By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
-------------------------------
Bigla siyang napalingon sa akin, bakas sa mukha ang pagkagulat. "Ah, ikaw pala Julie... Buti at napadalaw ka. Salamat pala sa pagpaalala mo kay Junjun na alagaan ako."
"Hindi ko sinabi iyon dahil sa iyo." Ang pagbara ko sa kanya. "Sinabi ko iyon dahil gusto kong lumaki ang bata na may respeto sa magulang. Kung puwede nga lang sanang utusan siyang sakalin ka kapag nakatulog o di kaya ay daganan ng unan ang mukha mo upang hindi ka makahinga, matagal ko na sanang sinabi iyan sa kanya!"
Napangiti naman siya ng hilaw.
"At huwag na huwag mong gamitin ang bata sa kung ano man ang balak mo pa para sa akin. Ang kapal naman ng mukha mo upang sabihin sa bata na ligawan mo ako??? Anong tingin mo sa akin? Utu-uto? Pagkatapos mo akong lokohin, ganoon na lang?"
"Inaamin ko naman, Julie... nagkamali ako. Lahat naman ng tao ay nagkakamali di ba?"
"Oo, lahat ng tao ay nagkamali. Ngunit ang karamihan sa kanila, hindi sinadya."
"Pinagsisihan ko na ang lahat, Julie..."
"Puwes, huli na ang pagsisisi mo! At puwede ba, maghanap ka na ng ibang matuluyan dahil ipapademolish ko na itong bahay na ito!"
"D-di ba ang sabi mo ay sa isang buwan pa?"
"Oo... pero nagbago na ang isip ko. Umalis na kayo rito!" sabay talikod at padabog na isinara ang pinto.
Iyon ang ipinakita kong katarayan kay Basti. Ramdam ko pa kasi ang sakit sa kanyang ginawa. Hindi pa ito naghilom at gusto kong makaganti. Kaya pinilit kong maging sintigas ng bato ang aking puso.
Isang araw, dumalaw si George. Nagkataon namang nasa labas ako ng bahay at natatanaw kong nasa labas din ng kanilang bahay si Basti. At dahil gusto ko siyang asarin, talagang nakikipaglampungan ako nang husto kay George. Niyayakap ko siya, hinahalik-halikan. Nakiyakap at nakihalik na rin si George sa akin. Para kaming magkasintahang makikita sa palabas sa sine. Alam ko, nagulat si George sa aking inasta.
Habang nasa ganoon kaming paglalampungan, napansin naman ni George si Basti. "Who's that guy?"
Napatingin ako sa kinaroroonan ni Basti na nakaupo sa isang bangko sa harap ng kanyang bahay. "That's Basti."
Tiningnan ako ni George. Kinikuwento ko kasi sa kanya si Basti, na siyang taong una kong minahal ngunit hindi na bumalik pa sa isla. At bagamat hindi ko sinasabi, naramdaman kong naaamoy pa rin ni George na si Basti pa rin ang itinitibok ng puso ko.
Nabigla na lang ako nang kumalas sa akin si George at tinumbok ang kinaroroonan ni Basti. Dahil hindi ko alam kung ano ang motibo niya, sumunod na rin ako.
"Hi Basti! I'm George." Ang pagbati niya kay Basti sabay abot ng kanyang kamay.
Kinuha ni Basti ang kanyang crutches atsaka tumayo tinanggap ang pakikipagkamayan ni George at sumagot ng, "Basti..."
"I heard so much about you." dugtong ni George sabay lingon sa akin.
Napangiti naman ng hilaw si Basti sa akin, hindi sinagot ang sinabing iyon ni George.
Ngunit nagsalita uli si George. "It's okay. Julie and I are—"
At doon ko na siya hinarang sa sunod niyang sasabihin sana. Sadyang hinalikan ko ang kanyang mga labi upang maputol ang kanyang sasabihin. Ayoko kasing ibunyag niya kay Basti na wala kaming relasyon, na ang lahat sa amin ay walang emosyonal na ugnayan, no strings attached, kumbaga.
"Let's come to my house love..." ang sambit ko kay George na kitang-kita sa mga mata ang ibayong pagkagulat.
Lumingon siya kay Basti, "Ok... see you later Basti!" ang pagpapalam ni George bagamat halatang naguluhan ngunit sumunod pa rin sa akin.
Habang naglalakad kami ni Geoge patungo sa bahay ko, lihim ko namang tinitigan ng matulis si Basti. Hindi ko alam kung ano ang naramdaman niya. Pero iyon naman talaga ang gusto ko, ang masaktan siya.
Nang nakarating na kami ng bahay, doon na ako tinanong ni George kung anong nangyari at biglang "Love" na ang tawag ko sa kanya. Nag-explain ako, nag-sorry at nakiusap na makilaro na lang muna sa akin. Ibinunyag ko na rin kay George ang pagtaksil ni Basti sa akin at ang sakit na naramdaman ko hanggang sa pagkakataong iyon.
"Ok... I'll do that for you, as your friend. But I tell you, this won't help to ease the pain in your heart. Believe me." Ang payo niya.
"Trust me. I'll be ok." ang sagot ko na lang.
Iyan ang drama namin ni George. Ipinapakita kong may mahal na ako at masaya ako sa kanya, kay George.
"Ano... hindi ka pa rin ba aalis dito? Nakita mo naman, hindi ka na kailangan pa rito sa isla. Wala ka nang silbi. Pagkatapos kang tulungan ng islang ito sa iyong pag-aaral, tinalikuran mo sila. Pero at least umunlad pa rin ang isla kahit wala ka. Tuloy pa rin ang paglago nito kahit ako lang mag-isa ang naghanap ng paraan; ako na hindi na nga nabigyan ng tulong upang makapagtapos sa aking pag-aaral ay niloko pa ng isang tao. Kung ako sa iyo, mahihiya na akong bumalik dito. Kaya sana, lumayas ka na..."
"Ang sakit mo namang magsalita."
"Ngayon masakit? Bakit ikaw noong nasa tuktok ka pa ng iyong kaligayahan, naalala mo ba ako? Naramdamn mo ba ang sakit na naramdaman ko?"
"Tama na Julie... nasasaktan ako." Ang sagot niya habang pinahid ang mga luha na nagsimula nang magsidaluyan sa kanyang pisngi.
"Masakit pala talaga ano? Iyan ang sinasabing weather-weather lang. Karma? Ngayon, naramdamn mo na!!!"
"Lahat ng tao Julie ay nagkakamali."
"Hindi pagkakamali ang sa iyo, panloloko!"
"Pagkakamali rin iyon, Julie... at nagkataon na ang pagkakamali ko ay may matinding dulot na sugat sa iyo... at sa akin."
"Ay... nasugatan ka rin? Oo nga pala, naputol nga pala ang paa mo. Pero buti sa iyo ang paa mo lang. Ang sa akin, puso!"
"Kaya nga... sana ay mapatawad mo man lang ako, Julie."
"Hindi. At wala kang aasahang pagpapatawad sa akin!"
"K-kahit patawad na lang ang tanging hihilingin ko, Julie. Ngayong sinabi mong wala na pala akong puwang sa puso mo, hindi na ako aasa pa. Kahit man lang bago kami lumisan ni Junjun sa islang ito."
"Ah, iyan ang hindi maaari. Lumayas na lang kayo rito, baka makalimutan ko rin ang lahat. At baka kapag nangyari iyan, mapawi na ang sakit na naramdaman ko at mapatawad na kita!" At umalis na ako.
Alas 6 ng hapon, sinadya ko talagang tanggalin ang koryente na naka-connect sa kanilang bahay. Alam ko, masama ang ginawa ko. Ngunit dahil sa matinding hangaring umalis na sila, talagang ayaw kong paawat.
Inobserbahan ko kung ano ang mangyari. Tahimik naman sila sa loob. Kaya sa buong magdamag na iyon, tanging ang bahay ni Basti lamang ang walang koryente sa buong isla.
"Tita Julie..." Si Junjun. Maaga itong dumalaw sa bahay at sa pagkakataong iyon, dala-dala niya ang isang kaldero.
"O bakit?" ang sagot ko.
"Puwede po bang dito ako magsaing? Wala po kasing koryente sa bahay namin eh. Madilim po at hindi po ako marunong gumamit ng kalan."
"Bakit? Nasaan ba ang papa mo at ikaw ang inutusan niyang magsaing? Hindi ba siya naaawa sa iyo?" ang sagot ko sabay abot sa kalderong dala-dala ng bata.
"Hindi po siya makatayo, Tita eh. Masakit po ang katawan niya. Kagabi, hindi siya nakapagsaing ng hapunan kasi biglang namatay ang ilaw at natisod po siya. Ang sabi ko na lang kay papa na busog naman ako. Natulog na lang kami. Hindi na lang kami naghapunan."
Tila may humataw naman ng isang matigas na bagay sa aking ulo at pakiwari ko ay piniga ang aking puso sa pagkarinig sa sinabi ng bata. Syempre, sinadya kong putulan sila ng koryente. "O sya... halika at kumain ka na rin..." ang naisagot ko na lang, pilit iwinaksi sa isip ang matinding hiya na aking naramdaman sa sarili. Binuksan ko ang kalderong dala-dala niya at nakita ang kakapiranggot na bigas sa loob nito. "Kasya ba sa inyo ito?" Tanong ko.
"Kaunti lang naman po ang kinakain ni papa. At ako rin..."
At ewan. Gusto kong maawa ngunit pilit pa ring nagmamatigas ang aking puso.
Dinala ko si Junjun sa kusina at dali-dali akong naghanda ng aming agahan upang pakainin ko na lang siya. Nagluto ako ng hotdog, itlog, at ham at pinirito ang kanin na tira namin nang gabing nakaraan. "Ano ba ang sakit ng itay mo?" ang tanong ko habang abala sa pagluluto at si Junjun naman ay nakaupo lang sa harap ng dining table. Dinagdagan ko rin ng bigas ang kalderong dala niya at inilagay na rin sa saingan.
"Hindi ko po alam eh. Kaya nga po umalis ang mama ko kasi po, hindi raw niya kayang alagaan ang itay. Wala na po kasing trabaho ang itay, at wala na ring pera. Kaya iniwan niya kami ng papa ko..."
Napatingin na lang ako sa bata, naawa. Parang gusto ko siyang yakapin at kargahin.
"Namiss mo ba ang inay mo?"
"Hindi ko po alam. Kasi po inaaway niya palagi ang itay atsaka sinasaktan din po niya ako."
Tahimik.
"Sana po, kayo na lang ang inay ko..." ang dugtong ni Junjun.
Isang pilit na ngiti lang ang isinukli ko kay Junjun. Alam ko naman kasing hindi na maaari. Sarado na ang puso ko para kay Basti. At matindi pa rin ang galit ko sa kanya.
Nang matapos na ang aking inihanda, kumain na kami ni Junjun. Sinamahan ko na rin siya sa pagkain.
"Tita, puwede po ba akong magdala nito..." turo niya sa hotdog na tira sa plato "...atsaka nito?" turo naman sa ham. "Masarap po kasi siya. Sigurado po, gustong kumain ni papa ng ganyan."
"O sya... dalhin mo lahat iyan." Ang sagot ko naman. Kumuha ako ng topperware at doon inilagay ang mga ulam.
Inihatid ko si Junjun hanggang sa may bukana ng bahay. Pinagmasdan ko siya habang naglalakad. Awang-awa ako sa bata. Nakasuot ng malaki at lumang puting sandong nakalaylay hanggang sa kanyang binti, bitbit ang kaldero ng sinaing at topperware na pinaglagyan ng ulam. At bagamat halatang nahirapan sa dala, bakas naman sa mukha ang tuwa na may maiuwing pagkain sa ama. Isang napaka-inosenteng bata, bibo, matalino, at napakabait. Ngunit biktima ng makasariling ina, at sa pagkakataong iyon ay napagitnaan naman ng dalawang nag-uupugang bato – ang itay niya, at ako. Pakiwari ko ay natutunaw ang puso ko habang pinagmasdan siyang naglalakad pauwi sa kanila.
Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga.
Malapit na ang deadline ko sa pagpapalis kay Basti sa bahay niya. Isang araw na napadayo uli si Junjun sa bahay, ipinasagot ko sa kanya ang isang exercise book para sa mga bata. Spelling iyon. Magaling na kasing magbasa at magsulat ang bata. Matalino si Junjun kung kaya ay pang Grade 3 na exercise book na ang aking pinasagutan. Ngunit nagkamali siya ng sagot. Ewan kung may bumabagabag sa isip niya. Pansin ko kasi ang lungkot sa mukha niya. "Ay nagkamali ka Junjun!" ang sambit ko nang mapansin ko ang mali.
Nahinto siya. Napatingin sa akin. Hindi ko alam kung ang tanong niyang iyon ay ang siyang bumabagabag sa isip niya. "Tita, kapag nagkamali ba, masama?" ang puno ng kainosentehang sambit niya.
"Hindi naman. Bakit mo naitanong iyan?"
"Kasi sabi ni papa, masama raw ang magkamali. Minsan nagagalit po si papa sa akin kapag nagkakamali ako. Kayo po ba naggalit kapag nagkamali ako?"
"Ang batang ito, oo... Hindi ako maggalit ah. At hindi totoo ang sinasabi ng papa mo na masama ang magkamali. Normal lang ang magkamali. Kung hindi ka magkamali, hindi ka na tao niyan. Superman ka na."
"Ganoon po ba?"
"Oo... Sa pagkakamali, natututo ang tao... Kung nagkamali ka, sa susunod, alam mo na ang iyong gagawin kasi naranasan mo na."
"Bakit si papa, nagkamali raw siya. Hindi na ba siya matuto?"
"Bakit ano ba ang sabi niya?"
"Nagkamali raw siya. At at nasira ang buhay niya. Ako rin ba masisira rin ang buhay ko?"
"Syempre hindi, Junjun. Hindi masisira ang buhay ng tao sa isang pagkakamali lang. Mali ang sabi ng papa mo!" ang giit ko na tumaas ang boses sa pagkairita sa maling pinagsasabi ni Basti sa anak.
"Sabi kasi ni papa, dahil sa pagkakamali niya, nawalan na siya ng pag-asa. Parang ayaw na niyang mabuhay."
Natameme naman ako sa aking narinig. Nagulat. Tila may isang napakatulis na sibat na tumusok sa aking puso. Napatitig na lang ako sa kanya. Pakiramdam ko ay sinampal ako ng maraming beses.
"Bakit po ganoon si papa?"
At doon, niyakap ko na lang si Junjun. "Huwag na nating pag-usapan iyan Junjun. Ganyan lang talaga ang papa mo. "Bawat tao, may kanya-kanyang paniniwala... At siguro, masakit ang karanasan ng papa mo. Di ba, umalis ang mama mo? Kaya nalungkot ang papa mo." Ang naisagot ko na lang sa bata. At itinuloy ko na ang pagtuturo sa kanya.
Nang natapos na kami, nagpaalam na si Junjn na umalis. Nasa may pinto na siya nang lumingon pa ito sa akin. Sobrang lungkot ang kanyang mukha. Noon ko lang nakita ang ganoon kalungkot na mukha ng bata. "Tita, aalis na po kami dito sa isla bukas..." ang sambit niya.
(Itutuloy)