By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
-------------------------------
"Basti, kung magkakatuluyan kayo ni Julie, ok lang sa akin. Matutuwa ako." Ang sambit ng inay kay Basti isang araw habang naglalaba kami sa gilid ng balon. Nakaupo sa bangko sa harap ko si basti, naghintay na matapos ako. May class project pa kasi kaming tatapusin.
Tiningnan ko si Basti na ngingiti-ngiti lang at iginuri-guri ang kamay sa hinahawakang kahoy, halata ang pamumula ng mukha.
Ang totoo, July ang tunay kong pangalan ngunit dahil kilos babae, "Julie" ang tawag nila sa akin. Ang inay ko ang pasimuno nito. At siya rin ang reto nang reto sa akin kay Basti. Nakakakilig kung tutuusin. Imagine, botong-boto ang inay ko sa kababata at ka-klase kong si Basti. Ngunit ayaw ko. "Inay naman eh! Nakakahiya kay Basti!" ang pagmamaktol ko. Wala naman kasi sa isip ko ang ganoon. Atsaka, lalaki si Basti, hindi ko mahal ng tao at siguradong hindi rin niya ako mahal.
Ngunit marahil ay sadyang mapagbiro ang tadhana.
Minsan sa eskuwelahan, may isang grupo ng kalalakihang nambully sa akin. Sinisigawan ako ng bakla, bading, abnormal, at ginagaya ang paglalakad at pagsasalita ko. Lumapit ang isa sa kanila at bigla akong sinambunutan.
Nakita ni Basti ang lahat. Galit na galit siyang nagtatakbo palapit sa kinaroroonan ko, "Mga 'Tol...magsuntukan na lang tayo. Ako ang harapin ninyo!" ang sigaw niya sa kanila.
Nagtawanan silang lahat, "Jowa mo ano?" ang sabi ng isa, iyong nanambunot sa akin.
Doon na sinunggaban ni Basti ang kuwelyo ng estudyanteng nagsalita sabay pakawala ng isang malakas na suntok. Ang sunod na nangyari ay karambola. Isa, laban sa apat. Habang pinagtutulungan nila si Basti, ako naman ay nasa isang sulok at nanginginig na pinanuod sila, hindi malaman ang gagawin. Nang nakita ko ang dugong umagos sa ilong ni Basti, nagsisigaw na ako at nanghingi ng tulong. Hanggang sa isa-isang nagtatakbuhan ang mga kalaban ni Basti na lahat ay may dugo sa mukha. "Mga duwag!" ang pahabol na sigaw ni Basti sa kanila.
Dinala ko siya sa may gripo sa likod ng eskuwelahan. Pinaupo ko siya sa bangkong kahoy sa lilim ng punong mangga habang kinuha ko naman mula sa aking bag ang dala-dalang hand towel at binasa ko iyon.
"Arekoppppp!!!" ang daing niya nang lumapat ang basang hand towel sa kanyang mukha sa paglilinis ko sa dugo.
"Ikaw kasi... pinatulan mo pa sila." Ang paninisi ko pa sa kanya.
"Bakit papayag ba akong apihin ka?"
"H-hindi naman ako nasaktan eh." Ang pangangatuwiran ko pa.
"Anong hindi? Nakita ko kayang hinablot ang buhok mo! Sabi ng iyong inay sa akin ay hindi raw kita pababayaan. Kaya hindi ako papayag na saktan ka kahit ninuman. Kahit mabugbog man ako, kahit patayin man nila ako sa suntok, gagawin ko iyan, huwag ka lang masaktan."
Maluha-luha ako sa sinabi na iyon ni Basti. Siyempre, kinilig. First year high school kami noon, labing dalawang taong gulang lang at wala pang kamuwang-muwang ang aking puso sa larangan ng pag-ibig. Ngunit sa ipinakitang iyon ni Basti, doon nagsimula ang lihim na paghanga ko sa kanya.
Ewan kung in-love na ba ako. Ang alam ko lang ay palagi kong naiisip ang sinabi niyang iyon sa akin. "Kahit mabugbog man ako, kahit patayin man nila ako sa suntok, gagawin ko iyan, huwag ka lang masaktan." Napapangiti ako kapag naaalala ko iyon.
Simula hoon, hinahanap-hanap ko na siya. Sobrang nalulungkot ako kapag hindi ko siya nakikita. Lalo na kapag ganyang walang pasok at nasa laot siya, sumasama sa kanyang itay sa pangingisda, natatakot akong baka may mangyari sa kanya. Pero kapag kasama ko naman siya, sobrang saya ko. Iyon bang feeling na secure na secure; na tila walang kahit sino man ang maaaring mang-api sa akin dahil may isang lalaking magligtas sa akin sa kapahamankan.
Ngunit hindi madali para sa akin ang lahat. Paano, hindi ko naman alam kung gusto rin ako ni Basti. At wala pa akong kamuwang-muwang sa pag-ibig at pakikipagrelasyon. Kaya sinasarili ko na lang ang aking naramdaman. Sabi ko sa aking sarili, mauuumay din ako sa kanya sa kalaunan.
Hanggang sa umabot kami sa third year high school. At hindi ako naumay kay Basti. Hindi nawala ang naramdaman ko. Hindi nagiging manhid ang puso ko. Bagkus ramdam kong patindi pa nang patindi ito.
"Ang ganda ni Rose no?" ang sambit ni Basti sa akin isang araw nang nakasakay kami sa pumpboat pauwi sa isla. Si Rose kasi ay transferee at sa araw na iyon lang pumasok. At dahil nakatira kaming dalawa ni basti sa isla, araw-araw ay sumasakay kami ng pumpboat upang tawirin ang aming eskuwelahan sa karatig-lungsod.
Mistulang may tumusok sa aking puso sa aking narinig. "C-crush mo ba siya?" ang tanong ko, hindi ipinahalatang nasaktan ako.
"Oo eh..."
"E di... ligawan mo siya. 14 years old ka na kaya, puwede na." ang sambit ko pilit na pinalakas ang sarili bagamat ang dibdib ko ay halos sasabog na sa sobrang hapdi.
"Sana ay papayag siya."
Sa sagot niyang iyon ay hindi ko na napigilan ang mga luhang bumagsak sa aking mga mata. Inilingon ko na lang ang aking paningin malayo sa kanya at lihim kong pinahid nang patago ang aking mga luha sabay sagot ng "Malay natin..." at hindi na ako nagsalita pa.
Doon ko napagtanto na umibig nga ako kay Basti. Sa gabing iyon ay hindi ako dalawin ng antok. Nag-iiyak ako at nagagalit sa aking sarili kung bakit ko pa naramdaman ang ganoon. Iyon ang simula ng aking kalbaryo.
Kinabukasan, tumungo ako sa dalampasigan. Dating gawi, iyong nagmumuni-muni ako, nangarap na sana ay naging isang ganap na babae na lang ako at liligawan niya ako. At sa ganoong sitwasyon na botong-boto ang inay at itay ko sa kanya, wala na sanang problema. Ngunit marahil ay wala talagang perpektong buhay sa mundo. Kaya wala na akong nagawa kundi ang umiyak nang umiyak.
Nang napagod na ako sa kaiiyak, tumayo ako ay isinulat sa buhangin ang, "Malungkot ako... Bakit naging ganito ang buhay ko? Bakit naging ganito ang pagkatao ko? Sana naging buhangin na lang ako, o dalampasigan, o dagat..."
Kapag nabubura ng mga alon ang aking mga isinusulat, uulitin ko ang pagsulat ng mga ito. "I Love You, Basti!" at kagaya ng nauna, paulit-ulit ko rin itong isinulat habang ang mga alon naman ay tila nag-uunahang burahin ang isinulat ko.
Hanggang sa napagod ako at naupo sa isang puno ng natumbang niyog at pinagmasdan ang unti-unting pagbura ng mga alon sa huling isinulat ko sa buhangin.
Simula noon, pilit kong iwinaksi sa aking isip si Basti. Kahit sa eskuwelahan, kapag kainan na, hindi ko na siyan hinihintay pa. Mauna na akong kakain at kapag dumating na siya, ibigay ko na lang sa kanya ang kanyang baon. Ako kasi ang tagatago ng aming baon kapag nasa school na kami.
Isang araw habang ibinigay ko kay Basti ang kanyang baon. "Ay hindi ka pa kumain Basti! Buti naman kasi hindi pa rin ako kumain eh!" ang biglang pagdating naman ng Rose na tumabi pa talaga kay Basti, dala-dala ang masasarap na pagkaing nabili sa canteen. Ang mga baon lang kasi naming ulam ay kadalasan piniritong isda o paksiw kundi man ay tuyo at bagoong na nakabalot pa sa dahon ng saging.
"Eh... s-sige. S-sabay na tayo." Ang sagot naman ni Basti.
"Share tayo ng ulam ha?"
"Ay nakakahiya... tuyo lang ang ulam namin ngayon."
"Ayos lang iyan. Masarap nga ang tuyo eh."
Iyon ang narinig kong pag-uusap nila. Lihim na umalis kasi ako. Ayaw kong makita nila ang aking pagluha. Ang sakit lang. Sa puntong iyon ay tila nawalan na ako ng ganang mag-aral.
"Ano ba ang nangyari sa iyo, Julie! Kanina sa tanghalian, umalis ka, at sa laro ko naman, wala ka sa basketbolan" ang pagdadabog ni Basti nang nahanap niya ako sa likod ng eskuwelahan, sa may garden plots namin. Doon kasi ako nagmumuni-muni dahil walang tao. Hindi rin kasi ako nanuod ng basketball gawa nang naroon din si Rose at tila nagpapakitang gilas pa siya sa babae.
Nakahubad siya pang-itaas gawa nang katatapos pa lamang nilang maglaro ng basketball. Kapag ganoon kasi, dapat ay nasa gilid lang ako ng court, nakamasid sa laro nila at kapag natapos, lalapitan na niya ako at itatanong sa akin kung maganda ba ang laro niya, kung nagustuhan ko ang mga shoots at layout niya at ako naman ay parang gago na pupuriin siya. At habang masaya kaming nagkukuwentuhan, kunin niya ang t-shirt niya, o t-shirt ko na nasa bag na dala-dala ko upang iyon ang isuot niya habang ibigay sa akin ang basa niyang suot at ilalagay ko naman ito sa plastik upang isali sa mga labahan ko sa bahay. Minsan din, magpapapunas pa siya ng kanyang likod bago magsuot ng damit. "Akin na nga ang t-shirt?!" ang padabog na sambit niya sabay abot sa aking bag. Padabog na ibinigay rin niya sa akin ang kanyang basang t-shirt.
Hindi na rin ako umimik. Ano ba ang sasabihin ko? Isinilid ko na lang sa plastic ang kanyang basang t-shirt at kinuha ko ang bag na inabot na niya matapos niyang dukutin ang t-shirt na nasa loob nito upang isusuot niya.
Iyon ang simula ng aking tuluyan pagbabago.
"Narito ka lang pala..." ang boses na narinig ko isang araw na nasa dalampasigan ako, nagmumuni-muni, nakaupo sa bangko lilim ng kahoy paharap sa dagat.
Si Basti. "Bakit? Anong problema mo?" ang mataray kong tanong.
"Ikaw... hindi ka naman ganyan dati eh. Bakit ngayon ni ayaw mong makipag-usap sa akin? Bakit hindi ka na sumasabay sa akin sa pagkain? Bakit hindi ka na nanunuod sa paglalaro ko ng basketball?"
"Iyan lang ba ang pinoproblema mo?" ang mataray ko pa ring tanong.
"Julie naman... may nagawa ba akong kasalanan sa iyo? Sabihin mo naman o. Ayaw ko nang ganito. Ano ba ang kasalanan ko? Mag sorry ako kung mayroon. Please?"
Natahimik ako nang sandali. May tila sibat din kasi sa aking puso sa narinig. Ramdam ko kasing nasaktan din siya. Mabait naman talaga si Basti. Ngunit ano ba ang sasabihin ko? Hindi naman puwedeng sabihin kong dahil mahal ko siya at nagseselos ako kung kaya ay hindi ko maintindihan ang aking sarili. "W-wala. Ano ka ba. May problema lang ako." Ang sagot ko na lang.
"May problema ka?" ang sagot niyang napakamot sa ulo. "Bakit hindi ko alam? Di ba lahat ng problema mo ay sinasabi mo naman sa akin. At ako, di ba sinasabi ko rin naman sa iyo ang mga problema ko? Di ba sabi ko sa iyo, tayo ang magkakampi? Bakit hindi mo masabi iyan sa akin? Ano ba iyan? At ano ba ang kaibahan ng problema mo dati sa problema mo na iyan?" ang sagot niyang tumaas na ang boses.
"Eh..." ang nasambit ko. "S-sasabihin ko rin naman sa iyo eh. P-pero hindi pa ngayon."
"O sige... pero ayaw na ayaw kong iiwasan mo ako. Puwede ba? Kagaya pa rin tayo ng dati. Palagi pa rin tayong nagsasama, sabay na kumain, sinasamahan mo ako sa basketball court. Puwede ba?"
"B-baka hindi na..."
Pansin ko kaagad ang pagsimangot ng kanyang mukha. "Ang labo naman nito! Ano ba talaga ang problema mo? Tangina magagalit na ako sa iyo nito eh!"
"E, di magalit ka."
At iyon, tumalikod na siyang nagdadabog. "Ang labo!!!"
Alam ko, nagtampo sa akin si Basti. Simula kasi noon, hindi na rin niya ako inimik. Kanya-kanya na kami ng dala ng aming mga gamit. At para kaming hindi magkakakilala. Kapag ganyang nagkasabay kami sa pagsakay sa pumpboat, iiwas siya sa akin, maghahanap ng mas malayong upuan. Sa eskuwelahan naman, hindi na kami nagsasabay sa pagkain. Minsan nag-iisa siya, minsan, si Rose ang kasama niya.
Dumating ang araw ng graduation. Wala pa rin kaming batian ni Basti. Isang napakalaki at napakahalagang pangyayari sa aming buhay ngunit ang aking best friend ay hindi ako binati, hindi ko rin maaaring batiin siya dahil sa sakit na dulot ng aking damdamin. Ewan, sadyang malalim lang siguro ang sugat na dulot ng pagmamahal ko sa kanya. At imbes na sumali sa munting salo-salong inihanda ng aking mga magulang, kumain lang ako sandali kasama sila atsaka nagpaalam na pumunta ng dalampasigan upang doon ay maligo. Ngunit ang tunay na pakay ko talaga ay ang magmuni-muni, umiyak, makalimot. Doon, halos ilunod ko na ang aking sarili sa dagat. At habang naliligo ako, dinig ko naman ang ingay ng tawanan at kuwentuhan sa banda ng bahay nina Basti. Siyempre, may selebrasyon din sila, may mga bisita. Valedictorian kaya si Basti. Sa isip ko lang, siguro ang saya-saya ni Basti sa sandaling iyon. Nakatapos na nga siya at nakuha ang pinakamataas na honors, may Rose pa siya sa buhay niya.
Mistulang sinaksak ng maraming beses ang aking puso. Napakasaklap talaga kung magbiro ang tadhana. Ako na bakla na nga, ako pa itong talunan. Ang lahat ng tagumpay ay naroon kay Basti. Panalo na nga siya sa top honors, panalo pa rin siya sa pag-ibig.
Sa gabing iyon, wala akong ginawa kundi ang umiyak nang umiyak.
(Itutuloy)