Chapter 5

2212 Words
Chapter 5 Jas Suarez NAG-AAYOS AKO ng gamit na dadalhin dahil mayamaya lang ay darating na si Ron-Ron. Sari-sariling sasakyan ang dala papuntang palasyo at may parking lot lang na nakalaan para sa mga may dala. Masuwerte na lang kung malapit ang bahay ninyo sa palasyo. Sa kaso ko, makikisabay lang ako dahil bukod sa wala pa akong sariling sasakyan ay hindi naman ako marunong mag-drive. "Mag-iingat ka do'n anak, ha?" sabi ni mama. Pink cropped sweater ang suot ko with black high-waisted jeans na tinernohan ng itim na converse shoes. Inayos pa niya ang damit ko kahit ayos naman na. Ang lapit lang naman ng palasyo pero alalang-alala siya. Noong una nga ay ayaw pa niya akong pasamahin. Pati si Papa ay ayaw akong paalisin kagabi pero dahil hindi ko sila pinatulog kapipilit ay sumuko na rin siya.  "Opo, Mama," sabi ko. Narinig ko na ang dalawang beses na tunog ng busina sa labas. "Sige po mama. Nasa labas na ang sundo ko." "Sa susunod ay ipakikilala mo na sa 'kin 'yan, ha?" Naniningkit pa ang mga mata ni Mama habang nakatingin sa 'kin. Umirap lang ako. "Sige na po, Mama. Bye!" Tumakbo na ako sa labas at nakita si Ron-Ron. T-shirt na puti, itim na pants at white Fila shoes lang ang suot niya pero ang lakas na ng dating. Nakasandal siya sa isang Black Hyundai Avante habang nakapamulsa pa. "Wow! May kotse ka na?" hindi ko maiwasang itanong. Lumapit ako sa kaniya at inabot naman niya ang dala kong itim na backpack. "Hiniram ko sa tito ko. Sakay na!" Buti pa siya ay marunong na mag-drive. Sariling sasakyan na lang talaga ang kulang. "Nandoon na sina Kimmey at Gelo. Tayo na lang daw ang kulang. Ang bagal mo kasi," aniya at nagsimula na sa pagmamaneho. "Hindi ako mabagal 'noh! Hinihintay nga lang kita eh!" Nang wala nang nagsalita sa 'ming dalawa ay binuksan ko na lang ang radyo ng sasakyan. Paminsan-minsan ay hindi na rin masama ang tahimik kaming dalawa kapag magkasama. Dahil sa tugtog ay hindi ko namalayang nakarating na pala kami sa harap ng palasyo. Marami na ang nakapila at sa tingin ko ay nagsisimula na silang magpapasok.  Pinila na ni Ron-Ron ang sasakyan sa parking lot malapit sa gate ng palasyo. "Guys, umayos na ng pila! Hindi magtatagal ay bubuksan na ang gate," sabi ng adviser namin, si Ms. Flores. Anim na klase lang ang magkakasama ngayon, ang mga third year sections A hanggang section F. Tapos sa ibang araw naman ang higher year.  Naghiwa-hiwalay na ang bawat sections upang hindi masyadong crowded. Sa harap namin ay may gate na gawa sa malalaking strip stones na may isang metro ang lapad at kalahati ang kapal. May dalawang kawal ang nagbabantay sa magkabilang dulo nito na may hawak na mga sibat. Pagpasok namin ay dilim ang bumungad sa 'min, tama lang upang makita ang daan. Ilang hakbang magmula roon ay bumulaga sa amin ang malawak na palasyo. Napanganga ako habang pinagmamasdan ang kabuoan ng lugar. Para kaming pumasok sa isang time travel machine at dinala sa nakaraan. Wala akong makitang makabagong estraktura o kahit anong mga makabagong sasakyan. Magmula sa gate ay bumaba kami sa batong hagdan. Ang mga tahanan na bumungad sa amin ay parang mga simbahan na patulis ang bubong at halos puro bintana ang mga pader.  "Sa pinakamababang parte ng palasyo ay ang mga tahanan ng mga Baron at Baroness. Ito ang mga titulong ibinibigay ng Mahal na Reyna sa mga taong karapat-dapat," pagpapaliwanag ng aming guro. "Maaari din sila na tawaging Lord o Lady. Sila ang mga mapagkakatiwalaang mga pamilya ng ating kamahalan. Maaari itong ipamana sa kanilang mga anak o kaya naman ay kapag ibinigay ito sa 'yo mismo ng nakatataas." Habang tinuturo ng aming guro ang bawat madadaanan namin ay may humila sa 'kin. Nagtago kami sa isang sulok habang tinatakpan niya ang bibig ko. Nakita ko ring hinahanap ako ni Kimmey sa hindi kalayuan. "Buti na lang at hindi tayo nahuli..." "Ron-Ron?" bulalas ko sa kaniya nang tanggalin niya ang pagkakatakip sa bibig ko. "Tara na, Jah-Jah." Hinila niya ako palayo habang nagmamasid sa paligid.  Kapag nahuli kami ngayon ay tiyak lagot na. Wala na kami sa eskwela na tanging mga guro lang ang magagalit. Baka makita kami ng mga kawal na may mga dalang sibat. Ayoko na lang isipin kung ano ang pwede nilang gawin sa 'min. "Pero hindi naman natin alam ang pasikot-sikot dito. Mapapagalitan tayo," sabi ko pero hindi naman niya ako pinansin. Pumasok kami sa isang tahanang walang nagbabantay. Sa lahat ng tiningnan namin ay ito lang ang bahay na walang lock. Para tuloy kaming mga magnanakaw nito. "Ang dami palang makalumang gamit dito," banggit niya.  Habang ako'y kinakabahan sa puwedeng mangyari sa 'ming dalawa ay iyon siya't nagmamasid na agad sa loob ng silid. Wala na akong nagawa kung hindi ang makiusisa na rin. Pinagmasdan ko ang mga baso, paso at iba pang mga makalumang bagay. Nakakulong ang bawat isa sa parisukat na salamin. Ayon sa nakasulat, ito ay ang basong ginamit pa ng mga naunang mga hari at reyna ng Golden Palace. Mayroon pang kuwintas, singsing at kung ano-ano pang alahas na sinuot nila sa mahalagang pagdiriwang noon gaya ng kanilang kaarawan. Napadaan din kami sa mga lumang litratong nakasabit sa dingding. Ang dami ng mga 'to tapos ang tataas na niyong iba kaya hindi ko na maaninaw. Wala kasing ilaw na nagbibigay sa 'min ng liwanag kundi ang ilang mga lampara lang na nakadikit sa pader. "Jah-Jah, tingnan mo oh. Kamukha mo!" Lumapit ako sa kaniya at tinitigan ang litratong tinuturo niya. Tama siya. Kamukha ko nga 'yong litrato ng isang batang babae na nasa dalawa o tatlong taong gulang. "Ayon sa nakasulat ay ito si Princess Yun, ang susunod na tagapagmana ng trono. Siya ang nawawalang prinsesa. Madalas siyang laman ng balita noon pero hindi nila ipinapakita sa publiko ang litrato niya." Napatigil siya sa pagtitig sa litrato at napatingin sa likod namin. "Tara na. May parating," bulong niya. Iyon na lang ang huli kong narinig. Tumakbo ako upang magtago. Hinintay kong mawala ang mga yapak at saka ako lumingon sa likod ko. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtantong nag-iisa na lamang ako sa madilim na silid na 'to. Nasa'n na si Ron-Ron? KUNG SAAN-SAAN na ako napapad pero 'di ko na talaga makita si Ron-Ron. Hindi pa naman ako sanay nang mag-isa sa mga hindi pamilyar na lugar. Sa mga ganitong sitwasyon talaga ay hindi ko kayang napag-iiwanan. Parang ganito ang pakiramdam noong lumiban si Ron-Ron ng isang araw at wala akong ibang kasama kahit sina Kimmey. "Ron-Ron..." Ilang ulit ko nang binanggit ang pangalan niya pero wala akong natanggap na sagot. Hindi naman niya naririnig at hindi ko alam kung may makaririnig pa ba sa 'kin dito. Wala man lang kahit guwardiya ritong puwede kong mahingan ng tulong. Bakit sa dinami-rami rin ng puwedeng mapasukan ay ito pang silid na sobrang lawak at sobrang creepy? Naupo na lang ako sa isang sulok at sumandal sa pader. Niyakap ko ang tuhod ko at saka ibinaon ang mukha roon. Pagod na ako kalalakad. Dapat ay alam na nilang may nawawalang estudyante ngayon pa lang. Pero mukhang ito ang isa sa mga malas na araw ko. "Excuse me. May problema ka ba?"  Tumingala ako para makita ang taong nagsalita.  Wow! Ito agad ang una kong reaksyon. Para akong nakakita ng isang anghel na handa na akong kunin. Pero huwag naman po sana! "Ah..."  I'm speechless. Bakit may taong ganito kaganda? Napakaputi ng kutis niya. Kulay asul ang mga mata niya na parang kumikinang sa liwanag na nanggagaling sa lampara. Nang ngumiti siya ay napabuntong-hininga pa ako, napaawang ang bibig ko at hindi na makagalaw sa kinauupuan ko. "Are you crying?" tanong niya pero tahimik pa rin ako. "I see. Tara at sumama ka sa 'kin." Dinala niya ako sa isang silid. Maraming bola roon at mga raketa ng tennis at badminton. Mayroon pang arnis at halos hindi ko na matukoy pa ang iba sa kanila. "By the way, my name is Clairn," pagpapakilala niya. Minuwestra niya ang silid at sinabi, "Welcome to my room!" "Ako si Jas. At... room mo 'to?" nagtatakang tanong ko habang nililibot ang tingin sa paligid. "Yeah. I know. Hindi mukhang pambabae pero ito kasi talaga ang hilig ko," sabi niya habang nakanguso. Kahit pagnguso niya ay napakaganda sa paningin ko! "Ano nga pala ang ginagawa mo rito? Moderno ang suot mo kaya sa tingin ko ay hindi ka rito nakatira." Ngayon ko lang napagtantong nakasuot siya ng simpleng Hanbok, isang makalumang kasuotan na madalas ko lang makita sa mga litrato. Ang kaniyang buhok ay maayos na nakapusod at may ilan siyang gintong palamuti roon. Sa bansang Sky Kingdom lang nagsusuot nitong ganitong damit kaya mukhang hindi siya pangkaraniwang tao lang. Isa pa, nandito siya sa palasyo. Tiyak na isa siyang mataas na tao. Agad akong tumayo at bahagyang yumuko sa harap niya. "Paumanhin po. Naliligaw kasi ako kaya ako napadpad dito." Natawa siya sa sinabi ko at pinaupo lang din ako ulit. "Tayo lang namang dalawa ang narito kaya huwag ka na yumuko. So, kasama ka sa mga nag-field trip. Pero bago ka umalis, puwede mo muna ba akong samahan?" tanong niya at bahagya akong pinaningkitan ng mga mata, tila nagmamakaawa na samahan ko siya. "Naku! Nakakahiya. Ang isang mahirap na tulad ko ay kasama ang isang gaya mo." Mabilis ang pag-iling ko habang nagsasalita. "Don't worry! Tulad ninyo ay tao lang din naman kami. Umiinom at kumakain din kami araw-araw. Lagi na lang kasi akong nakakulong kaya bihira akong makakilala ng gaya mo. Susulitin ko na!"  Wala na akong nagawa dahil na rin sa pagsusumamo niya. Paano naman ako makakatanggi sa kaniya?  "Do you play ball?" tanong niya habang pinapaikot sa daliri niya ang bola ng soccer. "Hindi," sabi ko. Yumuko na lang ako. "Good. I'll teach you how!"  Dumaan kami sa isang pintong gawa sa bato na nasa kabilang dulo ng silid niya. Maraming nakaukit doon na mga disenyo na parang mga carvings na kung tama ang tingin ko ay may korteng dragon.  Para kaming nag-travel at napunta sa isang soccer field. Kinailangan ko pang lumingon sa pintong dinaanan namin at tiningnan kung nawala ang pinto pero naroon pa rin naman. Umiling na lang ako dahil imposible namang mangyari 'yon. Tinuruan niya ako kung paano sumipa. Sa una ay para lang akong timang na sinisipa ang bola pero hindi naman tinatamaan. Pero kalauna'y nakuha ko naman. Iyon nga lang ay pagod na ako agad dahil na rin sa init na dulot ng araw. "Alam mo bang matagal ko ng gusto makakilala ng tao mula sa labas ng palasyo?" mahinang sabi niya. Kasalukuyan kaming nakaupo at nakasilong sa gilid habang tinatanaw ang field. "Siguro ang lungkot dito, 'no? Lagi kayong nakakulong," sabi ko habang bina-bounce ang bola sa tuhod at paa ko nang hindi ginagamitan ng mga kamay. "Hindi naman. Kasama ko rito sina Xhey at Ana kaya may karamay ako," sabi niya. Gusto ko sanang tanungin kung sino ang mga iyon pero bigla na siyang nagsalita. "Ang galing mo na, Jas! Tara, let's play." Naglaro kaming dalawa hanggang sa mapagod. Tinuro niya sa 'kin ang mga basic kicks kapag naglalaro para daw kumurba ang bola at hindi lang deretso ang dereksyon kapag sinipa. "Anong oras na ba? Baka hinahanap na ako!" bulalas ko, bahagyang nakakunot ang noo. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko habang iniisip ang puwedeng maging reaksyon nina Ron-Ron at Kimmey. "Ihahatid na kita." Nakihalo ako sa mga kaklase ko habang siya naman ay nakatago lang na kumakaway sa 'kin. Halos mapatalon na lang ako nang may yumakap sa 'kin nang mahigpit. Kung hindi ko lang naamoy ang pamilyar niyang pabango ay baka nasapak ko na siya. "Saan ka ba nanggaling, Jah-Jah? Kanina pa kita hinahanap." "Ron-Ron, hindi ako makahinga," sabi ko at bigla niyang niluwagan ang pagkakayakap sa 'kin pero hindi bumitiw nang tuluyan. "Ayie!" "Ang sweet ninyo naman, Jas!" Hindi ko namalayan nakatingin na pala ang mga kaklase ko sa 'min. Buti at wala ang teacher namin sa paligid. Habang namumula ang mukha ko at pilit kumakawala sa pagkakayakap ni Ron-Ron ay ito namang lalaki na 'to ay nag-enjoy pa. Sinapak ko tuloy ang dibdib niya para umalis. "Tara na nga. Hayaan na lang natin sila!" aniya. Hinila na niya ako palayo sa mga nagtutuksuhang mga kaklase ko. Napadpad kami sa isang parte ng palasyo kung saan maraming mga puno at sa likod niyon ay isang malawak na kabukiran. May mga magsasaka roon na nagtatanim pero hindi ko na maaninaw ang mga mukha dahil sa layo nila sa kinaroroonan namin. "Okay ka lang, Jah-Jah? Saan ka ba kasi nanggaling?" Kumunot ang noo niya. "Sorry, bigla ka kasing nawala. Hindi ko alam kung saan ako pupunta dahil hindi ko alam ang lugar na 'to," sabi ko habang nakanguso. "Umiyak ka ba?" Hindi ako nakasagot agad. Hindi ko masabi sa kaniyang paiyak na ako kanina nang biglang dumating si Clairn. Nangako kasi ako sa kaniyang hindi ko ipagkakalat na nakita ko siya. Hindi ko man sigurado kung ano ang posisyon niya sa palasyo ay tiyak akong hindi basta-basta inilalabas ang tungkol sa kanila. Niyakap ako ni Ron-Ron at kinulong sa bisig niya. "Sorry. Akala ko kasi nakasunod ka sa 'kin. Dapat pala hindi ko binitiwan ang kamay mo," sabi niya. Ramdam ko ang pag-aalala niya tulad dati.  Ang swerte ko dahil si Ron-Ron ang naging kaibigan ko. Si Ron-Ron ang nandito para alagaan ako at higit sa lahat ay masuwerte ako dahil siya ang taong nagustuhan ko. Siya lang ang nakapagpapatibok nang ganito sa puso ko. Siya lang ang taong nagpapaikot ng kung anuman sa tiyan ko. At higit sa lahat, siya lang ang lalaking nagpahalaga sa 'kin nang ganito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD