Chapter 4
Jas Suarez
Hindi nagtagal ay bumalik na rin si Ron-Ron sa room namin. Pero ang kinababahala ko ay hindi pa rin niya ako pinapansin.
Napanguso na naman ako habang nakatingin sa kaniya na umuupo sa silya. Minsan lang niya ako bigyan ng silent treatment kaya naman naninibago ako. Kailangan ko siyang makausap!
"Ron-Ron," tawag ko sa kaniya pero kung umakto siya ay parang hindi niya ako narinig.
Tinawag ko ulit ang pangalan niya.
Nilingon naman niya ang ulo niya sa 'kin pero hindi lumapit. "Ano?" Blanko ang mga tingin niya. Bahagya pa akong napaatras dahil sa bigla. Confirm! May problema nga siya.
"Galit ka?" tanong ko. Nilakasan ko na ang loob ko para magtanong. Lagi siyang nasa tabi ko kapag kailangan ko siya kaya gusto ko sanang ganoon din ang gawin ko kapag kailangan niya ako.
"Hindi," aniya. Tumingin na ulit siya sa pisara habang nakasuot ang mga kamay sa bulsa ng pantalon niya. Hindi rin maayos ang pagkakaupo niya na para bang papahiga na sa silya.
Nilapit ko ang upuan ko at kinalabit siya sa kaniyang balikat. "Galit ka eh," sabi ko habang nakanguso. Kinulit ko lang siya nang kinulit hanggang sa bigla siyang humarap sa 'kin nang pabalang.
"Hindi ba obvious? Galit ako! Kaya pwede ba, 'wag mo muna kong kausapin!"
Mas lalo akong napaatras dahil sa biglaan niyang pagsigaw. Unang beses niya akong pagtaasan ng boses ngayon!
Tumalikod siya ulit at hindi ako pinansin. Napatingin ako sa paligid namin nang may ilan sa mga kaklase kong nabigla rin gaya ko.
Naglakad ako palabas ng room namin. Pagkasara ko pa lang ng pinto ay tumakbo kaagad ako papuntang rooftop. Doon ko binuhos ang lahat ng hinanakit ko. Ayokong makita ng mga kaklase ko na nagkakaganito ako dahil kay Ron-Ron. Lalo na sina Kimmey at Gelo. Ayokong mag-alala sila.
"Nakakainis ka Ron-Ron! Badtrip!" sigaw ko. Kapag sumisigaw ako rito ay gumagaan ang pakiramdam ko. Bukod sa nakakawala ng bad vibes ang itsura ng paligid ay wala ring sisita sa 'yo kahit na magsisigaw ka pa.
"Ang ingay!"
Napatingin ako sa hindi kalayuan at sumilip upang makita kung sino ang nagsalita. Si Eiji! Bakit hindi ko agad naisip na narito siya? Pugad niya na yata itong rooftop!
"Ikaw na naman?" inis na sambit niya nang mapagtantong ako lang 'to. Madalas ko na yata siyang nakikita at naiinis ngayon ah?
"Ano na naman ang ginagawa mo rito?" tanong ko.
"Natutulog, obviously! Pero inistorbo mo na naman ako," sabi niya. Lumapit siya sa 'kin at sumandal sa railings. Nagkakamot pa siya ng ulo niya na parang may kuto roon.
"Sorry naman. Lagi kasi akong sumisigaw rito eh," sabi ko at tiyaka nag-tiptoe. Nilagay ko ang mga kamay ko sa likod, bahagyang nahiya sa pinagsisigaw ko. Baka kung ano ang isipin niya at lagi na lang si Ron-Ron ang bukang-bibig ko.
"Wala na akong magagawa dahil gising na 'ko."
Ngumuso ako sa sinabi niya. "Sorry," sabi ko.
"Nakakain ba ang sorry?" tanong niya, namimilosopo pa. Akala niya yata ay nakakatawa siya. Hmp!
"Makapagsalita ka naman parang hindi tayo magkabigan," sabi ko. Sinuntok ko pa ang braso niya pero tiningnan niya lang ako nang blanko. Hindi ko maiwasang hindi maalala si Ron-Ron at ang seryoso niyang mga tingin kanina.
Namumula akong umatras palayo sa kaniya dahil hindi man lang siya nagkomento sa sinabi ko. Para tuloy ako lang ang nag-iisip na magkaibigan na kaming dalawa.
"Gaano kaya kayaman ang royal family? Ang lawak ng sakop nila," sabi ko matapos ang matagal na pananahimik.
Tumayo ako sa railings para mas matanaw ko pa ang kabuuan ng palasyo at ng campus namin. Mabuti at may suot akong jogging pants bago ang palda kaya hindi ako makikitaan. Halos lahat naman ng mga babae sa room namin ay nakaganito. May sarili kasi kaming uniform!
"Bumaba ka nga riyan. Mamaya malaglag ka pa ako ang masisi," sabi niya. Kunwari pa siya eh nag-aalala rin naman sa 'kin. Hindi ko siya pinansin at in-extend pa ang mga kamay ko sa ere.
"I'm the king of the w-world... ahh!" pagtili ko. Namali ako ng tapak kaya naman nadulas ako. Napapikit ako at hinintay ang pagbagsak ko sa lupa pero wala!
"Hanggang kailan ka mananatili riyan? Ang bigat mo," sabi niya.
Napatayo ako bigla dahil ang awkward ng posisyon naming dalawa. Halos nakasandal na pala ako sa dibdib niya habang hawak niya ang beywang ko.
Tiningnan ko siya nang nanlilisik ang mga mata. "Hoy, hindi kaya ako mabigat! Ang gaan-gaan ko nga oh," sabi ko na naman.
Gusto ko sana ibalik 'yong closeness naming dalawa kaya lang ay kung sa ganitong paraan lang naman, 'wag na lang! Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit gusto kong mapalapit sa kaniya. Siguro dahil na rin sa nasanay ako sa presensya niya kahit na hindi pa kami gaanong magkakilala. Ayoko namang lumapit lang sa kaniya kapag malungkot lang ako. Gusto ko ay kapag masaya rin ako.
"Tss..." Naglakad na siya paalis.
"Saan ka pupunta?" tanong ko, nakaupo pa rin sa sahig at nakatingala sa kaniya.
"Kailangan ko bang mag-report sa 'yo tungkol sa lahat ng gagawin ko?"
Sabi ko nga ay wala akong karapatang magtanong.
"Sorry."
"Haist!"
Tuluyan na nga siyang umalis. At hanggang ngayon ay ang lakas pa rin ng t***k ng puso ko.
Huminga ako nang malalim.
Bakit ba ang dami kong problema? Galit na nga sa 'kin si Ron-Ron, dadagdag pa 'tong si Eiji, na-badtrip ko rin yata. Ganoon na ba ako kasama? O sadyang nasa akin lang ang malas pagdating sa kaibigan?
Tyrone Davis
Sinundan ko si Jah-Jah sa rooftop dahil doon ko siya nakitang tumakbo pero hindi ko inaasahan ang makikita. Nahulog siya sa railings pero mabuti na lang at kasama niya si Eiji upang saluhin siya.
Kinuyom ko ang kamao ko at umalis nang hindi siya kinakausap. Badtrip na nga ako kanina pero nawala lang noong umiyak siya. Kung hindi pa siya nakasalubong ni Gelo ay hindi ko malalaman. Tapos bumalik na naman pagka-badtrip ko dahil sa nakita.
"Something wrong?" tanong ni Gelo.
He's my tito. Kaso mas matanda ako sa kaniya ng two months. Masyadong komplikado ang family tree namin kaya hindi ko na inalaman kung bakit naging ganoon. Basta ayon sa parents niya ay mag-tito kami.
Kasalukuyan akong nakaupo sa pangalawang baitang ng hagdan habang siya naman ay nakatayo sa kabilang dulo at nakasandal sa hawakan.
"Wala naman," sabi ko. Madalas ko rin siyang nakakausap noong um-absent ako. Siya ang nagsabi kung ano ang ginawa ni Jah-Jah at kung sino-sino ang nakasama niya.
"Kilala na kita kaya wala ka nang matatago sa 'kin."
Bumuntong-hininga ako. Wala namang mawawala kung sasabihan ko siya. "I saw Jah-Jah," panimula ko.
Nanatili lang siyang tahimik habang nakatingin sa soccer field.
"He's with Eiji... again," sabi ko sabay kuyom sa kamao ko. Namuti iyon dahil sa diin. Umiinit talaga ang ulo ko kapag inaalala ang nangyari kanina.
"Hindi ko maintindihan kung bakit," pagpapatuloy ko, "Pero naiinis ako kapag may ibang kasama si Jah-Jah. Siguro dahil ako na ang kasama niya simula noon pa lang. Hindi ako sanay na nakikita siyang may kasamang iba. Simula noon, ako na ang nagtatanggol sa kaniya kapag may nang-aaway sa kaniya. Ako lagi ang nagpapatahan pero iba na ngayon. Ako na ang nagpaiyak sa kaniya."
Mahabang katahimikan ang bumalot sa 'ming dalawa hanggang sa nagsalita na rin siya. "Alam mo isa lang 'yan eh," sabi niya.
Hindi na ako nagsalita at pinakinggan siya. Tiyak na marami akong malalaman at matututunan sa kaniya dahil mas may karanasan siya sa 'kin tungkol sa ganitong sitwasyon. Kimmey and Gelo started from being friends as well.
"Umamin ka nga, Tyrone. Mahal mo ba ang best friend mo?"
Nanlaki ang mga mata ko habang nakatingala sa kaniya. "Ano ba ang pinagsasabi mo?" naiiling na tanong ko. Imposible naman yata 'yon. Siguro nga ay masyado na akong nagiging protective pero iyon lang ang nakasanayan ko.
"Tingnan mo, Tyrone. You're being too protective at minsan may pagka-possessive ka na rin sa kaniya na tipong ayaw mo siyang may kasamang iba."
"May point ka pero kasi imposible," hindi makapaniwalang sabi ko. Para ko lang siyang nakababatang kapatid kaya ko siya pinoprotektahan tulad ni Paula.
"Alam mo, walang imposible. Hindi imposible na magkagusto ka sa kaniya. Una, sabi mo nga ay matagal na kayong magkakilala. Ang dami nang nangyari sa inyo kaya hindi malayong magustuhan mo siya," sabi niya pero ang sunod na sinabi niya ang ikinaalarma ko. "Kung nauna ko lang talagang makilala si Jas ay siya ang magugustuhan ko. At malaki ang posibilidad na ligawan ko pa siya."
Namilog ang mga mata ko at umawang ang bibig. "Talaga?" bulalas ko sa kaniya.
Hindi lang talaga ako makapaniwala. Oo nga at loyal siya kay Kimmey pero hindi ko naman inaasahan na nagkagusto siya kay Jah-Jah. Kung sakali pala ay baka si Jah-Jah pa ang niligawan niya. Kung mas nauna niyang makilala ito kaysa kay Kimmey ay maaaring... ayoko na lang isipin.
"Yeah. Iyan ang una naming pinag-awayan ni Kimmey bago naging kami. Napaamin ko siya na gusto niya rin ako nang sabihin kong liligawan ko si Jas," sabi niya.
Napatulala na lang ako at nakalimutan nang isara pa ang bibig ko.
Nag-isip ako nang mabuti sa mga sinabi niya. Totoo nga kayang gusto ko si Jah-Jah? Ang gulo naman kasi nito oh! Hindi ko naman kasi alam itong pakiramdam na 'to. Bahala na...
Jas Suarez
BUMALIK NA ako sa room at nakita kong nakaupo na rin si Ron-Ron sa dulo. Pumwesto naman ako sa unahan. Hindi ko alam kung paano ko siya kauusapin dahil sa nangyari kanina. Siguro ay kailangan niya lang muna ng oras ngayon para mag-isip at kumalma. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay kung bakit siya nagalit bigla.
"Okay, sana naman makinig kayo kahit ngayon lang," bungad ng adviser namin pero wala ni isa ang tumahimik. Sabi lang naman kasi ay makinig, hindi tumahimik. "We are having a field trip this coming month of February."
Naghiyawan ang mga kaklase ko dahil alam kong ito lang din ang gusto nila, ang gumala. Ang tagal na rin noong huling beses na lumabas ako ng bahay maliban sa pagpunta ng school, kaya naman nakaramdam din ako ng pagkasabik.
"We are having our field trip sa palasyo ng royal family," sabi niya.
Napanganga naman ang lahat sa sinabi ni Ma'am, wala na ni isa ang nagsasalita. Sa unang pagkakataon ay tumahimik na rin ang kaninang maingay na klase.
"Pass this paper hanggang sa likod," sabi niya. Inabot 'yon ng kaklase kong nasa harap at pinasa hanggang sa likod. "Kailangan ninyo syempre ng parent's concent at ipapasa niyo 'yan hanggang Biyernes. Iyon lang ang pinunta ko rito. So, aalis na 'ko." Naglakad na siya palabas pero huminto rin sa may pinto. "By the way, it only costs 71 yuan."
Kahit na ba inanunsyo niyang mura lang ang field trip ay walang natuwa. Nagbulungan lang ang iba. Halo-halong emosyon ang naramdaman ko sa paligid ko pero wala ni isa ang sabik. Mabigat ang pakiramdam ko dahil na rin sa mga tanong sa isip ko.
Bakit may field trip sa palasyo? Hindi ba at bali-balita ngayon ang kalagayan ng Mahal na Reyna? Bakit magpapapasok sila ng mga tao sa loob ng Golden Palace?
NANG MAG-UWIAN ay ang tagal kong naghihintay ng sasakyan. Nandito lang ako sa waiting shed mag-isa. Wala naman kaming driver para magpasundo pa ako. Hindi naman din ako marunong mamasahe sa ibang sakayan, tanging tricycle lang ang alam ko. Tapos wala pang nakapila.
Alas singko pa lang ng hapon pero kumukulimlim na, may bagyo na naman yata. Bakit kasi ganoon? Parang laging malungkot ang langit sa lugar namin. Kailan ka ba sasaya?
"Jah-Jah..."
Halos tumalon ang puso ko nang hawakan niya ako sa balikat. Bigla-bigla naman kasing susulpot ang lalaking 'to! "Grabe! Ginulat mo naman ako," sabi ko habang nakahawak sa dibdib kung nasaan ang puso ko. Nang unti-unting pumasok sa isip ko kung sino ang kumalabit sa 'kin ay napayuko na lang ako.
"Hindi ka pa ba uuwi?" Nilalakad lang kasi ni Ron-Ron ang bahay nila samantalang ang bahay namin ay may kalayuan.
"Wala akong masakyan eh," sabi ko at tumingin sa pilahan ng sasakyan. Iyon namang ibang dumadaan ay puno na. Kahit sabit lang ay hindi na talaga kaya.
"Hatid na kita, Jah," aya niya sa 'kin kaya nagsimula na kaming maglakad. Tahimik lang kaming dalawa pero hindi talaga ako mapakali.
"Pero teka, sa kabila ang daan ng bahay ninyo, 'di ba?"
"Oo nga. Doon na lang ako sasakay malapit sa inyo pauwi."
"Naku! Aksayado sa pamasahe. Tiyaka baka wala ka ring masakyan sa lugar namin. Hayaan mo na 'ko. Ako na lang uuwi mag-isa," sabi ko.
"Hindi, ayokong iwan kang mag-isa. Mamaya ay may makasalubong ka pang masasamang loob dito. Ano pa 'ng mangyari sa 'yo." Ang sweet talaga!
Tumahimik na lang ako at hindi na ulit nagsalita. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Ang sakit na rin ng paa ko dahil sa heels.
"Teka! Hinto muna tayo, ang sakit na ng paa ko," sabi ko nang makakita kami ng isang upuan sa tabi ng daan. Maraming mga bench ang naroon na puwedeng pagpahingahan. May parke rin sa hindi kalayuan kung saan may mga batang naglalaro. May ilan ding mukhang pauwi na.
"Patingin nga." Kinuha niya ang paa ko at sinipat.
"Tara na't baka gabihin ka sa pag-uwi!" sabi ko nang makaramdam ako ng pagkailang. Tumayo ako pero siya naman ang naupo sa kanyang binti habang nakatalikod sa 'kin. Kumunot tuloy ang noo ko.
"Sumakay ka na sa likod ko," sabi niya pero agad akong umiling.
"Tumayo ka na! Kaya ko namang maglakad mag-isa." Nilagpasan ko lang siya pero hinigit niya ako palapit at pilit na pinasan sa likod niya. Wala na tuloy akong nagawa.
"Kailangan pa kasing pinipilit eh," bulong niya.
Nakakapit ako na parang tuko sa likod niya. Ang lapit tuloy ng mukha ko sa mukha niya. Nakakahiya dahil baka maamoy niya ang hininga ko. Baka amoy bangkay na 'to.
"Sabi ko naman kaya kong maglakad mag-isa," sabi ko pero hindi niya ako binibitiwan.
Naramdaman kong medyo nag-stiffen siya nang magsalita ako. "H-Hayaan mo na, 'wag ka na muna magsalita." Nagpatuloy siya sa paglalakad.
Pinatong ko na lang ang ulo ko sa balikat niya.
"Sorry, Jah-Jah."
"Bakit ka naman nagso-sorry?"
"Pinaiyak kita kanina. Pinangako kong ako ang magpapatahan sa 'yo kapag umiyak ka pero ako pa ang dahilan ngayon kung bakit. Kaya sorry sa ginawa ko."
Napangiti na lang ako dahil doon. "Okay lang 'yon. Napakaiyakin ko kasi kaya ganoon."
"Pero simula ngayon, hindi na kita paiiyakin ulit. Hindi ko na hahayaang umiyak ka sa lungkot. Ako na ang poprotekta sa 'yo."
Pagdating sa bahay ay nagpaalam na siya.
Sa isang araw lang ay ang daming nangyari. Nasigawan niya ako, umiyak ako, pero sa huli, nawala ang mga iyon at nagkabati rin kami. Mananatili na lang iyong memories pagdating ng panahon. Tatawanan na lang namin ang mga ito sa tuwing inaalala namin at mapagtatantong ang babaw naman pala ng mga dahilan ng tampuhan namin.