By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
-------------------------------
Si Basti, at hawak-hawak ang isang batang lalaki na nasa anim na taong gulang. Hindi ako halos makapaniwala sa kaibahan ng hitsura niya. Payat, ang pananamit ay tila sa isang pulubi at naka-crutches, putol ang isa niyang paa.
"I-ikaw ba ito Basti?" Ang tanong ng aking inay.
"Opo..."
"Diyos ko! Ano ba ang nangyari sa iyo??? H-halika pasok kayo..."
Pumasok sila sa sala at naupo sa sofa.
Ngunit tumayo ako mula sa hapag-kainan at nilapitan sila, "Hindi ka welcome sa bahay na ito Basti..."
"I-kaw pala Julie. Heto pala ang anak ko, si Junjun." Ang sagot ni Basti.
Tiningnan ko lang ang bata. Kamukhang-kamukha nga siya ni Basti. Cloned na cloned. Kuhang-kuha ang mga mata, ang matungis na ilong, ang magandang hugis ng mukha. Guawapong bata. Ngunit hindi ko ito binati. Hindi ko sinuklian ang pagngiti ng bata sa akin. Matulis ang ang aking tingin sa kanya at ipinakita ko sa aking mukha ang aking naramdamang pagkamuhi. At baling ko kay Basti, "Mas mabuti pang umalis ka na kung ayaw mong masigawan kita."
"P-puwede ba kitang makausap Julie?"
"Hindi. At kailanman ay ayaw na kitang makita pa at makausap. Wala na tayong dapat pang pag-usapan. Kaya umalis na kayo."
"Pakainin muna natin sila Julie. Mukhang nagugutom ang bata o." ang sambit ng inay.
"Hindi na inay. Kung sino man ang mga magulang niyan, sila dapat ang magpakain sa kanya." At baling kay Basti. "Umalis ka na!"
Walang nagawa si Basti kundi ang tahimik na abutin ang kanyang crutches na nakasandal sa sofa, itinukod ang isang kamay sa upuan atsaka tumayo. Malungkot ang kanyang mukha. Tumayo rin ang bata at tinitigan ako, iyong bang titig na parang naguluhan, nagtatanong.
Nang nasa labas na sila ng pinto, nakita kong lumingon pa ang bata sa akin at sa mesa kung saan nakapatong ang mga pagkain sa hapag-kainan. "Kain muna tayo pa... nagugutom na po ako eh..." ang mahinang sambit niya sa ama.
"Shhhh! Bili na lang tayo ng tinapay sa labas ha?' ang narinig kong mahinang tugon ni Basti sa bata.
Mistulang piniga ang puso ko sa pagkaawa sa bata. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Matinding sakit ang naranasan ko kay Basti at sa pagsulpot niyang iyon, tila nanariwa ang sugat na dulot ng kanyang pagtataksil.
Hindi ko na alam kung saan sila nagtungo at hindi ko na rin inalam kung ano ang kuwento niya. Para sa akin, kung naghirap man siya, iyon ay dahil sa kagagawan niya; dahil sa karma. At sarado na ang puso ko para sa kanya. Kahit pakikipagkaibigan lang ay ayaw ko na.
Kinabukasan, nagulat na naman ako nang mula sa aming likurang gripo ay may isang batang nag-igib. Si Junjun. Hawak-hawak ang dilaw na baldeng nakasangga sa tubig mula sa gripo. Nakasando siya ng malaki na nakalaylay hanggang sa kanyang hita.
Nilapitan ko ang bata. "Anong ginagawa mo dito?" ang tanong ko.
"Nag-igib po, Tita Julie." Sabay abot sa aking kamay at nagmano.
Nahinto naman ako sa kanyang ginawang pagmano. At napatitig ako sa bata sa narinig niyang pagtawag sa akin ng Tita. "Paano mo nalaman ang pangalan ko?"
"Sabi po ni papa. Tita raw po kita eh."
Nang napuno ng tubig ang balde, isinara na niya ang gripo at tinangkang buhatin ang balde na puno ng tubig. Nungit sa bigat ng balde, hindi niya halos mabuhat ito. Ngunit pinilit pa rin niya ang sarili. Halos pahila na ang pagdala niya nito at pahinto-hinto.
Nabalot ng awa ang aking puso sa nakita. "Saan ba ang itay mo at hinayaan ka niyang mag-igib?"
"May sakit po siya eh." Ang sagot ng bata na pilit pa ring binuhat ang balde.
"O siya, ako na ang magbuhat niyan. Saan ba ang bahay ninyo?"
"Hayun po..." turo ng bata sa dating tirahan nila ni Basti na nabili na namin.
Tuluyan ko nang binuhat ang balde ng tubig habang pilit naman akong tinulungan ni Junjun sa kabilang hawakan.
Nang nakarating na kami, ipinasok ko ang balde ng tubig at inilipat sa tapayan. Si Junjun naman ay nakita kong kinuha ang takuri at nagsalok ng tubig mula sa tapayan.
"Ano ang gagawin mo?" ang tanong ko.
"Mag-init po ng tubig. Kasi po, pupunasan ko ang papa ko."
"O siya, ako na..." at kinuha ko ang takuri at ako na ang nag-init.
Nasa ganoon akong pag-init ng tubig habang si Junjun naman ay nakatingin sa akin nang may nagsalita mula sa aking likuran. "Salamat."
Gulat na gulat naman ako. Nilingon ko ang aking likuran. Si Basti pala, nakasandal sa gilid ng pintuan. Halatang may sakit. Putla ang kanyang mukha, giniginaw, at nanghihina. Biglang nawala ang gana ko sa ginagawa ko sa pagkakita ko sa mukha niya. "Anong salamat! Hindi ko ginawa ito para sa iyo. Para kay Junjun ito!" ang mataray kong sagot na hindi na lumingon sa kanya.
Kumulo na ang tubig nang sumigaw naman si Junjun ng. "Papa! Papa!!!"
Nang nilingon ko ang kinaroroonan ni Basti, natumba pala ito. Agad kong nilapitan at pilit na pinatayo, inalalayan patungo sa kanyang higaan. Doon ko naramdaman ang taas ng kanyang lagnat. Ramdam ko rin ang panginginig niya.
"S-salamat..." ang sambit niya muli.
At dahil sa kinikimkim ko pa ring inis sa kanya, padabog ko siyang inilatag sa kama, isiningit ang unan sa ilalim ng kanyang ulo.
"Grabe ka naman... nagkasakit na nga ang tao, pinagdadabugan mo pa."
"Gusto mo putulin ko pa iyang isang paa mo? Para pantay na sila?" ang mataray ko pa ring pananalita.
Hindi na sumagot si Basti. Tinitigan lang ako at binitiwan ang isang malalim na buntong-hininga.
"Aalis na ako" sambit ko.
Siya namang pagpasok ni Junjun, dala-dala na ang bimpo na binasa sa mainit-init na tubig, inilagay sa isang maliit na palanggana at ipinatong ito sa gilid ng kama ng kanyang papa at pagkatapos, pilit na hinila ang t-shirt ng kanyang ama.
Namangha ako sa ginawa na iyon ni Junjun. Sa kabila ng mura niyang edad, tila sanay na siya sa gawain, alam na alam kung ano ang gagawin. Ngunit nahirapan siyang tanggalin ang t-shirt ng ama na nakahiga.
Lumapit ako at ako na ang nagtanggal. Nang natanggal na ang t-shirt, dali-dali namang kinuha ni Junjun ang mainit-init na bimpo at pinunasan ang dibdib ng ama. Ngunit dahil malilit ang mga bisig at kamay nito, ramdam kong nahirapan siya. Muli kinuha ko ang pamunas at ako na ang nagpunas kay Basti.
At sa pagpunas ko, pinuwersahan ko talaga ang pagdiin-diin sa kanyang katawan na halos ang buong bigat ko ay idinidiin ko na, dahil sa inis ko sa kanya. At pati ang pamunas ay halos ihambalos ko na rin sa kanyang mukha.
"Araykopo..." sambit niya.
"Tumahimik ka! Ikaw na nga itong pinunasan ikaw pa itong maarte!"
"Nag-aaway po ba kayo ni papa Tita?" ang bigla namang pagsiningit ni Junjun.
Nabigla rin ako sa tanong ni Junjun na iyon. "H-hindi ah! B-bakit kami mag-aaway?" ang naisagot ko.
"Galit siya, Junjun. Tingnan mo, hindi ngumiti." Ang pagsingit naman ni Basti.
Gulat naman akong napalingon kay Basti na hindi lumingon sa akin. Alam ko kasing sinulsulan niya ang bata. Nilingon ko uli si Junjun at, "Anong hindi nakangiti? Nakangiti ah! Hayan oh..." sabay pakita ng ngiti.
Kitang-kita ko naman ang pigil na pagngiti ni Basti. Ngunit lihim ko rin siyang kinurot. At, "Junjun p-puwede bang kunin mo ang takuri at dalhin mo rito?" ang sambit ko upang lumabas si Junjun.
Nang nakalabas na, "Bakit mo pa ipadala ang takuri dito, may maliit na palanggana namang may tubig na mainit-init pa d'yan?" ang tanong ni Basti.
"Upang ang kumukulong tubig ang ibuhos ko sa mukha mo!" sagot ko sabay hablot sa buhok niya at inuntog-untog ko ang ulo niya sa kanyang unan.
"Arekop!!!"
"Ang kapal mo ha! Akala mo, basta-basta ko na lang malilimutan ang ginawa mo sa akin?!"
"Sorry na... nagmamakaawa ako sa iyo. Patawarin mo na ako, Julie."
"Hindi!"
"Tita... nandito na po ang takuri." ang biglang pagsulpot ni Junjun.
"Sige Junjun, ilatag mo lang iyan d'yan at may paggagamitan ako niyan. Kumukulo pa ba ang tubig?"
"Opo..."
"Mabuti!"
"Tita... ang ibaba naman na katawan ni papa ang pupunasan natin. Hubarin po natin ang pantalon niya..." sabay abot sa dulo ng pantalon ng ama niya at hinila ang mga ito.
Tila hinampas naman ang aking ulo ng isang matigas na bagay sa pagkarinig sa sinabi ni Junjun. Napatingin ako kay Basti. Tinitigan lang niya ako. Hindi ko alam kung para saan ang titig niyang iyon.
"Ah, eh... tulungan na lang kitang hubarin ang pantalon ng itay mo at pagkatapos, ikaw na lang ang magpatuloy na magpunas sa kanya ha? May gagawin pa ako eh." At tinanggal ko ang butones sa pantalon ni Basti at pagkatapos hinila ko ito pababa. Wala pala siyang suot na brief kung kaya ay lumantad ang kanyang p*********i. At nang tuluyan nang matanggal ang kanyang pantalon, kitang-kita ko naman ang isang paa nia na naputol mula sa baba lang ng kanyang tuhod. Napatigi ako ng bahagya rito.
"Junjun... ikaw na ang magpunas nito ha?" sambit ko.
"Opo Tita..." at kinuha na ni Junjun ang bimpo at sinimulan ang pagpunas sa pang-ibabang katawan ng kanyang ama.
"Hindi ka ba naaawa sa bata?" ang sambit ni Basti.
Tiningnan ko si Junjun at wala na akong nagawa kundi kunin uli sa kanya ang bimpo.
May nadarama akong pagkailang habang sinimulan kong punasan ang kanyang tyan, pababa... sa kanyang p*********i. Habang pinunasan ko ito, tila isang talon naman ng mga alaala ang aking isip na nagsilabasan lahat ang mga masasayang araw namin ni Basti.
"Mahal pa rin kita" ang bulong niya.
"Ang kapal mo..."
"P-pasensya ka na, hindi ko natupad ang mga pangako ko"
"Ang mga pangako mo ay sa buhangin nakasulat. Nabubura, nalilimutan. Matagal nang nabura ang lahat. Matagal ko nang nalilimutan. Hindi na ako umaasa pa."
"Hindi lahat ng pangakong nakasulat sa buhangin ay nabubura. Ang iba ay nanatiling nakaukit sa puso. Natatandaan ko pa ang lahat. Nasa puso ko pa ang pagtupad sa mga pangakong iyon."
"Bakit ka ba bumalik pa?"
"Dahil naalala kong naiwan ko pala rito ang nagmamay-ari ng aking puso."
"Hmmm. Buti naman at naalala mo pa siya." ang sarkastiko kong sagot. "Eh, paano naman kung hindi ka na niya maalala?"
"Pilitin kong ipaalala muli sa kanya ang lahat."
"Dyos ko. Patay na siya, wala nang alaala pang bumalik. Huwag ka nang umasa."
"Pipilitin kong buhayin siya"
At talagang ayaw niyang magpaawat. Kaya, "Junjun, sa labas ka muna maglaro ha?" ang sambit ko sa bata.
"Opo Tita..." at agad namang tumalima si Junjun.
"Bakit mo pinalabas ang bata?" Sambit niya nang nakalabas na si Junjun.
"Ayaw kong makita ng anak mo na may papatayin akong tao."
(Itutuloy)