By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
-------------------------------
"Mahal mo pa rin ako, alam ko."
Nahinto ako sa sinabi niyang iyon. Napatingin sa kanya. Ngunit nang sumingit na naman sa aking isip ang kanyang ginawa, inihambalos ko ang bimpo sa kanyang p*********i. "Pagkatapos mo akong lokohin? Pagkatapos mong magpapasasa sa iba???"
"Araykopo!" ang sambit niya habang itinakip sa kanyang karapan ang kanyang mga palad. "Pakinggan mo kasi ang kuwento ko, Julie..."
"Huli na ang lahat... m-may iba na akong mahal." Ang sagot kong muling ipinagpatuloy ang pagpunas sa katawan niya.
"Hindi ako naniniwala."
"Di huwag. Hindi importante sa akin kung maniwala ka o hindi. Walang mawawala sa akin."
"Nagbago ka na..."
"Oo nagbago na ako. Kagaya sa pagbabago ng islang ito, nagbago na rin ako. Pati ang mga tao rito, nagbago na rin."
"Dahil ba mayaman ka na ngayon kung kaya ay nagbago na ang pag-uugali mo?"
"Ababababa! At ako pa ngayon itong masama? Kung mayaman ako ngayon, iyan ay dahil nagsikap ako! Kung nagbago man ako, iyan ay dahil niloko ako ng isang tao! Kung hindi ako nagbago, siguro ay miserable ang buhay ko ngayon! Siguro ay nagpakamatay na ako dahil sa tindi ng sakit na naramdaman ko!"
"Ako... hindi pa rin nagbabago."
"Sinungaling!"
"Totoo..."
"E, kung talagang hindi ka nagbago, bakit naputol iyang isa mong paa? Di ba dahil nagbago ka? Dahil iniwan mo ako? At kaya naputol iyan ay dahil may ibang taong pumasok d'yan sa puso mo na dahilan upang maputol ng paa mo?!"
Nahinto siya sandali. Napabuntong-hininga. "Ikaw pa rin ang nagmamay-ari ng puso ko."
"Puwes, sa iyo na iyang puso at bayag mo!" sabay hampas uli ng bimpo sa kanyang p*********i. At baling sa pintuan, "Junjun! Tapos na ako, pasok ka na sa loob!"
"Opo tita!" ang narinig kong sagot ng bata.
Ipinasuot ko muli ang kanyang pantalon at naghanap ng malinis na t-shirt niya sa kabinet. Ipnasuot ko ito.
"Ang bait ng anak kong iyan. At matalino pa..."
Hindi ko na sinagot ang sinabi niyang iyon. Nang maisuot na niya ang kanyang t-shirt at pantalon, dumiretso na ako sa pinto upang umalis na. Nang nasa pinto na ako, nilingon ko siyang muli, "Oo nga pala, ipa-demolish ko ang bahay na ito sa sunod na buwan. Gagawin naming hotel para sa mga turista ng isla. Kaya maghanap na kayo ng iba pang matutuluyan." At tuloy-tuloy na akong umalis, hindi na hinintay pa ang kanyang sagot. Siya namang pagpasok din ni Junjun at nagkasalubong kami sa sa may hagdanan.
"Sana huwag ka munang umuwi Tita..." ang malungkot na sabi ng bata.
At ewan, sadyang napaka-cute na bata lang kasi ni Junjun at parang ang lakas ng hatak nito sa akin. At ang nasagot ko na lang ay, "Alagaan mo ang papa mo ha?"
"Opo..." ang sagot ng bata.
"Halika nga pala, samahan mo ako sa bahay, may ibibigay ako"
"Opo Tita... Magpaalam lang po muna ako sa papa ko."
Dinala ko si Junjun sa bahay. "Ang ganda po ng bahay ninyo Tita!"
Nginitian ko lang si Junjun at dinala ko siya sa kusina. "Gusto mo bang kumain?" Nagsandok ako ng pagkain at ulam, inilagay iyon sa plato sa ibabaw ng mesa. Naglagay din ako ng softdrink sa isang baso at inilagay iyon sa gilid ng plato. Nasilip ko kasi sa kanilang kusina ang kaldero na walang laman. At syempre, sariwa pa sa isip ko ang unang tagpo namin na itinaboy ko sila sa kabila nang pagkarinig kong nagugutom ang bata at gustong kumain.
Ngumiti si Junjun. Iyong ngiti na nahihiya, ang kamay ay iginuri-guro sa dulo ng kanyang t-shirt na parang ayaw niya dahil nahihiya ngunit gusto dahil nagugutom siya.
"Huwag ka nang mahiya. Mula ngayon, kapag nagugutom ka, punta ka lang sa akin ha?" At inalalayan ko siya upang makaupo sa silya sa harap ng mesa. "Kumain ka lang diyan at may kukunin lang ako sa kuwarto ha?"
Naubos ni Junjun ang inihain kong pagkain para sa kanya. Binigyan ko pa siya ng chocolate cake at isa pang baso ng softdrink.
"Masarap ba Junjun?"
"Opo... busog na busog nga po ako eh."
Napangiti lang ako.
"Tita... p-puwede bang dalhan ko si papa ng pagkain? Sigurado, nagugutom na rin siya. Hindi kasi kami kumain kagabi kasi walang pera si papa."
Tila tinusok naman ang aking puso sa narining. Ngunit nang sumingit uli ang galit ko kay basti, parang binuhusan ako ng malamig na tubig at biglang natauhan. Ngunit sa pagtitig sa akin ni Junjun, tila natunaw muli ang aking puso. "Sige... sige." Ang sagot ko. At kinuha ko ang topperware at pinuno iyon ng pagkain at ulam. Pinadalhan ko na rin siya ng isang litro na softdrinks, gamot para sa papa niya at naghanap rin ako ng damit na puwedng maisuot sa bata, at dalawang pantalon na hindi ko isinusuot para ka Basti gawa nang dalawang pantalon lang ang nakita ko sa cabinet niya. Dinagdagan ko na rin ng ilang brief dahil nga wala siya noon.
At iyon, bagamat nagkandahirap sa pagdala ng pagkain softdrinks at damit, bakas sa mukha ni Junjun ang matinding kaligayahan. Hindi ko na siya tinulungan dahil pakiwari ko ay umaakyat ang lahat ng dugo ko sa ulo kapag nakita ko ang pagmumukha niya.
Simula noon, tila nabulabog na naman ang aking mundo. Doon ko narealize na hindi nawawala ang pagmamahal ko kay Basti. Ngunit matindi pa rin ang sakit na dulot ng paglayo niya sa puso ko. Sa loob-loob ko ay gusto ko pa ring makapaghiganti sa kanya. At gagawin ko ang lahat upang umalis sila sa isla.
Kinabukasan, dumalaw saglit ang kaibigan kong kano. Paalis na siya noon at hinalikan niya ako sa bibig bago tuluyang umalis. Ngunit siya namang pagsulpot ni Jun-jun sa bukana ng aming bahay at nakita niya ang paghalik sa akin ni George.
"Tita!"
"Ay Junjun ikaw pala iyan? Nag-igib ka na naman ba ng tubig?"
"Hindi na po. Si papa na po ang nag-igib. Magaling na po siya eh. Salamat daw po sa pagkain at brief niya." At baling sa naglalakad palayo na Amerikano, "Sino po iyon Tita?"
"Ah, si George, kaibigan ko. Guwapo ba?" ang biro ko sa bata.
"Mas guwapo po sa kanya si papa."
Napangiti naman ako ng hilaw. Parang natameme. Totoo naman kasi ang sinabi ng bata bagamat instinct lang iyong sa kanya na ang papa niya ang papanigan niya. Si George kasi, bagamat guwapo, maputi, makinis, iba pa rin ang kapogian ng Pinoy kaysa Amerikano. Para bang nakakaumay ang kanilang kapogian. Samantalang ang pinoy, lalo na si Basti, iyong balat na brown bagamat makinis, rugged ang postura, at may tinatawag na halimaw ang appeal.
"Bakit po niya kayo hinalikan sa bibig?" ang dugtong ni Junjun.
Tila hinataw naman ng matigas na bagay ang aking ulo sa narinig na tanong. "Eh... m-mas higit pa kami sa mag-kaibigan eh."
"A-ano po iyon?"
"Eh... iyong masyadong malapit sa isa't-isa."
"Gaya ng magkasintahan?"
"Alam mo na iyon?"
"Opo... napanood ko sa TV"
"Hmmm. Parang ganoon na nga."
"Ah... bakit po si papa. Ayaw niyo po ba sa kanya?" Ang tanong uli niya na lalo namang ikinaturete ng utak ko.
"Bakit gusto mo ba ako para sa kanya?" ang sagot ko na lang.
"Opo...."
"E, bakit ang mama mo? Ayaw mo ba sa kanya?"
Kitang-kita ko naman ang biglang paglungkot ng mukha ng bata, yumuko na tila iiyak. "Hindi naman niya kami mahal ni papa eh."
"Bakit? Nasaan ba siya?"
"Hindi ko po alam..."
At sa awa ko ay naalimpungatan ko na lang na niyakap ang bata. "Ako at ang papa mo ay magkaibigan dati. Pero matagal na iyon. At ngayon, Hmm... k-kap-pitbahay ko na lang siya. Iyon lang." Nahinto ako. "Pero... pero... puwede mo akong maging Tita."
"Tita naman talaga kita eh. Sabi ni papa, ambait daw po ninyo. Lagi niyo raw pong inaalagaan ang papa ko."
"Sinabi niya iyan?"
"Opo. Atsaka sabi pa niya, miss na miss ka na raw niya."
"O siya, huwag na tayong magkuwentuhan tungkol d'yan. Ayaw ko nang marinig pa" ang nasambit ko. Baka kasi kung saan-saan mapunta ang usapan at galit pa ako sa kanya.
Ngunit hindi pa rin naawat sa kakakuwento ni Junjun. "Tapos tinanong po ako ni papa kung papayag ba raw ako na kayo na po ang maging mama ko."
Doon na naman ako nagulat. Hindi ko lubos maintindihan ang aking naramdaman. Para bang kinikilig na naiinis kasi nga, matinding sakit pa ang naramdaman ng puso ko.
Ngunit dahil may naramdaman pa ako, nanaig ang pagpatol ko sa sinabi ng bata. "A-anong sagot mo?"
"Syempre opo ang sagot ko. Kasi po, inaalagaan ninyo po si papa... atsaka ako." Nahinto siya sandali at tiningnan ako. "Puwede po ba iyon, Tita?"
"Ang alin?"
"Na kayo na po ang magiging mama ko?"
"Paano kung ayaw ko?"
"Sabi ni papa liligawan ka raw niya."
"Paano nga kung ayaw ko?"
"Malulungkot po ako. At siguro po... aalis na lang po kami ni papa rito sa isla."
Ang sagot ni Junjun na iyon ang tumatak sa aking isip. "Ganoon pala. Pahirapan kita upang umalis ka na sa isla" bulong ko sa sarili.
Kinabukasan, nasa bahay ko si Junjun. Binigyan ko siya ng mga babasahin at laruan. Mahilig kasing magbasa ang bata. Kahit hindi pa ito nakapag-aral, magaling nang magbasa. At mas gusto pa niyang magbasa kaysa manood ng palabas sa TV. "Junjun, dito ka lang muna ha? Basahin mo ang kuwento at pagkatapos ay i-kuwento mo sa akin ha?" ang sambit ko sa bata. Gusto ko kasing puntahan si Basti sa kanyang bahay na wala si Junjun, hindi makakarinig sa aking sasabihin.
"Opo" ang sagot ng bata.
Dali-dali kong tinungo ang bahay ni Basti, pumasok sa loob nang hindi man lang kumatok. Nasa kusina siya at naglilinis.
"Hoy!" ang sigaw ko.
(Itutuloy)