AUCTION: Chapter Seven

1699 Words
NANLALAKI ang mga mata ni Ruth habang papalapit sa kanya ang lalaki. Napakalakas ng kabog ng kanyang dibdib ng oras na iyon. Alam niya, ilang sandali na lang ay mamamaalam na siya sa kanang kamay niya. Wala naman siyang pagpipilian kundi gawin ito. Para sa kanyang nanay na nasa bingit ng kamatayan. “Oh, bakit ka natatakot, Ruth?” tanong ng lalaki sa kanya nang nasa tabi na niya ito. Kahit ano palang tago niya sa kanyang takot ay nahalata pa rin nito iyon. “Hindi mo naman kailangang matakot, eh. Wala kang sakit na mararamdaman.” Nakita niya na may inilabas itong panturok sa bulsa nito. Alam niya kung ano iyon—anesthesia. Hinawakan nito ang kanyang braso at itinurok iyon doon. Ramdam niya ang pagbaon ng karayom sa kanyang balat. “Ano bang napapala niyo sa ganito?” tanong niya matapos. “Bumibili kayo ng parte ng katawan tapos kakainin o paglalaruan niyo?” “Self-satisfaction! Siguro ang iba, nakakaramdam sila ng saya kapag nakakakain ng laman ng tao. Habang ako naman ay kapag nakakakolekta ng kamay ng iba’t ibang tao. Sa paraan ng pananalita mo ay tila nagrereklamo ka, Ruth. Hindi dapat! Malaking halaga ng pera ang kapalit ng lahat ng ito, tandaan mo iyan…” Ilang sandali lang ay nakaramdam na si Ruth ng pamamanhid sa kanyang kanang braso at kamay. Ngumiti ang lalaki. “Simulan na natin nang matapos na at may madagdagna naman sa aking koleksiyon!” Nang hawakan nito ang kamay niya ay hindi na siya pumalag. Tutal naman ay wala siyang mararamdaman na kahit na ano. Inilapat na ng lalaki ang talim ng lagari sa may itaas ng kanyang pulso. Nang iurong-sulong nito ang talim ng lagari sa kanyang balat ay agad na bumaon iyon t napunit ang kanyang laman. Umagos ang masaganang dugo ngunit wala siyang maramdaman na kahit ano. Nakita niya na nakangiti ang lalaki at tila tuwang-tuwa sa ginagawa nito. Pakiramdam niya ay sasabog na ang ulo niya sa sobrang hindik na nararamdaman niya. Kahit wala siyang nararamdaman na sakit ay nakakakilabot pa rin na panoorin ang pagputol sa sarili mong mga kamay. Napapikit na lang si Ruth nang tumama na ang lagari sa buto niya sa parteng iyon ng kanyang katawan. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay hawak na ng lalaki ang putol niyang kamay. Bigla siyang nakaramdam ng panlalambot nang makita niya na marami na palang dugo ang nawawala sa kanya. “A-ano nang m-mangyayari sa akin?” nahihilo niyang tanong. “Ibabalik na kita kay Mr. Black…” At isa pang panturok ang inilabas nito at itinurok iyon sa kanyang braso. Ilang sandali lang ay sinalubong na siya ng kadiliman! NAKAKABANAAG siya ng liwanag ngunit parang napakabigat pa rin ng talukap ng kanyang mga mata. Pumikit siyang muli bago ulit subukang ibukas ang mga mata. “Gising ka na pala. Tumayo ka na diyan. Gusto kang makausap ni Mr. Black,” boses iyon ni Cecilla. Tuluyan nang nagising si Ruth. Nang bumangon siya mula sa pagkakahiga ay doon niya naramdaman ang labis na pananakit ng kanyang ulo. Nasapo niya iyon. “Nasa’n ako?” tanong niya. Hindi man lang niya tinapunan ng tingin si Cecilla. “Nasa isa ka sa mga kwarto dito sa mansion ni Mr. Black after kitang gamutin.” Sa sinabing iyon ni Cecilla ay napatingin siya sa kanyang kanang kamay. Tama, hindi isang panaginip ang nangyari. Wala na ang isang kamay niya. Nakabenda na iyon ng maayos. Iginala ni Ruth ang kanyang mata sa magarang silid na kanyang kinaroroonan. Tumayo siya at hinarap si Cecilla. “Ikaw ang gumamot sa akin?” Tumango ito. “Oo. Ako nga. Bakit, ayaw mong maniwala? Well, isa iyan sa trabaho ko bukod sa pagiging secretary ni Mr. Black. Bihira siyang magtiwala sa mga tao at maswerte ako na ako lang ang nag-iisang tao na pinagkakatiwalaan niya. Kaya kung mapapansin mo, wala siyang ibang tauhan kundi ako lang at iyong driver na sumusundo sa iyo.” Tumango-tango siya. “Teka, ang sabi mo, gusto akong makausap ni Mr. Black… Tungkol saan? `Asan siya?” “Ibibigay na niya ang kinita mo. Sumunod ka sa akin…” anito at naglakad na ito palabas ng silid na iyon. Sumunod na lang siya sa babae kahit medyo nahihilo pa. “Ilang araw akong nakatulog?” tanong niya habang nakasunod dito. “Tatlong araw.” “Tatlong araw? Ganoon katagal?” “Yes.” Hindi na siya nagsalita pa. Napakatagal pala niyang nakatulog. Naisip niya tuloy ang kanyang ina. Matapos niyang makuha ang bayad sa kanya ay bibisitahin niya muna ito sa ospital. Pati na rin ang kanyang kapatid. Sa wakas ay narating na nila ang opisina ni Mr. Black. Naroon na ang naturang lalaki at nakatanaw sa malaking bintana. Nang makapasok na siya ay umalis na si Cecilla. Naglakad siya palapit kay Mr. Black at tinawag niya ito. Nakangiti itong humarap sa kanya, suot pa rin ang maskara nito. “Good morning, Ruth. Mabuti naman at nagising ka na—“ “Iyong pera… `asan na?” tanong niya agad. “Whoa! Masyado ka yatang nagmamadali ngayon, Ruth.” “Gusto ko munang umuwi ngayon. Gusto kong makita ang pamilya ko. Ang pera?” “Pero paano ang auction natin mamayang gabi? Naka-schedule ka na magbenta mamaya.” Bigla siyang natahimik. Para pala siyang karneng baboy sa palengke. Binebenta. Nasapo ni Ruth ang ulo. “S-sige… Babalik din agad ako mamayang gabi. Bibilisan ko lang. Kaya ibigay mo na ang pera. Kailangan ko na iyon!” “Masusunod!” turan ni Mr. Black. Naglakad ito patungo sa isang medyo maliit na painting na nakasabit sa dingding. Tinanggal nito ang naturang painting at nakita niya sa likod niyon ang isang vault. Itinapat ni Mr. Black ang hinlalaki nito sa kanang kamay nito at itinapat iyon sa kulay pulang ilaw sa gilid ng vault. Bumukas ang vault at kumuha ito ng pera doon. Napakaraming pera ang kinuha nito. Habang papalapit ito sa kanya ay binibilang nito ang makapal na bungkos ng perang hawak nito. Inilapag iyon sa lamesa at kumuha ng briefcase sa drawer. “Seven million pesos, Ruth… Seventy percent ng ten million pesos!” turan ni Mr. Black. Agad na nilapitan ni Ruth ang pera at nagmamadali na inilagay iyon sa briefcase. Nagmamadali na siya dahil gusto na talaga niyang makita ang kanyang pamilya. Alam niyang nag-aalala na rin ang mga ito sa kanya dahil tatlong araw na rin pala siyang hindi nakikita ng mga iyon. “Anong ibebenta mo mamayang gabi, Ruth?” tanong ni Mr. Black sa kanya. Natigilan siya at nag-isip sabay tingin dito. “Kuko!” at muli niyang ipinagpatuloy ang pag-aayos ng pera. “Kuko?” “Kuko sa paa ko!” Narinig niya ang mahinang pagtawa nito. “Kakaiba ka talaga sa lahat, Ruth! Napapahanga mo ako!” anito. “Aalis na ako.” Sa wakas ay natapos na rin siya sa ginagawa. “Huwag kang mag-alala, Mr. Black, babalik ako mamayang gabi. Marunong akong tumupad sa usapan. At hindi rin ako maaaring tumupad dahil nakasalalay ang buhay ng nanay ko dito!” aniya at tinalikuran na niya ang lalaki. GULO ang isip ni Ruth nang lumabas siya sa ospital kung saan naka-confine ang kanyang ina. Paano kasi ay sinabi ng doktor nito na tumakas ang kanyang ina sa hindi malamang dahilan. Basta na lang daw itong nawala sa kwarto nito kahapon. Wala siyang maisip na dahilan nito para gawin ang bagay na iyon. Umuwi na lang siya sa bahay nila. Pagbukas niya ng pinto ng kanilang barung-barong ay hindi niya inaasahan na makikita doon ang kanyang ina. Naggagayat ito ng mga gulay sa sahig. “N-nanay?” Agad na nangilid ang kanyang luha nang makita ito. Kanina pa kasi siya nag-aalala kung saan ito nagpunta. Nang tumayo ang kanyang Nanay Rita ay sinugod niya ito ng yakap. Hindi na niya napigilan pa ang pag-iyak. “Bakit kayo `andito, `nay? Dapat nasa ospital kayo! Bakit kayo tumakas doon, ha? Nanay naman, eh!” sisigok-sigok na turan niya dito. Kumalas ito ng pagkakayakap sa kanya at pinahid ang luha na namamalisbis sa kanyang pisngi. Inilagay naman niya ang kanyang kanang braso sa likuran upang hindi nito makita ang putol niyang kamay. “Napakaiyakin mo talaga, Ruth!” natatawa pa nitong sabi. “Nanay! Seryoso po ako. Ano bang pumasok sa utak niyo at tumakas kayo sa ospital?” “Nalaman ko kasi na kulang-kulang sampung libo ang gastos ko kada-araw sa ospital na iyon, Ruth. Masyadong malaki at baka mabaon tayo sa utang. Anak, alam kong ikaw ang magsasakripisyo ng lahat kung sakali…” “Pero, nanay, hindi niyo na dapat pa iniisip ang gastos! Akong bahala… Gumagawa na ako ng paraan, `di ba?” Umiling ito sabay tungo. “Sa totoo lang, natatakot ako sa paraan na sinasabi mo, anak. Tanungin man kita kung ano iyon, alam kong hindi mo sasabihin. Kilala kita dahil anak kita, Ruth. Basta, ang gusto ko lang ay `wag ako ang isipin mo kundi ang sarili mo at si Tonton. Matanda na ako, anak… Masaya na ako sa haba ng buhay na ibinigay sa akin ng Diyos.” “Iyon na nga, `nay… Gumagawa na ako ng paraan para mapa-operahan kayo. At sana, huwag niyong sayangin ang effort na ginagawa ko. Lahat ng ito ay para sa inyo ni Tonton.” Muli niya itong niyakap. Mas mahigpit sa pagkakataon na iyon. “Alagaan niyo naman ang sarili niyo! Bumalik na kayo sa ospital, please… Mas matitingnan kayo doon, eh.” “Ayoko, anak. Sige, aalagaan ko ang sarili ko pero ang pagbalik sa ospital ay hindi ko na magagawa pa. Nauumay na ako sa amoy ng gamot doon. Pakiramdam ko ay mas mapapaaga ang buhay ko! Babalik na lang ako doon kapag ooperahan na ako. Sige na, pumayag ka na, anak.” “Nanay naman, eh! Ang kulit niyo! Oo na, payag na ako na dito muna kayo sa bahay pero bibilinan ko ang kapitbahay natin na tingnan kayo dito, ha. Hayaan niyo, ipinapangako ko na ngayong linggo din ay maooperahan kayo,” buong pagmamahal na sabi niya sa kanyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD