Prologue
Golden Palace, Arkania
Kasalukuyan
Prince Eiji of Albanya
NARITO AKO sa Golden Palace matapos kumalat ang tungkol sa sakit ng Mahal na Reyna. Alam kong hindi magtatagal ay malalaman na rin ng publiko ang lahat pero hindi ko inaasahang ganito kaaga. Kailangan naming higpitan ang seguridad ng palasyo at tiyakin sa mga taong ayos lang ang lahat.
Kahit alam naming hindi tatahimik ang Hari ng Nearon.
"Mahal na Prinsipe, pinatatawag po kayo ng Mahal na Reyna," sabi ng isa sa mga katiwala ng palasyo.
Inayos ko ang pagkakasikip ng suot kong itim na Doublet, isang tradisyonal na kasuotan ng Golden Palace. Para akong Swan dahil palobo ito paikot sa beywang ko at may isang maikling vest na hanggang tiyan.
Mga maharlika na lamang ang nagsusuot ng mga ganito upang mapanatili ang kultura ng bansa. May ilan namang parte sa Arkania na modernong damit na ang suot gaya na lamang ng unipormeng blouse at polo sa Jinie Shirokin High.
"Nasaan ngayon ang Mahal na Reyna?" tanong ko sa babaeng katiwala nang hindi siya tinitingnan sa mga mata.
Nakasuot silang mga babae ng Dirndl Dress na may mga pa-ekis na tali sa dibdib. May ruffles din sa bandang leeg at dulo ng sleeves nito. Hanggang tuhod ang haba habang maayos namang nakatali ang kanilang mga buhok.
"Nasa kaniyang silid po ang Kamahalan."
Hindi na ako nagsalita at naglakad na palabas ng aking silid.
Bilang mapapangasawa ng kaniyang nag-iisang anak, obligado akong mamalagi sa palasyo paminsan-minsan. Kahit na sa Albanya ako nakatira at lumaki ay inaasahan akong magpunta rito sa Golden Palace upang gawin ang mga tungkulin bilang isang prinsipe.
Kahit na hindi pa siguradong magpapakasal nga kami.
Isa na rin sa mga dahilan ay hanggang ngayon, hindi pa rin nila nahahanap ang nawawalang prinsesa.
Pagpasok ko sa silid ay nakita ko agad ang pagngiti niya sa dereksyon ko. Ngunit hindi mo maaalis ang bakas ng lungkot at pangungulila sa kaniyang mukha.
Nababalutan ang ibabang parte ng kaniyang katawan ng isang makapal na kumot. Nakasandal siya sa headboard ng kaniyang kama na may gintong disenyo.
"Mahal na Prinsipe, buti at pinaunlakan mo ang aking imbitasyon."
Yumuko ako sa harap niya upang magbigay-galang.
Gawa sa bato ang silid niya gaya ng buong palasyo at nagtataasan ang mga kisame. Marami ang mga poste na kadalasan ay Doric na nagsisilbing pundasyon sa harap pa lang ng palasyo hanggang sa loob. Simple lamang ang hugis nito na halos puro parisukat, at puti lamang ang pader na walang kahit anong disenyo. May ilan lamang na mga larawan at obra ang nakasabit sa paligid.
Mayroon din namang mga estatwa ng mga hayop na makikita lamang sa bansang ito gaya ng Usa, Pusa, Aso at ang pambansang hayop ng Golden Palace na Lion. Naglalakihan at nagtataasan din naman ang mga bintana sa palasyo na nagbibigay ng natural na ilaw tuwing umaga.
"Isang karangalan, Mahal na Reyna. Ipinatawag ninyo raw po ako?" tanong ko.
"Nais ko lang saluhan mo kami sa aming handaan para mamayang gabi," sabi niya sa 'kin.
"Ikinagagalak kong samahan kayo sa hapag, Mahal na Reyna."
"Mamayang gabi ay darating sila para saluhan tayo."
Literal na nanlaki ang aking mga mata sa narinig.
"Darating ang Empress, Duchess, Goddess at lahat ng mga tagapagmana rito," pahayag niya.
Sa wakas ay makikita ko na silang tatlo kasama ang mga kaibigan kong lalaki. Pero hindi ko alam kung dapat nga ba talaga akong matuwa sa pagdating nila ngayon.
Ano kaya ang mangyayari mamaya? Minsan lang magkaroon ng piging sa Albanya dahil maliit lamang iyon na bansa. Kaya nakagugulat ang biglaan nilang pagbisita. Mukhang normal lang ito rito sa Golden Palace.
Hindi kaya darating din ang mga magulang ko?
"May nais sana akong hilingin sa 'yo, Mahal kong Prinsipe," mahinahong sambit niya. Lumapit siya sa 'kin at inabot ang kamay ko upang hagkan iyon.
Gusto ko sanang bawiin ang kamay ko dahil sa ginawa niya ngunit pinigilan ko ang sarili ko. Ayoko namang maging bastos sa kaniyang harapan. Pero hindi ko maiwasang hindi kabahan dahil isa siyang reyna, siya ang Mahal na Reyna ng Arkania. Ang madampian ng kaniyang mga labi ay isang karangalan para sa akin ngunit hindi pa rin ako mapakali.
"Kahit ano po, Mahal na Reyna."
"Natagpuan na ang Mahal na Prinsesa."
Umawang ang bibig ko at naghanap ng sasabihin.
"Ngunit hindi pa ito ang itinakdang panahon upang lumabas siya at magpakita sa publiko," aniya.
Napatango naman ako at nakinig nang mabuti. Mukhang ako ang napili niya upang sabihan ng sikretong ito.
"Nais kong bantayan mo siya, Mahal na Prinsipe. Alam kong masyado akong makasarili sa hinihingi ko ngunit gusto ko lang na malaman kung ano na ang lagay niya ngayon. Mapapanatag lang ang loob ko kung ikaw mismo ang magbabantay sa kaniya."
Hindi ako agad nakasagot, hindi dahil ayoko sa hinihingi niya kundi dahil nababahala ako sa pakikihalubilo sa ibang mga tao. Alam kong iba ang pamamalakad sa labas ng palasyo.
Naramdaman niya naman ang pag-aalangan ko kaya tipid siyang ngumiti. "Naiintindihan ko..."
"Hindi sa ganoon, Mahal na Reyna." Bahagya akong umiling. "Sa katunayan ay gusto ko na rin siyang makita. Pero... hindi ko alam kung makakaya kong makihalubilo sa ibang tao."
Dahan-dahan siyang tumango at napatulala bago sinabi, "Kung gusto mo ay pakikiusapan ko rin si Chesca."
Napatingala ako sa kaniya. Si Chesca...
"Kung ganoon ay mapapanatag po ang loob ko," agad na sagot ko.
"Hindi mo alam kung gaano ako kasaya."
At ilang saglit pa ay lumabas na ako ng silid niya upang maghanda, iniisip pa rin ang naging pag-uusap namin.
NAKAUPO NA KAMI sa kaniya-kaniya naming puwesto at nakikinig sa tugtugin.
May Ehru akong nakita, isang instrumentong mayroong dalawang string. Para itong violin sa modernong instrumento. Naroon din ang isang Guzheng na mayroong labing-walo hanggang dalawampu't tatlong string na kung hindi ako nagkakamali ay kailangang pisilin ang mga string upang makalikha ng tunog. Pinadala sila rito ng Empress dahil isa ito sa mga sikat na instrumento sa bansang Green Forest.
"Puwede na ba nating simulan ang salu-salo?" tanong ng Kamahalan, ang Reyna ng Golden Palace na siyang ina ng aking mapapangasawa.
"Wow! Mukhang masasarap ang handa!" bulalas ni Ana, ang susunod na Duchess, pagkalapag na pagkalapag pa lamang ng mga pagkain.
Pinagalitan siya ng kaniyang ina, ang Duchess ng East Blue, at humingi ng paumanhin para sa anak.
Nagsimula na kaming kumain nang tahimik at walang imikan. Mayroong nakahaing Arancini, Pierogi, Cevapi at ilan pang mga pagkaing sikat dito sa Golden Palace.
Mayroon din naman silang dala para sa naging pagsasalusalo. Ang sikat na Braised Pork Balls na dala ng Empress mula sa Green Forest. Ang Goddess naman ay may dalang Samgyeopsal mula Sky Kingdom. At ang dala naman ng Duchess ay ang kanilang ipinagmamalaking Tom Yum Goong na mula pa sa East Blue.
Rinig ko na ang kabog ng puso ko. Kung hindi dahil sa patuloy na pagtugtog ay baka mabaliw na ako sa katahimikan.
"Nahanap na ba ang Mahal na Prinsesa?" pag-aalalang tanong ng aking ina, ang Reyna ng Albanya.
Mas lalong bumigat ang paligid dahil sa sinabi ni ina. Mukhang naintindihan naman niya ang sitwasyon kaya pinagpatuloy na lang ang pagkain. Hindi ako nagsalita kahit na may alam ako. Ayokong pangunahan ang Reyna.
"Sayang. Sana ay makita na ang prinsesa. Kung hindi, sino na ang magmamana ng palasyo?" pagpapatuloy ni Xhey, ang susunod na Empress. "Kung sakali kayang hindi siya mahanap, ano ang mangyayari sa Arkania?"
Pinagalitan din siya ng kaniyang ina, ang Empress ng Green Forest.
Napatingin na lang ako kay Clairn, ang susunod na Goddess, nang tumikhim siya sa isang gilid.
Napaisip ako bigla sa sinabi ni Xhey. Paano kung hindi tanggapin ng prinsesa kung ano ang nakatadhana sa kaniya? Hindi ko pa siya kilala kaya posibleng mangyari iyon. Paano kung ayos na siya sa kasalukuyan niyang buhay at tanggihan niya ang trono? Kapag dumating ang panahon na 'yon, hindi magiging maganda ang mga pangyayari.