Chapter 13

1624 Words
LORRINE'S POV "L-LOIE..." Inipon ko ang buong lakas na natitira sa akin upang banggitin lang ang pangalan niya. Tila tumalon ang puso ko nang makita kung gaano nag-aalala ang kaniyang mata, kung paanong ang galit na tingin niya sa aki'y napalitan ng awa. "S-Salamat..." Siya nga ba ito? O sadyang namamalikmata lang ako? Siya nga ba itong bumubuhat sa akin o baka isang ilusyon lamang? Totoo ba itong nakikita ko o isang guni-guni lamang? Ang pag-iisip na iyon ay muling nabura sa akin nang mahimigan ang kaniyang tinig. "Shh. You don't have to say anything," anito. Napangiti ako nang bahagya, hindi dahil sa naiilang ako kundi dahil sa nanghihina na ang katawan ko. Kaunti na lang ay nararamdaman ko nang bibigay na ito. Hindi na ako nagsalita dahil pakiramdam ko, may bumara sa lalamunan ko upang mapigilan ang pagbanggit ko ng kahit na ano. Dala ng panghihina ay hinayaan ko na lang ang sarili na lunukin ng antok. "Hold on," dinig ko dagdag pa ni Loie. Sa isang iglap ay muli akong nasilaw sa liwanag ng Questhora. Pamilyar sa akin ang liwanag na iyon. Maging ang amoy at kakaibang huni ng mga ibon ay tunay kong napapakinggan. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ako ng pananabik na bumalik sa kaharian na ito. Ngunit unti-unti na akong kinakain ng panghihina. Nais ko mang tumayo at maglakad upang hindi maging pabigat kay Loie ay hindi ko magawa. Hindi ko man nais ay unti-ungi nang pumikit ang mga mata ko. Nilalaban ko ngunit hindi ako manalo-nalo sa antok. Para pa akong dinuduyan ng mga hawak bisig ni Loie na nakasalo sa akin upang hindi ako malaglag. "Servus!" sigaw ni Loie ngunit tila naging bulong lang iyon sa akin. Hanggang sa unti-unti ay hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng aking mata. Kung mayroon mang sumunod na nangyari ay hindi ko na nalaman pa. ** "MABUTI NAMAN at gising ka na." Napapikit akong muli nang masilaw sa liwanag na nanggagagaling sa haring araw. Ngunit hindi tulad ng nakaraan na naiinis ako sa tuwing tatama ang sinag nito sa aking mga mata. Ngayon ay nakangiti ako habang dinadama ang init nito. Para bang isa itong biyaya na dumating sa buhay ko. Nasa Questhora na nga ako… Pinangunutan ako ng noo nang maalala ang dahilan kung bakit ako umalis sa lugar na ito at muling sumakit ang puso ko nang mapagtanto ang aking rason. Halos lahat ng alaala buhat nang lisanin ko ang kahariang ito hanggang sa makabalik rito ay malinaw kong naaalala. Na dapat nga'y hindi na sana dahil nasasaktan pa rin ako tuwing dadagli sa isipan ko ang pagtataboy sa akin ni Inay Serra. Kahit pa sabihing naiintindihan ko ang rason, hindi ko pa rin maiwasang hindi magdamdam sa kaniya. Ganoon at ganoon pa man, mahal na mahal ko pa rin siya. Mahal na mahal ko pa rin sila Muli namang sumagi sa isipan ko ang pakikipaglaban ko sa gubat. Doon ay napamulat ako nang mata nang tuluyan at nanlalaki iyon sinubukan kong bumangon ngunit hindi kinaya ng katawan ko. Doon ay bigla akong kinabahan. Ano't hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makagalaw? Unti-unti kong ginalaw ang katawan kong tila naparalisa dahil wala akong maramdaman. Pinakiramdaman ko rin nang mabahagya ang mga binti kong tuwid na tuwid. Nang makabawi ay tinulungan ko ang sarili upang makabangon ngunit nabigo ako nang biglang mapabagsak muli sa kama. Ang sakit ng katawan ko. Ano bang nangyari sa akin bukod sa pakikipaglaban ko? "Huwag mo munang pilitin ang iyong sarili, Lorrine," sambit ni Aryll na umalalay pa sa akin sa paghiga nang maayos. Itinaas niya ang telang tumatabon sa katawan ko hanggang sa itaas ng aking dibdib, ibaba ng aking leeg. Ibubuka ko sana ang aking bibig upang magsalita ngunit maski iyon ay hirap na hirap akong gawin. Hindi pa rin ako makapagsalita. Para bang kulang na kulang pa rin ang pagpapahinga ko. At maski pagsasalita ay kinatatamaran kong gawin dahil baka mas nakakapagod ito. Gusto kong magtanong pero pinipigilan ko ang sarili ko na gawin iyon. Ayokong ubusin ang lakas ko sa pagsasalita kaya mataman lang akong nakatingin kay Aryll na nakaupo sa gilid ng aking hinihigaan. Inilibot ko ang paningin sa buo kong kuwarto. Doon ay mas lalo akong nagulat sa nakita. Kumpleto ang grupo Atramentous— ang grupong kinabibilangan ko— bagaman nasa sulok lang ng pinto sina Czearine at Loie. Kapwa tahimik at nagmamasid lang sa iba't ibang parte o kulay ng kuwartong nakalaan para sa akin. Hindi man lang nag-abalang tapunan ako tingin. "Nabalitaan ko ang nangyari." Mula sa kabilang gilid ko ay hindi ko namalayang nakaupo na pala roon ang reyna ng Questhora na si Lady Aurea. Hindi ko namalayan ang presensya niya at gusto kong magtaklob ng tela sa aking mukha dahil sa kahihiyan ngunit hindi ko magawa. Bakit ba kas ako hinang-hina? Kasalukuyan siyang nakaupo sa gilid ng kama, katabi ko. At mas lalo akong hindi mapalagay kung ganoon siya kalapit sa akin. Para bang isang karangalan para sa akin na makaharap ang reyna nang ganito kalapit. Ang ibang salamangkera naman sa kaharian na ito ay hindi ganoon kalapit sa reyna. Hindi ko alam kung bakit ngunit iyon ang napapansin ko. Iyon ang isa sa naobserbahan ko noong ako'y naglilibot sa kaharian na ito. "Batid ko rin ang dahilan ng iyong paglisan. Ngunit nais ko sanang ipakiusap sa iyo na huwag mo na itong uulitin. Huwag ka na muling aalis ng Questhora. Nauunawaan mo ba ako?" Tumango ako nang marahan bilang sagot dahil hindi ko pa kaya ang magsalita. Nakaramdam naman ako ng hiya, sapagkat isang reyna ang nakikiusap sa akin. Pakiramdam ko, hindi dapat ako pakiusapan. Hindi naman ako espesyal na salamangkera para pakiusapan nang ganito. Ngunit susundin ko siya hindi dahil sa mataas ang respeto ko sa kaniya kundi dahil na rin sa kasunduan at pagtataboy sa akin ni Inay Serra. Para kasi sa kaniya ay dito ako nababagay. May kung ano sa puso ko na nais sundin ang laging utos ni Inay. At isa ang manatili ako sa kaharian na ito. "At sana'y huwag mo na rin ipapahamak ang iyong sarili." Muli akong tumango, hiyang-hiya. Tumingin naman ako kay Aryll nang may pagmamakaawang tingin. Lubha na kasi akong nahihiya sa reyna kaya gusto ko sanang mapag-isa na ngayon at tingnan ang aksyon na nagawa kung ito ba ay mali o tama at kung ano ang naging epekto nito sa akin. Mukhang nakuha naman ni Aryll ang nais sabihin ng aking mga mata kaya klinaro niya ang kaniyang lalamunan at nagsalita. "Sa tingin ko po'y kailangan nang magpahinga ni Lorrine." I am grateful I have Aryll. Mabuti na lang talaga at naintindihan niya ang nais kong ipahiwatig. Kaya naman nauna nang tumayo ang reyna, sumunod naman doon sina Aryll, Nyx, at Loie at nagbigay galang kay Lady Aurea sa pamamagitan ng pagyuko. "Hinintay ko lang talaga ang paggising mo, aalis na ako," nakangiti niyang turan at ngumiti rin ako sa kaniya nang tipid. Iyon lang kasi ang abot ng lakas ko. Hindi ko naman sadya. At tuluyan na ngang lumisan sa aking kuwarto si Lady Aurea. Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kaniya. Hindi ko kasi kaya ang magsalita. Nang makaalis si Lady Aurea ay siya namang paglapit sa akin ni Aryll. Si Nyx din ay lumapit at tumungo sa kabilang bahagi ng kama kung saan naroon nakaupo si Lady Aurea kanina. Nagulat ako nang hampasin nang mahina ni Aryll ang braso ko matapos niyang tumabi sa akin. "Ano ka ba naman, bakit mo kami iniwan?" may halong inis ang boses niya at tila nagtatampo pa. Ngunit ngumiti lang ako sa kaniya. Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko. Kung papaano ako magpapaliwanag at kung saan ako mag-uumpisa. Kung alam ni Lady Aurea ang rason ko, bakit hindi na lang sinabi sa kaniya? "Bakit hindi ka nagsasalita?" Tumingin naman ako kay Nyx nang marinig siyang magtanong. Bakit nga ba hindi ako nagsasalita? Ayoko kasing maubos ang natitirang lakas sa akin sa pamamagitan ng pagsasalita. Pakiramdam ko kasi, bawat letrang lalabas sa aking bibig ay katumbas ng isang porsyento ng enerhiya sa aking katawan. Ngunit hindi rin naman maaari na lagi na lang akong ganito. Inilibot ko ang paningin sa kanilang apat na narito sa loob ng aking silid. Sinikap kong lunukin ang laway ko at klinaro ang lalamunan upang hindi mautal ngunit nabigo ako. "B-Bakit nandito kayong lahat?" Iyon agad ang unang lumabas sa bibig ko. Tiningnan ko sila isa-isa at napaiwas ako ng tingin nang magtama ang paningin namin ni Loie. "Ano ba 'yan! 'yan talaga ang unang pumasok sa isip mo, ha?" angil ni Aryll tsaka mabilis na yumakap sa akin. Agad niya rin iyong tinanggal nang samaan ko siya ng tingin. "Na-miss kita!" Tumawa ang matalik na kaibigang lalaki ni Aryll sa gilid ko. "Oo nga, Lorrine. Namiss ka naming lahat," sabat ni Nyx. Namilog ang mga mata ko sa sinabi nito. "L-Lahat?" paglilinaw ko. Ang pagiging utal ay naroon pa rin. Tumayo si Aryll saka nameywangan. Tumingin siya sa akin nang may pagmamalaki. "Oo, lahat! Pitong araw kang walang malay. Hindi mo tuloy nakita kung paano naggawa ni Loie na kontrolin ang kapangyarihan niya." Mas lalo naman ako nagtaka sa sinabi niya. Nag-ensayo na ba sila? Kahit... wala ako? Pakiramdam ko ay dadamdamin ko iyon nang husto kung totoo nga. "Nag-ensayo na kayo?" Hindi napigilan kong tanong. "Oo, 'no! Mas marami kaming natutunan sa nakalipas mahigit isang linggo." Mas lalo akong nagulat. Napabalikwas ako ng upo saka muli silang tiningnan isa-isa. Nagulat sila dahil tila nanumbalik ang lakas ko dahil sa pagkagulat. Maski ako ay nagulat dahil nakaya kong bumangon. "Teka... bakit isang linggo?" Ganoon ba ako katagal nawala? Paano? Ang akala ko ay isang araw lang? Magkaiba ba ang araw dito sa Questhora at Verphasa? Paano?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD