AUCTION: Chapter Six

1407 Words
GULO ang isip ang muling pumunta si Ruth sa tindahan na malapit sa kanila kung saan merong payphone. Hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa rin sa utak niya ang sinabi ng doktor ng nanay niya. Kailangan na daw isagawa ang heart transplant dahil kapag hindi, baka mamatay ito. Higit forty million ang kailangan niya para sa operasyon. At isa lang ang maaari niyang pagkunan ng ganoong kalaking halaga—sa Human Auction. Sa totoo lang ay wala pa siyang ideya kung anong parte ba ng katawan niya ang ibebenta niya. Bahala na, iyon ang naituran niya. Tama nga si Mr. Black, kakainin niya ang sinabi niyang hindi na siya magbebenta ulit sa Human Auction. Babalik pala ulit siya dito. Kapag pala buhay na ng mahal mo sa buhay ang nakasalalay, kahit ang sarili mong buhay ay handa mong ibigay. Nanginginig pa ang mga kamay ni Ruth nang i-dial niya ang phone number ng Human Auction. Ilang ring lang ang kanyang narinig at agad na iyong kumonekta sa kabilang linya. “Password?” Iyon na naman ang bumungad sa kanya. “I heart flesh…” tugon niya. “This is Human Auction. Ano ang maipaglilingkod ko sa’yo?” Huminga muna si Ruth nang malalim bago sumagot nang pabulong. “G-gusto kong magbenta…” aniya. “WELCOME back, Ruth!” nakalahad pa ang dalawang braso ni Mr. Black nang pumasok siya sa opisina nito. Tulad noong una ay suot pa rin nito ang maskara nitong rabbit. Naglakad siya palapit dito. Hindi na niya hinintay na paupuin siya nito at umupo na siya. “Tama ka, Mr. Black, kinain ko na ang sinabi ko sa inyo dati. At sana, `wag niyo nang ipamukha pa iyon sa akin. Buhay ng nanay ko ang nakasalalay kaya lalapit ulit ako sa inyo.” Napahalakhak si Mr. Black. Umupo ito sa upuan nito. “Hindi naman ako ganoon, Ruth. Siyempre, natutuwa ako sa pagbabalik mo. Halos lahat naman ng nagbenta dito ay bumalik. At karamihan ay inubos ang pera nila sa mga walang kwentang bagay. Nagsugal, inubos sa luho, bisyo at kung anu-ano pang mga panandaliang bagay. Kilala ko na ang tao pagdating sa pera—“ “Hindi ako tulad nila. Inuulit ko, `andito ako hindi dahil ubos na ang pera ko sa sinasabi mong mga walang kwentang bagay. Para ito sa nanay ko, kailangan nang maisagawa ang heart transplant sa kanya. Didiretsahin na kita, Mr. Black… kailangan ko ng forty million pesos! Anong parte ng katawan ko ang pwede kong ibenta na papalo sa ganoong presyo?” Biglang natahimik si Mr. Black. Mataman siya nitong tiningnan na parang nag-iisip. Maya maya ay tumango-tango ito. “Halos limang taon na ang Human Auction pero walang bidder na nagbayad ng ganyang kalaking halaga para sa isang parte ng katawan. Imposible!” “Eh, kung ibenta ko ang buong katawan ko?” Wala na. Desperada na siyang makakuha ng ganoong kalaking halaga. Handa na siya sa kahit na anong mangyari. Kahit mamatay pa siya, `wag lang ang kanyang nanay. Hindi niya kakayanin kung mamamatay ang babaeng nagbigay sa kanya ng buhay. At panigurado, mamamatay din siya sa sobrang kalungkutan. Muling tumawa si Mr. Black. Mas malutong. “Kahit na ibenta mo ang buo mong katawan, Ruth. Sinasabi ko sa’yo na hindi ka makakakuha ng forty million pesos.” Sa sinabing iyon ni Mr. Black ay biglang nag-init ang ulo niya. Tumayo siya at galit na inihampas ang dalawang kamay sa ibabaw ng lamesa nito. “Hindi niyo pala ako matutulungan, eh! Bakit pa ako pumunta dito? Wala kayong kwenta!” At tumalikod na siya para umalis. Pagbukas niya ng pintuan ay sumalubong sa kanya si Cecilla. Nakatutok sa mukha niya ang hawak nitong baril. “Ang dali mo namang makalimot, Ruth… Hindi ba, oras na pumunta ka dito, hindi pwedeng hindi ka magbenta.” Narinig niya ang boses ni Mr. Black sa kanyang likuran. Hindi malaman ni Ruth ang kanyang sasabihin at gagawin. Oo nga pala, ito ang isa sa mga patakaran sa Human Auction. Humarap siya kay Mr. Black at matiim itong tiningnan. “Siguro nga, mabuti pang patayin niyo na lang ako. Tutal naman, hindi niyo ako matutulungan. Mamamatay ang nanay ko pati ako ganoon din. Mas okey na rin iyon para magkasama-sama na kami sa kabilang-buhay!” “Wow! Gusto ko talaga ang tapang mo, Ruth!” anito. “Ibang-iba ka sa mga nagbenta dito.” “Ano pang hinihintay niyo? Patayin niyo na ako!” “Easy, Ruth… Masyado kasing mainit ang ulo mo.” Biglang sinenyasan ni Mr. Black si Cecilla na umalis na ito, na agad namang sinunod ng babae. Pagkaalis ng sekretarya nito ay saka ulit ito nagsalita. “Alam mo, may suggestion ako sa’yo kung paano ka makakakuha ng forty million pesos sa pamamagitan ng pagbebenta…” Humarap si Ruth kay Mr. Black. Hindi niya malaman ngunit bigla siyang kinilabutan sa paraan ng pagkakangisi nito sa kanya. “A-anong suggestion ang sinasabi mo?” “Simple lang. Isa-isa mong ibebenta ang parte ng katawan mo at sa huli ay mag-o-all in ka na! Hindi ba’t napakautak ko, Ruth?” Hindi pa rin naaalis ang nakakatakot nitong ngisi. Kumunot ang noo niya. “All in? Ano naman iyon?” “Iyon ang gusto mong gawin kanina—ang ibenta ang buo mong katawan! Una, pwede mong ibenta ang mata mo. Sunod naman ang kamay o kaya ang paa. Pwede mo nang isunod ang kidney. At pagkatapos naman no’n, pwede na ang buong katawan mo. Kung susumahin… hindi lang forty million ang makukuha mo. Higit pa! Ano, Ruth, pumapayag ka ba?” Matapos magsalit ni Mr. Black ay saka lang siya nakapag-isip. Bigla niyang nakita ang kanyang nanay na nakaratay sa hospital bed at wala nang buhay habang katabi nito ang kanyang kapatid. Wala na rin itong buhay… “Magdesiyon ka na, Ruth… Tumatakbo ang oras.” “Oo na. Sige na. Pumapayag na ako sa gusto mo!” matapang niyang turan. “ANG ating item ngayong gabi ay si Miss Ruth Rodriguez. At ang ibebenta niya ay ang kanyang kanang kamay. Simulan na natin ang Human Auction!” Wala nang takot sa mukha ni Ruth nang gabing iyon. Bago siya humarap sa bidders at tumuntong sa entablado ng Human Auction ay inihanda na niya ang kanyang sarili. Inisip niya na balewala ang unti-unti siyang mabawasan ng parte ng kanyang katawan basta kapalit niyon ay ang buhay ng kanyang ina. Masyado nang maraming sakripisyo ang nanay niya para sa kanya at ito na ang pagkakataon niya para makaganti dito. Siya naman ang magsasakripisyo para sa kanyang ina. Maya maya ay biningi ang tenga ni Ruth ng mga boses ng mga bidders na nagpapataasan ng presyo para sa isang kamay niya. “Ten million pesos!” sigaw ng isang lalaki. Nag-umpisang magsalita si Mr. Black. “Going once… Going twice… Sold!” Muling namatay ang ilaw at sumalubong sa kanya ang kadiliman. Alam na niya ang susunod na mangyayari. Alam na alam na niya… BUMALIK na ang malay-tao ni Ruth. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa isang silid na may aandap-andap na ilaw. Alam niya, nakaupo siya sa isang bangko at nakatali siya doon. Napaigtad siya nang makaramdam siya nang kamay sa kanyang kanang kamay. “Sino ka?” tanong niya. “Ako ang nakabili sa kanang kamay mo, Miss Ruth,” boses iyon ng isang lalaki. Mula sa patay-sinding ilaw ay nakita niya ang mukha nito. Matanda na ito dahil sa kulubot nitong mukha. Ngunit nababanaag niya ang karangyaan sa hitsura nito. Hinawakan nitong muli ang kanyang kamay. “Napakaganda ng kamay mo…” manghang bulalas nito. “A-anong gagawin mo sa kamay ko? Kakainin mo rin ba?” walang emosyong tanong niya. “Hindi… Hindi ako kumakain ng laman ng tao. Isasama ko lang naman sa koleksiyon ko ang maganda mong kamay!” “Anong ibig mong sabihin?” Imbes na sagutin ang tanong niya ay lumayo ang lalaki sa kanya. Isang switch ng ilaw ang pinindot nito. Matapos iyon ay bumaha ang liwanag sa silid na iyon. At hindi napigilan ni Ruth ang mangilabot nang tumambad sa kanyang harapan ang mga putol na mga kamay na nakalagay sa garapon. Maayos na nakalagay ang mga garapon sa isang shelf! “Handa ka na ba, Ruth?” At nang tingnan niya ang lalaki ay may hawak na itong lagari!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD