ALEXA POV
Kanina pa wala sa harap ko si David pero nakasampak pa rin ako ng upo sa semento. Pakiramdam ko naubos ang lakas ko dahil sa matagal na pag-iyak.
Parang dinudurog ang puso ko sa bawat salitang binabato nito sa akin kanina. Nasasaktan ako pero kasalanan ko rin naman kung bakit galit siya sa akin.
"Ate Alex.." Narinig kong may tumawag sa akin kaya't dahan-dahan akong nag-angat ng tingin. Sumalubong sa akin ang nag-aalalang mukha ni Dave.
Lumapit ito sa akin at inalalayan akong makatayo. Nakita kong nasa likuran pala nito ang mga kaibigan ng kapatid nito.
Iba't-ibang emosyon ang nakikita ko sa mukha nito. Lungkot, awa, simpatya.
"Nasaan si David?" tanong nito sa akin ng makatayo na ako.
Nahihiya namang tumango ako at pasimpleng pinunasan ang mukha ko. Pakiramdam ko magang-maga na ang mata ko.
"Umalis na siya, Dave. Kanina pa," sagot ko. Hindi ko napigilan ang mapasigok dahil sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Nakita ko namang napailing ito at saka nagpakawala nang buntong-hininga.
"Sinaktan ka ba niya?" seryoso nitong tanong. Mabilis naman akong umiling bilang sagot sa tanong nito. Hindi naman talaga ako sinaktan, hindi niya sinasadyang maitulak ako, alam ko.
Mukhang naniwala naman ito sa akin dahil tumango-tango na ito. "Ihahatid na kita pauwi, Ate," sabi pa nito.
Umiling naman ako. "Huwag na, kayo kung umuwing mag-isa," tanggi ko.
"Hindi safe na umuwi kang mag-isa, Alex. Malalim na ang gabi," sabi naman ni Mike na nasa tabi ni Dave.
"Tama si Mike, Ate, lalo na sa estado mong iyan na mukhang hindi mo pa kayang mag-isip ng maayos," sabi naman ni Dave.
Wala naman akong nagawa kun'di ang tumango na lamang. May punto naman din talaga sila, hindi ko kayang makapag-isip ng tamang gagawin. Idagdag pang may kalayuan ang Bar na kinaroroonan namin sa apartment na tinutuluyan ko. Napadpad lang ako rito kaka-stalk kay David.
"Let's go, Ate," pag-aaya ni Dave at hinawakan pa ako sa aking braso. Inalalayan ako nitong makasakay sa kotse nito.
Habang daan ay tahimik lamang ako. Hindi ko alam kung paano kakausapin si Dave. Nahihiya rin naman ako sa kaniya kahit pa nga hindi siya galit sa akin.
Bago bumaba sa kotse nito ay nagpasalamat pa ako kay Dave. Nang bumaba na ako ay hindi ko alam na bababa rin ito at sumunod sa akin. Tahimik itong sumunod sa akin hanggang sa may pinto ng apartment ko. Kagaya ko wala pa rin itong imik.
Binuksan ko na ang pinto ng apartment ko at akmang papasok pero nakatayo pa rin ito sa puwesto nito.
"Gusto mo bang pumasok muna?" tanong ko rito.
"Yes, please," sagot nito. Kiming ngumiti naman ako rito bago niluwagan ang bukas ng aking pintuan. Tuloy-tuloy lamang ito at hindi na nito hinintay na alukin kong maupo, nagkusa na kasi ito.
Hinayaan ko naman ito at dumiretso sa kusina para ikuha ito ng maiinom. Nagtimpla ako ng kape at saka iyon dinala sa sala. Kape lang ang stock na mayro'n ako rito dahil hindi ko na naasikaso ang pag-go-grocery dahil sa kaka-stalk ko kay David.
At namiss ko itong apartment ko, dalawang taon din akong hindi nakabalik dito. Sa loob ng dalawang taong pananatili roon ay hindi ko inaasahan na makakabalik pa ako. Sino bang mag-aakala na makaka-survived ako.
Marahan kong pinunasan ang luhang namalisbis sa mukha ko. Hindi ko maiwasang hindi malungkot kapag naaalala ko ang mga pinagdaanan ko. Tila bangungot sa akin ang dalawang taon na iyon ng buhay ko.
Bangungot na akala ko hindi ko na malalagpasan pa kahit kailan. Bangungot na naging dahilan kung bakit kinailangan kong iwanan ang lalaking mahal na mahal ko. Kung bakit ngayon ay kinamumuhian niya ako ng sobra-sobra.
Pinunasan ko muna ang mga luha ko bago lumapit kay Dave na ngayon ay prenteng nakaupo habang nakapikit.
Tumikhim ako para kunin ang atensyon nito. Mabilis naman itong umayos ng upo at tinanggap ang kapeng tangan ko.
"Thank you, Ate," sabi pa nito. Tumango lang naman ako bilang sagot dito.
Humigop muna ito ng kape bago iyon ibinaba sa lamesa. At pagkuwa'y tumingin sa akin na parang nahihiya.
"About David, pasensya ka na kung ano man ang mga nasabi niya sa'yo, Ate."
Kiming ngumiti ako rito. "Hindi mo kailangang humingi ng pasensya sa 'kin. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa kapatid mo kaya naiintindihan ko kung nasabi niya ang mga bagay na iyon. Sana lang pumayag siyang makapag-usap kami," malungkot na sabi ko rito.
Sandaling katahimikan ang namayani sa pagitan naming dalawa. Pagkuwa'y muli itong tumingin sa akin.
"Are you sure, na gusto mo talagang balikan si David?" tanong nito na ikinatango ko naman. "Pero kagaya ng sinabi ko sa'yo kanina, hindi magiging madali ang gusto mo, Ate. Siguro naman nakita mo na kanina kung ano ang ibig kong sabihin."
Nalungkot naman ako nang maalala ko ang galit na galit na mukha ni David kanina. Alam kong iba na talaga siya, dati kasi kahit galit siya sa akin hindi niya ako magagawang saktan physically, pero kanina nagawa niya akong itulak at murahin.
"Mas'yado siyang nasaktan sa ginawa mo noon, Ate, maraming nagbago, maraming nangyari." Lalo akong nalungkot sa pahayag nito.
"Ate.." untag nito sa akin. Hindi ko kasi alam kung anong maaari kong sabihin.
"Alam ko naman iyon eh. Naiintindihan ko kung anong pinanggagalingan niya, Dave at nang bumalik ako rito inihanda ko na ang sarili ko sa mga posibilidad na mangyari. Isa lang naman ang gusto ko eh, ay bigyan niya ako ng pagkakataon para masabi sa kaniya kung bakit kinailangan ko siyang iwan noon."
Mataman naman itong nakatingin sa akin.
"May pag-asa pa naman ako, hindi ba?" puno nang pag-asam na tanong ko rito.
"Hindi ko kayang sagutin iyan, Ate, sana nga may pag-asa pa kayong dalawa. Pero sa nakikita ko, alam kong mahihirapan ka, mas'yadong malalim ang sugat na iniwan mo kay David. Hindi naging madali ang naging proseso niya na kalimutan ka, maraming buwan siyang nagdusa noong umalis ka at iniwan siya. Mahal na mahal ka niya noon, Ate, kaya sobrang nawasak siya nang umalis ka at ngayon kailangan mong habaan ang pasensya mo sa mga salitang masasabi niya sa'yo."
"Dave..." sabi ko. Nakita ko kasing umigting ang panga nito habang nagkukuwento sa akin tungkol sa kapatid nito.
"Halos ikamatay niya nang umalis ka, Ate. Iyon ang dahilan kung bakit parang galit siya sa mundo, kung bakit galit na galit siya sa'yo."
Lalo akong nalungkot sa mga sinabi ni Dave. Alam kong hindi niya iyon sinasabi para i-discourage ako, kun'di para ihanda ko ang sarili ko sa mga posibilidad na mangyayari.
"Naiintindihan ko, Dave, alam kong malaki ang kasalanan ko sa kaniya at handa akong bumawi. Mahal na mahal ko siya, Dave hanggang ngayon siya pa rin," garalgal na sabi ko. "Sana magawa niyang pakinggan ang dahilan ko, hindi naman ako umalis dahil gusto ko, umalis ako kasi alam kung iyon ang makabubuti para sa kaniya. Kahit galit siya sa akin ngayon, wala akong pinagsisisihan sa naging desisyon ko noon, Dave. Iyon ang tamang gawin ng mga oras na iyon." Tuluyan na akong napaiyak dahil do'n, napasubsob ako sa aking tuhod habang patuloy na lumuluha. Hindi ako nagsisisi sa desisyon ko pero nasasaktan ako.
Naramdaman kong hinagod ni Dave ang likod ko. "Wala akong alam sa totoong dahilan kung bakit ka umalis, Ate. Lahat naman kami nagalit sa'yo eh pero sa akin mas pinili kong unawain ka na lang. I'm sure may dahilan ka kung bakit, dahil saksi naman ako noon kung gaano mo kamahal ang kapatid ko."
Nag-angat ako ng mukha at tumingin kay Dave. "I'm sorry, Dave. I'm sorry," impit na iyak na sabi ko.
Ngumiti naman ito dahilan para mapanatag ang loob ko.
"Stop crying, Ate, it's okay. Naiintindihan kita, wala kang magiging problema sa akin at sa pamilya namin. Si David lang ang galit sa'yo pero ang pamilya namin ay hindi na, I'm sure napatawad ka na nila. Lalo na si Allesa at Allison, miss na miss ka na ng dalawang iyon, matagal silang naghanap nang umalis ka, Ate."
"Talaga?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Yes, tumigil lang sila sa paghahanap noong maaksidente si David." Mabilis akong napalingon kay Dave dahil sa sinabi nito. Nanlaki ang mga mata ko sa rebelasyon nitong iyon.
Naaksidente si David?
"Yes, Ate, naaksidente si David nang umalis ka. Kaya nakiusap si Mommy sa mga kaibigan mo na tigilan na ang paghahanap sa'yo. Dumating na kami sa punto na hindi na kami puwedeng mag-usap ng tungkol sa'yo sa harap niya. Sa tuwing maririnig niya ang pangalan mo nagwawala siya, Ate. Kaya simula no'n hindi na kami nagtangkang magsalita ng ano man tungkol sa'yo." Hiyang-hiya naman akong napatungo na lamang matapos nitong magsalita.
Wala akong idea na muntik na pa lang mamatay si David dahil sa pag-alis kong iyon. Hindi ko alam kung paano hihingi ng tawad sa pamilya nito. Maging kay David mismo, ngayon pa lang gusto ko nang panghinaan ng loob.
"Kaya kahit gusto kitang tulungan, sa huli si David pa rin ang magdi-decide kung tatanggapin ka niya o hindi na." Nakakaunawang tumango naman ako rito at pagkuwa'y tumingin kay Dave.
"Salamat, Dave. Ang malaman ko na napatawad mo na ko ay malaking bagay para sa akin. Maraming salamat dahil ganiyan mo pa rin ako itrato matapos ang mga nangyari noon," sabi ko at hinawakan ang kamay nito. "Gagawin ko ang lahat para bumalik iyong dating David na kapatid ninyo. Nang bumalik ako rito ay buo ang loob ko, at ipagpapatuloy ko pa rin kung ano ang plano ko kahit ilang beses niya akong itulak palayo." Puno nang determinasyon na sabi ko rito.
Nang makita ko itong ngumiti ay alam kong nakuha ko ang suporta nito sa gagawin ko.
"Magtitiwala ako, Ate Alex. Alam kong this time hindi mo na sasaktan ang kapatid ko."
Napangiti naman ako sa sinabi nito.
"Salamat, Dave, makakaasa kang hindi ko na sasaktan ang Kuya mo. Mahal na mahal ko siya at hindi ko na sasayangin ang pagkakataon kong ito. Hinding-hindi ko susukuan ang kapatid mo, Dave."
Malawak ang ngiting humarap ito sa akin. "Susuportahan kita, Ate."
"Thank you, Dave, mas lumakas ang loob ko dahil alam kong nariyan ka para suportahan ako. Salamat talaga," buong pusong pasasalamat ko naman.
"Welcome, Ate, so paano maiiwan na kita rito ha. Gabi na rin kasi may trabaho pa ako bukas." Tumayo na ito kaya't hinatid ko na ito hanggang sa labas ng apartment ko.
Ilang sandali pa kaming nag-usap ni Dave bago ito tuluyang umalis. Pumasok na ako sa loob at dumiretso sa aking kuwarto.
Habang nakahiga ay hindi mawala-wala ang mga ngiti sa aking mga labi. Masaya akong nakuha ko ang suporta ni Dave para sa gagawin ko. At malaking bagay na iyon para sa akin.
Napatitig ako sa kisame ng apartment na tinitirhan ko at saka muling inaalala ang unang araw nang aming pagtatagpo ni David. Ang unang araw kung saan unang nagsanga ang aming mga landas.
Five years ago
Palabas na ako ng hospital kung saan ako naka-duty nang mag-ring ang cellphone ko. Nagmamadali ko iyong kinuha at saka sinagot.
"Bakit?" sagot ko sa kabilang linya. Ang best friend kong si Allison ang nasa kabilang linya.
"Anong bakit? Nasaan ka na ba, kanina pa ako rito sa harap ng hospital ah!" inis na bungad nito sa akin.
May usapan kasi kami nitong uuwi ng Batangas, sa farm na pag-aari ng pamilya nito. Na hindi naman dapat farm ang tawag kun'di hacienda. Ilang beses na kasi akong nakarating doon at talagang napakaganda. Napakapresko ng hangin at ang lawak ng lupain ng mga ito.
Sa loob ng anim na taon na pagkakaibigan ay sobrang solid na ang samahan namin. Gano'n din ang pinsan nitong si Allesa. Anak naman ito ng Tito ni Allison. Ang Daddy ni Allison na si Tito Denver ay may tatlong kapatid. Ang panganay ay si Tito Derek na once ko na ring nakilala. May anak daw itong tatlong lalaki pero ang dalawa pa lamang ang nakikita at nakikilala ko. Never ko pang na-meet sa personal ang isang anak nito. Si Tito Dior naman ang Daddy ni Allesa.
Nakilala ko si Allison at Allesa noong college day namin. Dahil mahirap lamang ako ay lagi akong tampulan ng tukso at pangungutya ng mga kaklase ko. Sa UP Manila kasi ang nag-college. Scholar ako kaya nakapasok ako roon. Habang si Allison at Allesa naman ay bukod sa matalino ay mayaman ang angkan nito. Kaya hindi nakapagtataka na sa UP sila nag-aaral. Nang minsan na ibinully ako ng mga estudyante ay nakita ng dalawang babae. Pinagtanggol nila ako sa mga bully noon. At simula nga noon ay naging kaibigan ko na sila. At ngayon nga ay best friend ko na sila. At anim na taon na ang friendship naming tatlo.
"Hoy, ano na, Alexa?!" Napakurap naman ako nang marinig ko itong gigil na nagsalita. Bahagya ko pang inilayo ang cellphone sa tainga ko dahil literal na ang lakas ng boses nito.
"Kailangan talaga nakasigaw?" asik ko. Para kasing may speaker ang babaeng ito sa lakas ng boses.
"Ang bingi mo kasi eh!" asar pang sabi nito. "Asan ka na ba kasi, ha?" iritang tanong pa nito.
"Palabas na po Madame!" Mas binilisan ko naman ang paglalakad ko. Nasa may pinto pa lamang ako ay natanaw ko na ito. Nasa labas ito ng sasakyan nito at nakasandal sa hood ng kotse habang masama ang tingin sa akin.
Nakataas pa ang kilay ng bruha. Nakakrus pa sa dibdib nito ang dalawang braso. Napakataray ng awra nito. Pero hanggang awra lang naman iyon dahil ubod ng bait ang best friend kong ito.
Natatawang nilapitan ko ito at niyakap. "Ang nguso naman, nanghahaba na, my friend," pagbibiro ko. Malakas naman nitong hinampas ang aking braso dahilan para mapa-aray
"Huwag mo akong ma-friend-friend diyan! Buwisit ka, pinaghintay mo talaga ako?" naniningkit ang matang tanong nito.
"Sorry naman. May huling pasyente pa ako eh," sabi ko. Isang nurse ako sa isang pambublikong hospital.
Sumimangot naman ito. "Bakit ako rin naman ah! Pero na-late ba ako? Langya ka, sinundo na nga kita pinaghintay mo pa ako!" buwisit na sabi nito sabay kuha ng kamay ko.
Napakunot ang noo ko nang makitang nilagay nito sa kamay ko ang susi nito.
"Anong gagawin ko rito?" Tukoy ko sa susi.
Inirapan naman ako nito. "Malamang gagamitin mo para tumakbo ang kotse ko! Try mo ring lunukin baka maging si Darna ka!" mataray na sabi nito.
Natawa naman ako sa banat nito. Mukhang badtrip ang babaeng ito.
"Susi ito, Alli, hindi bato!" pagsakay ko naman sa kalokohan nito.
"Try mo na rin baka umipekto sa'yo,gl gaga!" asik pa nito.
Sa halip na mainis ay natawa na lamang ako rito. Sanay na ako sa ugali nito. Minsan mainit ang ulo, lalo na kapag pagod sa trabaho. Doktor kasi si Alli, kaya alam kong hindi biro ang trabaho nito. Sumakay na ako sa kotse nito at ako na ang nag-drive. Pabagsak itong umupo sa tabi ko. Mukhang pagod na pagod kasi ito.
Kawawa naman ang best friend ko. Nasa daan na kami nang magsalita ito habang nakapikit.
"Drive safely, ha. Idlip lang ako, Alex," sabi nito. Napangiti naman ako. Malaki ang tiwala nito sa akin kaya hinahayaan ako nitong ipag-drive ko siya. Ito pa nga ang nagturo sa akin na matuto para raw may driver siya. Oh 'di ba ang galing nitong best friend ko.
"Alexa!" untag nito habang nakapikit pa rin.
"Yes, Madame. Sleep na po," sabi ko naman. Umungol lamang ito bilang sagot sa akin. At habang daan ay hinayaan ko itong makatulog. Medyo traffic kaya siguradong tanghali na kami makakarating sa Batangas. Galing pa kasi kami ng Makati.
Inabot na kami ng dalawang oras at kalahati sa daan. Nang makarating sa farm nila ay hindi ko muna ito ginising. Hinayaan ko muna itong makaidlip muna. Naipasok ko na sa gate ang kotse nito pero hindi pa kami bumababa.
Nag-aayos ako ng mga gamit namin nang makatanggap ako ng tawag mula kay Allesa. Nagtatanong na ito kung nasaan na raw kami. Binuksan ko ang pinto ng kotse nito at ginising na ang best friend kong masarap ang tulog.
Mukhang naalimpungatan pa ito. "Wake up na, Madame. Narito na po tayo sa inyong kaharian," sabi ko pa rito.
Nanlaki naman ang mata nito. "Seryoso?"
"Yes, Madame, actually kanina pa tayo rito. Hindi lang kita ginising ang sarap ng hilik mo eh." Hinampas naman ako nito sa braso. Ang bigat ng kamay jusko.
"Hindi ako humihilik, ano?"
Napangiti naman ako. "Paano mo malalaman eh tulog ka nga, aber?"
"Heh! Basta hindi ako humihilik, ano?" deny pa rin nito.
"Fine, hindi na kung hindi basta bumaba ka na riyan," sabi ko. Mabilis naman ang kilos nitong bumaba na rin.
Naglakad na kami papunta sa Mansion ng Lola at Lolo nito. Madalas kasing narito ang buong angkan dahil narito ang mga magulang nila Tito Denver.
Halos linggo-linggo ay may family dinner sila kasama ang kanilang abuelo. At minsan lang ako makasama sa kanila dahil sa trabaho ko. Madalas kasi ay night shift ako.
Habang naglalakad ay nakita kong papalapit si Allesa sa amin. Ngiting-ngiti itong lumapit.
"Hey, finally nakarating na kayo."
"Yeah, medyo traffic eh, kaya tinanghali na kami," sagot ko. "Ginawa pa akong driver nitong pinsan mo! Yanong galing at tinulugan pa ako buong byahe," kunwari ay inis na sabi ko. Pero nagbibiro lang naman ako.
Kahit ipag-drive ko sila araw-araw ay okay lang. Walang-wala iyon kumpara sa lahat nang ginawa nilang tulong sa akin noong nag-aaral ako ng college.
"Okay lang iyan, sulit naman ang pagod mo mamaya, promise," sagot naman ni Allesa. Nakita ko pa ang pagngiti nito sa pinsan nito. Iyong ngiting parang may laman.
"Tsk! Ewan ko sa inyo, bakit pala ganiyan ang ngiti mo?" hindi nakatiis na puna ko rito. Sa halip na sumagot ay mas lalo lang lumawak ang ngiti nito.
"May surprise kasi kami sa'yo eh," sagot nito. Napakunot naman ang aking noo.
"Surprise? Why, hindi ko naman birthday ah."
"Pag-birthday lang ba dapat ang surprise?" tanong ni Allesa.
Umiling naman ako.
"I'm sure, matutuwa ka talaga. As in Alex," ngiting-ngiti nitong sabi sabay kindat. Bigla naman akong kinabahan sa inakto nito.
"Anong surpri--" Magtatanong pa sana ako nang hilahin na ako ni Allesa papasok ng bahay. Walang naman akong nagawa kun'di ang magpahila rito. Wala naman kasi akong choice dahil sa likuran ko ay tinutulak naman ako ni Allison.
Nang makapasok sa loob ay dumiretso kami sa sala at naroon na pala ang pamilya nila. Pawang mga nakangiti.
Isa-isa silang bumati sa amin ni Allison. Ewan ko ba pero may kakaiba sa mga tingin nila sa akin. At kinakabahan talaga ako.
"Hi Alex, mabuti naman nakasama ka ngayon. Magtatampo na talaga ako kung hindi ka nakarating," ani Tita Mila at niyakap ako nito. Mommy ito ng Best friend kong si Allison. Gumanti naman ako ng yakap dito.
Humiwalay lamang ako rito nang may tumikhim mula sa likuran ko. Si Allison pala.
Masama ang tingin nito sa akin habang nakakrus ang mga braso sa tapat ng dibdib nito. Sabay-sabay kaming nagtawanan dahil nagseselos na naman ito dahil nauna pa akong yakapin ng Mommy nito kaysa rito.