Chapter 3
Jas Suarez
Kasalukuyan kaming tahimik habang ginagamot niya ang sugat ko. Hindi niya iyon napansin agad kanina pero ito siya at parang mas galit pa kaysa sa 'kin. Daig pa ang mama at papa ko.
"Sino ba naman kasi ang walang pusong gagawa nito? Ang ayoko talaga sa lahat ay iyong mahilig manakit!" Nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa mga sugat ko. "O baka naman may ginawa ka na namang hindi maganda kaya ka sinaktan?" tanong niya sa 'kin, this time, nakataas na ang isang kilay sa dereksyon ko.
Napasimangot na lang ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung nang-aasar lang ba siya o talagang nagdududa lang sa 'kin.
"May ginawa agad na kalokohan? Hindi ko naman kasi inaakalang sasaktan nila ako, sa pagkakatanda ko kasi ay wala pa akong ginagawang kalokohan ngayong araw!" bulalas ko sa kaniya.
Diniinan naman niya ang bulak sa pisngi ko kaya napadaing na lang ako. "Baka naman nakalimutan mo lang. Hindi naman siguro sila mananakit kung wala kang ginagawang masama, 'di ba?"
Napasimangot ako sa isang dahilan na naisip ko. "Sa tingin ko... dahil kay Ron-Ron."
Naningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa 'kin. "Kung gano'n, hindi lang ako ang lalaking sinilipan mo?"
Sinamaan ko siya ng tingin. "Hindi nga kasi! Kaibigan ko siya at siya ang katulong ko sa paggawa ng kalokohan. Absent kasi siya ngayon. Gusto nila akong palayuin sa kaniya pero sino ba sila para gawin ko 'yon?"
Blanko lang ang tingin niya sa malayo at para bang biglang naging awkward ang paligid namin. Bakit ba kasi bigla-bigla na lang nag-iiba ang mood niya? May split personality ba siya? Napaiwas na lang din tuloy ako ng tingin.
"Ron-Ron? Ano ba ang tingin mo sa kaniya?" tanong niya.
Napatingin ako sa kaniya na ngayon ay nakatingin na ulit sa 'kin. Napaiwas na naman tuloy ako. Ano ba naman 'to? Normal pa ba ang taong ito? Bakit nakaka-intimidate siya ngayon?
"Sabi ko naman sa 'yo, 'di ba? Kaibigan ko siya at katulong sa paggawa ng kalokohan," sabi ko.
Inilapit niya ang mukha sa 'kin na parang inaalam kung nagsasabi ako ng totoo.
'Hindi ako nagsisinungaling!' Gusto ko sanang isigaw sa kaniya kaya lang ay baka magmukha akong defensive.
Akala ko ay magsasalita siya pero bigla na lang siyang ngumiti sa 'kin at saka tumayo. Ang weird talaga!
"Hindi ko pa alam ang pangalan mo," sambit niya.
Marahas akong napabaling sa kaniya. "Oo nga, 'no?"
"Ako nga pala si Eiji," aniya.
"Jas, 'yan ang pangalan ko," sabi ko. Nakipagkamay naman ako sa kaniya. Nakakatuwang isipin na magkakaroon ako ng instant kaibigan dahil lang sa pagpunta ko rito. Kahit na ba nakakailang ang una naming pagkikita.
"Jas? Jas lang? Hindi ba Jasmine?" tanong niya.
"Oo, eh! Minadali yata ni Mama ang paglalagay sa birth certificate ko. Okay na rin para hindi na mahaba ang isinusulat ko sa exams!" Natawa ako.
"Dahil malungkot ka ngayon, ililibre kita. Pero sa susunod dapat ilibre mo rin ako para quits. May kasalanan ka pang hindi mo nababayaran sa 'kin," sabi niya sabay pinagkrus ang mga braso niya.
Napaisip naman ako sa kasalanang ginawa ko. "Ano na namang kasalanan 'yon? Oi! Baka naman gawa-gawa mo lang 'yon para mailibre kita?"
Nataasan pa tuloy ako ng kilay. "Hindi 'noh! Sinilipan mo nga ako noong nasa shower room ako kaya hindi pa tayo quits." Tinaasan pa niya ako ng kilay. "Ako pa ang gumamot ng sugat mo! Doble pa pala ang babayaran mo," aniya.
Hindi naman nagtagal ay umalis na kami sa rooftop at lumabas ng school habang nagtatawanan. Nakapunta kami sa mga stalls na maraming mga pagkain, souvenirs, at mga laruang tinitinda.
Marami ang tao rito na madalas ay puro turistang nagmula pa sa bansang East Blue, Sky Kingdom o kaya naman ay sa Green Forest.
Habang namimili ay ang dami kong nalaman tungkol kay Eiji at ganoon din naman siya sa 'kin. Varsity pala siya ng school namin at na-delay ang match nila dahil success ang pagsasabutahe namin sa mga gamit nila. Para tuloy ayokong pumunta sa court dahil baka mabugbog ako ng mga kasamahan niya.
Kumakain kami ngayon ng ice cream habang naglalakad.
"May itatanong lang sana ako sa 'yo pero 'wag ka sanang magagalit ah?" tanong ko sa kaniya.
Tiningnan niya lang ako na parang hinihintay ang itatanong ko.
"Bakit paiba-iba ugali mo? Minsan mabait, maingay, tapos minsan nagsusungit ka. Ang madalas mo lang gawin ay maging mahangin," tanong ko sa kaniya.
Napahinto naman siya sa paglalakad at sandaling nag-isip. "Hindi ko rin alam. Feel ko lang gawin 'yon. Isa pa, mas gusto kong ilabas kung ano ang nararamdaman ko kapag gusto ko," simpleng tanong niya.
Natigilan naman ako sa sinabi niya. "Gano'n? H-Hindi ka ba magagalit?"
Tiningnan naman niya ako nang nagtataka.
"Tinanong kita tapos sinabihan kita ng masungit, mayabang blahblah. Hindi ka ba magagalit o maiinis?"
"Oo, naiinis nga ako," sabi niya.
Tiningnan ko naman siya nang seryoso. "Ang gulo mo rin, 'noh?" tanong ko sa kaniya. Nakapameywang ako habang nakatingin sa kaniya.
At ang loko, tinawanan pa ako bago magsalita. "Hindi ako magulo. Tulad ng sabi ko, kung gusto ko lang ilabas. Sa ngayon ay ayoko muna magalit. Ayoko kasing i-spoil ang first date natin," sabi niya.
Napatigil ako at napatulala dahil sa sinabi niya. Date? First date namin 'to?
Napatingin ako sa kaniya habang siya naman ay nakangiting nakatingin sa daan. Ano ba 'ng nangyayari sa 'kin? Don't tell me, nararamdaman ko rin sa kaniya 'to? Hindi kaya tulad kay Tyrone... may crush na rin ako sa kaniya? Isa lang siyang estranghero, 'di ba?
Tyrone Davis
Naglalakad ako ngayon papuntang school. Mabuti na lang at magaling na ang kapatid ko kaya makapapasok na rin ako sa wakas. Miss ko na 'yong mga pranks na ginagawa ko at higit sa lahat ay miss ko na rin ang boses ni Jah-Jah ko. Hindi ko naman kasi inaasahang hindi ako makakapasok kaya nag-text na lang ako sa kaniya.
Sana okay lang siya. Medyo nag-aalala kasi ako. Hindi ko man sigurado kung bakit pero marami ang may ayaw sa kaniya. Siguro dahil na rin sa ginagawa naming mga kalokohan at ilan sila sa mga nabiktima. Ngayon lang talaga ako nawala sa tabi niya para protektahan siya.
"Ron-Ron!" Speaking of Jah-Jah, narinig ko na ang matinis niyang boses sa hindi kalayuan. Papasok pa lang ako ng gate ng school namin, 'yan agad ang bungad niya sa 'kin.
"Kumusta na, Jah-Jah?" tanong ko sa kaniya habang malawak ang pagkakangisi.
Tumalon siya at saka ako binigyan ng yakap kaya naman muntik na kaming bumagsak pareho. Mabuti na lang at hindi siya ganoon kabigat, hanggang dibdib ko lang din kasi ang laki niya.
"Okay lang ako. Grabe! Walang gumawa ng kalokohan kahapon," sabi niya at pagkatapos ay binigyan ako ng isang napakalaking ngiti.
Makita ko lang siyang nakangiti ay buo na ang araw ko!
Isang araw ko lang siyang hindi nakita ay parang hindi na 'ko mapakali. Inasar pa nga ako ng kapatid ko dahil baka raw magkasakit ako kapag hindi pa ako pumasok sa school. OA man pakinggan pero 'di ko na maitatanggi pa.
"Talaga? Sayang naman. Pero nandito na 'ko," sabi ko.
Pumasok na kami sa loob ng room habang nagku-kuwento siya sa lalaking nakilala niya noong isang araw. Ni hindi nga niya naikuwento sa 'kin na nahuli siya ng lalaking balak namin lagyan ng pandikit.
"Alam mo ba kahapon, pumunta kami sa stalls diyan sa malapit? Hindi ko rin inaasahan na date pala namin 'yon. Sorry Ron-Ron, ah? Hindi ikaw ang first date ko!" nakatawang bulalas pa niya.
Ngumiti na lang ako sa kaniya at dumeretso na sa upuan ko. Parang sumikip ang dibdib ko habang nagku-kuwento siya sa 'kin. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro nga ay wala pang karanasan si Jah-Jah tungkol sa mga date pero ang tingin niya sa date na 'yon ay friendly date lang.
Hindi ko maiwasan ang manghina. Hindi pa rin ako nakikipag-date sa kahit na sino dahil gusto ko sanang siya ang mauna. Kaya lang ay nahuli ako.
"Nilibre pa nga niya ako kahapon kaso kailangan na niyang umalis," sabi niya. Bigla siyang napasimangot habang nagku-kuwento. Seryoso ba siya?
Hindi ko napigilan ang sarili ko at binatukan siya. Alam ko namang gusto niya lang na magpalibre sa 'kin.
"Tama na nga ang kaka-emote mo riyan. Sa susunod, ako naman ang makikipag-date sa 'yo kahit hanggang gabi kung gusto mo. Sumakay pa tayo ng roller coaster kahit paulit-ulit," sabi ko.
Mukha namang nagustuhan niya ang suhestiyon ko kaya nagplano na agad siya kung kailan. Hindi na ako masyadong umimik. Ayokong mahalata niyang naiinis ako sa kuwento niya. May pagkaiyakin pa naman 'yan. Ako lang yata ang nakapagpapatahan sa kaniya pero ayon sa kwento niya, mukhang hindi na lang ako.
Kilala ko 'yang si Eiji at minsan ko na 'yang nakasangga sa Basketball. Laro-laro lang 'yon malapit sa lugar namin. Hindi ko naman maipagkakailang magaling siya pero syempre mas magaling ako. Tss!
Nawala lang ako ng isang araw ay ang dami na agad nangyari. Isa pa 'tong mga pugita raw na nang-away sa kanya.
"Okay ka lang ba, Ron-Ron? Parang wala ka sa mood, ah?" tanong niya.
Hindi ko tuloy maiwasan ang mapabuntong-hininga na lang. Hindi ko naman kasi siya matitiis lalo na kapag siya na ang naglambing.
"Okay lang ako, 'wag mo 'kong pansinin," sabi ko na lang.
Simula mag-high school kami ay magkaklase at magkakilala na kami. Sa haba ng panahon ay kilala ko na siya. Alam ko kung wala siya sa mood o naiinis siya. Kaya lang siya, hindi pa niya ako gaanong kakilala. Nakaka-disappoint din kung minsan. Pero ano pa nga ba ang magagawa ko? Baka nga sinasamahan niya lang ako dahil nag-eenjoy siya sa mga pranks namin.
Hindi niya ako sinasamahan dahil gusto niya akong kasama.
Jas Suarez
NAGDI-DISCUSS ANG teacher namin pero walang nakikinig. Wala pa kasi 'yong new teacher namin na nakasagutan ni Miya. Hindi na ako makapaghintay kung ano ang mangyayari sa susunod nilang paghaharap. Para kasi akong nanonood ng isang drama.
Nag-iba rin ang aura ni Ron-Ron kanina pero hindi ko naman alam kung bakit. Kapapasok lang niya pero ito siya't mukhang hindi dala ang kaluluwa.
Kinukutkot ko lang 'yong upuan ko at nag-carve ng kung ano-ano. Sobrang boring!
"Class dismiss," sabi ng aming guro.
Nakita kong nagmamadali si Ron-Ron na lumabas ng room at hindi man lang ako inaya.
"Ron-Ron, wait lang!" sigaw ko. Hinabol ko lang siya hanggang sa makasabay ko siyang maglakad. "May problema ka ba?" tanong ko.
Kakaiba kasi talaga ang kinikilos niya ngayon. Hindi siya 'yong tulad noong makulit at maya't maya ang kalokohan. Hindi ko tuloy maiwasan ang hindi mag-alala.
"Wala naman, nagugutom lang ako."
"Gano'n ba? Tara kain tayo!" yaya ko sa kaniya. Hinila ko na siya papuntang canteen. Ang daming tao ngayon kaya ang hirap sumingit. Mabuti na lang at nandiyan si Ron-Ron kaya may tagabili ako.
"Maupo ka na diyan, ako na lang ang bibili," sabi niya at hinila na ako paupo.
Tinatanaw ko siya kung nakasingit na ba siya. Baka maipit siya o kaya naman...
"Looking for me?" tanong ni Eiji na bigla-bigla na lang lumitaw sa harapan ko.
Napahawak tuloy ako sa dibdib ko dahil sa gulat. "Eiji, ano 'ng ginagawa mo rito?" tanong ko sa kaniya.
"Obviously, kakain," sabi niya sabay pakita ng pagkain niya. Oo nga naman, Jas! Hindi mo ba nakita? At ito na naman siya, iba na naman po ang ugali niya. Mukhang wala na naman siya sa mood at nagsusungit na naman. Meron siguro siya ngayon.
"Pero ano 'ng sabi mo? Hinahanap kita? Asa! Isa pa, may kasama ako," sabi ko at luminga-linga pa sa paligid pero walang Ron-Ron akong nakita.
"Really? Then, sino ang hinahanap mo?" tanong niya pa. Hindi ba obvious? Isa lang naman ang kaibigan kong nabanggit ko sa kaniya.
"Si Ron-Ron..."
Tumingin din siya sa paligid at tiningnan ang paligid.
"Hindi mo naman 'yon kilala eh," sabi ko.
"Kilala ko 'yon. Si Tyrone?"
"Talaga? Saan mo naman nakilala? Isa pa, bakit hindi mo naman sinabi na magkakilala pala kayong dalawa?" sunod-sunod na tanong ko.
Nagkibit-balikat siya at naupo sa harap ko kahit hindi ko sinasabi. Mukhang wala naman si Ron-Ron kaya hinayaan ko na. Mukha ngang may problema siya. Kailangan ko siyang hanapin mamaya.
"Hm... nakalaro ko na siya sa Basketball," simpleng sabi niya.
Kumunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Si Ron-Ron? Nagba-Basketball?
"Hindi mo ba alam?" tanong niya.
Umiling na lang ako bilang sagot at pinagpatuloy ang pagkain. Ngayon ko lang napansin na ang dami ko pa palang hindi alam tungkol kay Ron-Ron.
Bakit ngayon ko lang nalaman ang bagay na 'yon? Halos apat na taon na kaming magkaklase. Kung hindi pa dahil dito kay Eiji eh hindi ko pa malalaman. At ito ako, sinasabi sa lahat na kaibigan ko siya, pero ni mga basic na bagay patungkol sa kaniya ay hindi ko alam.
"Aalis na ako. Baka maistorbo ko pa kayong dalawa," sabi niya at tumayo na paalis.
Si Ron-Ron naman ay nag-text. Nauna na raw siya at pinadala na lang sa kaklase ko ang pagkain ko.
Pipigilan ko pa sana si Eiji na umalis kaya lang ay hindi na siya huminto para bumalik. Kaya naman naiwan akong mag-isang kumain. Ang tanging maganda lang na nangyari ay wala ang mga babaeng sumugod sa 'kin kahapon.
Napasimangot na lang ako dahil napagtanto kong ang loner kong tingnan. Ang dami kasing tao sa canteen. Buong barkada o kaya naman dalawahan ang kumakain habang ako, mag-isa lang.
Pagbalik ko sa room ay wala pa si Ron-Ron samantalang late na ako dumating.
"Kimmey, Gelo, si Ron-Ron?" tanong ko sa kanila.
Magkasama na naman silang dalawang. Gaya namin ni Ron-Ron ay magkadikit na ang mga bituka nilang dalawa. Ang pinagkaiba lang ay magjowa na silang dalawa. Hindi naman ako naiinggit. Sakto lang.
"Hindi mo ba alam? Nahuli siya kanina ng Councilor kaya nasa guidance siya ngayon," sabi ni Kimmey. Nakakunot ang noo niya at medyo naniningkit ang mga mata.
Napaiwas na lang ako ng tingin. Ito na naman ako, wala na namang alam tungkol sa sarili kong kaibigan.
At ano raw? Nahuli? Sa tinagal-tagal naming gumagawa ng pranks ay hindi pa kami nahuhuli ni minsan! Madalas nakakalusot siya kahit anong prank pa ang ginagawa niya pero ngayon? Imposible!
"Eh?" nasabi ko na lang.
"Ewan ko lang pero nakita ko kasama ni Ron-Ron 'yong councilor," sabi naman ni Gelo. "Tinanong ko pa nga siya pero hindi naman niya 'ko sinagot. Pumasok lang sa guidance."
Napatahimik na lang ako. Pumasok nga siya, hindi ko naman makasama. Kanina iniwan pa akong mag-isang kumain. Badtrip naman oh!
Ano ba ang problema mo, Ron-Ron? Ano ba ang nagawa ko?