CHAPTER 7
“Gusto kitang kausapin dahil may mga gusto akong sabihin at linawin sa’yo at hindi yang kung anong gusto mong aminin. Pwede bang ako na muna ang magsasalita?” umupo ako sa tapat niya.
Narinig ko ang pagbunot niya ng malalim na hininga saka niya ako sinagoy, “Mukhang alam ko na rin ang mga sasabihin mo sa akin. Hulaan ko, dahil ba sa mga inaasal ko?”
Tumango ako.
“Sabi ko na nga ba eh, iyon naman lagi ang nakikita ninyo, hindi ba? Yung mali at hindi ninyo napapansin yung mga tama kong nagagawa.”
“Meron ba bukod sa mataas ang nakukuha mong grado at madalas mong pagsagot ng tama? Given na iyon eh. Alam na naming matalino ka at wala na kaming dapat aayusin pa doon kaya hindi na dapat pang pag-usapan. Unless you want us to praise you every now and then for the same reason. Kaya namin nakikita ang mali dahil alam naman naming pwede ka pang magbago. Pwede mo pang ayusin iyon para maging mas mabuti kang tao. Hindi ako ang nagrereklamo kundi ang mga ibang subject teachers mo at bilang adviser mo, ako ang may responsibilidad na kausapin at pagsabihan ka.”
“Hindi pa ba sapat na pumapasok ako at nakikinig sa talakayan? Kilala na nilang ganito ako. Oo, pasaway ako, maingay sa klase pero hindi kahit minsan hindi ako naging sakit ng ulo talaga ng paaralan natin. In fact, nagdadala pa nga ako ng karangalan dahil sa madalas kong pagkapanalo sa mga contest mapa-division level hanggang national level. Ginagawa ko ang part ko bilang isang mahusay na mag-aaral.”
“Nandoon na tayo. Tulad ng sabi ko, walang question sa kahusayan mo. Hindi porke matagal ka nang ganyan, kahit mali ay pagbibigyan ka na lang lagi namin. Hindi rin porke ilang beses ka nang nagbigay ng karangalan sa ating paaral ay ikanabuti na iyon ng iyong kabuuan bila ng isang mabuting istudiyante. Lagi mong tandaan na mas hinahangaan ng karamihan ang pagiging mabuti at mabait kaysa sa pagiging mahusay. Kahit gaano ka kahusay kung hindi ka mabuti, nawawala ang paghanga sa’yo. Nag-uusap tayo ngayon para itama ka. Kung posible pa naman na magbago ka bakit hindi mo gawin nang mabawasan ang masabi nilang hindi mabuti sa’yo? Alam kong kaya mong maging mabuti bukod sa pagiging mahusay mo. Iyon na lang ang kulang sa’yo, Gjiam. Nakikiusap ako bilang adviser mo na baka naman kaya pa. Ayaw mo bang sa huling taon mo rito maipakita mo na nag-mature ka at hindi na ikaw yung dating binabansagan nilang teacher’s enemy?”
“Hindi ako perfect student at wala akong pakialam sa iisipin ng ibang tao tungkol sa akin. Hindi ko kailangan makisama. Ang kailangan kong gawin lang ay magpakatotoo. Hindi pa ba sapat na sumasagot ako ng tama sa mga reciation at examination? Wala rin naman problema sa mga grado ko. Wala namang sa rubric ang pagiging mabait na istudiyante, di ba ho? Mataas rin naman ang mga grades ko. Inaamin ko, pasaway, makulit at maingay ako sa klase pero nakikinig ako at walang tanong na hindi ko kayang sagutin. Walang aralin ang hindi ko naiintindihan. Hindi ba normal lang sa isang mag-aaral ang madalas makipag-asaran sa mga katabi pero ma’am, alam ninyo at ng ibang mga guro na gumagawa ako ng lahat ng pinapagawa ninyo sa akin. Marami akong reklamo ngunit gumagawa ako. Masunurin rin naman ako kahit papa’no. Wala akong naging incomplete. Feeling ko, walang mali sa akin, ang mali ay ang gusto ninyong maging perfect akong mag-aaral ngunit hindi kailanman mangyayari ang gusto ninyo. Hindi ko gustong maging perpekto o huwaran.”
“Hindi ba nilinaw ko naman sa’yo kanina? Wala tayong problema sa husay mo, sa attitude tayo sumasabit. Diyan sa sobrang katalinuhan mo. Alam ng lahat na matalino ka pero yung pagiging arogante mo ang humihila sa’yo pababa.”
“Arogante? Iyon talaga ang tingin ninyo sa akin? Paano ako naging arogante?”
“Nakikita ang pagiging arogante mo kapag ganyang sumasagot ka at ayaw mong patalo sa teacher mo. Para kasing hindi mo nirerespeto ang pagiging guro namin. Kita mo ‘yan, lahat ng sasabihin ko sa’yo lagi kang may sagot. Hindi ka marunong makinig. Ang hilig mong makipag-debate na para bang pinapalabas mo na mas marunong ka pa sa amin. Na may mas alam ka. Ang hilig mong ipamukha o ipagyabang sa lahat na ikaw ang tama at kaming mga teacher mo ang mali.”
Umiling siya kasabay ng kanyang pagngiti-ngiti. Bumunot ng malalim na hininga na halatang hindi niya tinatanggap ang sinasabi ko sa kanya.
“May nakakangiti ba sa mga sinasabi ko? Baka gusto mo pa akong pagtawanan. Sige pagtawanan mo ako!” tumaas ang boses ko. Nakita ko na naman kasi ang kinaiinisan ko kasing ngisi niya.
Sa nakikita ko, mukhang mahirapan na nga talaga akong ituwid pa ang takbo ng pag-iisip niya at pag-uugali ngunit kailangan kong subukan. Hindi ko siya isusuko. Alam kong may paraan pa para ibaba niya ang kanyang pride at tanggapin na ang nagiging arogante na siya imbes na mahusay lang. Hanggang sa nakita ko na lang siyang tumatawa.
“Bakit ka tumatawa? Naiinis na ako tapos nagagawa mo pa rin akong pagtawanan?”
“Hindi ba pagkatapos ng talakayan nagtatanong kayo sa amin kung may tanong kami.”
“Oh, anong nakakatawa roon?”
“Yung mga ibang teachers ko ho kasi, nagagalit.”
“Nagagalit dahil?” hindi ko makuha ang punto niya.
“Nagagalit dahil hindi nila alam ang sagot sa tinatanong ko samantalang nasa lesson naman yung tanong. Hindi ba dapat sila ang expert sa topic pero bakit idinadaan sa pamamahiya kapag hindi nila alam ang sagot ng tinatanong ko? Nanghihingi kayo ng tanong, kapag naman magtanong nagagalit kayo kasi hindi ninyo alam ang sagot. Kung magtatanong ako na hindi alam ng aking teacher ang sagot, kasalanan ko rin ba iyon? Bakit? Ako ba ang nagkulang o nagkamali na hindi sila handa sa kanilang itinuturo? Hindi ba responsibilidad nila bilang guro na mas marami pa dapat silang alam kaysa sa akin, kaysa sa amin na mga student lang nila? Tapos pamamahiya pala iyon sa inyo? Pagiging arogante na pala iyon?”
Sa bahaging iyon, naiintindihan ko siya at may punto siya. Bumuntong-hininga muna ako habang iniisip ko ang tamang salita na gagamitin ko sa kanya. Alam kong naghihintay siyang ng maling salita at approach na siyang gagamitin niya sa akin para siya ang mananalo sa aming diskusyon. Tanggap kong wala siyang kasalanan sa pagiging matanong. Kailangan na maging ganoon ang isang mag-aaral at ako bilang dumaan din sa pagiging istudiyante, naging matanong din naman ako. Hindi dapat masamain iyon ng isang guro pero kailangan kong sabihin sa kanya kung paanong naging mali ang pagiging matanong.
“Alam mo kung ang mali lang anak sa pagiging matanong mo? Yung ginagamit mo ito para mamahiya o mang-challenge. Aminin mo sa akin, hindi ka naman nagtatanong dahil hindi mo naintindihan yung aralin hindi ba? Dapat magtatanong ka lang for clarification, for an addkitional example kasi may hindi ka naintindihan o tingin mo may hindi gaanong naipaliwanag sa aralin o kulang ang mga halimbawang ibinigay. You should ask to clarify, ask for mofre expanation. Hindi yung you ask to challenge na capacity and capability of your teacher. Alam mo kung anong mali sa’yo? nagtatanong ka para ipamukha sa teacher at sa mga kaklase mo na mas mahusay ka kaysa kanila.”
“Hindi ah, kayo lang ang nag-iisip ng ganoon.”
“Hindi mo ako maloloko, Gjiam. Ako mismo, narasanan ko ‘yan sa’yo. Kaya alam na alam ko at basang-basa kita.”
“Eh di dapat hindi na kayo mag-solicit ng tanong after our class.”
“Why not? Alam mo ba kung bakit kami, bilang guro ninyo, nagtatanong pagkatapos ng klase?”
Hindi siya sumagot.
“Nagtatanong kami kung alin sa mga naituro namin sa araw na iyon ang hindi ninyo naunawaan. Ibig sabihin, ang tanong lang dapat ninyo ay tungkol lang sa araling tinalakay natin. Sumasang-ayon naman ako sa’yo na hindi mo kasalanan na hindi kami handa, pero kaming mga guro ninyo, mga tao rin kagaya ninyo. May hangganan lang din naman ang alam namin. Hindi namin napaghahandaan ang bawat tanong ng mga masigasig na ni-research muna ng student sa internet bago magsimula o habang kami ay nagkaklase. Alam mo kung ano lang ang pinaghahandaan namin? Iyon ay yunng inaral at yung nasa libro na sanggunian namin at lesson sa araw na iyon at hindi yung mga bagong innovations o bagong lathala na nasa internet na hindi pa namin agad nababasa.”
“Hindi ba dapat kayo na teacher ang unang nakakabasa o nakakaalam no’n?”
“Dapat. Pero hindi kami computer o machine na kapag na-feed ng impormasyon ang internet, alam na agad namin kahit hindi pa namin nababasa. Totoo naman na bilang guro, alam naming lahat iyon, na dapat updated kami sa mga bagong tuklas tungkol sa aming itinuturo pero pero hindi lahat may sapat na oras, Gjiam, hindi lahat kami may access. Hanga ako na kahit paano ay may alam ka na hindi pa namin alam pero anak, hindi lahat kami ay well-informed sa mga bagong tuklas na pag-aaral. Marami pa kaming ginagawa bukod sa pagbabasa ng mga bagong kaalaman kaya sana konting unawa na tao lang din naman kami at karamihan sa amin hindi pa techy.”
“Pwede ba? Huwag mo akong tawaging anak? Ilan lang ba ang agwat ng edad natin? Lima o apat na taon lang naman ah.”
“Bakit hindi? Adviser mo ako. Ako ang pangalawang magulang mo mali bang tawagin kitang anak? Saka ikaw nga napapansin ko, kanina mo pa ako hindi tinatawag na ma’am. Ano ba ako sa’yo? Bunsong kapatid mo? Kakilala? Kaklase? Rumespeto ka!”
“Adviser kita, oo pero hindi ikaw ang Mommy ko. Please lang, huwag mo akong tawaging anak. Nasa paaralan tayo pero wala na tayo sa ating classroom. Pwede na nga kitang tawagin sa pangalan mo lang kung gusto ko e.”
“See? Iyan ang sinasabi ko kanina pa. Attitude. Arogance.” Bumuntong hininga ako. Nagpigil pa rin ako kahit medyo namumula na ang aking buong mukha sa galit. “Ngayon, kung ayaw mong makinig at lagi kang may dahilan, mainam pang umalis ka na sa harap ko. Wala na tayong pag-uusapan dahil sayang lang ang oras ko sa’yo, Gjiam. Para sabihin ko sa’yo, hindi mo ako mahihintay magpakumbaba sa’yo. Sa sobrang talino mo, punum-puno ang utak mo ng mga baluktot at puro kayabangang dahilan kaya hindi na ‘yan tumatanggap pa ng mga pangaral. Magbawas ka ng kayabangan baka may papasok pang bagong kabutihan. Baka kung ma-appreciate mo na ang sinasabi ko na ang lahat ng ito ay para rin sa’yo, baka nga ma-realize mo na mahalaga ka sa akin kaya ganito na lang ako mag-care sa’yo.”
Natigilan ako sa nasabi kong iyon. Bumilog ang kanyang mga mata. Ngumiti siya.
“You do? Ibig sabihin mahalaga ako sa’yo and you really do care for me?” nakangiting tanong niya.
Hindi ko alam ang sagot sa tanong niyang iyon sa akin.