Chapter 2

2421 Words
Chapter 2 Jas Suarez Ngayon namin gagawin ang naisip naming kalokohan ni Ron-Ron sa may basketball court. Mukhang ang dami nga talagang mga pumunta upang manood. Sikat kasi ang sports na 'to sa school namin maliban sa Soccer. "Tara sa locker room nila, Jah. Nasa court na ang mga players at nagpa-practice. Ito na 'yong chance natin para makapasok!" Kulang na lang ay magtatalon siya sa sobrang excitement. Sumama naman ako sa kaniya at dinala ang pandikit na binili ko kanina. Nilagyan namin nito ang mga bola pati ang loob ng mga jersey shirts na narito. Para naman maging sulit ang pagbili ko ay idinikit ko na rin ito sa mga upuan upang hindi nila matanggal. Mukhang nakatutuwa ang makikita namin mamaya. Mas maganda sana kung sa buhok... wait! "Ron-Ron, may naisip ako. Paano kung pumunta tayo sa shower room ng boys?" tanong ko. Bigla namang dumilim ang mukha niya. "Ano ba ang nasa isip mo, Jah? Maninilip?" Napatawa naman ako dahil sa sinabi niya. As if namang gusto ko! Kahit na gaano pa kalaki ang katawan ng mga varsity players namin, katawan lang ni Ron-Ron ang gusto kong makita. "Hindi! Lalagyan natin ng pandikit ang mga buhok nila," bulong ko naman sa kaniya.  Saglit pa siyang natahimik at nag-isip dahil medyo mapanganib ang gagawin namin. Kinulit ko pa siya nang kinulit hanggang sa sumuko na siya. "Sige na nga, pero ako ang maglalagay," sabi niya. Nangatwiran naman ako. Hindi nakaka-excite kung siya lang! "Ganito na lang. Ipapasan kita para makaakyat ka tapos sabay tayong tatakbo palabas. Deal?" tanong niya. Napaisip ako saglit. "Deal!" Natatawa ko pang nilagyan ang upuan at umalis na. Tumakbo kami patungong shower room at nagtago. May ilang players ang nakalabas na at mukhang nakaligtas sila. Hindi sila ang malalagyan nito sa buhok! Sana nga lang ay may player pang natira sa loob. Tinantya namin kung may lalabas pa at nang masiguro ay si Ron-Ron ang pumasok sa loob. Tiningnan ko naman siya at lumapit nang sinenyasan niya akong wala ng tao. Dahan-dahan kaming pumasok sa shower room at saka pasimpleng lumapit sa isang cubicle na may tumutulong tubig. "Ready?" pabulong na tanong niya sa 'kin. Nag-thumbs up naman ako sa kaniya at saka niya ako pinasan. Unti-unti kong sinilip ang pinto at nakakita ng isang lalaking nakatalikod at naliligo. Mayroon naman siyang shorts na pang-ibaba kaya nakahinga pa ako nang maluwag. Ganito pala ang katawan ng mga varsity. Ang ganda ng kutis at parang bato. Sorry, Kuya! Kailangan kong gawin ito dahil nakakatuwang isipin na maaasar ka. Binuksan ko naman ang lalagyan ng pandikit nang medyo nanginginig pa. Tinapik ko si Ron-Ron dahil sa gulo niya. Tiningnan ko pa siya nang masama. Tinuon ko ulit ang atensyon ko sa hawak ko at napasulyap sa lalaki. Halos mahulog ang puso ko dahil kasalukuyan na siyang nakatingin sa 'kin!  Nanlilisik ang mga mata niya kaya naman tumalon ako paalis sa likod ni Ron-Ron. Hinawakan ko na siya sa kamay sabay takbo.  Nahuli kami, nahuli kami! "Ano 'ng nangyari, Jah-Jah?" tanong ni Ron-Ron habang tumatakbo pa rin kami. "R-Ron-Ron! Nahuli ako, nahuli niya ako! Nakakatakot," bulalas ko. Nakita naman namin ang isang kumpulan ng mga tao kaya napabitiw ako sa kaniya. "Dito tayo." Iyon na lang ang narinig ko mula sa kaniya pero nang tingnan ko kung sino ang humatak sa 'kin ay nanlaki agad ang mga mata ko. Sinubukan kong kumawala pero masyado siyang malakas. Nang makalayo kami sa mga tao ay tinulak niya ako sa pader. Napapikit na lang ako dahil sa pagkakatama ng likod ko. Unti-unti akong dumilat hanggang sa makita ko ang nagliliyab niyang tingin. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Akala mo ba matatakasan mo 'ko?" Wala akong masabi. Natali yata ang dila ko dahil sa kaba. Ano 'ng gagawin ko ngayon? Nahuli niya 'ko! "Ahm..." "Magsalita ka! Ano ang ginagawa mo sa shower room ng boys?" madiing tanong niya sa 'kin.  Nakatingin lang ako sa kaniya at sinipat ang kabuoan niya. Kulay asul ang mga bilugang mata niya at mahahaba ang pilik-mata. Matangos ang ilong, mapupulang labi at ang mga pisngi. Medyo tumutulo pa ang tubig sa shorts niya na mukhang hindi na napalitan kanina. "Tapos ka na bang sipatin ako, Miss? Ngayon, sabihin mo na sa 'kin kung ano ang kailangan mo at ano ang ginagawa mo roon kanina?" Ngumisi siya bago nagpatuloy. "Mukhang pinagnanasahan mo pa 'ko. Satisfied ka na ba sa nakita mo o gusto mo pa ulit? Mukha kasing nag-enjoy ka kanina sa paninilip mo." Umakyat ang dugo ko sa paa papuntang ulo. Masyadong mayabang ang isang ito! "Huwag ka ngang feeling! FYI, hindi kita sinisilipan, 'no!" "Pwes! Bakit ka pala nando'n?" "Nakita mo 'to?" tanong ko sabay taas ng pandikit na hawak ko. "Gusto sana kitang lagyan nito sa buhok pero nagbago na ang isip ko. Gusto ko na palang ipalamon 'to sa 'yo ngayon dahil sa kayabangang dala mo!" "Gano'n? So, gusto mo pa pala akong gawan ng masama? Alam mo ba kung ano ang puwedeng mangyari sa 'yo kapag sinabi ko 'to sa guidance?" "Ano naman? At least mabubura ko na 'yang bibig mo para hindi na makapagkalat ng kayabangan!"  Ngumisi lang siya kaya nadagdagan na naman ang init ng ulo ko.  "Tumigil ka sa kakangisi mo. Hindi ako natutuwa sa 'yo!" sigaw ko sa kaniya.  Tumingin naman siya ulit sa 'kin. Kung kanina ay nakakatakot ang mga tingin niya, ngayon naman ay may halong pagkamangha na iyon. Ha! Baka ako ang unang babaeng bumalewala sa kagwapuhan niya. Nakaapak pa yata ako ng pride! "Alam mo bang ikaw ang kauna-unahang babaeng sumigaw sa 'kin? Ang kauna-unahang babaeng bumastos sa 'kin?" Tinaasan ko lang siya ng kilay. "Ano naman ngayon? Hindi ko naman 'yon kawalan. Isa pa, sino ka ba?" panghahamon na tanong ko sa kaniya. Akala mo kasi kung sino. "Hindi mo 'ko kilala?" tanong niya sa 'kin. "Hindi nga! At kung malaman ko man, wala akong pakialam. Hindi dapat inaalala ang mga lalaking tulad mo!" Tinalikuran ko na siya. Kumukulo na talaga ang dugo ko sa kaniya. Ngayon ko na lang naramdaman 'to ulit dahil hindi naman ako naaasar nang ganito dati. Kapag kasi iinit ang ulo ko ay napipigilan agad ni Ron-Ron. Bago pa man ako makalayo sa kaniya ay isang bisig na naman ang naramdaman kong humila sa 'kin. Pagkaharap ko sa kaniya ay binigyan ko siya ng matalim na tingin. "Ano?" bulalas ko. Kumunot ang noo niya. "Wala kang karapatang magalit sa 'kin, Miss. Kailangan mong panagutan 'tong kalokohan mo. Sasama ka sa 'kin." Hinatak niya ang kamay ko ngunit agad akong nagpumiglas. "Huwag! Please, sorry na, Kuya! Hindi ko na uulitin."  "Sinasabi mo lang iyan ngayon dahil isusumbong kita. Kapag pinatakas kita, uulitin mo lang ang ginawa mo." "Hindi na! Promise! Hindi na talaga." Napatigil siya sa paghatak sa 'kin at saka ako nilapitan. Halos maduling ako dahil sa paglapit ng mukha niya sa 'kin. "Alam mo, kapag may ginawa kang hindi maganda, dapat mong pagbayaran iyon. Hindi mo alam kung ano ang puwedeng maging epekto niyon sa ibang tao," aniya. Umawang ang bibig ko. Alam ko, gusto ko sanang sabihin. Pero parang natutop lang ang bibig ko. Alam ko naman iyon, pero masaya ako sa ginagawa ko. Ano ang magagawa niya? "Pakakawalan kita ngayon, pero kapag may ginawa ka na namang kalokohan at nahuli kita, alam mo na kung ano ang mangyayari." Muli niya akong tinitigan sa mga mata bago tumalikod sa kinaroroonan ko. Pinanood ko lang siyang umalis hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Napabuga ako ng hangin. Bakit nagi-guilty ako? ABSENT NGAYON SI Ron-Ron kaya ito ako at mag-isa, hindi alam kung itutuloy pa ba ang prank na naiisip ko. Paano kung mahuli ako? E 'di ako lang mag-isa? Sabi niya kasi ay aalagaan niya ang kapatid niyang may sakit, si Paula. Kaya ang boring tuloy ng araw na 'to. Nakadukmo lang ang ulo ko sa upuan at nagde-daydream. Wala na namang klase dahil sa kagagawan ng mga kaklase ko. "Pakakawalan kita ngayon, pero kapag may ginawa ka na namang kalokohan at nahuli kita, alam mo na kung ano ang mangyayari." Napailing na lang ako dahil do'n. Hindi pa rin kasi maalis sa isip ko ang sinabi ng estrangherong iyon. Mababaliw na nga ako kagabi kaiisip! Paulit-ulit sa utak ko kung ano ang ginawa niya. Hindi ko mapigilan ang mamula at pang-initan ng pisngi. Napatili na lang ako sa isip ko! "Mukhang malungkot ka 'ata ngayon, ah?" sabi ni Gelo. Nandito na sila pareho ni Kimmey kaya may kasama na ako. Tiningnan ko na lang silang dalawa at napasimangot lalo. Si Kimmey ang sumagot, "Wala kasi ang love of her life niya kaya ganiyan siya ngayon!"  Kinagat ko na lang ang pang-ibabang labi ko. Ang hindi nila alam ay nalulungkot ako dahil sa nangyari kahapon. Kahit naman gumagawa kami ng kalokohan, ayoko pa ring mahuli. "Ayos lang 'yan! Papasok na 'yon bukas. Hindi ka matitiis n'on!"  Ngumuso na lang ako at 'di na sila sinagot. Narinig ko na ang bell kaya inayos ko na agad ang gamit ko. Nagsitayuan kami at pumunta na ako sa canteen. Kaunti lang ang tao dahil madalas ay sa soccer field sila kumakain. "Ate, kanin po tiyaka Chicken Fillet na lang," sabi ko. Loner ako ngayon dahil nag-cutting sina Kimmey at Gelo. Habang naghahanap ako ng mauupuan ay biglang may lumapit sa 'king mga babae. "Mukhang nag-iisa ka yata?" puna ni Pugita number one.  Tatlo silang mga babaeng may makakapal na make up. Maiksi rin ang asul nilang palda kumpara sa normal. Nakabukas din ang butones nila hanggang dalawa kaya kita ang mga cleavages nila. Alam ko agad na hindi maganda ang pakay nila itsura pa lang. "Mukha ba kong may kasama? Duh!" sabi ko. Inirapan ko pa sila. "Sino ka ba para sagutin ako?" tanong ulit ni Pugita number one, ang tumatayong leader yata nila. Mayroon siyang nunal sa ibaba ng kanang mata niya. Maganda sana siya pero mukhang hanggang itsura lang. "Jas is the name. Alis nga! Gutom na 'ko," sambit ko. Lalagpasan ko sana sila kaso lang ay may humila ng buhok ko. "Kapag kinakausap ka, 'wag kang tumatalikod," sabi ni Pugita number two na humila sa buhok ko, ang attacker ng grupo nila. Nakataas ang kilay niya kaya nagmukha siyang mabangis. Napansin ko ring may piercing siya sa dila nang magsalita siya. "Kung may sasabihin pa kayo, no thanks! Huwag mo ring hawakan ang buhok ko. Mas mahal pa ang shampoo na ginagamit ko kaysa sa buhay ninyo!" Natanggal ko naman agad ang pagkakahawak niya sa buhok ko kaya agad akong umalis. Hindi ko kaya ang ganitong mga eksena.  Ron-Ron ko, nasaan ka na ba kasi? "Stop!" sabi ni Pugita number one pero hindi ko sila pinansin. Nagugutom na ako! "She said stop!" Bigla namang hinila ni Pugita number three ang buhok ko paibaba kaya napaupo ako sa sahig. Tumapon tuloy ang laman ng hawak kong tray. Siya naman iyong pinakamaliit sa kanila pero pinakamalakas ang boses. "Ano ba 'ng problema ninyo?!" sigaw ko. Nakatingin na ang mga taong may mga mata sa 'min, nagbubulungan na rin ang ibang may bibig dito. Hindi na lang gamitin ang mga iyon sa pagtigil nitong ginagawa ng mga pugitang ito kaysa magbulungan sila na parang mga bubuyog. "May gana ka pang magtanong?" "Gutom na ako at mawawalan talaga ako ng gana kapag hindi mo nilayo iyang pagmumukha mo sa 'kin," sabi ko. Sa mga ganitong sitwasyon ay laging darating si Ron-Ron upang ipagtanggol ako. Mahina ako, oo. Gusto ko lang makita nila ngayong kahit papaano ay kaya kong ipagtanggol ang sarili ko. Hindi iyong lagi akong aasa kay Ron-Ron! Pero mukhang hindi madali. "Ito lang ang sasabihin ko sa 'yo. Leave. Tyrone. Alone!" sigaw niya sabay sabunot na naman sa 'kin. Ngayon ay may kasama ng kurot. Gustuhin ko mang lumaban ay hindi ko kaya. Hanggang sagutan lang naman ako. Ang tanging magagawa ko na lang ay manahimik at gamutin ang mga sugat ko mamaya. Isa pa, bakit ko naman gagawin ang sinabi niya eh kaibigan ko si Ron-Ron? Bata pa lang ay kilala ko na siya kaya wala silang karapatan para sabihin sa 'kin ang bagay na 'to. Pagkatapos nila akong saktan ay pinagpatuloy ko ang pagkain ko. Inubos ko kung anuman ang natira sa tray. Wala naman akong pera para bumili ng panibago. Nagpasalamat na lang ako't hindi nahulog lahat ng ulam at kanin sa tray. Tiningnan ko nang masama ang mga taong nakatingin sa 'kin - mga taong walang ginawa kundi ang husgahan ako kahit ako ang naagrabyado. Patuloy ako sa pagkain habang pinipigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Ito ba ang mangyayari sa 'kin tuwing wala si Ron-Ron sa tabi ko? Kailangan ba habang buhay ay kasama ko siya para maging payapa ang mga araw ko? Para kasing hindi ko kaya ang mag-isa sa mga pagkakataong 'to. Pagkatapos kong kumain ay dumeretso ako sa rooftop. Puro sirang mga upuan lang ang nandito. May ilan ding mga whiteboards na hindi na ginagamit, mga sirang mop at iba't ibang mga bagay na patapon na. Pagkatapak na pagkatapak ko sa rooftop ay sumigaw ako agad, "Ron-Ron ko! Nasaan ka na ba kasi? Bumalik ka na. Kailangan kita ngayon!" Patuloy na dumadaloy ang mga luha sa pisngi kong kanina pa pinipigilan. Kung may sapat lang sana akong lakas para labanan sila kanina ay hindi ako magmumukhang mahina sa harap ng maraming tao. Hindi rin sana ako umiiyak ngayon. Habang nakaupo at yakap ang mga tuhod ay patuloy akong umiiyak. Nahigit ko lang ang hininga ko nang may marinig akong nagsalita. "Huwag ka ngang maingay. Tss!" Pamilyar ang boses ng lalaki pero hindi ko siya pinansin.  Nanatili akong nakayuko sa harap ng railings. Naramdaman kong tinitigan niya ako na para bang sinisipat kung sino itong sumisigaw. "Perverted girl?" tanong niya sa 'kin. Hindi ko pinansin ang pang-iinsulto niya. "T-Teka, umiiyak ka ba?" Hinawi niya ang buhok ko para tingnan ang mukha ko pero tinabig ko lang ang kamay niya. "Huwag mo 'kong hawakan! Kung aasarin mo lang ako, puwede bang mamaya na lang?" mahinang sambit ko. Nahihikbi na rin ako. Sa tingin ko ay kapag tumingala ako, makikita na niya ang mugto kong mga mata at ang uhog ko. Akala ko ay aalis na siya dahil naramdaman ko ang paggalaw niya pero mali ako. Umusod lang pala siya palapit sa 'kin at saka ako hinila... palapit sa kaniya. Papalag pa sana 'ko kaya lang ay naramdaman ko ang pagtapik niya sa balikat ko. Hindi ba chansing na 'to? Dapat na ba 'kong umalis? Pero hindi naman niya ako niyayakap... ayos lang naman 'to, 'di ba? "Iiyak mo lang 'yan. Estranghero man ako sa paningin mo, puwede mo pa rin naman ako maging kaibigan kahit ngayon lang," sabi niya.  Hindi ko tuloy napigilan ang mapaiyak na naman dahil sa sinabi niya. Hinagod niya ang likod ko na para bang malapit kaming magkaibigan... na para bang matagal na naming kilala ang isa't isa. Bakit nga ba ako nagpapahawak sa ibang lalaki nang ganito? Pero ang mas nakapagtataka ay kung bakit walang halong pagtutol ang nararamdaman ko ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD