Chapter 7

1775 Words
Chapter 7 Jas Suarez Dahil sa nangyari ay hindi na niya ako inasar pa ni kinausap man lang. Naging mas awkward din ang paligid namin. O baka ako lang talaga ang naiilang sa 'ming dalawa. Hindi ko alam. Kumain kami ng tanghalian sa isang restaurant na mukhang mamahalin. Bukod sa nakita ko ang presyo ng pinakamura nilang pagkain ay halos wala ring tao. Kung mayroon man ay dalawa lang na mukha pang mga sosyal dahil sa wine na iniinom, red fitted gown at tuxedo na suot. Nahiya naman ang suot ko sa kanila. Hindi ko alam kung matatapos ba ang araw na ito nang kasama siya. Nakapagsimba kami kanina nang tahimik lang at hindi nag-iimikan. Kahit noong mag-Ama Namin ay para akong tinulis na kandila. Nakakahiya dahil pasmado pa ang kamay ko kanina dahil sa kaba! Pagkatapos naming kumain ay dinala niya ako sa isang parke para makapagpababa ng kinain. Ang daming bata! Ang sasarap tirisin ng mga marshmallow nilang pisngi. Ang saya nilang nagtatakbuhan na para bang mga walang problema sa buhay. Sarap siguro maging bata habang-buhay. "Mahilig ka sa mga bata?" tanong ko sa kaniya. Naupo kami sa isang swing na hindi ginagamit ng mga bata. Magkatabi kami habang pinapanood silang maghabulan at maglaro sa buhanginan. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti, inaalala ang mga panahong ako ang naglalaro doon. "Hindi," sabi niya. "Bakit dito mo 'ko dinala?" Tinulak ko ang sarili ko at nagsimulang mag-swing. Naramdaman ko agad ang hampas ng hangin sa mukha ko. Medyo maaraw ngayon pero maraming puno naman ang nagbibigay silong sa 'min. Nanatili naman siyang nakaupo lang sa swing at nakatingin sa harap. "Baka kasi gusto mo ring maglaro. Para ka kasing bata."  Sabi ko nga at masungit pa rin siya. Itinigil ko ang pagduyan at saka lumapit sa isang bakanteng seesaw. Sumakay na lang ako roon at hindi gaanong pinansin ang pang-aasar niya.  "Do'n ka sa kabilang dulo, dali! Seesaw tayo!" bulalas ko. "Para namang may pagpipilian ako. Tss. Napakaisip-bata," sabi niya pero umupo pa rin sa kabila.  Ewan ko ba kung bakit ganito ang sinasabi niya kung puwede naman siyang umangal. Hindi ko na lang pinansin dahil baka magtoyo pa. "Ang bigat mo! Hindi pa bumababa 'yong paa ko eh pababa ka na agad," sabi ko. Nakakatuwang isiping may ganito rin siyang side. Medyo childish. Madalas lang talaga kung toyoin.  Unti-unti ay mas nakikilala ko si Eiji sa ganitong paraan. Hindi man siya mag-open ay nakikita ko naman ang totoong siya sa simpleng mga galaw lang niya. Huwag lang talagang mababati at tiyak totoyoin. "Hindi ako mabigat, sobrang gaan mo lang talaga. Kumain ka kasi nang marami para magkalaman ka naman!" Tiningnan ko siya nang masama. "Kumakain ako nang marami 'no! Paano mo naman nasabing magaan ako?" "Pinasan kita kahapon, 'di ba," aniya. Napasimangot na lang ako. Oo nga pala. Isa sa mga nakakahiyang pangyayari sa buhay ko. Hindi ko alam na sa kaniya pa talaga ako kakapit noong mga oras na 'yon. Mukhang malapit pa naman silang dalawa ni Chesca. Magkaano-ano kaya sila? "Tanong ko lang, saan ka nakatira?" sabi ko. Gusto ko lang talagang may mapag-usapan kami at makalimutan kung ano ang nangyari kanina. Ayoko namang pag-usapan si Chesca dahil baka kung ano pa ang malaman ko. At isa pa, hindi ako interesado. "Malapit lang." Napairap ako sa sagot niya. "Totoo nga kasi! Saan ka nakatira?" pangungulit ko pa. "Bakit? Dadalawin mo ba 'ko?" tanong niya, nakataas na naman ang kilay sa 'kin. "Bakit? May sakit ka ba?" pamimilosopo ko sa kaniya. "May sakit lang ba ang dinadalaw?" "May sinabi ba 'ko? Tinatanong ko lang naman." Bumuntong-hininga siya. "Alam mo, wala ng sense 'tong pinag-uusapan natin." "Buti nahalata mo," sabi ko. Hindi ko na siya ulit kinulit dahil mukhang wala siyang balak na sabihin sa 'kin kung saan siya nakatira. Baka kung ano pa ang isipin niya kapag nagpatuloy ako. Pero dahil sa isinisikreto niya ay mas lalo tuloy akong na-curious. "Tara, uwi na tayo," yaya ko sa kaniya. Dahan-dahan niyang tinaas ang side niya para makababa ako nang maayos. "May pupuntahan pa tayo. Tara!" aniya. Kumunot ang noo ko. "Talaga? Saan?" Hindi ko na maitago pa ang saya sa tono ng pananalita ko. "Basta, manahimik ka lang diyan." Napasimangot na lang ako at sumunod sa kaniya. Magkakasakit ba siya kapag naging mahinahon at mabait siya sa pagsasalita? Ang sungit eh. Habang nasa sasakyan, napadaan kami malapit sa school. Napaawang agad ang bibig ko dahil sa nasaksihan. Nakita ko sina Ron-Ron at Chesca na naglalakad habang nagtatawanan. Mukhang gaya namin ni Eiji ay may lakad din sila. Mabuti na lang pala at hindi ko inayang magsimba si Ron-Ron ngayon. Parang hindi ko kaya ang rejection niya lalo na at si Chesca ang makakasama niya. "Iiyak ka na naman?" tanong niya. Napayuko ako. "Hindi ako umiiyak, napuwing lang." Pinunasan ko ang mga mata ko. "Hindi mo 'ko maloloko. Sarado ang bintana kaya walang pupuwing sa 'yo." May kinuha siya sa bulsa niya at saka inabot sa 'kin. "Oh..." Tinitigan ko iyon nang nakakunot ang noo. "Hindi ko kailangan niyan. Hindi naman sinabi ako iiyak," sabi ko nang abutan niya ako ng panyo. "E 'di gamitin mo kapag iiyak ka na. Sa 'yo na 'yan tutal hindi naman ako gumagamit ng panyo." "Bahala ka na nga," sabi ko tapos tinanggap din iyon. "Alam kong nakita mo 'yong kaibigan mo kasama si Chesca." Napatahimik naman ako. Nang tingnan ko siya, nakatingin lang siya sa labas ng bintana. Nakapatong ang siko niya sa bintana habang nakapangalumbaba siya roon. "Wala naman akong pakialam sa kanila eh," sabi ko, kahit sa loob ko ay parang pinipiga ang puso ko. "Pero nasasaktan ka? Paano mo nasabing wala kang pakialam?" Hindi na ako nagsalita hanggang sa makarating kami sa soccer field ng isang village. Sikat kasi talaga ang sport na ito sa lugar namin kaysa Basketball. Sa school lang talaga namin sikat ang sport na 'yon dahil na rin siguro sa iyon lang ang available at ang tradisyon. "Ano ang ginagawa natin dito? Mamaya mapatid na naman ako," angal ko. Hindi pa gaanong magaling ang paa ko pero nailalakad ko naman na siya. "Hindi 'yan. Isa pa, kung hindi ka na ulit maglalaro nito, habang buhay mo nang iiwasan ang paglalaro." Napaisip naman ako sa sinabi niya. "Sige, pero paano kung mapilay na ako nang tuluyan?" Napanguso ako. "'Wag mong isipin 'yon. 'Di kita pababayaan," sabi niya na ikinabigla namin pareho. Naramdaman ko agad ang pagbilis ng t***k ng puso ko. "Ha? Ay ewan! Basta, tara na." Pati tuloy ako ay nailang sa sinabi niya. Ano ba kasi ang pumasok sa utak niya at kung ano-ano ang sinasabi? Naglaro kami ng soccer at tulad ng inaasahan ko ay magaling siya. Wala naman akong kilalang lalaki na hindi magaling sa sports. Minsan ay kahit unang beses nilang pag-aralan ito ay magaling na sila agad kaysa sa 'ming mga babae. Pero dahil may experience ako ay hindi naman ako nagpatalo. Sinipa ko ang bola papunta sa kaniya ngunit sa hindi inaasahan ay hindi pala siya nakatingin sa 'kin. Kaya naman natamaan ko siya sa ulo na ikinadaing niya. Napatakip ako sa bibig. "Naku! Sorry, Eiji. Hindi ka naman pala kasi nakatingin eh," nag-aalalang sabi ko. Lumapit ako sa kaniya at tiningnan ang noong tinamaan pero iniwas niya lang iyon. "Okay lang naman. Hindi ako nasaktan." Hinimas niya ang noo niya at kinapa kung nagkabukol ba iyon. "Sure ka?" Tumango na lang siya sa 'kin at pinagpatuloy ang laro. Habang sinisipa ang bola ay napalayo ako sa gawi niya. Naiwan siyang nakaupo sa isang bench habang pinapanood ako. Nagtungo naman ako sa goal upang sumipa nang sumipa. Hindi masyadong malakas ang sipa ko dahil na rin sa takot kong mapuwersa ang kaliwa kong paa. Tama naman siya. Hindi dapat ako matakot na gamitin 'to dahil kapag nagkataon, habang buhay ko nang iindahin 'to. Nahagip ng mata ko ang isang aninong nakatago sa likod ng puno. Nang titigan ko siya ay bigla na lang iyong nagtago. Kung nangyari ito sa 'kin dati ay hindi ko iyon papansin. Baka guni-guni ko lang naman kasi. Pero dahil halos araw-araw na akong nakararamdam ng kakaiba ay tumakbo ako patungo roon, hindi iniinda ang sakit ng kaliwang paa ko. Hindi ako makatutulog kapag hindi ko pa inalam kung sino nga ba talaga siya. Hindi na ako puwedeng magkamali dahil hindi ito ang unang beses. Hindi rin ito ang pangalawa. Kailangan matapos na 'tong kahibangan na 'to. Kung may gusto siyang sabihin, sabihin niya nang harapan. Hindi iyong ganitong nananakot siya. "Jas!" rinig kong tawag ni Eiji pero hindi ko siya pinansin. Nagpatuloy lang ako sa pagtakbo kahit na kumikirot ulit ang paa ko. Nang makarating kami sa isang eskinita ay napahinto ako. Nakatayo lang siya roon habang nakatalikod sa 'kin. "Sino ka? Bakit mo 'ko sinusundan?" tanong ko. Hindi siya sumagot sa tanong ko. Sinipat ko na lang ang kabuoan niya. Halos magkasing tangkad lang kami. Nakasuot siya ng itim na hoodie at itim na pantalon, itim din ang suot na sapatos. Wala talagang pumapasok sa isip ko kung sino ang puwedeng sumunod sa 'kin nang ganito. "Jas!" Napatingin ako kay Eiji na sumunod sa 'ming dalawa. Hinihingal siya dahil sa pagtakbo. Huminto siya sa harap ko at saka ipinatong ang mga kamay sa tuhod niya. "Bakit bigla-bigla ka na lang tumatakbo?" Hindi ko sinagot ang tanong niya. Nang muli kong tingnan ang naka-itim na taong iyon ay wala na siya roon. Nilibot ko ang paningin ko pero wala na akong nakita pang kahit sino. Napabuntong-hininga na lang ako at saka humawak sa beywang ko. At least ngayon ay alam kong hindi ko na lang iyon guni-guni. Totoo ngang may sumusunod sa 'kin nitong mga nakaraang araw. "Jas." Hinawakan ako ni Eiji sa balikat kaya napatingin ako sa kaniya – halo-halo ang emosyong nararamdaman. "Umuwi na tayo," mahinang sabi ko. Nilagpasan ko siya at iika-ikang naglakad palayo. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa kaniya sa mga oras na 'to. Nagdadalawang isip ako kung sasabihin ko sa kaniya kung ano ang nakita ko at kung ano ang mga nangyayari sa 'kin nitong mga nakaraang araw. Gaya ni Ron-Ron ay wala rin siyang alam. Napatigil ako sa paglalakad nang maramdaman ko ang kamay niya sa braso ko. Napasigaw na lang ako nang bigla niya akong buhatin sa bisig niya.  "Ano ba 'ng ginagawa mo? Ibaba mo nga ako!" bulalas ko. "Hirap na hirap ka na ngang maglakad, nakuha mo pang tumakbo. Ano ba ang iniisip mo? Talaga bang maluwag na 'yang turnilyo sa utak mo?" Kinagat ko ang ibaba kong labi. Kahit na ganoon ang sinasabi niya ay alam kong nag-aalala lang naman siya. Hindi ko tuloy maiwasan ang pamulahan dahil sa ayos naming dalawa. Para kaming bagong kasal. Nakakahiya dahil sa ikalawang pagkakataon ay nabuhat na naman niya ako. Paniguradong kalkulado na niya ang bigat ko. Isiniksik ko na lang ang mukha ko sa dibdib niya at hindi na umangal. Hinayaan ko na lang siyang dalhin ako sa sasakyan bago iuwi sa bahay. Masyadong mahaba ang araw na 'to. Kailangan kong ipahinga ang utak ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD