Niyaya niya akong mag-movie marathon pero ako ang namili ng panonoorin namin. Napili ko ang, “ Camp Sawi” as a random pick. Hindi naman kasi ako mahilig manood ng movie depende na lang kung nasa mood ako. Halos nasa kalagitnaan pa lang kami ng movie ay naramdaman ko ang pagkabagot niya sa pinapanood namin. Nilingon ko siya na bahagyang nakakunot ang noo.
“Ayaw mo ba n'yan? Anong gusto mo action, horror..? Palitan natin. Ikaw na lang ang pumili," sabi ko sabay abot ng remote control.
Umiling ito. “Pero 'yan ang gusto mo.”
Inilagay ko sa kamay niya ang remote control. “Hindi naman ako mahilig manood ng movie.”
Tinitigan niya ako habang nakangisi. “Bakit 'di mo agad sinabi? Sa kwarto na lang tayo?”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at iniumang ang isang kamao ko. “Ano? Umayos ka Ethan, ha?”
Binalot ng isang kamay niya ang nakaumang kong kamao at saka tumawa nang malakas. “Ang dumi ng isip mo. Hindi ko nga naisip 'yun ah..Yayayain lang kitang kunin ang psp ko sa kwarto…or gusto mo..parang mas ok nga kung dun tayo maglaro.” He chuckled.
Inirapan ko siya at hinampas sa braso. “Subukan mo lang, ipabubugbog kita sa Kuya ko.”
“Ouch.. Grabe ka naman! Pagbibigyan na nga lang sana kita tapos ako pa pala ang mabubugbog?” Hinaplos haplos nito ang braso at ngumiwi na akala mo ay totoong nasaktan talaga sa hampas ko.
Natatawa ako sa itsura niya kapag pinapakita niya ang playful side niya.
“Alam mo babe, 'yan mga ganyang titig mo ang nagpapabilis ng t***k nito oh!” nakangiti nitong sabi habang itinuturo ang dibdib.
Totoo ba ‘to? Gusto kong maniwala pero malakas ang pagtanggi ng isip ko. Hindi ako pwedeng magpadala sa mga hirit n'yang ganto.
Lumunok ako at itinaas ang isang kilay ko. “Tigilan mo 'ko, ha? 'Wag ako ang pag-trip-an mo.” tumayo ako.
“Pwede ko bang puntahan ang Mama mo?”
Hinawakan niya ang wrist ko pero patuloy pa rin na nakaupo. “Bakit?”
“Umm, magpapaalam. Uuwi na ko.” sabi ko na nilingon ito.
Sumeryoso ang mukha niya. “Ayaw mong maniwala?”
Ngumiti lang ako at hinila siya. “Alam mo babe, 'wag ako. Mas ok tayo ng ganto 'di ba? Tara na?”
Bigla itong tumayo. “Let’s go. 'Wag ka ng magpaalam kay Mama," yaya nitong walang emosyon ang mukha at nauna ng lumabas.
Napalingon ako sa dako ng kwarto ng Mama niya. Nakakahiya yata na basta na lang ako aalis. Sakto naman na lumabas si Tita Choleng.
“Tita Choleng, magpapaalam lang po sana ako kay Tita Florie.”
“Naku, nagpapahinga na si Florie. Uuwi ka na ba? Maaga pa naman.. pero kung hindi mo siya mahihintay, ako na lang ang magsasabi sa kanya,” aniya sa malambing na boses.
Lumingon ako para hingin ang suhestiyon ni Ethan pero nasa labas pa rin siguro ito. Gusto ko naman mag-stay sana pero badtrip na yata si Ethan sa akin. Kung bakit kasi daig pa nito ang buntis sa lakas ng mood swing nito.
“Ah, naghihintay na po sa akin si Ethan sa labas. Pakisabi na lang po kay Tita Florie na umalis na po ako. Bibisitahin ko na lang po siya pagbalik ko.”
“Oh siya sige. Bakasyon na ba kayo?”
“Opo."
“Ok mag ingat kayo, ha?”
“Salamat po," paalam ko rito.
Paglabas ko ay nasa loob na ng sasakyan si Ethan. Nakatingin siya sa manibela at hindi ako pinansin hanggang sa makaupo ako sa loob.
Maya-maya ay bumuntong hininga siya at nilingon ako. “Ihahatid na ba kita?”
Tumango lang ako at tahimik siyang pinanood. Mas lalo siyang gumagwapo habang tinititigan. Lalo na kapag nagpi-flex ang muscle niya habang nagda-drive.
“What?” kunot noong tanong nito nang lingunin ako at nahuling nakatitig sa kanya.
“Bakit ang sungit mo?” nakangiti kong tanong.
He sneered. Diretso pa rin ang mata nito sa kalsada.
“Ganyan ka ba talaga? Ang bilis mag-change ng mood?” pang iinis ko.
Hindi pa rin niya ako pinansin. My eyes lit up. Kinuhit ko siya sa tagiliran at saka tumawa.”Hoy, Mr. Sumpungin ano ba'ng nangyari? Kanina lang ang lakas mong mang-asar tapos bigla kang mananahimik d'yan," kinuhit ko pa ulit siya.
“Monica, ano ba?” iwas niya.
Humalukipkip ako at inirapan siya. “E di 'wag, suplado!”
Bigla niyang kinabig ang manibela at inihinto sa tabi ng kalsada. Diretso siyang nakatingin sa kalsada. “Ayaw mo na ngang maniwala sa sinasabi ko tapos magyayaya ka agad umuwi.”
Napangiti ako. Kinurot ko ang pisngi niya habang tumatawa. “Ang cute mo palang magtampo 'no?”
Nawala ang ngiti ko ng makita ang malamlam niyang mata na nakatitig sa akin. Ahhh, pano ba? “Akala ko kase, ok lang sa'yo na umuwi ako eh!”
“Ang manhid,” bulong nito na halos siya lang ang makarinig.
Ngumuso ako at kinuha ang cellphone sa bag ko. Nag-dial ako pero walang sumasagot sa kabilang linya. “Ganto na lang, gusto mo bang bumalik tayo sa inyo?”
“Are you sure?” nakasimangot pa rin ito.
“Oo, isa pa hindi ako personal na nakapagpaalam sa Mama mo. Maaga pa naman. Pero pwede ba'ng umuwi muna tayo saglit sa dorm? Hindi kase sila sumasagot sa tawag at text ko kung anong oras ang alis nila.”
“So, sasama ka talaga sa kanila mamaya?”
“Oo, kesa naman maiwan ako mag-isa sa dorm. Ayoko naman makitulog sa kwarto ni Tita Luz.”
Tumango-tango ito at pinaandar na ulit ang sasakyan. Nakasimangot pa rin ito hanggang sa makarating kami sa harap ng boarding house.
Nagtaka ako dahil nakasarado ito at naka-padlock pa sa loob. Nag-doorbell ako pero walang lumalabas. Kinalampag ko ang gate pero mukhang wala talagang tao sa loob. Tinawagan ko na yata lahat ng boarders, kung hindi busy at unattended eh hindi naman sinasagot.
Pawisan na ako nang lumapit si Ethan at niyaya ako sa loob ng kotse. Pagpasok sa loob ay agad niyang kinuha ang panyo niya at pinunasan ang noo ko.
“Mukhang walang tao.” Saglit ko siyang tiningnan at nagpasalamat habang tuloy ang pag-dial ko sa telepono hanggang sa may sumagot din sa tawag ko.
“Hello Tita Luz, asan po kayo? Nandito po ako sa labas."
“Naku Monica, pasensya ka na at sinurprise ako nitong pamangkin kong si Jay galing America. Dumating pala kahapon. Baka mamaya pang gabi ako makauwi at magba-bonding daw muna kami. Pero dumaan ako sa opisina nila Gena at do'n ko iniwan ang duplicate ng susi," sabi nito sa kabilang linya.
“Ah ganun po. Sige po, ingat po kayo.”
Pagkababa ko ng telepono ay nakalabi kong binalingan si Ethan. “Mamaya pa raw ang uwi ni Tita Luz. Ok lang ba sa'yo na ampunin mo muna ako ng ilang oras?”
Pinaandar niya ang kotse. “Kahit sa'min ka na tumira. I don’t mind." He winked at me. “I’m sure, magugustuhan din 'yun ni Mama.”
“Talaga ba? Sige, pag-iisipan ko 'yan," birong sagot ko sa kanya na ikinagulat niya kasabay ng pagningning ng mga mata niya. Tumawa ako at naiiling siyang tinitigan. "Asa ka!"