Humiga ako saglit at nagpahinga. "Ano kayang gagawin ko? Magpre-pretend kami ni Ethan na mag-boyfriend? Paano 'yun? Hindi naman siguro hassle 'yun dahil sa Mama niya lang naman kami magkukunwari at kapag may okasyon lang siguro ako papupuntahin ni Ethan sa kanila. Pero hanggang kelan kaya kami magkukunwari?” bulong ko sa sarili habang nakatitig sa kisame.
Bigla kong naisip si Mark. Kawawa naman siya. Pero wala na akong magagawa. Nangyari na eh. Wala ng bawian. Dahil mas magiging magulo lang kung kakausapin ko pa siya. Hihintayin ko na lang na siya ang lumapit sa akin para makipag-usap. 'Yon ay kung gugustuhin pa niya akong kausapin.
Bumangon ako at ipinilig ang ulo. Nagpalit ako ng damit pambahay. Shorts at maluwag na t-shirt ang isinuot ko para presko sa katawan.
Narinig ko ang sigaw ni Tita Luz na tinatawag ang pangalan ko. “Opo, bababa na po."
Kinuha ko ang mga uniform na pa-plantsahin at bumaba. Nakaalis na kaya si Ethan?
“Ay putik!" Napasigaw ako pagpasok sa kusina. Nadulas ako sa huling baitang ng hagdan. Naapakan ko ang transparent na plastic na napadpad siguro ng hangin galing sa labas. Mabuti na lang at may lumabas galing kusina kaya sa katawan nito humampas ang mukha ko. Kung hindi ay diretso sana ako sa pader.
Pero bakit ang bango? Manly scent? All girls lang kami dito ah! Tumingala ako at nanlaki ang mga mata. Nandito pa pala si Ethan.
Bigla kong inilayo ang katawan kong halos nakayakap na sa kanya at inayos ang sarili. “Sorry, clumsy lang.” I smile wryly. Pinulot ko ang isang palda na nalaglag sa sahig.
“Mon, ano ka ba? Bakit iniwan mo 'yan bisita mo rito. Kala ko tinulugan mo na eh!" palatak ni Maia.
“Ha, ah eh nagpalit lang ako ng pambahay." Akala ko kase talaga ay nakaalis na siya. Hitsura ko pa naman. Napatingin ako sa suot ko. Muka lang labandera niya?
Tumingin ako sa kanya. “Pauwi ka na ba?” tanong ko.
“Hoy Monica, ano ka ba? Bakit pinapauwi mo na agad? Pasensya ka na Ethan, ha? Ganyan talaga 'yan si Monica. Lahat yata ng lalaki pang-friendzone lang sa kanya. At once na magkagusto or manligaw sa kanya, iiwasan n'yan na parang may nakakahawang sakit. Kaya 'wag kang magpapakita ng interest d'yan kung ayaw mong pandirihan ka niya.” walang pakundangang salaysay ng napakadaldal talagang si Maia..
“Ganun ba? Buti na lang pala at hindi ko s'ya type,” natatawang sagot ni Ethan habang tinititigan ako.
Pinanliitan ko ng mata si Maia. “Alam mo, wala ka na naman sigurong nakausap sa bahay n'yo buong maghapon 'no? Kaya naikwento mo na ang buong buhay ko. Baka may nakalimutan ka pa? Maraming oras si Ethan?” sarkastiko kong sagot.
Tumawa pa ito.
“Monica, maanong ipagtimpla mo kaya muna ng kape si Ethan. Nakakahiya naman nag-abala pa ang Mama niya na padalhan tayo ng pagkain,” utos ni Tita Luz.
Tumango ako. Inilagay ko muna sa sala ang dala kong mga uniform at bumalik sa kusina. Tumayo naman si Maia at nagpaalam na manonood muna ng TV. Kumindat pa ito sa ‘kin bago umalis na irap naman ang isinagot ko. Maya-maya ay nagpaalam din si Tita Luz.
“Nagkakape ka ba? Juice or tubig?”
“Anything.”
“Ahh!”
Tumingin ako saglit sa kanya at tumalikod para magtimpla ng kape. Wala pa yata siyang balak umuwi. May gagawin pa naman ako. Gusto ko na rin magpahinga agad.
Iniabot ko ang kape sa kanya at umupo ako sa tapat niya. Tinikman nito ang kapeng tinimpla ko. Ngumiti siya pagbaba ng tasa. “Hmmm, masarap.”
“Syempre, d'yan ako magaling, sa pagtimpla ng kape.” ngumiti ako at itinaas ng konti ang kilay.
“Mahilig kang magkape?”
“Sakto lang. Pinag-aralan ko lang. Mahilig kase ang Kuya ko na magkape. Pang-paamo ko lang sa kanya.” Tumawa ako nang mahina.
Nami-miss ko na palang ipagtimpla ng kape si Kuya Aerol. Lalo na tuwing kailangan ko ng back up niya para payagan ako nila Nanay sa kung saan o anong gusto kong gawin.
“Kuya's girl ka?” tanong nito habang umiinom ng kape.
“Parang.”
Tumango tango ito. Pinagmasdan ko ang mukha niya. Gwapo pala talaga ito. Matangos ang ilong, mapupungay ang mga mata na binagayan ng makapal na kilay at perpektong nipis ng mga labi. Plus mukang may kaya sa buhay. Tama si Jacky, boyfriend material nga ito. Marunong kaya itong magseryoso sa babae?
“May dumi ba ako sa mukha?” tanong nito na nagpabalik sa ulirat ko.
Ramdam ko ang pamumula ng mukha ko sa pagkapahiya. Hindi ko namalayan na nakatitig na ako sa kanya nang matagal. “Ha? Ah..kase parang sarap na sarap ka d'yan sa kape. Ngayon ka lang ba nagkape?” palusot kong tanong.
He chuckled. “Actually mahilig din ako magkape..minsan. Na enjoy ko lang ngayon.”
“Ahh..” Tumayo ako at kinuha ang box ng cupcake na binigay ng Mama niya. Inihain ko sa harap niya. “Pasensya ka na wala akong stocks ng merienda dito na kaulam ng kape.”
“Ok lang, busog pa naman ako.”
Napakagat ako ng labi ng mapansin ko ang bakas ng sugat sa sulok ng labi nito. May pasa rin ito.
“Ah, Ethan pasensya ka na, ha?”
Umarko ang kilay nito. “For?”
“D'yan” ininguso ko paturo ang labi niya.
Ngumisi ito at ngumuso rin. “As my girlfriend you don’t need to ask permission nor feel guilty. Whenever you want to kiss me, go on. I won't stop you.” Ngumiti pa ito ng nakakaloko.
“Baliw! I mean, 'yan pasa mo. Gusto mong dagdagan ko yan?”
Tumawa pa ito nang malakas pakatapos ay sumimsim ng kape. “Wala ‘to, maliit na bagay." Iniawang nito ang bibig at sinalat ang pasa. “Pero ganun ba ang strategy mo ng pangbabasted ng manliligaw?”
“Hindi ah. Siguro, desperada na ako that time. Ayoko kase magpaasa. Though, hindi ko naman talaga siya binigyan ng chance. At ayokong sisihin nya ako na nasayang ang panahon nya sa'kin”
“Bakit ayaw mo sa kanya?”
“Ayoko pang mag-boyfriend at wala pa akong balak pumasok sa isang relasyon.”
“Bakit? Ang alam ko, maraming nagkakagusto dun. Ok naman siya ah, hindi na masama.” He lowered his eyes pero kita ko ang pag-asim ng mukha nito.
“Yun na nga, maraming nagkakagusto sa kanya kaya nagtataka ako kung bakit ako ang kinukulit niya. Obvious naman na hindi kami bagay lalo na may pagka-rich kid 'yun. Parang ikaw," tukso ko.
Mas lalong umasim ang mukha nito na lalong inilakas nang tawa ko. Kumunot ang noo nito at saka tumayo.
“Thanks sa coffee.”
Hinawakan ko siya braso. “Wait, ang pikon naman nito. Joke lang! Pero kung gusto mo ng umuwi, ihahatid na kita sa labas."
Tiningnan nito ang kamay ko na nakahawak sa braso niya. I bit my lips at biglang binawi ang kamay ko. Ngumiti ito at muling umupo.
“Pwede bang dito muna ako? Since this is the first day of our relationship, parang hindi naman kapani-paniwala kung uuwi agad ako.”
“Anong?..” Ang tagal bago mag-sink in sa utak ko ang sinabi niya.
Umupo rin ako at seryosong humarap sa kanya. “Teka lang ha, magkalinawan nga tayo. Ano ba tayo, 'di ba sa Mama mo lang tayo magpapanggap? Not here, not in front of our friends 'di ba?”
“Ok deal, only if you would assure that it will remain a secret. Otherwise, tototohanin natin kapag nalaman ni Mama. And one thing, dapat gagalingan mong umarte sa harap ng Mama ko and be the best daughter in law para sa kanya.”
I smirked.“Daughter in-law? Muka mo!”
Tumayo ako at hinigit siya sa kamay. “Oh sige na, sige na uwi na. May gagawin pa ko." Itinulak ko siya palabas ng pinto. “Tita Luz, uuwi na raw po si Ethan!”
Tumigil ito at lumingon sa akin. “Isn’t it improper na hindi ako ang personal na magpaalam.”
“Ayaw kase nun ng istorbo kapag nanonood ng TV,” palusot ko.
Kapag nagpaalam pa ito ay malamang na tatagal pa ang kwentuhan nila. Knowing Tita Luz, kapag may nagustuhan na manliligaw o kahit kaibigan lang ng kahit sino sa boarders niya ay kulang na lang ay ibenta ang boarder dito. At obvious naman na boto siya kay Ethan.
“Sigurado ka?” diskumyado nitong tanong.
“Oo, uwi na."
Palabas na ito ng gate ng may maalala. “Wait ano pala'ng oras ang tapos ng klase mo?
“6pm. Bakit?”
“Wala. Sige, aalis na ko.”
Tumango ako. Hinintay ko na umalis ang ang kotse niya at pumasok na ko sa loob.
Pagpasok ko sa sala ay malapad na mga ngiti ang salubong sa akin nila Tita Luz, Maia at pati si Malen na hindi ko namalayan na nandito na rin.
Diretso ako kung saan kami nagpa-plantsa. Alam kong tutuksuhin lang nila ako. Pero itong dalawang lukaret kong boardmate ay sumunod pa rin sa akin. “ So kayo na?” tanong ni Malen.
Umiling ako na hindi sila tinitingnan. “Hindi!"
“Ows?”
“Siguro ngayon hindi pa officially but for sure, soon,” pakli ni Maia.
Lumabi ako. “Pa’no mo nasabi?” nang-aasar ko rin tanong.
“Liligawan ka nun ng totoo. Mark my word Monica. At kapag nangyari 'yun, pwede bang i-try mo rin pag may time. Who knows nakilala mo na pala ang forever mo eh sa kakataboy mo dahil sabi mo nga you're not yet into it, hindi mo namalayan isa na pala siya sa nadispatsa mo. At hindi na bumalik, ikaw din!" Hindi ko alam kung seryoso itong si Maia sa mga sinasabi at may pananakot pang nalalaman.
“And speaking of ligaw, nakita ko si Mark last week. May bandage 'yung braso. Anong nangyari dun? Bakit hindi na rin siya pumupunta dito?” tanong ni Malen.
Napatigil ako saglit, pinatay ang plantsa at humarap kay Malen. “Kelan mo nakita?”
“Umm, tues or Wednesday yata? Morning 'yun eh. Kasama ang Ate niya. Parang nakipag-away kase may pasa rin sa may panga. Nabawasan tuloy ang kagwapuha. "Iiling iling ito. “Tapos ang Ate niya eh super nagged. Kawawa tuloy 'yun friend/suitor mo.”
Napalunok ako. I suddenly feel guilty. Kasalanan ko ba? Alam ko kung gaano ka-strict ang Ate niya base na rin sa kwento niya dati. Sana maging ok na siya. Hindi ko naman ginusto na mangyari ang ganun.
Ipinagpatuloy ko ang ginagawa ko na mabigat ang pakiramdam.