By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
-------------------------------
Hindi ko lubos maipaliwanag ang aking naramdaman sa narinig na sinabing iyon ni Junjun. Nalungkot na hindi ko na siya makita pa, at bagamat nandoon pa rin ang matinding galit ko kay Basti, may lungkot din akong nadarama sa nalamang aalis na sila. Tila nanumbalik muli ang sakit na naramdaman ko sa pagtataksil sa akin ni Basti. "S-saan naman kayo pupunta?" ang tanong ko.
"Babalik na raw kami sa siyudad. Sa dati naming bahay."
"Saan iyon?"
"Hindi ko po alam..." ang sagot ni Junjun at tuluyan na siyang umalis. Sinundan ko ng tingin ang bata hanggang sa narating nito ang bukana ng kanilang bahay. Pakiwari ko ay umiyak siya habang naglalakad sa buhanginang daanan. Nakita ko kasi ang pagpunas niya sa kanyang mga mata gamit ang dulong bahagi ng sando niyang nakalaylay.
Sa gabing iyon, hindi ako mapakali. Hindi makatulog, pabaling-baling sa aking higaan. Iyon bang pakiramdam na naiinis sa sarili kung bakit nagmahal pa rin ako sa kanya ngunit hindi ko pa rin makalimutan ang sakit na dulot ng pagtaksil niya sa akin. Tila may naghilahan sa akin isip. Ang isang bahagi nito ay na patawarin ko na lang siya at ang isang bahagi naman ay may matinding pagmamatigas.
Kinabukasan, tinungo ko ang bahay ni Basti. Hindi ko alam kung bakit. Marahil ay gusto ko lang makasiguro na wala na talaga siya at si Junjun.
Doon ko nakumpirmang wala na nga ang mag-ama. Hindi ko namalayang dumaloy na pala sa aking pisngi ang mga luha. Hindi ko lang alam kung para saan iyon; kung para ba kay Basti, para ba sa pag-ibig kong tuluyan nang mabubura sa kanyang pag-alis, o para kay Junjun na napamahal na rin sa akin.
Tinungo ko ang dalampasigan. Doon sa unang cottage kong ginawa, sa lugar mismo kung saan una namin nilasap ni Basti ang sarap ng aming pagmamahalan. Naupo ako sa isang bangko at itinutok ang paningin sa kawalan.
Nasa ganoon akong pagmumuni-muni nang napansin ko ang mga buhangin sa dalampasigan. May nakasulat. "Hindi lahat nang naisulat sa buhangin ay nabubura. Ang ang iba ay nanatiling nakaukit sa puso. Nagkamali man ang isang tao, hindi ito nangangahulugang nabura na rin ang lahat. Habang pumipintig pa ang puso, manatiling buhay sa alaala ang mga katagang isinulat niya sa buhangin..."
Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga. "Huli na ang lahat Basti..." ang bulong ko na lang sa aking sarili.
Habang pilit kong pinatatag ang aking sarili, naaninag ko naman sa dagat ang paparating na bangka. Pansin ko ang kumakaway na tao dito. Lumingon ako sa aking likuran upang makasiguro kung ako ba talaga ang kinakawayan niya. Ngunit ako lang ang tanging tao sa dalampasigan. Nang tuluyan nang nakadaong ang bangka, dali-daling nagtatakbo patungo sa kinaroroonan ko ang nasabing tao. Si Boying, ang assistant sa pampasaherong bangkang iyon. "Si George at Basti, nagsamang lumuwas!"
Tila nasabugan naman ako ng bomba sa aking narinig."Bakit sila nagsama?" ang tanong ko. Tila may hindi magandang pumasok sa aking isip sa narinig.
"Tawagan mo na lang si George. Sinabi niyang tawagan mo raw siya kaagad!"
Nagtatakbo akong umuwi ng bahay upang kunin ang aking selpon. Naiwanan ko kasi ito. At doon nakita ko ang maraming misscall galing kay George.
Agad ko siyang tinawagan. "George? Anong nangyari?"
"Come here. Basti is in the hospital! I talked to him last night and he is in a serious condition, that's why I accompanied him now to the hospital. He could die anytime and his last wish is to see you! Hurry up before everything is too late!"
At doon na ako bumigay at nag-iiyak. Tila bumaligtad ang lahat sa aking isip. Doon ko narealize ang sobrang kasamaan ko. Dali-dali akong sumakay sa bangka na sumunod na biyahe.
Habang naglalakbay ang bangka, hindi naman ako mapakali. Halos lahat na lang nag santo ang nabanggit ko, nanghingi ng patawad sa masama kong inasal sa mag-ama. Sobrang hiya ko sa aking sarili. At ang mga sumisingit na sa aking isip ay ang mga ginawang kabutihan sa akin ni Basti. Bigla kong nalimutan ang kanyang pagtaksil sa akin. Nanumbalik din sa aking isip ang payo sa akin ni George, "This is not going to solve everything. Face the truth and tell him what you really feel. Then everything will start to fall into places..." Pati ang payo rin ng inay ay sumingit sa aking isip, "Hindi importante kung bakit nagkamali ang tao, o kung ano ang dahilan ng kanyang pagkakamali. Ang mahalaga ay ang pagpapatawad, lalo na kung ang taong nagkamali sa iyo ay humingi nito. Napakasarap ng buhay, Julie kung wala kang kinikimkim na galit sa kapwa, kung ang lahat ng taong nakakasalamuha mo ay walang kinikimkim na sama ng loob sa iyo. Dapat nga ay maging masaya ka na sa buhay kasi, may pera ka, kahit ano ang gusto mong bilhin ay nabibili mo. Iyon iba ay hindi pa sapat? Tapos, ikaw pa ang nakapagpaunlad sa isla. Lahat ng tao sa isla ay tumitingala sa iyo, humahanga, proud sa ginawa mo. At ang paghanga nilang iyan ay mas lalo pang titindi kapag nakita nilang napakadakila ng iyong puso... Sa kabilang panig, tingnan mo si Basti. Wala na ngang mga magulang, iniwanan pa ng asawa. At hayan, naghirap, may karamdaman, at putol ang isang paa. Hindi pa ba sapat ang lahat ng kaparusahang iyan sa kanya? Ano pa ba ang gusto mo? Kung ayaw mo nang makipagbalikan sa kanya, kahit patawarin mo na lang siya. Kahit para na lang sa ilang taon na pinagsamahan ninyo noong mga bata pa kaya, o kahit na lang sa mga ginagawang kabutihan niya para sa iyo. Kung hindi man sapat, kahit man lang para kay Junjun. Kalimutan mo na ang nagawa niyang pagkakamali sa iyo..."
At ang pinakamabigat na tanong na siyang bull's eye na tumagos sa aking puso ay ang tanong ni Junjun, "Masama po ba ang magkamali Tita? Masisira po ba ang buhay ko kapag nagkamali rin ako katulad ni papa?"
Dali-dali akong nagtungo sa sinabi ni George na ospital. Sinalubong ako ni George at Junjun na nag-iiyak. Nalaman kong natisod daw si Basti sa pagsakay niya sa bangka, nalaglag at nabagok ang kanyang ulo sa malaking bato.
Agad akong pumasok sa kuwarto ni Basti sa ICU. Nakahiga siya sa kama at may dextrose na nakakabit sa kanyang kamay at may oxygen tubes ding nakakabit sa kanyang ilong. Wala pa rin siyang malay. Hindi ko maisalarawan ang matinding takot at pagsisisi na nadarama ko.
Lumapit ako sa kama niya at pilit na niyakap siya. "Basti!!! Patawad! Sobrang napakasama ng ginawa ko sa iyo. Nagsisi na ako Basti! Huwag mo akong iwanan! Lumaban ka Basti! Pangako ko sa iyo na kapag gumaling ka, papayag na akong makipagbalikan sa iyo. Mahal na mahal pa rin kita Bastiiii!"
Ngunit walang Basti ang sumagot sa aking pagsisigaw. Nanatiling walang malay si Basti.
Lumipas pa ang tatlong araw. Walang pagbabago sa kundisyon ni Basti. Nasa ganoon kalungkot at katuliro ang aking isip nang may biglang dumating na babae. "I-ito po ba ang kuwarto ni Basti?" ang tanong niya sa akin habang binuksan ko ang pinto.
"O-opo..." ang sagot ko. "B-bakit?"
Hindi na niya pinansin pa ang aking sagot. Dumiretso na kaagad siya sa kama ni Basti. "Basti!!! Patawarin mo ako. Nagsisi na ako..." ang sambit niyang nag-iiyak.
Nilapitan ko si Junjun at tinanong kung kilala ba niya ang babaeng iyon.
"Mama ko po..." ang sagot ng bata bagamat hindi ko nakita sa anyo ni Junjun na nasabik siya sa kanyang sinabing mama.
Hindi ko lubos maintindihan ang aking nadarama. Naawa ako kay Basti ngunit tila nanumbalik din ang inis na nararamdamn ko sa kanya at sa babae niya. Bumaling ang babae sa kinuupuan namin ni Junjun at lumapit siya sa bata. "A-anak... naaalala mo pa ba si mama?" ang sagot niya kay Junjun habang hinawakan niya ang kamay nito.
Hindi sumagot si Junjun. Bagkus, sa akin siy bumaling at niyakap ako. Niyakap ko na rin ang bata atsaka kinandong.
"Eh... ikaw ba si J-julie?" ang tanong ng babae sa akin.
"Oo." Ang maiksi kong tugon.
"P-palagi kang ikinukuwento sa akin ni Basti."
Binitiwan ko na lang ang pilit na ngiti. Wala naman kasi akong naisip na isagot sa sinabi niya. Hindi naman maaaring itanong ko kung kinuwento ba ni Basti sa kanya na nagmahalan kami at iniwan niya ako nang dahil sa kanya. Bagkus, "Paano mo nalamang narito si Basti?" ang naitanong ko na lang.
Nahinto siya, napayuko. "N-naghiwalay na kami ng aking bagong kalaguyo. Inaamin ko namang nagkamali ako. Sadista kasi ang lalaking iyon. Doon ko narealize na napakasuwerte ko pala kay Basti. Ni minsan ay hindi niya ako sinasaktan o ni sinigawan. Nagsisi ako. Kaya naipangako ko sa aking sarili na babalikan ko si Basti at dadamayan ko na siya, sa hirap man o sa ginhawa."
Ewan ko ba, ngunit tila bigla na naman akong nalungkot sa pagkarinig sa kanyang sinabi. Paano, pakiramdam ko ay bigla akong na out-of-place. Mahal niya si Basti, may anak sila, parang wala na akong papel pa roon. "M-mabuti naman..." ang sagot ko na lang.
Nahinto ang aming pag-uusap nang pumasok ang duktor at si George sa kuwarto. Ipinakilala ko sa kanila ang babae, "George, doctor, this is Junjun's mother..." iyon lang ang nasabi ko. Di ko kasi alam ang pangalan niya.
"Nadia... Nadia Carpio" ang pagdugtong naman ng babae sabay abot sa kamay niya kay George at sa duktor.
Tinanggap ni George ang pakikipagkamay ni Nadia at tumingin sa akin. Alam ko ang tingin na iyon. Nagtatanong kung ok lang ako. Yumuko na lang ako. Ayaw kong mahalata ni George na nasaktan ako.
"As per the result of the tests, Basti is in a comatose stage due to a collapsed skull and that part of his brain is affected. He needs a very delicate surgery. The other thing that complicates his situation is his rare bone disorder. His bones become brittle. This causes his fatigue and recurrence of fever. There are only two specialist hospitals in the world for this kind of disorder. One is in Germany, and the other in the US. I already have talked to my father in the US who happens to have a friend who specializes in this type of disorder. He promised to help Basti." Sabay bitiw ng matipid na ngiti.
Tumango-tango naman ang duktor na kasama niya. Naakikinita kong nagkaroon na sila ng agreement tungkol kay Basti. May tuwa akong nadarama sa narinig. Ngunit may pag-alala pa rin. "B-but... how much would the cost be?" ang tanong ko. Syempre, kahit may pera ako, hindi naman ako ganyan kayaman na kayang gumastos ng libu-libong dolyar.
"Don't worry about money, Julie. Dad promised to shoulder all the expenses. He knew you saved my life and he wanted to return the favor. You and Junjun can come too!"
Gusto kong matuwa sa aking narinig. Ngunit, "No... you bring Nadia and Junjun. I'll stay here." Ang naisagot ko na lang. Sino ba ako upang sumama samantalang naroon ang babaeng mas may karapatan kay Basti?
"No-no-no-no. I won't allow that. If you want, Nadia will go too but you need to come. Dad and Mom want to meet you and thank you personally for what you've done to me. And besides, I want you to see my place. You need to give yourself some relaxation, visit beautiful places!" ang paggiit ni George.
Sumang-ayon din ako. Libre naman ang pamasahe kaya ok lang. At least makakatulong pa rin ako kay Basti kung ano man ang puwede kong maitutulong.
Nagpaalam ako sa aking inay at itay. Agad na inayos ang aming mga requirements para makaalis. Lahat ay minamadali at idinaan sa rush. Matapos ang isang buwan ay naka-alis din kami. Wala wala pa ring malay si Basti. Naghalo ang aking naramdaman. May lungkot dahil sa kalagayan ni Basti, at may excitement dahil iyon pa ang kauna-unahang pagpunta ko ng Amerika at makasakay ng eroplano. Ngunit mas nangingibabaw ang lungkot. Lalo't naroon ang babaeng kahati ko sa pagmamahal kay Basti.
Nakarating kami ng Amerika. Sa wakas ay narating ko rin ang lugar kung saan ay maraming Pinoy ang nangangarap na makapunta. Maganda, matiwasay, matatayog ang mga gusali, at mistulang disiplinado ang mga tao. Higit sa lahat, malamig, at may snow.
Idineretso kaagad si Basti sa ospital kung saan ay naroon ang espesyalista sa kanyang sakit. Halos wala na kaming pahinga. Kinabukasan ay isinagawa ang operasyon sa kanyang ulo.
Umabot ito nang may sampung oras ang operasyon. Nang matapos, idineklarang ligtas na si Basti. Bagamat hindi pa conscious, sinabi ng mga duktor na maganda ang kanyang prognosis. Lumalaban daw si basti at malaki ang tsansang makakarecover.
Halos wala kaming imikan ni Nadia sa mga sandaling iyon. Hindi ko alam kung ano ang naramdaman niya ngunit ako, naaawa sa sarili.
Dinala ako ni George sa kanilang bahay. Sumama si Junjun gawa nang ayaw nitong magpa-iwan. Ipinakilala ako ni George sa kanyang mommy, daddy, at nakatatandang kapatid, si Matthew. Ramdam ko ang kasayahan nila nang makilala ako. Tuwang-tuwa rin sila kay Junjun na bibong-bibo at sa murang edad ay natuto nang magpasalamat.
"Tita Julie, sabihin niyo po sa kanila na salamat dahil inalagaan nila ang papa ko." ang bulong sa akin ni Junjun.
Natawa ako. "You tell them. You know how to speak English, don't you?" ang paghikayat ko kay Junjun.
Nahiyang tumango ang bata na halatang nahihiya, iginuri-guri ang ang kanyang mga kamay sa dulo ng kanyang damit.
"Okay..." ang sambit ko.
Habang ang aming mga mata ay nakatutok sa kanya, nagsalita siya. "Thank you for... for... caring my papa." Ang nabuo niyang salita.
Tawanan kaming lahat at sa tuwa ng mommy ni George ay kinarga pa siya. "You thank your Tita Julie because she saved the life of your Tito George." Ang sambit ng mommy ni George.
"Thank you Tita Julie!" ang sambit naman ni Junjun sa akin.
Hinalikan ko na lang ang bata.
Isang araw, habang nagbabantay kami kay Basti, kinausap ako ni Nadia. Dinala niya ako sa botanical garden ng hospital habang si Junjun ang naiwang nagbantay sa kanyang ama.
"A-alam mo..." ang pambungad niyang salita habang nakayuko, tila nahiya. "A-alam kong n-nagmamahalan kayo ni Basti."
Bigla akong napatingin sa kanya. Tila may biglang kumalampag sa aking puso. "P-paano mo nalaman?"
"Sinabi sa akin ni Basti noong nagsasama pa kami. At... mahal ka rin niya. Ngunit hindi siya makauwi-uwi sa iyo gawa nang may anak kami at palagi ko ring kinokonsyensiya. Kaya kahit palagi ko siyang inaaway, dahil nga palaging ikaw ang kinikuwento niya, hindi na lang iyan kikibo. Nang nagkasakit siya at naputol ang paa at nawalan ng trabaho ay iniwan ko para sa isang lalaki. Ngunit nadiskubre kong nambubugbog ng babae ang lalaking ipinagpalit ko sa kanya. Nagsisi ako. Doon ko narealize ang kabaitan ni Basti. Nasabi ko sa aking sarili na napakasuwerte ko na nagkaroon ng isang taong kagaya ni Basti sa aking buhay. At ipinangako ko na kapag nagkabalikan kami, magbabago na ako para sa kanya, para sa aming anak, at sa magiging mga anak pa."
Binitiwan ko ang isang matipid na ngiti sabay hawak sa kanyang kamay. "Oo, napakasuwerte mo kay Basti. At hindi pa huli ang lahat. May pag-asa pa kayo."
"Hindi Julie. Nang nakita ko kung gaano mo siya inaalagaan, kung gaano mo ibinigay ang lahat ng oras mo na halos hindi ka na natutulog pa. Pati ang pag-aasikaso mo kay Junjun ay napahanga mo ako. Dito ko nakikita kung gaano mo kamahal si Basti at ang aking anak. Sobra akong nahiya sa aking sarili. Dagdagan pa nitong heto, may mga taong tumulong sa kanya nang dahil sa iyo. Wala na nga akong naitutulong, heto dagdag pasanin pa. Pakiramdam ko ay hindi ako nararapat para kay Basti. At ngayong may malaki pang problema sa amin sa Pinas, nasa critical na kundisyon ang aking ina, naaksidente at nangangailangan ng malaking halaga, kaya uuwi ako upang asikasuhin siya. Ako lang kasi ang nag-iisang anak at patay na rin ang aking ama kaya kailangan ako ng aking ina. Isangla o di kaya ay ibenta ko na lang siguro ang aming lupa at bahay. Bahala na..."
"K-kung iyan ang problema mo, ako na ang umuwi. Ako ang bahala sa iyong inay. Dito ka na lang. Mas kailangan ka ni Basti at Junjun. Ikaw ang mas may karapatan sa kanila. Buuin mo ang iyong pamilya. Bigyan mo ng normal at masayang buhay si Junjun." Ang nasambit ko. Hindi ko rin alam kung bakit ko nasabi iyon. Siguro ay iyong instinct na lang na kahit pagbabaliktarin man ang mundo, sa mata ng tao at ng Diyos ay si Nadia pa rin ang mas may karapatan kay Basti.
"Huwag na Julie. Nakakahiya na sa iyo."
"Hindi, Nadia. Okay lang para sa akin. Para kay Basti, kay Junjun, at sa kaligayahan ng lahat, gagawin ko."
Nag-iiyak na niyakap ako ni Nadia.
(Itutuloy)