By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
-------------------------------
Naging kami ni Basti. Masaya ako na pinanindigan niya ang pagmamahal sa akin. Hindi ko kasi akalain na sa kabila nang pagiging ako, mamahalin ako ni Basti nang ganoon. Naisip ko naman na siguro ay dahil ako palagi ang kasama niya, ako ang nag-aalaga sa kanya, pati na sa paglalaba ng damit niya kung kaya ay natutunan niya akong mahalin. Ang mga kababaihan naman kasi sa amin ay maiilap at takot sa lalaki. Kaya walang ni isa man sa kanila ang naging close talaga kay Basti. Iyon ang naisip kong dahilan na kahit lalaki si Basti, ako pa rin ang pinili niya. At umamin din naman si basti na napamahal ako sa kanya dahil nga raw sa kabaitan ko, at sa sobrang lalim ng aming pinagsamahan.
Ngunit sa kabila ng ginawang paninindigan ni Basti, may isang bahagi ng utak ko ang nababagabag. Parang lumabas na napakamakasarili ko, na sa kabila ng malaking oportunidad sa buhay niya na umunlad at matulungan din niyang mapaunlad ang aming isla, hayan, ikukulong ko siya sa isla at itatali sa aking pansariling kaligayahan. Alam ko na kahit walang tutol ang mga magulang ni Basti sa kanyang desisyon, tila kinitil ko na rin ang kanilang mga pangarap para sa kanilang nag-iisang anak, ninakaw sa kanila ang karapatang lumigaya na makita ang tagumpay ng anak.
Kaya hindi ko rin natiis na hindi magsalita. Nasa dalampasigan kami noon, pinagmasdan ang paglubog ng araw. "Basti... ang gusto ko ay ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral. Hindi pa naman huli ang lahat di ba? P-puwede ka pang makahabol."
Napatingin siya sa akin. "Bakit? Nagsawa ka na ba sa akin?"
"Hindi naman sa ganoon... Gusto ko lang na makapagtapos ka sa pag-aaral. Valedictorian ka, full scholar, at di ba, ang sabi ng kapitan ng ating isla, tutulungan ka niya sa iba mo pang gastusin kapag mag-aral ka dahil ikaw pa lang ang magiging kaisa-isang residente ng ating isla na kung magkataon, ay makapagtapos ng pag-aaral at matulungan mo ang mga residente ng isla. Tama naman siya. Bakit ko hahadlangan ang magandang adhikain ng ating punong-baranggay? Kahit nga ang mga magulang mo, alam kong nangarap din sila na makatapos ka ng kurso. Napakasarap kaya ng pakiramdam ng isang magulang kapag nakitang nakapagtapos ng pag-aaral ang kanyang anak. Ipagkait mo ba sa kanila ito? Atsaka ako, handa akong maghintay..."
Napatingin si Basti sa akin. Seryoso ang kanyang mukha. "Bakit? Ano pa ba ang kailangan nating makamit? Masaya naman tayo dito di ba? Lahat ng tao rito ay masaya. Nasa dagat at sa isla ang lahat ng mga kailangan natin, presko ang simoy ng hangin, simple ang pamumuhay, walang pressure, hindi tayo nagmamadali kagaya ng sa mga tao sa siyudad, na palaging hinahabol at naghahabol sa oras. Tayo rito, kapag nakikita lang ang paglubog ng araw, masaya na."
"Kuntento ka na lang ba talaga sa ganyan? Hanggang high school lang ang natapos?"
Natahimik siya sandali. Tila nag-isip. "Sa syudad, maraming tukso..."
"Di umiwas ka. Kapag matatag ang iyong paninindigan, wala kang dapat na ikakatakot."
"Paano ka?"
"Anong paano ako? Syempre, narito lang ako sa isla. Maghintay sa iyo, sa pagkamit mo sa iyong tagumpay."
"Ang ibig kong sabihin, wala kang kasama rito?"
"Ano ka ba... may mga magulang ako, may mga kaibigan naman dito."
"Papayag akong mag-aaral basta kasama ka."
"Ayoko... Hindi ko alam ang pasikot-sikot doon sa siyudad. At ayaw ko rin doon dahil maingay, nagsisisiksikan ang mga tao, nagmamadali, marumi ang paligid at hangin, magulo. Dito na lang ako. Dito kita hihintayin. Promise."
"Naipangako kong hindi kita iiwan eh."
"Pwes ok lang sa akin Basti. Kasi di ba, ang tagumpay mo ay tagumpay ko rin naman? At tagumpay rin ng mga magulang mo, at ng mga tao sa isla."
"Handa kang magsakripisyo?"
"Oo naman. Lahat ng tagumpay ay pinaghihirapan. Lahat ng katuparan ng mga pangarap ay pinagsisikapan. Minsan, masakit at may mga kaakibat na kundisyon, may mga bagay na i-give up. Pero ano lang ba iyon kumpara sa tagumpay nating lahat. Handa akong magsakripisyo."
Niyakap ako ni Basti. "Ang bait talaga ng Julie ko. Kaya mahal kita eh..."
Agad naming kinausap ang mga magulang ni Basti at pagkatapos, nagpulong-pulong sila kasama ang mga opisyales ng isla. At doon napagkasunduan na tutulungan nila si Basti sa iba pang mga gastusin sa isang kundisyon na kapag nakapagtapos na ito at may kakayahan na tulungan niyang umunlad ang isala at ang mga nanirahan dito.
"Kapag nakapagtapos ako at may magandang trabaho na, ikaw naman ang papag-aralin ko" ang sabi ni Basti sa akin.
"Hmmm. Huwag na. Masaya na ako na makapagtapos ka. Wala na akong mahihiling pa. Narito na ang lahat na kailangan ng isang tao upang mabuhay at may bonus pa – magandang tanawin, preskong hangin, berdeng kapaligiran, at... ikaw."
Napangiti siya sa aking sinabi sabay yakap sa akin. "Basta, mag-aaral ka kapag nakapagtapos na ako."
Iyon ang sabi niya. At marami rin siyang plano para sa isla. Gusto raw niyang gawing isang tourist attraction ang isla, upang magkaroon ng mga trabaho ang mga taga-isla. Ang kabilang bahagi naman ng isla kung saan ay malalalim ng tubig, iyon ang i-develop para sa pangkabuhayang pangingisda ng mga tao.
Pareho kaming masaya ni basti. Syempre, may lungkot din kasi, maghihiwalay na kami kinabukasan. Pero iginiit ko na lang sa isip na babalik din naman kasi siya at kapag nagkataon, kahati niya ang lahat ng mga tao sa isla ang kanyang tagumpay. Sa gabing iyon ay pinagsaluhan naming muli ang bugso ng aming pagmamahal. Mainit, mapusok, nag-aalab.
Pumunta pa kami sa dalampasigan. Naligo, nagtampisaw. Nang mapagod, nagsusulat na naman ako sa buhangin.
"I Love You, Basti..."
Na sinagot naman niya ng, "I Love You too, Julie."
"Huwag mo akong saktan ha?"
"Pangako."
"Huwag mo akong kalimutan."
"Pangako"
"Babalik ka rito."
"Pangako"
"Huwag mo akong iwan"
"Pangako..."
"At sa paggraduate mo, dapat ay mag-aattend ako."
"Syempre naman!"
"Paano kung hindi mo ako imbitahin?"
"Tange! Puwede ba iyon?"
Di ko lang alam baka magbago ka na sa panahong iyon."
"Hindi mangyayari iyan. Ikaw kaya ang aking inspirasyon. At ikaw ang nag-udyok sa akin kung bakit kailangan kong mag-aral at tapusin ang kurso ko."
"Promise?"
"Promise!
"Sabagay, kahit magbago ka na sa panahong iyon... dadalo pa rin ako sa graduation mo kahit hindi mo ako iimbitahin."
"Ito naman... hindi nga mangyayari iyan."
"Promise?"
"Promise. At ikaw naman, dapat ay ako lang ang mahalin mo. Wala nang iba."
"Syempre naman!" ang sagot ko.
"Promise?"
"Promise!"
Iyon ang mga palitan namin ng sulat sa buhangin. Iyon ang palitan namin ng mga pangako.
Hanggang sa napagod kami at magkatabing humiga sa dalampasigan. Hawak-kamay. Sa aming kinaroroonan, tanaw namin ang mga bituin sa langit, ang maliwanag na buwan. Wala kaming ibang ingay na naririnig kundi ang mga alon na nag-uunahang humampas sa mga buhangin ng dalampasigan. Napakaganda ng panahon. Napakaganda ng paligid. Tila kaming dalawa lamang ang nag-mamay-ari sa mundo at perpekto ang lahat sa amin.
Tinupad naman ni Basti ang kanyang pangako na palaging susulat sa akin. Ang isla kasi ay walang signal sa cell phone, at walang internet, kaya hanggang sa sulat na lang ang aming ugnayan. Sa sulat niya ikinikuwento ang kaganapan sa kanilang eskuwelahan, mga ka-klase, mga guro, kahit na ano. Minsan din, kinikuwento niya ang mga nadaanan na naming subjects at problem-solving sa high school. Halos lahat ng ginagawa niya oras-oras ay kinikuwento niya sa sulat.
Kapag ganoong semestral break, sobrang saya ko. Kasi iyon ang pagkakataong magkasama kaming muli. At palagi, ang dalampasigan at ang mga buhangin ang tanging saksi kung gaano kamahal namin ni Basti ang isa't-isa.
Ngunit naramdaman kong unti-unting nagbago ang lahat nang nasa third year college na si Basti. Kung noon ay halos araw-araw ay may natatanggap akong sulat, sa pagkakataong iyon ay madalang na lang. Maswerte na kapag may isang sulat sa isang linggo.
"Dear Julie, pasensya na, hindi na ako palaging nakakasulat. Nasa third year college na kasi ako at nasa mga major na ang subjects. Mahirap na siya at kailangan talaga ang focus dahil sa mga requirements at projects..."
Iyon ang dahilan niya. Naintindihan ko naman. Tama nga naman siya. College na kaya siya at sigurado, mas mahirap ang subjects at requirements, dagdagan pa na nasa state university siya at scholar pa. Kaya naintindihan ko.
Hanggang sa nag semestral break at umuwi siya. Masaya pa rin naman kami. Wala akong napansing kaibahan, maliban na lamang sa mga dala niyang mamahaling gadgets na kagaya ng laptop, at iphone ba ang tawag doon? Med'yo nalungkot ako nang kaunti dahil imbes na ang nakasanayan naming pamamasyal sa dalampasigan at pag-uusap ay napalitan na sa kanyang pagkahumaling sa kanyang laptop. At lalao na nang nagmamadali pa siyang bumalik ng syudad dahil nga raw may ihahanda pa siyang requirements sa sunod na pasukan, parang lalo pa akong nalungkot.
Muli, naintindihan ko. Hanggang sa isang beses na lang siyang magsulat sa isang buwan. At nang nag-summer break na, dalawang araw na lang siyang nanatili sa isla dahil may summer class daw siya.
(Itutuloy)