Chapter 1
Jinie Shirokin High
Oakwell Town, Golden Palace, Arkania
Kasalukuyan
Jas Suarez
"Hoy, Ron-Ron! Bilisan mo naman diyan baka mahuli tayo ng teachers," saway ko sa kaniya. Ang bagal naman kasi niya. Naiinip na 'ko!
"Oo na! Ito na nga, Jah-Jah. Huwag kang mag-alala dahil mag-eenjoy ka mamaya," sabi niya sabay ngisi sa 'kin. Iyan ang gusto ko sa kaniya. Nakaka-excite!
Pinaplano lang naman namin kung paano iinit ang ulo ng principal ng school. Siguro naman ay tama na ang pag-vandalize sa pinakamamahal niyang sasakyan, hindi ba? Balita ko ay regalo pa iyon ng kaniyang asawa.
At isa pa, bagay lang ito sa kaniya! Matapos niyang i-reject ang proposal ng section namin ay kulang pa ang parusang ito. Hindi tuloy kami mapapabilang sa gaganaping patimpalak dito sa school namin. Minsan na nga lang kami maging interesado ay aalisin pa ang section namin. Porket kami ang pinakamababa at pinakamakalokohan! Tingin yata nila ay sisirain namin ang program dahil may mga taga-ibang school din ang sasali.
"Ayan na! Tara, baka mahuli pa nila tayo rito."
Hinila niya ako para magtago sa mga halaman. Malapit lang kami sa entrance ng building namin para madaling tumakbo palayo. Panonoorin namin kung paano umusok ang tainga ni Mr. Irma kapag nakita niya ang pinakamamahal niyang Silver 2017 Subaru Forester.
Palabas na ang principal namin at hinahanap ang susi ng sasakyan sa kulay pula niyang polo at sa itim na pantalon. Mukhang may date siya ngayon pero sorry na lang dahil tiyak na mag-aaway sila ng asawa niya. May pagkamataray pa naman 'yon.
Hindi naman kami nagkamali ng hula. Namula nga ang kaniyang mukha't lumabas ang kaniyang mga ugat sa noo habang nagsisisigaw sa galit. "Sino ang may gawa nito?!"
Tawa naman kami nang tawa ni Ron-Ron na pumasok sa building namin dahil baka abutan pa ng bell. Mahirap na. Siguradong sinisisi na rin niya ang mga staffs na naroon. Mabuti na lang at walang CCTV na pwedeng makakuha sa ginawa namin.
"Mukhang masaya kayo, ah?" tanong ni Kimmey, ang bestfriend ko. Kumpara sa brown at curly kong buhok na pinakulayan ko lang ay natural na blonde naman ang kaniya. Hanggang beywang iyon at parang pina-rebond habang hanggang balikat lang ang sa 'kin.
"Masyado bang halata?" tanong ko. Naupo kami ni Ron-Ron sa bandang likuran.
"Kayo talagang dalawa! Kapag kayo nahuli, 'wag ninyo kaming idadamay," sabi naman ni Gelo, boyfriend ni Kimmey at kaibigan ni Ron-Ron. Kung si Ron-Ron ay kulay itim ang buhok na nakahati sa gitna, kulay brown naman ang kay Gelo na medyo curly.
"Hindi pa kami nahuhuli ni isang beses. At wala kaming balak na magpahuli," sabi ni Ron-Ron habang nakangisi.
Naiiling na binatukan na lang ni Gelo ang kaibigan habang natatawa naman kami ni Kimmey sa kanila.
Nagsimula na kaming magchikahan nang dumating ang teacher namin. Tumahimik ang lahat at nakita ko agad ang kaba sa mukha niya. Paupo na dapat siya pero hinatak ko ang taling hawak ko kaya... oops!
Napuno ng tawanan at hiyawan ang room namin dahil isa lang ang ibig sabihin nito... wala na namang klase! Halos madulas pa siya sa paglakad palayo dahil sa mantika at harinang dumikit sa kaniyang paa at katawan.
"Tara sa canteen, Jah-Jah!" yaya ni Ron-Ron sabay hila sa akin. Tutal gutom na rin lang naman ako ay nagpahatak na lang ako. Iniwan namin sina Kimmey at Gelo dahil paniguradong mas gusto nilang magsolo.
Um-order lang kami ng makakain at naghanap ng mauupuan.
Tumaas ang sulok ng labi niya. Isa lang ang ibig sabihin nito, may naiisip na naman ang isang ito na kalokohan. Ganito siya lagi bago gumawa ng kalokohan. Pero kahit madalas ko na siyang nakikitang nakangisi ay narito pa rin at parang may kumakalikot sa tiyan ko.
Kilala ang section namin sa paggawa ng mga kalokohan kaya hindi na kami ang pinakamalala. Mayroon pang iba sa 'ming mas nakakatakot pa ang mga pranks. At sa totoo lang, ang tumal na ng mga pranks namin ngayon. Ewan ko ba kay Ron-Ron. Kung hindi rin naman dahil sa kaniya ay hindi ako matututong gumawa ng kalokohan. Nasa section one pa nga ako dati.
Hindi ko naman siya sinisisi dahil ako naman ang may gustong gumawa ng mga 'to. Sadyang nakakatuwa lang pala talaga kapag ginagawa mo ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa noon. Bata pa naman ako para maging seryoso masyado sa buhay.
"Order lang ako ng juice, ah?" paalam niya.
Tiningnan ko siyang bumili ng juice. Pagbalik niya ay may nakabungguan siyang lalaki. Hindi ko alam kung sino iyon pero pakiramdam ko ay natahimik ang mga tao sa canteen dahil sa nangyari.
Hindi na ako nag-aksaya ng oras at nilapitan ko na sila.
"Sorry, hindi ko sinasadya. Hindi kasi kita nakita," ani Ron-Ron.
"A -- "
Magsasalita pa sana ang lalaki pero hindi ko siya pinatapos.
"Ron-Ron, ano ba naman 'yan! Hindi kasi tumitingin sa daan." Binaling ko ang tingin sa lalaki. "Sorry po ah?"
Pagkatapos ay hinila ko na si Ron-Ron paalis. Hindi ko alam pero parang nag-iba talaga ang hangin sa paligid dahil sa nangyari. Nawala 'yong ingay na hindi naman nangyayari noon kapag gumagawa kami ng kalokohan.
"Sayang! Dapat hinayaan mo muna siyang magalit," pagmamaktol niya, bahagya pang nakanguso dahil sa nangyari.
"Mukhang mananapak na kasi siya kanina kaya hayaan mo na," sabi ko na lang.
Nakaupo kami sa damuhan at tanaw namin ang malawak na soccer field. Malakas ang hangin kahit na medyo mainit. May ilan ding mga estudyante ang nakatambay rito dahil maraming puno ang nagbibigay silong sa 'min.
"Ano kaya ang magandang gawin mamayang uwian?" tanong ko sa kaniya. Alam kong hindi siya mauubusan ng kalokohan sa katawan.
"May basketball practice mamaya at madaming pupunta. Ako na bahala sa gagawin natin."
Mukhang masaya ito. Balita ko kasi ay maraming bagong members at may mga taga-ibang school pa ang papasok sa gym namin.
"Tara na! Baka maunahan tayo ng teacher," sabi niya.
Pagdating namin ay naroon na nga. Umupo na kami pareho. May seating arrangement na ibinigay sa amin pero hindi namin sinusunod.
Hanggang sa matapos ang klase sa Araling Panlipunan ay nagdadaldalan lang kami ni Ron-Ron sa likod kahit sinasaway na kami ng guro namin. Hindi naman nila kami puwedeng paghiwalayin. Masyado na kaming attached sa isa't isa kaya parang imposibleng paghiwalayin pa.
Nakarinig kami ng isang matinis na sigaw pero hindi na rin kami nagulat. Narinig kasi namin kanina na may ilalagay na ipis ang mga kaklase ko sa locker room. At ang may pasimuno? Si Miya, kaklase namin. Pati ilang teachers namin ay trip din niyang asarin. Kaya naman ang section namin ang pinakamababa sa lahat. Puro daw kalokohan ang alam namin.
Well, iyon na ang tingin nila sa 'min kaya susulitin na namin.
"Nakasimangot ka na naman diyan?" puna ni Ron-Ron.
Bigla tuloy akong bumalik sa reyalidad at saka ko lang napagtantong kanina pa pala ako nakatulala at nakasimangot. "Wala lang ako sa mood ngayon," sabi ko na lang at dinukmo ang ulo ko sa mesa.
"Want to have some fun? Balita ko ay may new teacher tayo ngayon," sabi niya.
Napatingin ako sa kaniya. Saktong ang lapit din niya kaya muntikan ko siyang maitulak. Siya naman ay parang wala lang at nilapit pa lalo ang mukha sa 'kin.
"A-Ano naman? Lumayo ka nga! Nakakasuka 'yang mukha mo!" bulalas ko at yumuko ulit. Baka makita niya ang namumula kong mukha. Tiyak na aasarin niya 'ko!
"Grabe! Ang gwapo ko kaya tapos susuka ka lang?"
Sabay kaming natawa sa sinabi niya at saka ko siya binigyan ng isang sapak sa balikat. Napakahangin niya talaga minsan!
Tinuloy na namin ang balak ko sana kaninang pagka-cutting at inakyat na lang namin ang bakod sa likod ng building. May ilang guards kasi ang nagbabantay sa main gate kaya mahirap doon tumakas. Well, that's Jinie Shirokin High for you!
Inakyat ko ang bakod dahil nauna sa akin si Ron-Ron.
"Talon na dali! Sasaluhin kita," sabi niya.
Ginawa ko ang sinabi niya at sinalo niya ako. May tiwala naman ako sa kaniya na hindi niya ako ihuhulog.
Tumakbo na kami at nagpuntang karinderya para bumili ng pagkain. Doon kami nagkulitan. Buti pa rito ay tahimik lang. Iyong tipong wala kang tatakasan. Hindi tulad sa school na may officers pa. Hindi naman kapaki-pakinabang dahil hindi naman nila kami napipigilan.
Nang makauwi ako ay agad akong humilata sa single bed ko. Hindi ganoon kalaki ang silid, tama lang para sa 'kin. Wala akong koleksyon ng kung ano at puro posters lang ng paborito kong palabas ang nakadikit sa pader.
May isa akong maliit na wooden table sa tabi ng kama ko na may picture frame ko noong elementary graduation. May isa pang frame katabi nito kung saan kasama ang mama't papa ko na kinuha rin noong mismong graduation.
Wala akong litrato noong bata pa ako. Nakapagtataka man ay hindi na ako nagtanong pa kung bakit. Sinubukan ko noon pero halata mong iniiwasan talaga nina mama ang usapan lalo na kapag tungkol sa kabataan ko. Para akong nagkakaroon ng nakahahawang sakit na nilalayuan nilang dalawa.
Pilit kong tinatago sa likod ng isip ko lahat ng iyon, pero gaya nitong mag-isa ako at nakatulala ay hindi ko maiwasang hindi tanungin, ano nga ba ang mayroon noon at kahit ako'y hindi maalala ang mga nangyari? Bakit hindi ko maalala noong apat na taong gulang ako? Noong tatlong taon at dalawang taon? Kasi ayon kay Ron-Ron ay may naaalala pa siya sa nangyari sa kaniya kahit hindi masyadong malinaw.
Minsan ko nang tinanong sa sarili ko, nagka-amnesia ba ako? At kung oo, bakit parang ayaw pa ikuwento nina Mama at Papa?
Inabot ko ang cellphone ko sa side table nang mag-vibrate iyon. Bumungad sa 'kin ang pangalan ni Ron-Ron.
Kumunot agad ang noo ko. Hindi naman siya mahilig tumawag. Agad ko itong sinagot dahil mukhang mahalaga ang sasabihin niya.
"Hello?" sagot ko.
"Ano 'ng ginagawa mo?"
"Wala naman, patulog na sana 'ko."
"Napanood mo 'yong balita?"
Tumingin ako sa orasan sa pader at nakitang mag-aalas nuwebe na, ibig sabihin ay tapos na ang balita. "Hindi. Bakit? Ano 'ng mayro'n?"
"May malalang sakit daw ang reyna."
Agad binundol ng kaba ang dibdib ko dahil sa balita niya. "Weh?"
"Oo. Kanina lang nakumpirma..." Ilang saglit pa kaming natahimik hanggang sa muli siyang nagsalita. "Isa lang ang ibig sabihin nito."
Tumango ako kahit hindi niya nakikita. "Tiyak na hindi palalampasin ito ng hari ng Nearon."