Graduation

2325 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ------------------------------- "Alam mo... nagpatahi na ako ng damit ko para isuot sa graduation mo. Kulay puti na pantalon at long sleeves na kulay light na pink. Sabi ng mananahi, puwede rin daw ako magsuot ng overcoat eh pero ang sabi ko, tama na ang long sleeves. At bumili na rin ako ng sapatos na itim, mura lang naman. 250 pesos. At ang sinturon ko ay bago rin, kulay itim." ang sambit ko kay Basti sa summer break niyang iyon. "Ganoon ba? Ang tagal pa noon ah!" "Isang taon na lang kaya iyon. Malapit na." At hinugot ko pa talaga sa aking kabinet ang aking mga bagong damit at ipinakita ang mga iyon sa kanya. "Maganda ba?" ang tanong ko. "Maganda naman. Bagay sa iyo..." ang sagot din niya. Ngunit nang tumungtong si Basti sa fourth year, tila nag-iba na ang takbo ng lahat. Sa buong first semester ay wala na siyang sulat. Sa semestral break niya ay hindi na siya umuwi. At nang magsimula na ang buwan ng Marso, ni wala man lang siyang pasabi kung anong petsa ang graduation. Nagtanong ako sa kanyang mga magulang kung ano ang nangyari kay Basti. Ang sabi naman nila ay nag-aaral pa naman daw. Hindi rin daw nila alam ang araw ng graduation at pati sa kanila ay halos hindi na rin siya sumusulat. Doon na ako nagsimulang makaramdam ng takot. Isang araw, lumuwas ng bayan ang mga magulang ni Basti. Nakita ko sila nang nakasakay na sa pampasaherong bangka na nagsimula nang pumalaot. Posturang-postura ang mag-asawa na animoy may dadaluhang kasal. "Mang Tonyo... saan po ba ang punta ng mga magulang ni Basti?" ang tanong ko sa isang mangingisda na nasa dalampasigan na abalang nag-ayos sa kanyang lambat. Nahinto siya sa kanyang ginagawa, tiningnan ang lumalayong bangka atsaka tiningnan ako. "Ah, di mo ba alam? Graduation yata ngayon ni Basti ah!" Tila may isang napakalakas na bombang sumabog sa aking harapan at hindi kaagad ako nakasagot. Tila ba ang lahat ng dugo sa aking katawan ay nagsidaluyan patungo sa aking puso at nalunod ito, huminto sa pagtibok samantalang ang aking mga luha ay nagsi-unahang lumundag mula sa aking mga mata. "Ah... o-oo nga pala." Ang sagot ko na lang na tumalikod upang huwag mahalata ang aking pag-iyak. "S-sige po Mang Tonyo. Salamat po." dugtong ko. Nagtatakbo ako pabalik sa aming bahay at agad-agad na pumasok sa aking kuwarto. Doon, ipinalabas ko ang lahat ng sama ng loob. Walang humpay ang pag-agos ng aking mga luha. Iyon bang pakiramdam na trinaydor ka at pati ang kanyang mga magulang ay inilihim pa ang lahat sa akin. Halos dalawang oras din akong nag-iiyak nang bigla kong naisip ang mga isinusulat namin sa buhangin, iyong sinabi ko na kahit hindi niya ako imbitahin, pupunta pa rin ako sa kanyang graduation. Dali-dali kong tinungo ang aking kabinet at kinuha ang aking inihandang damit pang graduation. Naisip ko kasi na may susunod pang biyahe ng bangka kung kaya ay pinilit ko ang sariling makahabol. Dinala ko rin ang huling sulat ni Basti. Naroon kasi ang address. Nagpaalam ako sa aking mga magulang na bagamat nag-alala dahil iyon pa ang pinakaunang pagkakataon na makapunta ako sa malaking syudad at nag-iisa pa, pumayag rin sa aking lakad. Sinabi ko kasing inimbitahan ako ni Basti. "O e... bakit hindi ka na lang sumama sa mga magulang ni Basti?" "Eh... n-nagmamadali po sila eh. D-doon na lang daw nila ako hintayin sa daungan ng pumpboat." Nagsisinungaling ako sa aking ina. Sa kagustuhang makadalo sa kanyang graduation nagawa ko ang bagay na iyon. Alam kong masakit din iyong sisipot ka na lang basta sa isang event na hindi ka inimbitahan. Ngunit dahil sa pagmamahal ko kay Basti, ginawa ko iyon. Nahirapan ako sa pagtungo sa siyudad. Iyon pa ang pinakauna kong pagtungtong sa lugar na iyon. Sa kagaya kong tubong isla at walang kaalam-alam sa pasikot-sikot, sobrang nahirapan ako. Pansin kong may mga tumatawa sa aking postura; naka-long sleeves, puti ang pantalon, may dala-dalang regalo, preskong bulaklak. Ngunit hindi ko alintana ang kakaibang tingin nila sa aking postura. Tanging si Basti lamang ang nasa aking isip. Nang nakarating ako sa mismong unibersidad, hindi ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman. Ang laki ng kanilang building, ang lawak ng campus na may malalaking kahoy. Nang natumbok ko na ang auditorium, pumasok ako. Nagsimula nang tawagin isa-isa ang mga graduates. Nang narinig ko ang pangalan ni Basti na tinawag at sinabi pang c*m laude siya, nagtatalon ako sa tuwa. Habang ang mga tao ay pumapalakpak, ako naman ay nagsisigaw ng "Basti! Basti!" Nang dumating na sa parte kung saan ay tatanggap na ang mga graduates sa greetings ng mga kakilala at mahal sa buhay, nagtatakbo akong lumapit sa kinaroroonan niya, tuwang-tuwa na sa wakas ma-greet ko siya, at mayakap. Ngunit hindi pa man ako tuluyang nakaabot sa kinatatayuan niya, kitang-kita sa aking mga mata ang isang babaeng buntis na yumakap at humalik pa sa kanyang bibig. At sa gilid nila ay ang mga magulang ni Basti na nakangiti, nagpalakpakan. Mistulang umikot ang aking paligid nang makita ko ang eksenang iyon. Halos mawalan ako ng malay. Hindi ko na namalayang nalaglag na pala ang aking regalo at mga bulaklak para sa kanya. Kung gaano ako ka excited na makalapit sa kanya, naalimpungatan ko na lang ang aking sariling nagtatakbo palayo. Nang nakalabas na ako sa campus ng unibersidad, tila nananadya naman ang panahon. Bumuhos ang malakas na ulan. Sa aking basang damit naghalo ang aking mga luha at ang tubig na nanggaling sa ulan. Gabi na nang nakauwi ako sa aming bahay. Mabuti na lang at may bangka pa akong nasakyan pauwi ng isla. Madilim, malakas ang alon. At nakarating ako ng bahay na basang-basa, tila wala sa sarili. Ang aking puting pantalon pa ay puno rin ng dumi, dagdagan pa sa aking sapatos na dahil mumurahin lamang ay natanggal ang tapakan dahil sa pagkabasa nito sa ulan. "Diyos ko anak! Anong nangyari sa iyo!" Ang sambit ng aking inay nang nakita niya akong parating na ng bahay. "M-malakas kasi ang ulan, nay..." ang sagot ko na lang. At dahil basa ang aking mukha, hindi ako nagpahalata na umiiyak. "Nakadalo ka ba sa graduation?" "O-opo. Opo." "Bakit hindi mo kasama si Basti?" "Eh, m-may... m-may dinaanan pa sila nay. K-kasama ang mga magulang niya." Sabay pasok na sa kuwarto upang hindi mahalata ng inay ang lungkot sa aking mukha. Sinarili ko ang matinding sakit ng damdamin. Umiyak akong mag-isa sa buong magdamag. Iyon ang pinakapunto sa buhay ko kung saan ay nahabag ako sa aking sarili, nagtanong na ang kagaya ko ba ay wala nang karapatang magmahal? Hindi ko na inalam pa ang kuwento sa likod ng nakita kong eksena sa graduation ni Basti; kung sino ang babaeng iyon, kung bakit hindi ako inimbita sa kanyang graduation, kung bakit kinalimutan niya ang lahat. Para sa akin, sobra-sobra na ang sakit na dulot ng ginawa niya. Ang pa kunsuwelo ko na lang sa aking sarili ay ang katotohanang ang ipinagpalit niya sa akin ay isang babae na makapagbibigay sa kanya ng katuparan sa kanyang mga pangarap. At kahit papaano, naging masaya rin naman ako sa isang dako ng aking buhay kung saan ay nakapiling ko siya at ipinadama niya kung paano mahalin ang isang katulad ko. Kaya tanggap ko angkatotohanang kailan man ay walang lalaking seryosong magmamahal sa isang bakla. Katulad ng mga pangako niyang isinulat sa buhangin, nabura na rin ang pag-ibig niya; nalusaw, naglaho, nalibing sa limot... Ang ginawa ko ay pinilit ang sariling kalimutan ang masaklap na pangyayaring iyon sa aking buhay. Sa una, mahirap ito. Kapag nakikita ko ang dalampasigan at ang dagat, si basti kaagad ang naiisip ko. Kusa na lang babagsak ang aking mga luha. Kapag nasa ganoon akong sitwasyon, hahayaan kong ipalabas ang aking saloobin, hanggang sa mapagod ako sa kaiiyak. Paano naman kasi, nasa harap lamang ng aming bahay ang dagat at ang dalampasigan. Sila ang nagpaalala sa akin kay Basti. Pinilit ko ang sariling ibuhos ang lahat ng aking panahon sa pagiging abala, sa pagpapaganda sa cottage sa dalampasigan na sakop ng aming lupain. Nagpagawa rin ako ng hukay na may lapad na 10 square meters malapit sa dalampasigan at ginawa ko itong pool gamit ang flowing water na nanggaling sa di kalayuan sa likod ng aming bahay. Ako mismo ang naghanap ng mga bato at mga shells na ginawang tiles sa swimming pool na siyang senimento naman ng aking itay. Sa paligid ng pool ay tinaniman ko ng mga bermuda, palm trees, at mga ornamental plants. Pagkatapos, ang cottage naman sa dalampasigan mismo ang akong pinaganda. Natural na natural tingnan gamit lamang ang mga kahoy na tinatapon na at talahib ang ginawa kong atip. Lahat ng nakakita sa aking ginawa ay namangha at humanga sa ganda ng aking pagdisenyo sa cottage at sa pool. Doon napansin ng iilang turista ang aking ginawang mala-resort na cottage. Hanggang sa inimbitahan ako ng kapitan sa meeting ng baranggay at doon iminungkahi niya ang balak niya na ako ang magdisenyo at mag-handle sa project nang paggawa ng mga cottages at pools sa kahabaan ng dalampasigan dahil lahat daw ng mga dumarayong turista ay nagtatanong tungkol sa aking ginawang pool at cottage. Syempre, shocked ako dahil napakalaking proyekto ito. Ngunit proud din naman ako. At hindi lang iyan, babayaran din ako. At may royalty dahil sa ako ang may ari ng mga disenyo. Anim na buwan ang lumipas, hindi pa man ganap na natapos ang proyekto, dumagsa na ang mga dayuhang turista. At paglipas pa ng isang taon kung saan 90% na ang natapos sa aking poyekto, mas lalo pang dumami sila na halos nagkaubusan ang mga kuwartong paupahan sa aming isla. Nang may nag-upload pa ng mga litrato ng isla namin sa kanilang blogs at youtube dagdagan pa sa mga turistang nagkuwento rin sa mga kaibigan nila at sa mga posts sa internet, lalo pang sumikat ang aming lugar. Nagkaroon ng hanap-buhay ang mga tao, nagkaroon na rin kami ng connection sa mga telepono, signal, at internet. Sa madaling salita ay umangat ang aming pamumuhay. Kung dati ay sa isang maliit na kubo lang kami nakatira, naging kungkreto na ang aming bahay at nakapagpundar ng mga kasangkapan at appliances. Dahil sa mga turista, sumigla rin ang isla. May mga party sa gabi, may mga kasiyahan. At kung may kasiyahan, syempre, may inuman. At kung may inuman, may babae, may lalaki... at may lalaking naghahanp ng kakaibang kaligayahan. Ngunit pinilit ko ang sariling huwag magpadala sa tukso ng lalaki. Natakot na ako sa nangyari sa amin ni Basti. Bagamat nagkaroon ako ng fling at mga panandaliang aliw, hanggang doon na lang. Ayaw ko nang masaktang muli ang aking puso. Hanggang sa dumating sa buhay ko ang isang bente-anyos na Amerikano. Nasa dalampasigan ako noon at nagmunimuni habang siya naman ay naligo. Sa kalagitnaan ng kanyang paliligo ay bigla siyang kumaway, iyon distress call at biglang hindi ko na makita. Doon ko na ako biglang lumusong sa dagat at nirescue ko siya. Dahil sanay sa dagat, kahit malaking tao si George, nagawa ko pa rin siyang i-salba. Naging magkaibigan kami. Kalaunan ay niligawan niya ako at kapag sasagutin ko raw siya ay dadalhin daw niya ako sa Amerika at doon ay magsama kami. Ngunit hindi ako pumayag. Ipinaliwanag ko sa kanya ang dahilan. Sinabi kong puwede naming gawin ang gusto niyang gawin ngunit walang commitment. Parang iyong tinatawag lang nilang f**k buddy. Kaibigan, nagyayarian, ngunit hanggang doon na lang. Walang relasyon, walang selosan, walang pakialaman. Pumayag naman ang Amerikano. Marahil ay dahil ganyan ang kultura nila. Prangka, practical, open-minded. "It's fine with me. Who knows you'll still change your mind later..." ang sabi niya. Isang araw, inalok ng mga magulang ni Basti na ibenta sa sa amin ang kanilang bahay at lupa dahil may paggagamitan daw sila sa pera at kailangang-kailangan na. Nagulat ang aking mga magulang sa desisyon nila. Kung kailan umaangat na ang kabuhayan ng isla saka pa nila ibebenta ang lupa nila. Ngunit buo na ang kanilang pasya. Walang nagawa ang aking mga magulang. Hindi naman nawawala sa isip ko ang agam-agam na sa siyudad na sila maninirahan, kasama ang pamilya ni Basti dahil masaya na sila roon. Kaya binili namin ang lupa at bahay nila. Sa mismong araw din ng pagkatanggap nila sa bayad ay lumisan sila. Nagmamadali na para bang may hinahabol. Kahit may nagbabadyang bagyo, sumakay pa rin sila sa bangka, makaalis lamang sa isla. Kinaumagahan, nalaman namin na lumubog ang bangka na kanilang sinakyan, kasama ang may 40 ka tripolante. Paglipas ng ilang araw, paisa-isang natagpuan ang kanilang mga bangkay. Lahat sila ay nalunod, kasama ang mga magulang ni Basti. Sa pagkamatay ng kanyang mga magulang ay inakala kong uuwi si Basti. Ngunit ni anino niya ay hindi nagpakita. Hanggang sa inilibing ang kanyang mga magulang, hindi pa rin siya dumalaw. Hindi ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman sa mga pangyayari. Kahit may tampo ako sa mga magulang ni Basti dahil sa hindi nila pagsabi sa akin tungkol sa babae ng anak nila, naintindihan ko sila, isiniksik na lang sa aking isip na baka ayaw lang nila akong masaktan o kaya ay sinabihan sila ni Basti na ilihim ang lahat sa akin. Ang ikinalulungkot ko lang ay ang hindi pagsulpot ni Basti sa lamay at burol ng mismong sariling mga magulang. Lumipas ang isa pang taon at bigla na lang kaming nagulantang sa hindi inaasahang pangyayari. Nasa harap ng hapag kainan kami noon at mananaghalian na. Masarap ang mga pagkaing inihanda ng inay. May inihaw na isda, may adobong baboy, may tinolang manok at sinigang na baka. Tila nanunukso ang mga pagkain sa ibabaw ng mesa. At pakiwari ko ay umaapaw sa aming bahay ang bango ng mga umuusok pang masasarap na ulam. "Tao po!" ang narinig naming sigaw. Tumayo ang aking inay at binuksan ang pinto. Dahil nasisilip mula sa aming hapag-kainan ang pinto, nagulat ako nang makita kung sino ang bisita.  (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD