Richel
Araw ng Lunes, excited akong pumasok ng banyo upang maligo. Ngayon ang unang araw ko sa coffee shop, kaya naman bawal ang ma-late. Habang naliligo ay hindi ko mapigilang mapakanta sa loob ng banyo.
"Hoy bilisan mo maligo, may mga kasunod pa!" nagulat naman ako sa biglang pagkatok ng kapit bahay namin. Nawala sa isip ko na for everyone pala ang banyo, mabuti na lang at tapos na ako. "Lalabas na po!" sigaw ko habang nagsusuot ng t-shirt. Sa loob ng bahay na lamang ako magbibihis ng pamasok na damit. Nang makalabas ay nakatingin silang lahat sa'kin. Ang dami na pala nilang nakapila. Nginitian ko sila ng alanganin at nag-peace sign. Diretso na akong naglakad sa bahay namin. Naabutan ko sina Kevin at Anna na kumakain ng agahan, "Ate papasok ka na ba?" tanong sa'kin ni Anna. "Oo Anna, kaya ikaw na muna ang bahala kay Kevin ah," bilin ko naman sa kanya. Tulad ko ay huminto rin sila sa pag-aaral. Next year ay ie-enroll ko sila para makapag-aral muli. "Kevin, 'wag makulit kay Ate Anna," bilin ko rin sa bunso naming kapatid at ginulo ko ang kanyang buhok. "Opo Ate," masaya nitong sagot. Nakabihis na ako, white polo shirt at jeans lang ang isinuot ko. Trainee pa lang naman ako kaya hindi pa kailangan ng uniform. "Alis na ako, dito lang kayo sa loob ng bahay. Maliwanag ba?"
"Opo Ate," sabay nilang sagot.
Pagkababa ng jeep ay lalakad pa ng kaonti para makarating sa coffee shop. Tanaw ko na ang mga taong naroroon sa loob, full glass kasi ang wall nito kaya kita agad kung sino ang mga ito. Nandun na sina Glodie at Ronoel habang kausap ni Ma'am Jerica.
"Good morning po!" masigla kong bati sa kanila nang makapasok na ako. "Good morning Richel," ganting bati sa'kin ni Ma'am Jerica. Samantalang si Glodie at Ronoel ay nakangit habang nakatingin sa'kin. Pakiramdam ko ay mababait naman sila, tiyak na magkakasundo kami. "Okay, since nandito na kayong tatlo. Mag-start tayo after thirty minutes," wika ni Ma'am sa'min. Sabay-sabay naman kaming tumugon sa kanya. Naupo muna kami habang nag-hihintay matapos ang trenta minutos na binigay sa'min.
"Hi, ako nga pala si Ronoel, at s'ya naman si Glodie, bff ko." pakilala ni Ronoel nang makaupo kami, inilahad n'ya pa ang kanyang kanang kamay sa'kin. "Hi, Richel nga pala. Nice meeting you both," malawak ang ngiti kong tinanggap ang kamay ni Ronoel, at sumunod naman kay Glodie. Nagkwentuhan lamang kaming tatlo hanggang sa matapos ang trenta minutos. Marami silang naikwento sa'kin lalo na tungkol sa buhay nila, si Glodie ang pinaka-madaldal sa kanilang dalawa. Parehas kami ni Glodie na hindi nakapagpatuloy sa pag-aaral samantalang si Ronoel naman ay scholar sa isang sikat na university malapit dito sa coffee shop. Ang swerte nito dahil matutupad nito ang pangarap n'ya. Samantala awa naman ang nakikita ko sa mga mata nila nang ikuwento ko ang tungkol sa pagpapalayas sa'min. "Ayos lang 'yan, ang importante magkakasama kayo ng pamilya mo." wika ni Ronoel at hinihimas ang likod ko. Sinulyapan ko s'ya at nginitian. "Salamat sa inyong dalawa, napagaan n'yo loob ko. Sa totoo lang wala akong kaibigan," natatawa kong wika sa kanila. "E 'di maganda. Simula ngayon friends na tayong tatlo," masayang wika naman ni Glodie, kasabay ng pag-akbay nya sa'min ni Ronoel.
Natapos na ang trenta minutos kaya naman na kami upang magsimula mag-training. Itinuro ni Ma'am Jerica sa akin ang pagtimpla ng iba't-ibang klase ng kape. Samantalang si Ronoel at Glodie naman ay naka-assign bilang kahera. Ituturo rin daw ito sa'kin ni Ma'am, ngunit hindi pa sa ngayon. Mag-alas dose na ng tanghali, kasalukuyan kaming naka-upo ngayon habang hinihintay ang pagkain na pina-deliver ni Ma'am. "Ang bait ni Ma'am 'no? Biruin mo ang t'yaga niyang nag-turo sa'tin tapos may free lunch pa!" kinikilig na wika ni Glodie. Napangiti ako sa sinabi n'ya, dahil totoong mabait si Ma'am. Nakakapgod pero enjoy, lalo pa at panay ang kwento ni Glodie ng mga nakakatawa. Sabay-sabay kaming napalingon sa pintuan nang may pumasok. Ito na yata ang pina-deliver ni Ma'am na pagkain. Tumayo kaming tatlo upang kunin ang mga bitbit ng delivery boy, ipinatong namin ito sa mesa. Napakarami ng pagkain na animo'y may okasyon. "Okay, let's eat!' aya ni Ma'am sa'min. Isa-isa na naming binuksan ang mga pagkain. Unang bukas ko ay chicken wings na may mga sesame seed sa ibabaw, hindi ko alam kung anong luto 'to pero mabango at mukhang masarap. "Wow! Ang dami naman nito Ma'am. Birthday mo po ba?" tanong ni Glodie na ikinatawa naman ni Ma'am. "No, I just want to celebrate. Because finally, I have my own business and I have you guys. I'm just very happy." she said happily. Halata ang saya sa tinig n'ya.
"Naku Ma'am kami nga po ang dapat magpa-salamat sa'yo dahil hindi ka nag-dalawang isip na tanggapin kami." wika ko sa kanya.
"Ah, basta kumain na tayo kasi nagugutom na ako," wika ni Ma'am na ikinatawa namin.
Masaya ang naging lunch break namin. Marami pa ang mga natirang pagkain kaya hinati namin ito para maiuwi. Paniguradong magugustuhan ito ni Anna at Kevin.
Nag-wawalis ako nang may biglang pumasok, nag-angat ako ng tingin upang makita kung sino ito. Natulala at napaawang ang labi ko sa napaka-gwapong lalaki na kasalukuyang naglalakad palapit sa kinaroroonan ko.
"Is my sister here?" napapitlag ako nang marinig ko ang baritono nyang boses, tila musika ito sa aking pandinig. "Hey, are you alright?" pinitik-pitik pa nito ang dalawang daliri sa tapat ng mukha ko. Napakurap-kurap ko ang aking mga mata sa kanyang ginawa, hindi ko alam ang isasagot sa tanong n'ya dahil sa totoo lang hindi ko naman ito naintindihan. Sabay kaming napalingon kay Ma'am Jerica ng mag-salita ito mula sa likuran ko.
"Lyndon, nandito ka na pala," wika ni Ma'am sa kaharap kong lalaki. Lumapit naman ito kay Ma'am, nakasunod ang tingin ko sa lalaki. Ewan ko ba, parang nahipnotismo ako sa kagwapuhan ng lalaking 'to. Hindi naman ako ganito sa mga nakikilala ko na mga lalaki, lalo na sa dating nanliligaw sa'kin. Hindi maitatanggi ang ka-gwapuhan nito. Matangkad, malaki ang katawan na halatang alaga ito sa gym. 'Sarap siguro pisil-pisilin ang muscle nya sa braso, at siguro masarap din s'ya kayakap.' Bumalik ang isip ko sa reyalidad ng mapansin ko na nakatingin na pala ang dalawa sa'kin. Nakaramdam ako bigla ng hiya at yumuko ako ng ulo.
"Oh, I forgot. By the way girls, he is Lyndon. My younger brother." pagpapakilala ni Ma'am at . Hindi ko namalayan na katabi ko na pala sina Ronoel at Glodie. Nakipagkamay naman si Lyndon kina Ronoel at Glodie. "And you are?" sa'kin na pala siya nakatingin at nakalahad ang kamay nya sa harap ko. "A-ah, Richel," nauutal pa ako ng sabihin ang pangalan ko sa kanya, tinanggap ko naman ang kanyang kamay kahit pa nanginginig ito. "Nice name," wika nito at pinisil pa ng bahagya ang aking kamay. Nailang ako sa ginawa nya, kaya binawi ko na ang aking kamay. Tumingin ako sa kanya at kita ko ang kakaibang ngiti n'ya.
"Ahem," tumikhim si Ma'am, kaya naman sabay nabaling ang tingin namin ni Lyndon sa kanya. "Let's go baby brother, we have to discuss something," wika ni Ma'am kay Lyndon. Malawak ang ngiti ni Ma'am nang tumingin s'ya sa'kin. "Maiwan muna namin kayo girls, kayo na ang bahala rito." paalam ni Ma'am at hinila na si Lyndon patungo sa opisina nito.
"Ahhh! Ang pogi naman 'non." impit na tili ni Glodie, siniko n'ya ako kaya napatingin ako sa kanya. "Crush mo na si Sir noh?!" tanong n'ya sa'kin na tila kinikilig pa. Umiwas ako ng tingin sa kanya, "Hindi ahh, " tanggi ko sa tanong n'ya. "Wee?! Bakit namumula ka?" tukso n'ya sa"kin. Bigla naman ako napahawak sa pisngi ko, pakiramdam ko kasi pulang-pula na ang muhka ko dahil sa panunukso ni Glodie. "Ayiee," kinurot-kurot n'ya pa ako sa tagilitran. " 'Wag ka ngang maingay, baka marinig ka nila." saway ko sa kanya at tumingin sa pinto ng opisina ni Ma'am.
"Manahimik ka na nga Glodie, baka marinig tayo. Nakakahiya kay Ma'am. Ituloy na natin ang paglilinis para maka-uwi tayo ng maaga," saway naman ni Ronoel kay Glodie. Nakahinga ako ng maluwag nang tigilan na ni Glodie ang panunukso sa'kin, itinuloy ko na ang pag-wawalis na naudlot kanina n'ung dumating si Lyndon.
Alas singko na ng hapon nang matapos kami sa paglilinis ng buong coffee shop. Bukas ay balak namin lagyan ng dekorasyon ito para sa opening. Kasalukuyan kaming nagku-kwentuhan nang lumabas na sina Lyndon at Ma'am sa opisina. Napalingon ako sa gawi nila, at sakto namang nagtama ang mata namin ni Lyndon. Agad akong nagbawi ng tingin, kakaiba kasi ang titig n'ya sa.'kin. Tumayo na sila Glodie kaya naman tumayo na rin ako. "Wow, ang linis na!" manghang wika ni Ma'am habang nililiibot ang tingin sa buong coffee shop. "Syempre naman Ma'am, kami pa ba?!" proud na wika ni Glodie. Napaka-positive talaga ng babae na 'to, parang walng iniindang problema. "If you done already, pwede na kayo umuwi para makapag-pahinga kayo ng mas maaga. See you again tomorrow." nakangiting wika n Ma'am sa'min. Agad naman kaming tumalima at inayos ang gamit na dala namin, kinuha ko ang aking bag sa loob ng locker room. May kanya-kanya kaming cabinet nila Glodie, at ang maganda pa ay meron itong lock. Sabay-sabay na kaming lumabas ng locker room. Paglabas namin ay nakahanda na rin si Ma'am para umuwi.
Nandito pa rin si Lyndon, siguro sabay na silang uuwi ng Ate n'ya. Tahimik lamang itong naka-upo habang abala sa kanyang phone. "Let's go Lyndon, uwi na tayo.' aya ni Ma'am kay Lyndon. Nag-angat naman ito ng tingin kay Ma'am at tumingin din sa gawi ko. Ibinaling ko ang tingin kay Ma'am at nagpaalam na para umuwi. Hindi ko kasi matagalan ang titig ni Lyndon. Ngayon ko pa lang siya nakita at nakilala, ngunit kakaiba na ang t***k ng puso ko kapag tumitingin siya sa'kin, hinihingal ako sa sobrang bilis ng t***k nito. 'Hindi kaya may sakit na ako sa puso?' tanong ko sa sarili, sabay hawak sa aking dibdib.