Madilim Na Nakaraan

3820 Words
Pedestal Pumatak ang luha ko sa prinint kong picture ni Mak-mak. Hindi ko kailanman makalimutan ang araw na iyon. Ang araw na iyon ang siyang naging simula ng malaking pagbabago sa buhay ko. Gusto ko siya noong tulungan. Ayaw kong mahuli siya at saktan ng mga tanod na humahabol sa kaniya. Nakita ko sa kaniyang mukha noon ang takot. Bago iyon sa aking paningin. Hindi ko siya dati kinakikitaan ng takot sa tuwing may humahabol sa kaniya. Mabilis man ang kaniyang pagtakbo ngunit alam kong maabutan siya ng mga tanod. Mas mabilis akong tumakbo kaysa sa kaniya. Ilang beses ko na siyang tinalo kapag naglalaro kami ng takbuhan. Nang halos matapat siya sa akin ay bigla siyang tumawid sa daan. Nakita ko ang padating na sasakyan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Ang namayani sa aking isipan ay kailangan ko siyang pigilan o kailangan itulak para makaligtas siya sa panganib. Biglang nanaig sa akin ang aming pagkakaibigan. Humakbang ako, ang isang hakbang ay isang napakabilis na pagtakbo. Pikit mata ko siyang itinulak nang alam kong ilang dipa na lang ang layo sa amin ng sasakyan. Sobrang saya ko noong nasiguro kong hindi kami nahagip ng sasakyan. "Anong ginawa mo? Muntik ka ng napahamak ah!" sigaw niya nang nakatawid na kami. Wala kaming panahong magtalo. Natatakot ako para sa kaniya noon. Hindi ako lumilingon sa kabilang kalsada o mismong kalsada kahit may naririnig na akong sigawan. Alam kong sigaw ng mga tao iyon nang makita nilang muntik na kaming masagasaan. "Bilis! Ano pang hinihintay mo! Takbo na!" sigaw ko. "Paano ka! Hindi kita puwedeng iwan!" sagot niya. "Paanong ako! Hindi ako ang hinahabol nila. Ikaw ang hinahabol nila. Bilis!" Ngunit nakailang hakbang palang siya ay nakita ko na siyang hinarang ng isang tanod. Mabilis siyang umatras at tumalikod ngunit nasakote na siya ng isa pa. Maingay ang paligid. Dumami ng dumami ang taong nakiusyoso sa bahaging pinanggalingan naming daan. Ngunit hindi sa kung ano ang nangyari sa daan ang aking konsentrasyon noon. Inagaw ng pansin ko ang pagkahuli nila kay Mak-mak. "Ced! Tulungan mo ako!" sigaw niya. Nagwawala. Pilit niyang tinatanggal ang kamay ng isang tanod sa kaniyang batok at kamay. Tumakbo ako palapit sa kaniya. "Bitiwan ninyo ang kaibigan ko. Wala siyang kasalanan!" sigaw ko. Nakipagtulungan ako sa pagtanggal sa kamay ng tanod. Gusto kong makatakas si Mak-mak noon. Hinawakan niya ang kamay ko. Nakita ko ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi. "Ayaw kong magkalayo tayo Ced! Ikaw lang ang kaibigan ko! Ikaw lang ang nagpapahalaga sa akin!" sigaw niya. Humahagulgol. Desperado na akong iligtas siya noon. Lalo na nang makita kong hinihila lang siyang parang isang criminal. Hinawakan ng isang tanod ang kuwelyo ng damit niya at ang isa tanod naman ay hawak ang dalawa niyang kamay. Padausdos nila itong hinihila dahil ayaw sumama ni Makmak sa kanila ng matiwasay. Natanggal ang pagkakahawak niya sa aking kamay. Naiwan akong naguguluhan kung ano pa ang maari kong gawin. Patuloy ang pagtawag niya sa aking pangalan. Tumakbo ako. Hinabol ko ang dalawang tanod. Sa isang iglap ay kinagat ko ang kamay ng nakahawak sa kamay ni Mak-mak ngunit dahil bata lang ako ay nagawa nitong itinulak ako ng ubod ng lakas. Napaupo ako at sumadsad sa gilid ng lansangan. Hinawakan ng isang tanod si Makmak ng buong higpit sa kaniyang batok. Nagsisihgaw siya sa sakit. Ang isang tanod ay humakbang na palapit sa akin. "Kasabwat ka ba nito ha! Ano! Matapang ka! Gusto mo isama ka namin sa kulungan at sabay kayong mabulok ng kaibigan mo ha!" Paupo akong umatras, padausdos na palayo. "Huliin mo na din 'yan ng magtanda ang dalawang ito!" singhal ng nakahawak kang Makmak. "Huwag ho. Nag-aaral ho 'yan. Di ko nga 'yan kilala. Tumutulong lang sa akin." Sigaw ni Makmak. "Paanong di mo kilala e, alam mo ang pangalan niya." Sagot ng lumalapit sa akin na tanod. Nagkatinginan kami ni Makmak. Gumalaw ang kaniyang ulo at nguso. Hindi man niya sinasabi ngunit naiintindihan ko ang gusto niyang ipagawa sa akin. Ilang hakbang na lang ang layo sa akin ng tanod. "Tumayo ka na Ced! Takbo! Bilis! Hayaan mo na ako! Kaya ko ang sarili ko! Huwag mo akong isipin. Takbo na!" Bago tuluyang nakalapit s akin gang tanod ay mabilis akong tumayo at sinunod ko ang sinabi ni Makmak. Mabilis akong kumaripas ng takbo palayo doon. Ilang hakbang lang ang tanod nang tumigil na ito. Minabuti kong magtago sa likod ng puno at pinagmasdan ko ang unti-unting paghila nila kay Mak-mak palayo sa akin. Naiwan ako doong lumuluha. Tumingin ako sa nagkakagulong mga tao sa daan. May dumating na mga pulis. Pinunasan ko ang luha ko. Biglang naisip ko si nanay. Baka hinihintay na ako no'n. Bago ako makatawid sa daan ay madadaanan ko ang mga nagkukumpulang mga tao. Minabuti kong silipin na muna kung ano ang kanilang pinagkakaguluhan. Sumingit ako hanggang sa nasa harapan na ako. Isang babae ang nakadapa sa kalsada at naliligo ito sa sarili niyang dugo. Kinabahan ako. Hindi ako makakilos sa aking kinatatayuan. Kilala ko ang suot na damit ng babae. Lumapit ang pulis sa nakahandusay na ale. Unti-unti niya itong pinatiyaha para malaman nila ang pagkakakilanlan nito. Nang makita ko ang duguang bangkay ay napasigaw ako. "Nay!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!! Nanay ko!!!!!!!!!!!" Tumakbo ako palapit kay nanay na noon ay nakapikit. Mabilis akong lumuhod at hinawakan ang kamay niya. "Nay! Nanay ko!" paulit-ulit kong sigaw. Nag-uunahan ng bumagtas ang luha sa aking pisngi. Naramdaman ko ang mahinang pagpisil ni nanay sa aking kamay. Unti-unting bumukas ang kaniyang mga mata. "A-nak...an-anak ko!" kasabay iyon ng halos maputol ng hininga ni nanay. Sumikip ang dibdib ko. "Nay! Huwag kang mamatay nay!" bulong ko sa kaniya. Nagmamakaawang huwag niya akong iwan. "Tulungan ninyo kami! Dalhin natin si nanay sa hospital! Parang awa na ninyo! Tulungan ho ninyo kami!" paulit-ulit kong paghingi ng tulong sa mga naroon. "Sa-la-mat sa Di-yos a-nak ligtas ka. A-ka-la ko ka-nina maba-bang-ga ka na ka-ya a-ko tum-akbo para sa-na ilig-tas ka ngu-nit a-ko ang na-na-hagip ng sa-sakyan. A-nak, lagi mong..." may lumabas na dugo sa bibig ni nanay. Naninigas na ang kaniyang mga kamay. Nakita kong hirap na hirap na siyang suminghap ng hangin. "Nay huwag po! Lumaban ka 'nay! Tulungan ninyo kami! Parang awa niyo na ho! Buhay pa si nanay!" May mga nagsilapitan na para tulungan si nanay. Pati ang mga pulis ay inilapit na din nila ang kanilang sasakyan. Hindi ko binitiwan ang pagkakahawak ko sa kamay ni nanay. Nakita kong gumagalaw ang kaniyang labi. Inilapit ko ang aking tainga. "Ma-hal kita, anak. Ma-hal na ma..." hanggang sa naramdaman ko ang isang malakas na paghinga ngunit hindi na naulit pa. Tuluyang humina ang pagkakahawak niya sa aking kamay. "Nay!" ginalaw ko ang kamay niya. "Nay! Huwag mo akong iwan nay! Nay, lumaban ka ho! Hindi ko ho kayang mawala ka...Nay!!! Paano ako Nay!" hanggang sa may humila na sa akin palayo doon. Binuhat nila si nanay pasakay sa sasakyan ng mga pulis. Nagwawala ako. Sumisigaw ako. Ayaw kong mahiwalay kay nanay. Nang naipasok na nila ang katawan ni nanay sa sasakyan ay mabilis din akong sumakay. Hinawakan ko kaagad ang kamay ni nanay. Pakiramdam ko noon ay tuluyan nang nawala ang taong nagmamalasakit sa akin. Ang kakampi ko sa mundo. Ang nanay kong nag-aalaga at nagmamahal sa akin. "Nay, huwag mo akong iwan. Di ko pa kayang mag-isa nay. Paano ako ngayon nay! Nanay Ko! nanay!!!!" paulit-ulit kong isinisigaw. Napuno ng dugo ang uniform ko. Humahagulgol ako. Niyakap ko ang naliligo sa dugong bangkay ni nanay. Nakamasid sa akin ang ilang pulis. Nakita ko sa mata ng ilan ang pag-agos ng luha sa kanilang pisngi. Hindi ko na alam noon kung ano ang kaya kong gawin para huwag lang sanang mawala si nanay sa akin. Masyado pa akong bata para mawalan ng isang ina. Hanggang sa hospital ay walang tigil ang aking pag-iyak. Inilayo ako ng mga pulis kay nanay dahil ipinasok nila ito sa emergency room. Ngunit alam ko noon na patay na si nanay. Iniwan na ako ni nanay. Binigyan ako ng pagkain ng mga pulis ngunit hindi ko iyon pinansin. Si nanay lang ang tanging kailangan ko. Nang inilabas nila ang bangkay ni nanay ay nakumutan na ito ng puti. Sumunod ako hanggang sa inilagak na nila ito sa Morgue. Kinausap ako ng mga pulis na kailangan ko daw silang samahan hanggang sa bahay namin para sila na ang magsabi sa aking pamilya sa buong pangyayari. Ngunit kahit bata palang ako noon ay alam kong magkalaban ang mga pulis at ang grupo namin. Hindi nila dapat malaman na rebelde kami. Hindi ko sila puwedeng isama sa aming kuta. "Dalawa na lang ho kami ni nanay ang nabubuhay ngayon. Wala na po kaming ibang pamilya." Pagsisinungaling ko. "Kahit kamag-anak boy, wala kayo? Saang barangay kayo? May alam ka bang puwede nating tawagan?" "Wala ho!" humihikbi kong sagot. "Sige, ganito na lang. Ipaayos natin ang bangkay ng nanay mo. Babalik kami bukas dito para tulungan ka namin sa pagpapalibing. Okey ka lang ba dito? Kailangan naming gumawa ng report para sa pagkamatay ng nanay mo." "Okey lang ho ako dito." Matigas kong sagot. "Maaring may makakabalik pa sa amin mamaya ngunit sigurado boy, bukas na. Bilhan ka na lang namin ng makakain mo dito. Anong gusto mong kainin ha?" "Wala ho." Humihikbi parin ako. Tumingin sa akin ang pulis. Huminga siya ng malalim. Nakita ko sa kaniyang mukha ang awa sa akin. Binunot niya ang kaniyang pitaka. Naglabas ng limandaan. "Kung may kailangan ka habang wala kami, kahit ano. Bumili ka. Subukan naming makabalik balong ha?" lumuhod ang pulis at niyakap ako. "Ganyan lang ang buhay anak. Tibayan mo lang ang loob mo. Pagkatapos ng libing at kung wala kang mapuntahan, sabihin mo lang sa akin. Huwag kang magdalawang isip na lapitan ako at tutulungan kita ha?" hinaplos ng pulis ang aking buhok saka siya maluha-luhang tumalikod sa akin. Iba ang ginawa ng pulis na iyon sa mga kuwento ni tatay sa akin. Naramdaman ko ang kabutihan niya. Nang umalis na sila ay lumapit ako kay nanay. Muli akong napahagulgol nang nakita ko ang malaking sugat sa kaniyang ulo. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa lalo na nakikita ko ang mapagmahla kong ina ay wala ng buhay. "Nay, patawarin ho ninyo ako. Alam kong kasalanan ko kung bakit ho kayo nabangga. Nanay ko, alam kong gusto niyo lang ho sana akon iligtas. Hindi ko ho sinasadyang mangyari iyon 'nay. Sinisisi ko ho ang sarili ko ngayon kung bakit nangyari sa inyo ito 'nay. Nanay ko!" hinawakan ko ang malamig na mga kamay ni nanay. Pinunasan ko ang luha ko. "Maiwan ko lang ho kayo sandali 'nay. Kailangan ko hong umuwi para masabi kay tatay ang nangyari sa inyo. Babalik ho kami kaagad para sunduin ka naming dito 'nay. Sandali lang ho ako." Mabilis akong umalis. Sumakay muna ako ng jeep papuntang Solano at mula doon ay naglakad takbo na ako papunta sa aming kuta. Hindi ako noon nakaramdam ng takot sa madilim at masukal na gubat. Ang tanging nasa isip ko noon ay ang bangkay ni nanay na kailangan naming mabawi bago mag-umaga o kaya bago makabalik ang mga pulis. Pagdating ko sa aming kuta ay agad akong sinalubong ni tatay. Humihingal pa din ako sa pagod. "Bakit ikaw lang, anak? Nasaan si nanay?" tanong ni tatay na noon ay nag-aabang sa aming pagdating. Pinakalma ko muna ang aking sarili. Huminga ako ng huminga dahil sa pagod na nararamdaman ko. Nang pakiramdam ko ay maayos na aking paghinga ay tumingin sa akin si tatay. Nakita ko agad sa kaniyang mukha ang pagkabahala at pagtataka. "Nasaan si nanay, anak?" tanong muli niya. "Tay, wala na po si nanay." "Anong wala na siya. Sinundo ka lang niya anak? Anong nangyari sa nanay mo?" hinawakan niya ang magkabilang balikat ko. "Patay na po si Nanay, wala na si nanay tay!" Humagulgol ako. Yumakap ako kay tatay. Niyakap niya ako habang nakaluhod siya. Hindi ko man siya naririnig na umiyak ngunit sapat na ang pagpatak ng kaniyang luha sa aking leeg. Hanggang sa gumagalaw na din ang balikat nito. "Anong nangyari sa inyo ni nanay anak? Sabihin mo kay tatay. Anong ginawa nila sa nanay mo?" "Nabundol siya ng sasakyan 'tay. Patay na si nanay nang dalhin ng mga pulis sa hospital." Lumuwang ang pagkakayakap ni tatay sa akin. Tumayo siya. Sumigaw. Pinagmumura ang mga pulis. Hindi ko masabi sa kaniyang walang kasalanan ang mga pulis sa nangyari kay nanay. Alam kong hindi din naman siya makikinig sa akin. Nang marinig ni kuya ang nangyari kay nanay at napasuntok siya sa puno dahil sa galit. Dumugo ang kaniyang kamao. "Nasaan ang nanay mo ngayon?" tanong sa akin ni Kuya Zanjo. Siya lang ang tanging nakaisip noon kung paano maiuwi ang bangkay ni nanay. Niyakap niya ako ng mahigpit. Sa balikat niya ako umiyak ng umiyak hanggang sa naramdaman kong binuhat niya ako at marahan niyang hinaplos ang aking likod. Binalikan namin ang bangkay ni nanay nang mahimasmasan na sina kuya at tatay. Mula noon, naging malupit na si tatay sa mga kalaban. Wala na siyang sinisino. Nakaligtaan na din niya ang responsibilidad niya sa akin bilang anak niya. Tumigil ako sa pag-aaral. Isinama ni nanay sa hukay niya ang lahat ng aking mga pangarap sa buhay. Kasabay ng kaniyang pagkawala ang sana ay kalayaan at karapatan kong maging isang masayang bata. Hindi na ako naalagaan, hindi ko na naramdaman pa ang pagmamahal ni tatay sa akin. Sinisisi ko ang sarili ko sa pagkamatay ni nanay. Nakakadagdag din ang sakit ng kalooban ko nang ipinamukha sa sa akin ni tatay na isa ako sa mga dahilan kung bakit maaga kaming iniwan ni nanay. May tatlong katok sa pintuan ng aking kuwarto. Mabilis kong pinunasan ang aking luha. Kinuha ko ang mga naprint kong pictures ni Makmak at inipit ko iyon sa aking libro. Bumukas ang pintuan. "Kumain ka na anak?" si Papa Patrick. "Hindi pa po." Sagot ko. "E, anong ginagawa mo diyan. Bumaba na at sabayan mo na kaming kumain ng papa mo." "Opo." Maikli kong sagot. Isasara na sana niya ang pintuan ngunit parang biglang may napansin siya sa mukha ko. Pumasok siya. "Bakit namumula ang mga mata mo? Umiiyak ka ba?" "Hindi ho. Kinamot ko lang ho kasi makati." Pagsisinungaling ko. "Ganun ba? May eyemo sa kuwarto. Bago lumala pa 'yan e dapat gamutin na. Baba ka na at kakain na tayo." Bago ako sumunod kay Papa Pat ay muli kong pinagmasdan ang picture ni Makmak. Huminga ako ng malalim. Alam kong wala siyang kasalanan sa pagkabunggo ni nanay noon. Kaya lang hindi ko makalimutan ang araw na iyon dahil iyon na din ang huling araw na nagkita kami. Ni wala na akong naging balita pa sa kaniya mula noon. Pagbaba ko sa sala ay naabutan ko si Manang na nanonood ng teleserye. "Grabe, ang guwapo talaga ng batang 'to." "Si Manang naman, hanggang ngayon kailangan pang bolahin ako." Sagot ko. "Ha? Hindi ikaw ang sinabi ko, guwapo ka naman pero yang batang nasa tv ang sinasabi ko at hindi ikaw." Tumingin ako sa TV. Si Makmak. Nasa teleserye na din pala siya. Huminto ako. Napangiti ako sa kaniyang pag-arte. Natural na natural. Kahit nakasando lang siya ng itim at nakapantalon ng maong ay nangingibabaw pa din ang kaniyang kaguwapuhan. Hindi ko namalayang umupo sa tabi ni Manang. Hindi ko na natanggal ang mga mata ko sa TV. "Ced, ano, kakain na." tawag ni Papa Zanjo. "Pa, sandali lang panonoorin ko lang to, please?" hindi ko inaalis ang nakapako ko nang mga mata sa TV. Patalastas. "Manang kanina pa ba 'yan nagsimula? Anong title niyan?" interesado kong tanong. "Hanggang sa Huling Laban ang pamagat niyan. Ngayon lang 'yan nagsimula. Maganda ano?" "Puwede hong kapag magsimula 'yan gabi-gabi ay tawagin niyo ako? Gusto kong subaybayan eh." "Sige. Patalastas palang naman. Kumain ka na muna doon." "Mamaya na ho. Tapusin ko na lang muna ito." Sagot ko. "Ano ba yang pinapanood ninyo at hindi na makaalis si Cedrick dito, Manang?" si Papa Patrick. Nakapamaywang na. Alam kong kung ganoon ay kailangan ko nang sundin ang sinasabi niya. Tumayo ako ngunit hindi ko maialis ang aking mata sa TV lalo pa't nagsisimula na naman. "Hanggang sa huling laban ang title niya sir. Bagong teleserye. Ngayon lang nagsimula." "Dude! Halika ka dito ah." Tawag ni Papa Pat kay Papa Zanjo. "Akala ko ba kakain na?" bungad ni Papa Zanjo nang nakalapit na sa amin. Nakatutok na kaming tatlo sa TV. "Yung pamagat nang teleserye, Hanggang sa huling laban. May naalala lang ako. Saka yung mga scenes niya, parang nakakarelate ako." Si Papa Patrick. Umupo siya sa tabi ko. Sumunod ding umupo si Papa Zanjo. Nilingon ko sila. Nakatutok na ang kanilang mga mata sa TV. Hinawakan ni papa Zanjo ang kamay ni Papa Pat. Sumandig si Papa Pat sa dibdib ni Papa Zanjo. Tahimik silang nanonood na din ngunit ramdam ko ang pagmamahalan nila sa isa't isa. Tinignan ko ang TV. Eksaktong lumabas na din si Makmak sa scene. Napalunok ako. Nilingon ko ang mga umampon sa akin. Tumingin muli ako sa TV. Sana darating ang araw magiging ganyan din kami ni Makmak. Ngunit paano? Hindi ko na siya maabot. Nakalayo na siya. Sikat na siya. Maalala pa kaya niya ako? "Guwapong bata yung bida ano sir?" si manang. "Anak sino siya? Parang bagong mukha." si Papa Pat. "Si Makmak po." Wala sa sariling sagot ko. "Makmak?" parang hindi pangalan ng artista. Natawa si Papa Zanjo. "Kung anu-ano na lang ang mga pangalan ng artista ngayon." "Mark Kym Santiago po ang buo niyang pangalan Pa." may diin ang sinabi ko. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng pagkairita nang tinawanan ni Papa Zanjo ang pangalan ni Makmak. Pero naisip ko. Tama nga naman si Papa. Hindi ko na dapat tinatawag pa na Makmak si Mark Kym. Malayong-malayo na siya sa dating siya noon. "Hayun naman pala. Mark Kym daw naman pala ang pangalan. Updated ang anak namin ah!" si Papa Patrick. Ginulo niya ang buhok ko. Kinikiliti-kiliti ang tainga ko. "Ehhhh Papa, nanonood ako eh!" "Sungit!" Hindi ko na lang pinansin. Napapangiti ako sa pinapanood ko. Tumaas ang paghanga ko kay Makmak. Gumagaan ang pakiramdam ko sa tuwing naka-focus sa kaniyang mukha ang camera. Ang kaniyang mga ngiti. Ang kaniyang maamong mukha at gumagandang hubog ng katawan. Napalunok ako. Mula noon ay wala na akong pinapalampas na araw na hindi ko mapanood si Makmak. Lahat ng bago niyang picture sa internet ay meron ako. Updated ako lagi sa mga balita tungkol sa kaniya. Bago ako matulog ay ang fanpage niya sa f*******: ang una kong binubuksan at bago matulog ay mukha din niya ang aking pinagmamasdan. Kasama ko sina Papa Pat at Papa Zanjo sa panonood gabi-gabi mula noon. Sa sala na kami kumakain kung nataon na teleserye na niya ang ipapalabas. Alam kong hindi naman talaga mahilig sina Papa manood pero dahil gusto ko kaya ako ang pinapakisamahan nila. Minsan nga doon pa sila mismo nagkukuwentuhan sa sala habang nanonood kami. "Papa kasi, ang ingay e. Di ko naririnig." Nayayamot kong reklamo kapag napapasarap sila ng kunwetuhan at nakakalimutan nilang may nanonood. Napapathumbs-up din ang kakampi kong si Manang kapag ganoong sinusuway ko ang mga magulang kong naglalampungan kahit kumakain kami at nanonood. "Hayan, nagalit na si kuya. Huwag ka kasing magulo dude at lalabas 'yan sa exam niya bukas. Tayo pa ang sisihin kung hindi niya makuha ang tamang sagot." Kasunod iyon ng kanilang pigil na hagikgikan. "Eh, ang kulit naman!" muli kong protesta. Hindi sila sasagot pero magbubulungan sila na parang nang-aasar kaya kadalasan nawawala ang concentration kong panoorin si idol. Hindi naman kasi gaanong mahalaga sa akin ang buong kuwento ng pinapanood ko, basta ang importante sa akin ay masilayan ko si idol gabi-gabi. Kaya kadalasan nauuwi sa asaran ang sana ay seryoso naming panonood. Saka lang ako nakakaconcentrate manood kung may date silang dalawa kapag monthsary nila o anniversary. Lalo na kung bibisita sina Tito Love at Tito Dave, wala na talaga, pista na sa bahay sa sobrang asaran at ingay nia. Daig pa nila ang mga bata kung mag-asaran. Dumaan pa ang panahon. Nagtapos ako ng Elementary. Ipinasok ako nina Papa sa isang mamahaling high school ako. Mula first year hanggang second year ay aktibo kami ni Tzekai sa pagmaintain ng fan page ni idol. Para sa amin, si Mark Kym Santiago ang superstar ng buhay namin. Dumami ng dumami ang nagla-like sa ginawa naming fanpage. Maraming nagmemessage at ipinapaabot kung gaano nila kagustong makita si Mark Kym. Kami nga ni Tzekai ay hindi pa naming nakakaharap si Makmak mapagbibigyan pa kaya naming ang hiling nilang magkaroon ng party kasama si idol? Imposible yata 'yun. Unang nakita ko si Mark Kym nang may mall tour siya. Nakipagsiksikan kami ni Tz ekai para lang makita siya ngunit sa dami ng naunang tao ay hanggang sa pinakadulo lang kami. Kahit gaano siya kalayo sa akin noon ay langit na din iyong maituturing. Kinikilig ako lalo na nang kumanta siya. "Kumusta kayo sa likod." Singit niya noon sa kinakanta niya. "We love you, Mark Kym!" sabay naming sigaw ni Tzekai. Gusto namin na kahit malayo kami ay marinig niya ang buong lakas naming isinigaw. Naglingunan ang mga nasa harap at sides namin. Kumaway si idol sa amin. "I love you too!" sagot niya. Kinilig kaming dalawa. "Ohh ano! Ha! Inggit lang ang peg ninyo? E-eksena din kaya kayo at hindi ganyang nakasimangot kayo sa amin. Hellow! Maganda kami! May karapatan kami! E, kayo?" si Tzekai na kahit kailan ay isang maldita at palaban kahit saan kami makarating. "Uyy ano ka ba? Huwag kang mang-away sa mga katulad nating fans. Baka mamaya isa sa kanila ang mga naglike sa fan page natin para kay Mark Kym. Behave ka nga. Saka ikaw lang ang halata sa atin. Lalaking-lalaki ang hitsura ko tapos di mo na iginalang." "Ayy oo nga, pamintang to! Ewan ko sa'yo. Sarap kaya magpakatotoo!" "Sandali nga. Uyy! Kita mo? Parang nakatingin si Mark Kym sa atin. Nakilala niya kaya ako? Alam niya kayang ako ito?" kilig kong bulong kay Tzekai. "Ilusyonada! Andiyan ka parin sa pangarap mong kababata mo siya. Tama na yung President ako at Vice-President ka ng hindi official na fans club niya. 15k na din ang naglike sa page natin ano. Sana mapansin iyon ng Manager niya at tawagan niya tayo para makilala natin siya ano?" "Two years na nga iyon, wala naman nangyayari. Sa totoo lang, nawawalan na ako ng pag-asa na dahil diyan sa f*******: na 'yan ay mapapansin din tayo. Ilang taon pa ba ang kailangan nating hintayin. Ilang likes ba ang kailangan nating ipunin. Lagi naman tayong present sa lahat ng mall tour, nanonood sa premier nights ng mga movies niya pero sa kasawiampalad na hindi man lang natin siya malapitan. Kahit nga sa mga pelikulang extra lang siya o kaya napadaan lang, hindi din natin pinapalagpas puntahan pero anyare?" "Nganga!" nakatawang sagot ni Tzekai. "Ano ka ba, huwag kang mawalan ng pag-asa. Hinihila mo ako sa pagiging nega mo. Malalapitan din natin siya! Makikilala din niya tayo. Malay mo maging bestfriends pa niya tayo. Positive ako diyan." At tulad ng mga nakaraang gabi. Uuwi kami ni Tzekai. Mangangarap na sana next time makikilala na niya kami. Makaka-handshake din namin siya. Kahit iyon lang siguro masaya na ako. Kahit makadaupang palad ko lang si idol. Kahit hindi na niya ako maaalala pa. Masaya na ako kahit malapitan ko lang at makamayan ang superstar ng buhay ko. Hihiga na sana ako nang tumunog ang iphone ko. "Hellow. Napatawag ka bespren!" "OMG! Makinig ka! Hindi ka maniniwala pero this is it!" kinikilig na bungad ni Tzekai. At mukhang magkakatotoo na nga ang aking pangarap. Makikilala na kaya ako ni Makmak kung magkaharap na kami ng malapitan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD