Paid I

1014 Words
MABIGAT ang kalooban ni Soffie nang matanaw niya ang kanilang bahay habang lulan siya ng isang tricycle. Hindi pa man siya inaabutan ng isang taon sa Kuwait at nakaiipon ng malaki ay itinapon siya pabalik ng kaniyang agency sa Pilipinas dahil sa hindi pagkakaunawaan. Nasangkot siya sa isang kaso ng pagnanakaw na hindi niya naman ginawa. Hindi niya alam kung anong mukha ang ihaharap niya sa ina at sa dalawang nakababatang kapatid na sa kaniya lamang umaasa. Nang makababa siya sa tapat ng kanilang bahay ay tinulungan siya ng driver upang ibaba ang kaniyang bagahe. Laking pasasalamat niya na rin at hindi siya inabutan ng pagkakakulong sa ibang bansa dahil kung ganoon ang nangyari ay hindi niya na alam kung ano ang dapat gawin ngayon.  “Maraming salamat po,” sambit niya sa tricycle driver na tumulong sa kaniya. Inabutan niya ito ng isang daang piso. Gumanti naman ng pasasalamat ang driver bago sumampang muli sa tricycle at umalis. Hinarap ni Soffie ang kanilang mumunting bahay. Maliit na barung-barong lamang ito at may isang silid sa loob. Tagpi-tapi na ang dingding at kinakalawang na ang mga yero sa bubungan. Malalim siyang bumuntong hininga. Ilang minuto siyang nakatitig doon at hindi alam ang gagawin; kung kakatok ba siya o hindi na lamang at itatapon ang sarili kung saan.  “Soffie?! Nakauwi ka na?”  Nahigit niya ang hininga nang marinig ang boses sa kaniyang likuran. Mabilis siyang humarap upang makita kung sino ito. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang si Aling Lidya lamang ito. Chismosang kumare ng kaniyang ina. Wala na itong ibang ginawa kung hindi maghanap ng bagong chismis na ikakalat sa kanilang baranggay. “Aling Lidya, magandang umaga po.”  “Hala si Soffie nga! Nakauwi ka na? Bakit? Hindi ba’t nasa Kuwait ka? Bakit ka umuwi?”  “Aling Lidya, naman. Kung makapagsalita parang bawal na akong umuwi.” Kalahati sa kaniyang sinabi ay sarkastiko. Iritable siya sa ginang. Minsan pa nga nitong ipinagkalat na buntis siya at tinakbuhan ng ama. Isang malabong bagay dahil hindi naman siya nagkakaroon ng nobyo kahit kailan. Nakatuon lamang ang kaniyang atensyon sa pagtulong sa kaniyang pamilya at sa kung papaano niya bubuhayin ang mga ito.   Ngumisi ang ginang. “Aba't malaki-laki ang bagahe mo ah. Aba’y napakasuwerte naman ni Lanie at may abroad nang anak. Eh, bakit ka nga umuwi? Tiyak marami kang pasalubong.”  Kung pupwede niya lang takpan ng tape ang bibig nito ay kanina niya pa ginawa. “Nagbabakasyon po ako. Nakatanggap kasi ako ng vacation bonus sa amo ko.” Mapait siyang ngumiti. Hahayaan niyang ikalat nito ang pekeng balita tungkol sa kaniya, kaysa naman negatibo ang pag-chismis-an nito kasama ang mga kumag na kapwa nito chismosa. “Mauna na po ako.” Kaagad niyang kinarga ang kaniyang mga gamit at naglakas loob nang kumatok sa kanilang bahay. Nagkibit balikat naman si Aling Lidya at maya-maya ay umalis na rin. Hindi naman magkakadikit ang mga bahay sa kanilang baranggay ngunit napakasipag ni Lidya mag-ikot-ikot upang maghanap ng chismis. Nang bumukas ang pintuan ay labis-labis na kaba ang gumuhit sa kaniyang dibdib.  “Ate Soffie?!” bulalas ng kapatid niyang si Sally. Namilog ang mata nito nang makita siya sa pagbukas ng pintuan. “Nakauwi ka na?” tanong nito at humarap sa likuran, sa gawing loob ng kaniyang bahay. “Ma! Ate! Si Ate Soffie narito na!” Kaagad siyang tinulungan ni Sally sa kaniyang mga gamit papasok sa bahay. Mahigpit itong yumakap sa kaniya. “Na-miss kita, Ate!”  “I miss you too!” Hinalikan niya sa noo ang sampung taong gulang na bunsong kapatid. Lumabas mula sa maliit na silid ang kaniyang may edad ng ina at kapatid na si Solome. Nasa sikwenta na ang kanilang ina at si Solome naman ay nasa bente anyos na. Pahinto-hinto ito sa pag-aaral noon dahil sa hirap ng buhay kaya naman hanggang ngayon ay nasa high school pa rin ito. Graduating ito ngayon at hindi niya masasabing may mataas na marka o mababa, dahil wala namang ibinabalita sa kaniya ang kapatid patungkol sa pag-aaral nito.  “Soffie?! Jusmiyo! Nakauwi ka na?” bulalas ng ina. “Bakit ka umuwi?” Sa wangis ng mukha nito ay tila kalating may pagkadismaya na ngayon ay nasa Pinas siya.  “Hi, Ate Soffie,” bati ni Solome at ngumiti. Naupo ito sa kawayan nilang upuan, tumabi naman rito ang kanilang ina. “May pasalubong ka ba?” Nabaling ang paningin nito sa kaniyang mga gamit.  “Oo nga naman, meron ba, Soffie? At bakit ka naman biglang napauwi? Wala ka pang isang taon sa Kuwait ah,” sang-ayon naman ng kanilang ina. Hinatak nito ang pinakamalaki sa kaniyang bag. Batid niyang maghahanap ng pasalubong ang mga ito kaya naman kahit papaano ay naisipan niya nang bumili bago siya makabalik sa Pilipinas.  “Syempre po meron.” Pilit ang ngiting iginawad niya sa mga ito. Nanikip ang kaniyang dibdib na hindi man lamang siya nagawang yakapin ni Solome at ng ina, o hindi man kaya ay ayain siyang maupo saglit. “Ako na ho.” Kinuha niya ang bag sa mga ito at siya na ang nagbukas. Isa-isa niyang iniabot sa kaniyang pamilya ang kaniyang mumunting pasalubong.  Tuwang-tuwa si Sally sa natanggap na mga bagong damit. Nakitaan niya rin ng kasiyahan si Solome sa kaniyang mga pinamili rito, ngunit humirit pa ito, “Ay dalawa lang? Bakit kay Sally apat?”  “Napakaarte mo, Solome. Maigi nga’t naisipan ka pang bigyan ng ate mo.”  Sumimangot ang kapatid. “Sabi ko nga po.”  Napailing na lamang siya. “Ito sa ‘yo, Ma.” Iniabot niya sa ina ang ilan sa kagamitan pangluto na kaniyang nabili nang mura sa Kuwait ngunit ang ilan doon ay bigay lamang sa kaniya ng mababait na amo. Suwerte na sana siya sa kaniyang mga amo ngunit nagkataon naman na dinala niya pa rin sa Kuwait ang kamalasan.  “Ay, wala bang bagong damit o sapatos diyan? Bakit pangluto? Wala naman tayong lulutuin.” Pabirong tumawa ang kaniyang ina, subalit nagbigay ng pait sa kaniyang dibdib ang sinabi nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD