Jheanne's Pov
Hindi ko maintindihan pero ang weird ng paligid ngayon. Ang tahimik. Simula ng dumating kami ni Ubi galing sa pamamasyal at naabutan namin si Hugo sa labas ng unit ko kanina ay heto kami ni Ubi ngayon, hindi nagpapansinan.
Nakaupo siya sa sofa at nanonood ng tv at heto ako sa dining nakaupo at nakatulala. Sinubukan ko naman siyang kausapin kanina pero hindi niya ako pinapansin. Naroon na naman siya sa sariling mundo niya. At ayaw ko naman siyang istorbuhin.
I heard my phone ringing, at nasa sala iyon. Sa center table na nakaharap kay Ubi. I was about to come there to get my phone pero bigla na lamang sumalubong sa akin si Ubi sa bukana ng dining at hawak nito ang phone ko. Ibinigay niya ito sa akin at nginitian ko siya habang tinatanggap ko iyon.
"T-Thanks Ubi..."
Hala bakit ba ako nauutal?
Walang salita na namutawi sa labi niya, basta na lamang siya tumalikod at bumalik sa kinauupuan niya. I heave a sigh, ano ba ang problema niya?
Bakit bigla yata siyang naging suplado?
Nalipat ang atensyon ko sa cellphone ko nang patuloy pa rin iyon sa pag-ring.
It was mom calling me.
Kaagad ko pinindot ang button upang sagutin ang tawag niya.
"Yes, mom?"
Bumuntonghininga si Mommy, at hindi ko alam kung para saan iyon. "You okay, mom?" segunda ko pa.
"Yes, baby, I'm okay. How are you?" balik-tanong niya mula sa kabilang linya.
Naupo ako sa silya at naitukod ko ang isang kamay sa kabilang pisngi ko habang nakatingin naman ako kay Ubi na nasa sala lamang at tahimik na nanonood ng tv.
"I'm okay, mom. Yes, I'm okay." nakangiti kong tugon. Ngunit nagsimula na lamang mahulog ang mga luha ko sa aking pisngi na hindi ko namalayan.
Maybe saying it's okay is okay, even if the truth is it's not. Minsan madaling magsabi ng salita pero hindi malaman ang tunay na kahulugan. Katulad ko, sinasabi ko na okay lang ako kahit alam ko deep inside ay nasasaktan pa rin ako.
Eh, alangan naman kasi na maglumpasay ako sa kakaiyak at magmokmok dahil hindi ako sinipot ni Hugo sa kasal namin? Para ko na rin sinabing mahina akong nilalang kapag ginawa ko iyon. Yes, okay lang maging mahina, pero ang hindi okay ay sumuko ka dahil lang sa walang kuwentang lalaki kagaya ni Hugo. At okay lang masaktan, parte iyon ng buhay natin, ang hindi okay ay kung habang buhay mo silang hahayaan na saktan ka.
Wala rin namang masama sa pagiging mahina, pero ang masama ay kung habang buhay ka nalang ganoon. Stand up and fight. Iyon ang pangaral ko sa sarili ko.
Alam kong kahit iiyak pa ako nang iiyak ay wala nang magbabago pa sa amin ni Hugo, tanggap ko na ipinalit niya ako sa kaibigan ko, pero ang hindi ko matanggap ay ang ipamukha niya sa akin na hindi ko kaya na wala siya buhay ko. Kayo lalo ko pang pag-iigihan ang pagpapanggap ko na fiancé ko si Ubi nang sa ganoon ay makaganti man lang sa lalaking iyon.
Alam ko rin na masama ang ginagawa kong ito, na hindi ito maganda dahil ginagamit ko si Ubi, pero willing naman siya eh. Matino naman siyang kausap at pumayag siya. Ang hindi ko lang alam ay kung hanggang saan ang pagpapanggap na ito. At hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ng mga magulang ko kapag nalaman nila ito.
"Jheanne, are you still there?"
Napakurap-kurap ako nang marinig ang boses ni Mom. Naalis ko ang pagtukod ng kamay ko sa pisngi, at hinilot ang sentido ko.
"Yes, mom, narito po ako. Ano po iyon ulit?" nakagat ko ang pang-ibabang labi matapos iyon sabihin.
Once again, narinig kong bumuntonghininga si Mom.
"I'm inviting you two for dinner tonight. Dito sa mansion, and I am hoping na dadating kayo ng fiancé mo,"
Sa sinabi ni Mom ay binalingan ko si Ubi, and this time ay nakatingin na siya sa akin. Biglang kumabog ang puso ko nang magtama ang mga mata namin. Hindi siya umiwas, at hindi ko rin magawang umiwas sa titig niya.
Parang nahihipotismo ako sa klase ng paninitig niya, matiim iyon at tila nanghihigop. Nang bigla ay napahawak siya sa kaniyang noo, at kasabay rin niyon ay nagsalita ulit si Mom.
"Jheanne?"
Hindi ko maialis ang titig kay Ubi. He's acting weird again. May masakit ba sa ulo niya? Base kasi sa nakikita ko ay para bang nasasaktan siya dahil sinasabunutan na niya ang sarili niya!
"Mom? Ah, yes, ma! Pupunta kami ni Ubi. Sige po, magre-ready na kami. Bye mom!" Hindi ko na hinintay pang sumagot si Mommy Anne. Pinatayan ko na ito ng tawag at mabilis kong tinakbo si Ubi sa sala.
"Hey-hey-hey!" Nilapitan ko siya at hinawakan sa braso. Ngunit laking gulat ko nang bigla niya akong itulak palayo sa kaniya.
"Stay away from me!" Dumagundong ang boses niya sa kabuuan ng sala at hindi ko maiwasang kilabutan.
"U-Ubi?" sambit ko sa pangalan niya habang nanginginig ang tono ng pananalita ko. Napahawak rin ako sa aking leeg dahil sa tensyon na nararamdaman ko.
Sinabunutan niya ang sarili, napaatras naman ako. Hanggang sa marahas niya akong balingan at matiim na pinagkatitigan na tila ba inaaral niya o inaalala ang itsura ko.
Lalo akong natakot at hindi ko magawang ibuka ang bibig ko, hanggang sa napa-iyak na lamang ako. Napaupo ako sa sofa at naisubsob ko ang mukha sa dalawang palad ko.
Ano ba ang nangyayari sa kaniya? Pangalawang beses na ito na naging ganiyan siya. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na nagpapasok ako ng tao sa condo ko na hindi ko lubusang kilala. Baka mamaya mamamatay tao pala siya!
Sa isiping iyon ay mabilis akong napatayo. Ngunit isang matipunong dibdib ang nabunggo ng ulo ko. Nang mag-angat ako ng tingin, nagtagpo ang mga mata namin. Nakatayo na pala siya sa harapan ko at nakapamulsa ito. Sa isang iglap ay tila nawala ang takot na kanina lang ay nadarama ko. Bumalik na kasi ang itsura niya sa dati, ang Ubi na una kong nakilala.
"I-Is t-that y-you...Ubi?" garalgal ang boses na tanong ko sa kaniya.
Walang pag-alinlangan naman siyang tumango at ngumiti. Lalo akong napa-iyak at wala sa sarili na niyakap siya. Sumubsob ang mukha ko sa dibdib niya at doon ay umiyak ako nang umiyak. Tila ba lahat ng bigat na nararamdaman ko sa dibdib ay ibinuhos ko lahat sa pamamagitan ng pag-iyak.
"I'm sorry if I scared you. Sumakit lang kasi ang ulo ko kanina," pahayag niya.
Mabilis akong kumalas ng yakap sa kaniya at tumingala ako para tingnan siya. "Eh, bakit naman kasi nakakatakot kang tumingin, ha? Alam mo bang iniisip ko na baka mamamatay tao ka at bigla mo na lang akong sakalin?" umiiyak kong turan.
Mapakla siyang natawa sa sinabi ko. Tumaas ang kamay niya, ang akala ko ay sasakalin niya nga ako pero hindi pala. Pinahid niya ang mga luha na kumalat sa pisngi ko.
"That won't never happen, Jhe. I am not a monster." nakangiti niyang tugon.
Napangiti ako sapagkat ngayon ko lang yata narinig na binanggit niya ang pangalan ko.
Hinampas ko rin ang dibdib niya, "Bakit ka ba nag-e-english? I mean, marunong ka, Ubi. Alam kong wala ako sa lugar para magtanong sayo, pero gusto pa rin kitang tanongin kung...sino ka ba talaga? Sino ang totoo mong pangalan? Alam mo ba kung saan ka nakatira? May mga kapatid ka ba o mga magulang pa?" Sa sunod-sunod kong sinabi ay wala siyang naging reaksyon. Nakatitig lang siya sa akin at umiling.
"Ang dami kong itinanong tapos iling lang ang sagot mo?" napatawa na lang ako sa sarili ko. Ngumiti lang din siya sa akin.
Hanggang sa magsalita siya sa seryusong tinig.
"Hindi ko kilala ang ako, Jheanne. Pero kilala ko ang taong nagligtas sa akin, at ikaw iyon."
Nagseryuso ang mukha ko sa sinabi niya. Seryuso rin siya habang sinasabi niya iyon sa akin. Para sa akin ay malalim ang ibig sabihin ng mga salitang binanggit niya, at hindi ko iyon maunawaan ng maayos.
Minsan lamang siya magsalita pero tumatatak iyon sa isipan ko. Sa sinabi niya ay napaisip ako. Maaaring hindi nga niya kilala ang sarili at hindi ko maintindihan kung bakit. Matino naman kasi siya at alam kong hindi siya siraulo. May tawag sa bagay na iyon at sa ngayon ay hindi ko mabanggit-banggit.
"Ubi...salamat rin at dumating ka," Nginitian ko siya, "hindi nga kita kilala, oo. Pero may tiwala naman ako sayo na hindi mo ako sasakalin sa kahimbingan ng tulog ko." Tumawa siya ng malutong kaya napaawang ang labi ko.
"Walang nakakatawa, Ubi!" Hinampas ko ang braso niya. Ngunit napahiyaw pa ako nang bigla na lamang niya akong buhatin at ihiga sa sofa. Tumunghay siya at pinagkatitigan ako ng mariin. Sunod-sunod naman akong napalunok. Pigil ko ang paglabas ng hininga ko, at sa tanang buhay ko ay ngayon lang tumibok ng ganito ang puso ko.
Nakagat ko ang pang-ibabang labi nang bumaba roon ang mga titig niya.
Habang nakatitig siya sa mga labi ko ay nagsalita siya, "Hindi ako nananakal, Jhe. Pero nananakmal, oo." He was about to kiss me when the buzzer rang.
Napabuntonghininga siya at napatuwid ng tayo. Siya na rin ang pumunta sa pinto upang tingnan kung sino ang nasa labas. At ako? Naiwan ako at nanatiling nakahiga sa sofa habang ang palad ay nakasapo sa dibdib ko na walang tigil sa pagtibok ng malakas.