Hapon na nang matapos ako sa report ko para sa Marketing subject. Nag-inat ako at inikot-ikot ang ulo habang hinahaplos ang batok ko. Ngalay na ngalay na ang leeg ko sa ilang oras kong nakayuko sa kama. Kinuha ko ang cellphone ko na kanina pa tunog nang tunog. May ilang text na naman galing sa mysterious sender ko na higit dalawang linggo na yatang walang sawang nagte-text kahit hindi ako nagre-reply.
“Magpapakilala na ‘ko. Reply ka naman.”
“Gusto lang kitang maging kaibigan."
“Monica, pwede ba tayong magkita?”
Madami pa siyang message na hindi ko na binabasa minsan. Diretsong bura agad dahil masyado na niyang pinupuno ang inbox ko.
“Kung magpapakilala ka, magpakilala ka. Makikipagkita ka pa. Baliw! 'Di mo ko mauuto,” bulong ko sa sarili. Bumaba ako para magluto. Wala pa ang mga housemates ko dahil Sunday ngayon. Halos umaga na sila ng Monday bumabalik dahil karamihan sa kanila ay pang-hapon hanggang gabi ang klase hindi katulad ko na may pang-umaga at hapon. Si Tita Luz ang naabutan ko na naglilinis ng kusina
“Oh Monica, lumabas sila Maia. Hinahanap ka kanina, yayayain ka sana kakain daw sila sa labas pero tulog ka yata,” aniya habang inilalabas lahat ng gamit sa kitchen cabinet.“Tita, hapon na po ah. Hindi pa ba kayo magpapahinga?” tanong ko.
Umiling ito. "Wala naman ako ginagawa, saka sumasakit na ang ulo ko kakapanood ng tv.”
Binuksan ko ang cabinet kung saan nakalagay ang mga gamit ko. Wala na pala akong stock na pagkain, wala rin ako maluluto na kahit ano. “Tita, lalabas lang po ako.”
“San ka pupunta?”
“D'yan lang po sa supermarket. Wala na pala po akong stock.”
“Sige, mag-ingat ka, ha?
“Ok Tita, salamat po.”
Bumalik ako sa kwarto at nagpalit ng damit. Kinuha ko ang wallet at cellphone at inilagay sa maliit kong body bag.
Tiningnan ko ang oras sa relos sa braso ko, alas-singko pa lang naman. Dumaan muna ako sa chapel pagkatapos ay dumiretso sa pinakamalapit na shopping plaza. Since halos nasa sentro rin naman ng City ang boarding house na tinitirhan ko ngayon kaya napaka accessible sa lahat.
Dumaan muna ako sa bookstore at nalibang sa kapipili ng mga books na on sale nila ngayon.
Madilim na sa paligid paglabas ko ng bookstore kaya dali-dali akong nagpunta sa supermarket at pumili lang ng mga kailangan ko para sa buong linggo.
Dahil malapit na ang closing ng supermarket ay siya naman ang paghaba ng pila sa counter. 'Tsk, tsk, gutom na ko. Noodles na naman malamang ang hapunan ko nito.'
Past 7 na nang matapos akong magbayad. Naglakad na lang ulit ako pag-uwi since marami pa naman tao at mas matagal pa kung sasakay ako ng tricycle dahil iikot pa ito sa dami ng one way na madadaanan.
Malapit na ako nang mapansin ko ang schoolmate ko na nakatambay sa may saradong tindahan katabi ng boarding house namin. May kasama itong isa pang lalaki na hindi ko kilala. Tatawid na sana ako sa kabilang kalsada at magkukunwaring hindi siya nakilala pero tumayo ito at sinalubong ako.
Medyo kinabahan ako dahil parang namumula ang mga mata nito. “Monica, galing ako sa dorm n'yo. Umalis ka raw sabi ng landlady n'yo. Akala ko pinagtataguan mo 'ko eh," nakangisi nitong salubong sa akin. Ang kasama niya ay nakita kong tumayo at lumayo sa amin.
“Ahm, bakit? May kailangan ka ba?” iwas kong tanong. Dumiretso ako sa paglalakad. Ang malas ko naman. Kung kelan ako ginabi saka pa walang masyadong dumadaang sasakyan at pailan-ilang tao lang ang naglalakad.
Inakbayan niya ako at kinuha ang plastic bag na dala ko. Nagulat ako kaya awtomatikong napapiglas. Inalis ko ang kamay niya sa balikat ko at malalaking hakbang ang ginawa pagkatapos kong makita ang galit niyang reaksyon. But he grabbed my wrist and I turned back. “Monica, bakit ba ayaw mo 'kong bigyan ng chance?” nagsusumamo ang mga mata nito pero wala akong maramdaman sa kanya.
Matagal ko na siyang kaibigan pero hindi ko binibigyan ng pagkakataon na makapanligaw. At hindi ko gusto lalo kapag nakakainom siya ng alak.
“Mark, nasasaktan ako.” Pilit kong binabawi ang kamay ko pero mas lalo lang niyang hinihigpitan ang hawak dito.
“Sabihin mo sa'kin Monica kung anong ayaw mo o kung anong gusto mo. Susundin kita, kahit ano. Sabihin mo lang, bigyan mo lang ako ng pagkakataon na mapakita na seryoso ako sayo.”
Gusto kong sabihin sa kanya na, 'Ganyan naman talaga ang mga lalaki. Gagawin ang lahat mapa-oo lang ang nililigawan pero kapag naging kayo na lalabas na ang totoong ugali.'
Pero hindi ko para sabihin pa iyon dahil baka makadagdag pa sa pag-asa niya. “Wag na lang ako Mark. Marami naman iba d'yan," tanggi ko.
“Ayoko sa iba, ikaw ang gusto ko,” aniya na lalong hinigpitan ang hawak sa braso ko.
“Mark, ano ba? Nasasaktan ako!” Nakakaramdam na ako ng takot at inis sa kanya.
“Monica---”
“Pare, may problema ba?” narinig kong tanong ng isang baritonong boses mula sa lalaking biglang pumagitan sa'min ni Mark. Nakaharap ito kay Mark at bahagyang nakatalikod sa ‘kin kaya hindi ko agad nakilala.
“'Wag kang makialam dito," galit nitong tinitigan ang lalaki pero hindi pa rin binibitawan ang braso ko.
Lumingon sa akin ang lalaki at tinitigan ako.
Eto yung friend ni Chelsea, 'Si… sino nga ‘to?'
I suddenly had an evil idea. Tumikhim ako. “Babe, andito ka na pala. Bakit hindi ka tumawag na pupunta ka pala rito?” kinakabahan kong bati. Sana ma-gets nito ang ibig kong sabihin. Nakita ko ang pagkagulat sa mata ni Mark na hawak pa rin ang braso ko.
Nang tumingin si Mark sa kanya ay simple ko siyang pinanlakihan ng mata. He pursed his lips at nangunot ang noo.
Tiningnan niya nang masama si Mark at saka hinila ang braso ko. Parang ang galing naman nito sumakay at umarte dahil napalakas ang hatak nito sa kamay ko dahilan para mapasubsob ako sa kanya.
“Sino ‘to Monica?” namumula ang mga matang tanong ni Mark.
Bumuntong-hininga ako bago magsalita pero hindi ko pa naibubuka ang bibig nang magsalita ang kaibigan ni Chelsea
“Ethan, pare. Boyfriend ni Monica.” Napatingin ako sa kanya. Alam niya ang pangalan ko? Napayuko ako at nag-isip. Parang binanggit ni Mark ang pangalan ko kaya alam niya. Buti na lang para hindi niya mahalata ang pagsisinungaling ko.
“Boyfriend? Talaga lang Monica?” he sneered. “Ganyan ba talaga ang pagkaayaw mo sa 'kin para manghila ka na lang nang kung sino para magpanggap na boyfriend mo?”
“Magpanggap?” tanong nito at tumingin sa akin. “Pare, matagal na kami ni Monica. Sinabi ba niya sayo na wala siyang boyfriend? Binigyan ka ba n'ya ng chance kaya hindi mo matanggap na may boyfriend na siya?” kalmado nitong tanong.
Matiim nitong tiningnan si Ethan habang nakakuyom ang mga kamay.
“Hindi ako naniniwala.” Muli niyang hinatak ang braso ko. “Monica, mag-usap tayo. Kausapin mo 'ko. 'Wag lang ganito. Willing akong maghintay," nakikiusap na ang mga mata nito, wala na ang galit na kanina lang ay kinatatakutan ko.
Hinila ko ang kamay ko pero hindi n'ya binitiwan. “Sorry Mark. Maghanap ka na lang ng iba.”
Hinawakan ni Ethan ang braso ko na hawak ni Mark pagkatapos ay tinulak niya ito.”Pare, ano ba? Hindi ka ba marunong umintindi?”
“Sabi ko, 'wag kang makialam dito,” sigaw nito sabay unday ng suntok kay Ethan. Mabilis na nakaiwas si Ethan pero mukhang nahagip pa rin siya.
Susugod pa sana ito pero sinalubong na siya ng suntok ni Ethan sa mukha. Kita ko ang pagtama ng kamao niya sa pisngi nito. Napatili ako at hinawakan si Ethan sa braso. Lalapitan ko sana si Mark na nakayuko habang pinupunas ang gilid ng labi nang pinigilan ako ni Ethan. Ang kasama naman nito ay mabilis na lumapit nang makita ang nangyari at umawat na rin.
“Umuwi ka na Mark. Please, umuwi na kayo,” pakiusap ko na rin sa kasama niya. “Mukang nakainom din yata s'ya.”
Tumango ang kasama nito. “Pare, umuwi na muna tayo. Saka mo na lang kausapin si Monica.”
Hindi ito sumagot at malungkot na tumingin sa akin. Saka tumalikod at diretsong naglakad. I bit my lips. Naawa rin naman ako sa kanya pero ayoko s'yang paasahin sa wala.
“Feeling sorry?”
Gulat akong napalingon. Saglit akong nawala sa sarili at nakalimutan kong may kasama pa pala ako.
Tumikhim ako. “So..sorry, nadamay ka. Ahm..pano ba?” nahihiya kong tanong.
“Pano? You mean, how can you repay after using me?” Hinawakan nito ang kanyang panga saka medyo ngumiwi.
“Naku, masakit ba? Sorry talaga. 'Yon lang kase ang naisip ko kanina para tigilan na ako ni Mark.”
Tumingin siya sa akin pagkatapos ay naglakad ito papunta sa motor na nakaparada sa tapat ng gate ng boarding house namin.
Sumunod ako sa kanya. “Saka natakot kase ako sa kanya kanina. Sorry na, hindi ka naman niya kilala eh. At kung may magagalit, ako ang magpapaliwanag. Sabihan mo lang ako… or kahit ipapaliwananag ko na nang advance para hindi na magkaron ng misinterpretation kung makarating man sa girlfriend mo. Anong gusto mo, tawagan ko siya? Anong number niya? O gusto mo personal ko siyang kausapin?”
Nilingon niya ako at kumunot ang noo niya. “Mas gusto kong personal mo siyang kausapin,” seryoso nitong sagot.
Napalunok ako. Mukang takot yata ‘to sa girlfriend niya. Pero wala naman akong intensyon na masama. Hindi naman siguro magagalit 'yun. Ipapaliwanag ko na lang nang maayos. “O..ok, sige taga saan ba siya? Gusto mo tawagan ko muna ngayon para hindi naman siya mabigla tsaka gabi na kase kung isasama mo 'ko sa kanya. Baka mas lalo n'yang mamisinterpret.”
“You owe me this time, at hindi simpleng bagay ang pinagawa mo sa'kin. Muka pa naman barumbado 'yung manliligaw mo. Pano kung abangan ako nun at pagbalakan ako nang masama?”
Nanlaki ang mga mata ko. Aabot ba sa ganun?
"Kaya ok lang naman siguro sa'yo kung ako ang magsabi kung paano natin malulusutan itong trouble na pinasok mo."
I bit my lips. Ang tanga ko naman kase. Pwede naman ako tumakbo kanina kahit magmukha akong tanga, bakit 'yun pa ang naisip kong solusyon. Mas malaki pa yata ang magiging problema ko ngayon.
”So yung sinasabi mo na willing kang makipag-usap at magpaliwanag sa kanya, sasabihin ko sa'yo kung kelan. Gets?” patuloy nito na hindi inaalis ang tingin sa'kin.
Tumango ako. “Ahh, pasensya ka na talaga. Pero 'wag kang mag-alala, sinabi ko lang naman 'yun kanina at wala naman continuation 'yon.”
“Sigurado ka? Pano kung kulitin ka ulit nun?” Tumingala ito sa bandang taas ng boarding house namin.
“Ako na ang bahala. Mabait naman 'yun, lasing lang siguro 'yun kanina kaya gano'n.”
Bumalik ang tingin nito sa akin. “Pinagtatanggol mo pa? Kulang na lang ay kaladkarin ka kanina. Tingnan mo 'yan braso mo.” Dumilim ang mukha nito at hinawakan ang braso ko na namumula pa hanggang ngayon dahil sa higpit ng hawak ni Mark.
Yumuko ako. Bakit galit siya? Tiningnan ko ang kamay niya na nakahawak sa braso ko. Gusto ko sanang hilahin ito pero hindi ko magawa.
Sa huli ay binitawan niya rin ito at sumakay sa motor niya. “Gabi na, pumasok ka na,” utos nito.
Hihintayin ko muna sana siyang umalis pero nakalingon lang siya sa akin at parang hinihintay din niya akong pumasok sa loob.
“O..ok." Pumasok ako at nang isasara ko na ang gate ay nakita kong isinuot nito ang helmet saka umalis.
Nakasalubong ko si Tita Luz na palabas galing kusina. “Kadarating mo lang? Gabi na ah!”
“Opo Tita, medyo nagka-aberya lang po sa labas.”
“Nakita ka ba nun kaklase mo? Parang lasing ah.”
“Medyo lasing nga po pero umalis na po.”
“Mabuti naman. Magsasara lang ako sa labas at wala na sigurong babalik na boarders ngayon.” Nilapag nito ang dalang garbage bag at saka lumabas.
Inilagay ko ang mga pinamili ko sa cabinet at nag-iwan lang ng cup noodles na siyang hapunan ko ngayon.
Ok na ‘to at least may laman ang sikmura bago matulog. Magluluto pa sana ako pero nawalan na ako ng gana. Gusto kong makapagpahinga na agad. Naisip ko ang nangyari kanina.
Ang kulit naman kase ng Mark na 'yun. Sinabi ko nang ayoko sa kanya, hindi pa ako tigilan. 'Yan tuloy, nagkaron pa 'ko ng isipin. Malas ko lang kase parang seryosong tao pa ang Ethan na yun. Sa nakita kong reaksyon niya kanina, alam kong hindi siya natuwa na ginamit ko siya. 'Gaga, eh sino ba naman ang matutuwa na bigla mo na lang s'yang ginawang boyfriend pangtaboy ng ibang lalaki? Eh hindi nga kayo magkakilala talaga. Dalawang beses pa lang kayo nagkita at pinagtarayan mo pa s'ya,' kastigo ko sa sarili.
Pero baka naman mainit lang ang ulo niya kanina. At baka naman wala lang sa kanya 'yun. Hindi nga n'ya kinuha ang number ko para ma-contact niya ko kung sakaling kailangang magpaliwanag ako sa girlfriend niya. So, nothing to worry Monica. Relax! Wala lang 'yun at malamang titigilan na rin ako ni Mark. Napangiti ako habang kumakain.
“Hoy babae, bakit nangingiti-ngiti ka d'yan? At sinong yung kausap mo kanina sa labas ng gate?” bungad ni Maia na hindi ko namalayan na nakalapit na pala sa akin kasama nito si Malen.
“Oo nga, in fairness gwapo ah. Boyfriend mo?” dagdag ni Malen.
Umiling iling ako at uminom ng tubig bago sumagot. “Hindi ah. Napadaan lang 'yun, friend ni Chelsea.”
“I see.. Buti naman,hahaha. Pakilala mo ko, ha? May girlfriend na ba 'yon?” Nakapangalumbaba ito na tila may kung anong ini-imagine.
Natatawa ako sa hitsura nito. Mahilig talaga ito sa gwapo. Sa katunayan ay naka-ilang boyfriend na rin ito pero lahat ay hindi nagtatagal. Magkasing edad lang kami kaya magkabatch pero sa ibang school siya nag-aaral.
Nagkibit-balikat ako habang amused na nakatingin sa kanya. “Not sure, pero parang meron.” Pagkatapos ay ikinwento ko sa kanila ang nangyari kanina.
"Ang sabi n'ya eh sasabihan daw n'ya ko kapag kailangan kong magpaliwanag.” Ang lakas nang tawa ng dalawa pagkatapos malaman ang ginawa ko.
“Ang lakas din ng trip mo, 'no? Lukaret!” Tawang-tawa pa rin si Maia.
“Kung ako ang jowa nun, lagot ka talaga sa'kin. Aba, mag-jowa ka ng sayo at 'wag mong hihiramin 'yung sa'kin lalo na kapag ganun ka-gwapo. Ay naku, girl!" Itinaas pa nito ang isang daliri at winagayway at umiling-iling.
Sinubo ko lahat ang natitirang noodles at nakangusong palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. “Big deal ba 'yon? One time lang naman 'yon at hindi naman kami magpapanggap ah.”
“Well, sana lang ay hindi makarating sa jowa niya. Malay mo war freak pala 'yon at bigla ka na lang sugurin," tila nananakot na si Malen.
“Kase naman, ayaw mo ba talaga kay Mark?. Gwapo rin naman 'yun ah, may car pa. Dapat nga may loyalty award na yun sa'yo sa tagal na nun panliligaw sa'yo.”
Umikot ang mga mata ko. “Ang kulit n'ya eh. Sabi ko friends na lang kami. Ayaw n'ya nun mas madalas kaming magkasama kung to-tropahin n'ya ko kaso jowa ang trip n'ya. Eh d 'wag! Nagkaron tuloy ako ng jowa-jowaan. Eh di mas lalo siyang nawalan,” biro ko at sabay-sabay kaming nagtawanan.
Pumasok si Tita Luz na nakihalubilo na rin sa amin. “Yan lang ba ang kakainin mo, Monica? May pagkain pa d'yan sa ref, iinit mo na lang. May kanin pa. Teka kukunin ko.” Tumayo ito pero pinigilan ko.
“Wag na po Tita Luz, busog na po ako."
“Ay naku Tita Luz, busog na 'yan. May jowa na eh,” sambit ni Maia na pinanlakihan ko ng mata.
Tumawa ako nang malakas. “H'wag po kayo maniniwala d'yan. Wala po akong boyfriend at wala pa akong balak mag-boyfriend,” tanggi ko.
Kumuha ito ng tubig at sumandal sa ref. “Tama 'yan, 'wag ka magmamadali. Kahit pa ganun ka-gwapo 'yung nagpunta rito nun isang linggo na umuwi ka sa inyo at hinahanap ka, magpakipot ka muna," sabi nito at tumataas-taas pa ang kilay habang nangingiti.
“Ho? May naghanap po sa'kin last week? Ano raw po'ng name?”
Ibinaba nito ang hawak na baso at muling umupo sa tapat ko. “Sabi n'ya classmate mo raw. Hindi naman sinabi ang pangalan. Ite-text ka na lang daw n'ya. Pero mukang mabait na bata. Magaan ang loob ko sa kanya.”
“Ay iba din! Kanina lang dalawa 'yung nag-aagawan sa'yo tas meron pa palang isa.”
Napakunot ang noo ko, kung classmate ko 'yun at last week pa, sana may nagbanggit na sa'kin dahil isang linggo na ang lumipas na lagi naman akong nasa school. “Gaga, classmate ko raw 'di ba? Baka manghihiram lang ng notes.”
Ilang minuto pa kaming nag-chikahan at nagtawanan bago bumalik sa kani-kanilang kwarto. Bukas pa ang balik ng roommate ko kaya mag-isa lang ako matutulog ngayon.