.
Pagtayo niya ay nagulat siya at agad na napaatras. Nakatayo na pala sa likuran niya si Cristy. Pero agad siyang nagtaka ng mapansin niya ang itsura nito. Nanlalalim kasi ang mga mata nito at humpak ang mga pisngi nito. Namumutla din ito. Para itong may sakit. Malayong-malayo sa dating Cristy na banidosa.
"Cristy?"
"Kumusta?" tanong nito.
Pilit niyang tiningnan ito ng diretso sa mata. Pero wala siyang nakikitang emosyon doon. Pakiramdam ni Sumi ay may nagbago sa kaibigan niya.
"Ah... O-okay lang naman ako." Sagot niya. "Ikaw? Kumusta ka na? Ano nang nangyari sa'yo? Hindi ka na nagparamdam simula noong gabi na hinabol ka ni Miguel." sunod-sunod na tanong niya.
Hindi agad ito sumagot. Nagtaka siya ng mangilid ang luha nito. Lihim niya itong inobserbahan, kung tama ang nahagip ng mata niya. Kinuyom nito ang isang palad nito.
"Cristy," untag niya dito.
Napapitlag ito ng bahagya, saka agad na ngumiti. "A-ano ulit 'yon?"
"Sabi ko, saan ka na pumunta nung gabi pagkatapos ng habulan n'yo ni Miguel."
"Miguel? Sinong Miguel?" tanong ulit nito.
"Iyong pulis na humabol sa'yo, 'yong nakahuli sa akin." Sagot niya.
"Kilala mo siya?"
"Hindi noong una. Pero tinulungan niya ako mapa-opera si Jepoy. Okay na siya ngayon, nagpapalakas na siya." Masayang balita niya. Kinuwento niya dito ang kabutihan ni Miguel sa kanya, maging ang pamilya nito. Nakangiti naman ito habang nakikinig sa kanya. Pero tila wala pa rin itong gana.
"Ang swerte mo naman." mababa ang boses na komento nito.
"Oo nga eh, pasalamat talaga ko sa Diyos dahil nakilala ko si Miguel."
Hindi ito nagsalita, nanatili itong nakatitig sa kanya. "Ikaw? Kumusta? Bakit ang payat mo? Ano na bang nangyari sa'yo pagkatapos kang habulin ni Miguel? Sabi niya, ang bilis mo daw nawala."
Umiling ito. "Wala naman, nandiyan lang ako sa tabi-tabi. Alam mo naman champion ako sa habulan, 'di ba? Saka, nagkasakit kasi ko noong nakaraang linggo. Trinangkaso ako kaya pumayat ako." Sagot nito. Mayamaya ay bigla itong tumayo.
"O, saan ka pupunta?" tanong niya.
"Uuwi na ako. May gagawin pa pala ako. Sige." Sagot nito. Hindi na nito hinintay pang sumagot siya. Basta na lang ito lumabas ng restaurant.
Tulalang sinundan niya ng tingin si Cristy. Bakit ba pakiramdam ni Sumi ay may nagbago sa kaibigan niya? Hindi lang talaga niya iyon maisip kung ano, bukod ang pagbagsak ng katawan nito. May nagbago sa ugali nito, base na rin sa mga kilos nito. Ngunit dalangin niya ay nasa maayos na kalagayan ito.
"ANAK, sigurado ka na ba sa paglipat natin doon?" tanong ng Nanay ni Sumi.
"Opo. Mas masarap tumira sa Tanangco 'Nay. Bukod pa sa malapit sa mga Mondejar. Mababait pa ang mga tao. Panahon na para umalis tayo dito sa squatter. Iyon pong makukuha kong huling sahod sa pagwe-waitress ko, 'yon po ang gagamitin natin sa pang-downpayment ng bahay. Maliit lang 'yun bahay, pero tama lang para po sa atin tatlo." Paliwanag niya.
Napuno ng pag-asa si Sumi. Alam niyang iyon na ang matagal na niyang hinihintay na pagbabago ng buhay niya. Dahil mas magandang trabaho ang naghihintay sa kanya sa Tanangco. Kagabi lang ay inalok siya ng mas magandang trabaho ni Jefti. Nag-resign kasi ang head waitress nito, at sa kanya inalok ang posisyon. Dahil may experience naman siya sa trabahong iyon. Agad niyang tinanggap ito. Mas malaki pa sahod. Sigurado pa siyang mas malapit siya sa lalaking may malaking pitak na sa kanyang puso.
"Ikaw nga bata ka, umamin ka nga sa akin." Anang Nanay niya. "Nobyo mo na ba si Sir Miguel?"
"'Nay! Hindi po!" mabilis niyang sagot.
"Wala naman problema sa akin kung magkaganoon man. Ang sa akin lang, sa laki ng utang ng loob natin sa kanya. Baka mamaya, ikaw ang hingin niyang kapalit."
"Hindi naman po siya ganoon, 'Nay." Pagtatanggol niya.
Bumuntong-hininga ito. "Pagpasensiyahan mo na ako, anak. Alam kong hindi dapat ako nag-iisip ng ganito dahil siya ang tumulong sa atin. Ang kaso'y hindi mo maiiwasan sa akin ang mag-alala."
"Naiintindihan ko po. Huwag kayong mag-alala, 'Nay. Mabuting tao si Miguel."
Ngumiti ang Nanay niya. "Mahal mo ba siya?" tanong nito.
Tumingin siya sa Nanay niya. "Mahirap po pigilan, 'Nay. Napakabait niya. Hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin niya ako sa buhay niya at ng pamilya niya. Sa kabila ng pagiging estranghera ko sa kanila. Hindi pa maganda ang naging unang tagpo namin." Walang prenong sagot niya. Natutop niya ang bibig.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ng Nanay niya. Hindi pa kasi alam ng Nanay niya ang masamang gawain niya noon. Pati ang dahilan ng pagkakakilala niya dito. Sinabi lang kasi nila noon na kaibigan niya si Miguel.
"Sinubukan ko po kasi siyang nakawan." Sagot niya.
Kumunot ang noo ng Nanay niya, pagkatapos ay isang sampal ang tinanggap niya mula dito.
"Paano mo nagawa ang ganoong bagay, Sumi?" galit na tanong ng Nanay niya.
"Sorry po, 'Nay." Umiiyak na hinging-paumanhin niya.
"Matagal mo na bang ginagawa ito?" tanong ulit nito.
Tumango siya. Saka niya kinuwento at pinaliwanag ang lahat tungkol sa dati niyang trabaho. Pati kung paano niya nakilala si Cristy ay pinagtapat niya sa Nanay niya. "Noon pala ay galing sa nakaw ang pinapakain mo sa amin!" galit na sabi ng Nanay niya.
"Patawarin n'yo po ako, 'Nay! Iyon lang po kasi ang alam kong paraan para kumita ng mabilis at malaki ng mga panahon na iyon, dahil kay Jepoy." Umiiyak niyang paliwanag.
"Kahit na mahirap tayo, Sumi. Dapat isinaalang-alang mo pa rin ang dangal natin. Iyon na lang ang meron tayo. Nakakahiya kay Sir Miguel. Pagkatapos ng ginawa mo, tinulungan n'ya pa tayo." Sabi pa ng Nanay niya na lumuluha.
"Inay, patawarin n'yo po ako. Matagal ko ng tinigilan ang gawain na 'yon." Aniya.
Niyakap siya ng Nanay niya. "Ako ang patawarin mo, Anak. Wala akong magandang buhay na naibigay sa inyo simula ng layasan tayo ng Tatay n'yo." Anang Nanay niya.
"Wala kayong kasalanan, 'Nay. Walang may kasalanan sa ating dalawa. Biktima lang tayo ng kahirapan ng buhay. Pero pinapangako ko po sa inyo, simula ngayon. Aahon na tayo sa hirap. Aalis na tayo dito sa squatters area. Doon sa Tanangco, uumpisahan natin ang bagong buhay natin." Paliwanag niya.