Mamimiss Kita

2018 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ------------------------------- Sa paglipas pa ng ilang araw, napag-alaman kong ipagpatuloy ni Basti ang pag-aaral sa isang unibersidad sa karating na syudad. Mas malayo siya kaysa paaralan namin noong high school. Magbo-boarding house siya at paminsan-minsan na lang ang pag-uwi. Lalo naman akong nalungkot. Ako kasi ay hindi makapagpatuloy ng pag-aaral gawa ng walang pera ang aking mga magulang. Bagamat ako ang first honorable mention sa graduating class namin, one-fourth lang ang scholarship na matatanggap ko. Hindi kagaya ni Basti na valedictorian, buo ang scholarship. Kaya lalo pa akong nalungkot. Bigo na nga ako sa pag-ibig, hanggang high school din lang ang aking matatapos. Ilang araw na lang at aalis na si Basti upang mag-aral na sa College. Tumungo uli ako sa dalampasigan. Lungkot na lungkot ako at kagaya ng dati, ipinapalabas ko ang aking saloobin sa pag-iyak, pagmumuni-muni, at pagsusulat sa buhangin. Mga alas tres na sa hapon iyon, walang katao-tao sa dalampasigan. Sinariwa ko ang mga tagpo na kapag naabutan ako ni Basti doon at nagsusulat, nakikisulat na rin siya. Hanggang sa magiging sagutan na ang aming mga isinusulat sa buhangin. "Ano ang tawag sa taong walang mata?" ang minsan ay isinulat niya sa buhangin. Sinagot ko, "May ganoon ba?" Siya, "Mayroon!" Ako, "Ano?" Siya, "E, di abnoy! Abnormal." Sabay tawa nang malakas. Natawa na rin ako. Hindi dahil sa biro niya kundi ang naalala kong minsan ay tinawag ko siyang abnoy nang nagalit ako. At simula noon, abnoy na ang tawag ko sa kanya kapag naiinis ako sa kanya. Inis na inis siya kapag ganoong ina-abnoy ko siya. Pero hindi naman niya ako sinasaktan. Never ko pang naalala na sinaktan ako ni Basti. Kahit sa pananalita, wala akong naalala na inaway niya ako o pinapagalitan. Kahit nagagalit ako sa kanya, tahimik lang siya at kapag sa tingin niya ay hindi na ako galit, saka lang siya magsasalita, at siya pa itong manghingi ng sorry. Ako naman ang nagsulat. "Ano ang tawag sa gagambang nakatihaya sa lupa?" "Ano?" sagot niya sa sulat sa buhangin. "E di patay na gagamba! May gagamba bang nakatihaya?" ako naman ang tawa nang tawa sa kanya Tumingin siya sa akin. Hindi ipinahalatang natawa siya sa biro ko. Siya naman ang nagsulat. "Ano ang tawag sa taong sagot nang sagot sa tanong ko?" Ako, "Maganda!" Napalingon siya sa akin at tinitigan ako sabay bitiw ng nakakaloko at nang-iinis na ngiti. "Bakit? Mali ba ang sagot ko?" Sambit ko "Hmm. Pag-iisipan ko." Sagot niya at nagsulat na naman. "Ano ang tawag sa taong nagsulat ngayon?" At doon ko na siya sinagot ng pang-aasar, "Abnoy!" sabay tawa at karipas ng takbo. Hinabol niya ako. Todo takbo ako upang hindi niya maabutan. Ngunit sadyang sanay sa pisikal na gawain at mabilis siyang tumakbo kung kaya ay naabutan din niya ako. At nang nahablot niya ang aking kamay, nagpagulong-gulong kami sa dalamapasigan, tila dalawang magkasintahan na pag-aari ang mundo. Nang napagod na, hindi na ako gumalaw, nakatihaya habang nakapatong naman siya sa aking katawan. "Ano sinong abnoy? Sinong Abnoy?" ang tanong niya. "Ikaw" At habang ila-lock niya ang katawan ko sa kanyang bisig, walang humpay niya akong kikilitiin. Alam niya kasing iyon ang weakness ko. Lalo na sa kilikili ko. Magsisigaw na ako niyan, magtatawa nang malakas. Hanggang sa ang isasagot ko na ay, "Ayoko na! Ayoko na Bastiiiii! Hahahahahahahaha!" "Sino ngayon ang abnoy?" tanong niya uli bago niya ako pakawalan. "A-ako! Ako na ang abnoy!!!" At iyon, tititigan niya ako na tila ba lalamunin niya ang buo kong pagkatao sa kanyang pagtitig. Kung hindi nga lang nakakahiya at nakakatakot, parang gusto ko nang hablutin ang ulo niya upang maglapat ang aming mga labi at sisiilin ko siya ng halik. Ngunit hanggang doon na lang iyon. Magpi-freeze lang kami ng ilang saglit magtitigan at pakawalan din niya ako. Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga. Tila isang pelikula ang pagflashback ng mga masasayang tagpong iyon ng aking alaala. Tumayo ako at naisipang magsulat sa buhangin, "Basti... mami-miss kita. I Love You very very much!" Paulit-ulit ko itong sinusulat habang paulit-ulit din ang pagbura ng mga alon sa mga isinusulat kong iyon. Nang napagod na ako, naisipang kong gumawa ng malaking sulat sa buhangin, nilaliman ko pa ang pag-ukit nito. "BASTI... MAMI-MISS KITA. I LOVE YOU VERY, VERY MUCH!" At dahil malaki siya, hinayaan ko na lang ito sa dalampasigan. Sa isip ko ay mabubura rin naman ito ng mga alon. Umuwi na ako. Kinagabihan, laking gulat ko nang tinawag ako ng inay. "Julie! Lumabas ka d'yan! Narito si Basti!" Nagulat naman ako. Di ko kasi akalain na hanapin pa niya ako. Ramdam ko ang malakas na pagkabog ng aking dibdib. Nang nasa bungad na ako ng aming bahay, nakita ko kaagad si Basti na nakatayo roon nakaharap sa akin, ang mukha ay seryoso, tila galit. "Halika..." ang sambit niya habang tinumbok ang dalampasigan. Nag-atubili man ang isip, binuntutan ko siya. Nang nakarating na kami sa baybayin, itunuro niya sa akin ang buhangin. "Ano iyan...?" Laking gulat ko naman sa aking nakita. Ang isinulat kong "Basti... mami-miss kita. I Love you very, very much!" ay naroon pa rin. Nalimutan kong nagsimula na pala ang low-tide ng sandaling sinulat ko ang mga iyon kung kaya ay hindi na nabura ng mga alon. "Eh... A-ano ba iyan? Hindi ko mababasa?" at talagang kunyari ay inosenteng-inosente ako at tinapak-tapakan ko pa ang mga malalaking letra upang tuluyang mabura ang mga sulat. Ngunit sa laki ng mga isinulat ko ay hindi ko kayang burahin ang mga ito. "Hindi mo nababasa? Pwes babasahin ko para sa iyo, 'Basti... mami-miss kita. I Love you very, very much' Ano tama ba?" "Ewan ko sa iyo!" ang sigaw ko. "At iyan lang ba ang dahilan kung bakit mo ako dinala rito? Upang basahin sa akin iyang mga nakasulat sa buhangin na iyan? At bakit ako lang ba ang may kamay na marunong magsulat?" "Di ba ikaw lang naman ang mahilig magsulat sa buhangin dito?" "Ay malay ko ba kung mayroon na ring ibang natuto at nagkagustong magsulat!" ang mataray kong sagot. "Di ba ikaw lang naman ang nagpupunta sa bahaging ito ng dalampasigan?" "Aba'y malay natin kung may mga nagkagusto na ring iba! Bakit, pag-aari ko ba ang bahagi ng dalampasigang ito? Sa akin ba talaga nakapangalan iyan?" ang mataray kog sagot sabay talikod upang umalis na. Ngunit bigla niyang hinawakan ang aking kamay atsaka hinawakan ang aking panga at inilapit iyon sa mukha niya. Halos magdikit na ang aming mga mukha. "Sabihin mo nga ang totoo, Julie. Mahal mo ba ako?" "Ano ba Basti! Nasasaktan ako!" ang sigaw ko sabay kalas sa pagkahawak niya sa aking panga. Tuluyan na akong tumalikod at nagmamadaling umalis. Araw ng pag-alis ni Basti. Hindi na ako mapakali. Alam ko, kapag nakaalis na siya, malamang na matagal pa siyang bumalik sa isla. Pakiwari ay sasabog ang aking dibdib sa sobrang lungkot. "Julie! Nasa pumpboat na si Basti! Ipinakisuyong puntahn mo siya at aminin mo raw iyong ginawa mo sa dalampasigan para huwag siyang umalis na masama ang loob sa iyo!" ang sigaw ni inay na nasa labas ng bahay. At bigla ring ibinaba ang boses na tila naintriga sa sinabi, umakyat sa hagdanan at nilapitan ako na nakaupo lamang sa harap ng mesa, "Ano nga ba pala ang ginawa mo sa dalampasigan???" "Wala ah! Naligo lang ako doon, hindi niya ako nakita." "O e... ganoon naman pala. Hala, puntahan mo at ilang minuto na lang, aalis na ang pumpboat, hindi mo na siya maaabutan! Dali!" Sa totoo lang, hindi ko alam ang gagawin. May naghihilahan sa loob ng aking isip kung pupunta pa ba, pagmasdan ang paglayo ng pumpboat habang damhin ang sakit ng paglayo niya o hayaan na lang na lang siyang lumayo. Ngunit nanaig pa rin ang kasabikan kong makita siya at kahit sa huling sandali ay masabi ko ang katotohanan. Dali-dali akong tumakbo patungo sa dalampasigan kung saan naroon ang pumpboat. Subalit nakaalis na pala ito at malayo-layo na ito mula sa dalampasigan. Kumaway ako nang kumaway. Nakita kong may kumaway din na pasahero ng pumpboat. Alam ko, si Basti iyon. "Basti!!! Ako ang nagsulat sa buhangin!!!" ang malakas kong sigaw na halos puputok ang aking baga at lalamunan sa lakas ng aking boses. At sinabayan ko pa iyon ng pagturo ko sa sarili upang kahit hindi niya marinig, malaman niyang ako. "Ano???" ang tila sagot sa aking sinabi. Malayo na kasi sila at hindi ko na alam kung tama ang narinig ko. Sumigaw pa rin ako. "Ako ang nagsulat sa buhangin!!!" Iyon na ang huling sigaw ko. Akmang tatalikod na sana ako upang bumalik sa bahay nang may narinig naman akong nagsisigawan. Nilingon ko ang dagat. Nakitang ang nagsisigawan pala ay ang mga pasahero nito, ang lahat ay nakatingin sa isang taong lumalangoy patungo sa dalampasigan. Tila nakakabingi ang kalampag ng aking dibdin nang maaninag ko sa malayo kung sino ang taong iyon. "S-si Basti!!!" Para akong maluha-luha sa ginawa na iyon ni Basti na halos hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan habang pinagmasdan siyang lumangoy palapit sa akin. At nang nakaahon na siya sa dagat at naglakad na patungo sa akin, basang-basa at kitang-kita ko pa ang basa ring strap ng kanyang knapsack na nakalambitin sa kanyang likod. Tila hindi ako makagalaw samagkahalong kaba, tuwa. Hindi ko rin alam kung matatawa sa kanyang anyo na nanginginig pa sa lamig. "Hi..." ang sambit niyang seryoso ang mukha. "H-hi..." ang sagot ko rin. Yumuko siya. Gumawa ng sulat sa buhangin gamit ang kanyang daliri. "Mahal din kita Julie... hindi na ako tutuloy pa. Magsama na tayo rito sa isla." Doon na ako napangiti. Siguro, iyon na ang pinakamasarap na salitang nabasa ko. "P-paano si Rose?" sambit ko. "Si Rose? Bakit si Rose?" ang sagot din niya. "Di ba girlfriend mo siya?" "Sinong may sabi?" "Ako. Di ba crush mo siya?" "Oo. Di ba maganda naman talaga siya? Ikaw ba hindi nagandahan sa kanya?" "N-nagandahan..." "O, e di... crush mo rin siya. Niligawan mo ba siya?" "H-hindi." E, di pareho tayo. Hindi natin siya niligawan." Napatitig na lang ako sa kanya. "May boyfriend si Rose, Julie at anak rin ng family friend nila. At arranged ang relasyon nila pati ang pagpapakasal nila kapag nagtapos na sa pag-aaral. Pareho kasing intsik ang mga magulang nila. Pero mahal niya ang boyfriend niya..." "At ikaw, mahal mo ba siya?" "Nagseselos ka ano?" Yumuko ako at tumango. "A-ako ang nagsulat sa buhangin." "Sabi ko na nga ba eh! Sabi ko na nga ba eh!" ang sigaw niyang nagtatalon pa, ramdam ang matinding kaligayahan. "At ano naman ang drama mo? Bakit ka pa lumangoy, puwede namang bumalik ang bangka at ihatid ka sa dalampasigan?" ang pang-ookray ko pa. Natawa siya. Yumuko at nagsulat muli sa buhangin, "Ano ang tawag mo sa taong sagot nang sagot sa tanong ko?" Sagot ko, "Maganda." Sulat uli niya, "Ano ang tawag mo sa taong nagsusulat ng tanong?" "Abnoy!" At doon na kami naghahabulan... hanggang sa naabutan niya ako at nagpagulong-gulong kami sa buhanginan. Hanggang sa napagod kami, habol-habol ang aming mga hininga habang nakatihaya ako at nakapatong siya sa akin. Nagkatitigan kami. Sa isip ko ay inukit ang mga detalye at anyo ng kanyang mukha, makikinis na balat, ang kanyang tila nangungusap ng mga mata, ang makakapal na kilay, ang matangos na ilong, ang mga mapupulang labing tila nanunukso. Noon ko lang napagmasdang maigi ang kanyang mukha. Pati ang maliit na peklat sa kanyang noo na ayon sa kanyang kuwento ay sanhi ng pagkauntog niya sa bato habang duma-dive sa isang malalim na bahagi ng dagat ay noon ka rin napansin. "Kung ikaw ang Abnoy, ano naman ako?" tanong niyang pagbasag sa katahimikan, ang boses ay halos pabulong na habang nakapatong pa rin sa aking katawan, ang kanyang mga mata ay tila nangungusap, dinig na dinig ko pa ang habol-habol naming paghinga. "G-guwapo..." sagot ko ring pabulong. At pagkatapos kong banggitin iyon, naalimpungatan ko na lang ang paglapat ng aming mga labi. Naghalikan kami na tila kami lang ang tao sa mundo. Mapusok, nag-aalab, sabik na sabik sa isa't-isa. Iyon ang unang halik na naranasan ko.  (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD