Chapter 2 - Raekia Town
Isinuot ko ang puting t-shirt at itim na pantalon ko. Nagpangginaw ako dahil ayon kina Nicy, magiging malamig ang paligid namin dahil June na ngayon. Hindi ko alam kung nagbibiro ba siya pero nang tingnan ko ang labas ng bintana, nakita kong umuulan ng nyebe.
Nasa inn kami ngayon na pagmamay-ari nina Nicy. Nakilala ko ang mama niya na si Tita Leth at ang kaniyang papa na si Tito Jo. Hindi pa naman sila ganoon katanda. Siguro ay nasa kwarenta anyos pa lamang sila. Nag-iisa lang siyang anak ng mga ito kaya medyo spoiled siya.
Iba-iba ang binebenta ng mga magulang niya rito sa inn depende sa panahon at oras. Tiningnan ko ang menu nila at puro soup ngayon. Alas sais pa lang naman kasi ng umaga at sobrang ginaw pa. Syempre, kailangan kong magbayad dahil business nila ito.
"Good morning, Limea!" bati ni Alton habang pababa sa hagdan na gawa sa kahoy.
Dito na rin siya tumutuloy gaya ko. Si Jian naman ay nasa tabi ng inn dahil may sarili silang bahay. Kasama niya ang tita niya sa bahay dahil wala na ang parents niya. Mukhang open naman siya sa ganoong usapan dahil nakakangiti na siya.
Mayroon din siyang alagang aso na hindi ko pa nakikita hanggang ngayon. Hindi talaga ako mahilig sa mga aso lalo na at mortal enemies kami. Not really enemies pero hindi lang talaga namin gusto ang isa't isa.
"Morning," nakangising sabi ko. Naiilang kasi ako dahil hindi naman ako palangiting tao. Hindi rin ako magaling makipagkaibigan. Baka kasi hindi nila ako magustuhan o baka maasar sila sa'kin kapag nagkataon. Kinakausap ko lang ang ibang tao kapag kinausap nila ako.
"Good morning, Tita, Tito. Si Nicy po?" tanong niya.
Mukhang kagigising lang din niya dahil parang maga pa ang mga mata niya pero napakaayos naman ng buhok. Dahil medyo kilala ko na ang mga lalaki, alam kong mas conscious pa sila sa mga buhok nila kaysa mga babae. Minsan kasi ang mga babae, pagkagising at bago matulog lang kung magsuklay ng buhok.
Umupo siya sa harap ko at um-order na rin ng soup.
Halos gawa lang sa kahoy ang buong inn. Mula sa pundasyon, mga pader at pati na rin ang mga kagamitan sa bahay ay gawa sa iba't ibang kahoy. Nagbibigay tuloy ito ng kakaibang pakiramdam lalo na at malamig sa labas. Parang gusto ko tuloy alamin kung anong klaseng kahoy ang gamit sa pagpapatayo nito dahil hindi ko ramdam ang lamig na nagmumula sa labas.
May mga frames na nakasabit sa bawat pader pero puro quotes iyon, o 'di kaya naman ay mga abstract paintings. Hindi ko alam kung sila ang nagpinta niyon pero na-enjoy ko ang pagsuri sa kanila kanina paggising ko.
"Naku! Natutulog pa rin. Malamig kasi kaya mukhang napasarap ang tulog. Teka at gigisingin ko na," ani Tita. Ibinaba niya ang pinupunasang mangkok sa mesa at saka umakyat sa taas.
"Sasamahan niya raw po kasi kami na maglibot sa buong Town. I-eenroll na rin daw niya kami pero natutulog pa rin siya," sabi ni Alton, natatawa habang sumisimsim sa kanyang mushroom soup.
"Mukhang tulog pa rin si Jian. Na-miss yata masyado ang mga kama nila. Buong bakasyon kasi sila wala rito kaya nakakapanibago," ani Tito Jo habang nagluluto ng Chicken soup.
Naubos ko na rin ang mushroom soup ko pero hindi pa rin ako umalis. Gusto ko na rin kasing maglibot sa buong Raekia Town. Hihintayin ko na lang din siguro silang dalawa. Masarap magluto sina Tito at tita, mukhang beterano na sila pagdating dito.
Hindi naman nagtagal ay dumating na si Jian na mukhang inaantok pa talaga. Si Nicy naman ay ganoon din. Mukhang mga tulog pa kahit na kasama namin. Mabuti na lang at nagising ni Alton ang dalawang ito. Nagtawanan tuloy sila at nag-asaran na para bang ang tagal na nilang magkakakilala.
Ang bilis nilang mapalapit sa isa't isa kahit na pakiramdam ko ay ang hirap. Hindi ko magawang makipagkwentuhan sa kanila na para bang matagal na kaming magkakaibigan. Ewan ko. Natatakot ako sa magiging tingin nila sa'kin at baka layuan nila ako.
Nagpaalam kami sa mga magulang ni Nicy bago lumabas. Kahit na nakapangginaw ako ay ramdam ko pa rin ang kilabot sa balat ko. Kaunti pa lang ang nyebe na naaapakan namin pero kakaiba na ang pakiramdam ko. Pakiramdam ko ay magkakasakit ako.
"Mula sa istayon na binabaan natin ay dumaan tayo sa isang gubat na kung tawagin ay Fleob Forest. Iyon ang Timog na bahagi ng Raekia," pagpapaliwanag ni Jian.
"Sa Fleob forest nangangaso ang ilang hunters na pwedeng ipagbenta sa palengke tulad ng mga hayop, mga prutas na mapipitas at kung anu-ano pang mga kakaibang bagay. Hindi natin napagmasdan iyon dahil mga tulog tayo," sabi ni Nicy, natawa sa huling sinabi niya.
"Kung ipagpapatuloy mo ang paglalakad papunta sa Hilaga ay madadaanan natin ang Andcel Market kung nasaan ang inn na tinutuluyan natin. Sa lugar na iyon kadalasan dinadala ang mga nahuhuli ng mga mangangaso at mangingisda."
"Sa pagpapatuloy naman ay isang palatubigan ang madadaanan natin bago ang kaharian ng Raekia. Mga isda naman ang kinukuha nila sa lugar na iyon. Aquanice naman ang tawag sa bahaging ito," pagpapatuloy ni Nicy.
"Madalang na nga lang ngayon dahil malamig. Tiyak na wala silang mahuhuli. Mabuti na lang at handa ang ilang mga pamilya na nagbebenta," dugtong pa ni Jian sa sinasabi ni Nicy.
"Last but not the least, sa Hilaga ay naroon ang Raekia Kingdom kung saan naninirahan ang hari at reyna ng Raekia na sina Haring Lazarus at Reyna Felicity," ani Nicy. Pumulot siya ng mga nyebe at ginawa iyong bilog. Inihagis niya iyon kay Jian na inilagaan naman ng huli.
"Kung ganoon, nasaan ang paaralan ng Raekia?" tanong ko. Sabay-sabay silang napatingin sa'kin dahil sa tanong ko.
"Ang Raekia Kingdom ay napalilibutan ng paaralan, ang Kianesis University! Doon kami nag-aaral at hindi magtatagal, doon na rin kayo papasok," sagot ni Nicy.
Nagkatinginan kami ni Alton dahil sa pagtataka.
"Paano nangyari 'yon? Hindi ko maintindihan," ani Alton, umiiling pa dahil sa pagkalito.
"Maiintindihan niyo rin kapag sumama kayo sa'min sa loob. Tara na at i-eenroll na rin namin kayo. Mas mapapadali ang pagpasok niyo kung kasama niyo kami!" sabi ni Nicy, malawak ang pagkakangiti dahil siguro sa excitement. Medyo tumaas na rin kasi ang tono ng pananalita niya.
Nagpatuloy kami sa paglakad. Sa isang mahabang bridge kami dumaan at tanaw namin ang buong Aquanice mula roon. Maaari kang mag-skate dahil nagyeyelo ang buong palatubigan. Gusto ko na tuloy makita ang itsura nito kapag walang snow. Sigurado akong asul na asul ang kulay nito.
Tumigil lang kami sa paglalakad nang makarating kami sa isang mataas na gate. Halos apat na palapag na building ang taas niyon kaya hindi mo makikita ang kabilang bahagi. May mga numero ito sa gilid pataas. Numerong nagsisimula sa isa hanggang numero sampu. Masyado pa akong namamangha sa taas nito nang bigla na lang bumukas ang gate.
Napatingin ako kay Nicy na tinutulak ang gate. Napaawang ang labi ko dahil sa gulat. Napakalaki ng gate na iyon kaya paano niya naitulak iyon nang ganoon na lang? Isa pa, legal ba ang ginagawa niya? Paano kung makulong kami dahil dito?
"S-Sigurado ba kayo sa ginagawa niyo?" Hindi ko maiwasang hindi magtanong. Baka kasi hindi pa ako nagsisimula sa pag-aaral ay ipatapon na ako agad dahil sa ginagawa ni Nicy.
"Don't worry. Ganito talaga pumasok sa lugar na ito," ani Jian. Kinindatan pa niya ako para sabihing ayos lang ang ginagawa namin.
"Pwede naman tayo sa maliit na pinto dumaan. Bakit kailangan pa nating magpakahirap?" tanong ko habang nakaturo sa pinto sa gilid. Mukhang isang susi lang ang kailangan namin sa isang iyon.
"Tama nga ang sabi nina manong sa'kin." Napatingin ako kay Alton dahil sa sinabi niya. "Ayon sa kaniya, dalawang pinto lang ang mapagpipilian ng kahit sinumang pumunta rito at sumubok na pumasok."
"Mukhang maalam ang manong na tinutukoy mo, Alton." Tumango-tango pa si Jian.
"Oo naman! Ayon pa sa kaniya, tanging ang mga may kakayahan lang ang pwedeng pumasok sa malaking gate na ito. Kung hindi mo pa kaya ay may isa ka pang pagpipilian," aniya sabay tingin sa maliit na pinto. "Ang isa naman ay doon sa pinto kung saan susi lang ang kailangan."
"So, bakit nga hindi na lang doon? Mukhang nahihirapan na si Nicy," sabi ko habang nakatingin kay Nicy na nabuksan na ang pang-apat na gate. Hindi ko maiwasang hindi mapangiwi dahil mukhang hanggang doon na lang ang kaya niya.
"Kung sa maliit na pinto tayo dadaan, isang malayo at mapanganib na gubat ang tatahakin natin. Hindi natin masisigurado kung mabubuhay pa ba tayo dahil ayon sa mga nakapasok dito ay may iba't ibang mababangis na hayop sa loob."
"Sorry. Mukhang hanggang panglima lang ang kaya ko. Pasok na," aniya habang nakangiti sa aming tatlo.
Hindi na kami nag-aksaya ng oras at pumasok na sa loob. Pinanood ko pa ang pagsara ng gate dahil mukhang sobrang bigat nito. Paano kaya naitulak ni Nicy iyon nang mag-isa?
Dumagundong ang kinatatayuan namin nang dahil sa pagsara ng gate. Para bang kapag nabuksan mo ito ay magsasara ito nang kusa kung hindi mo mapipigilan. Tiyak na maiipit ka roon kapag hindi ka nakapasok agad. Ayoko na isipin pa kung ano ang kahihinatnan ko.
"Wow!" Napatingin ako kay Alton nang sinabi niya iyon.
Pakiramdam ko ay nanlaki ang mga mata ko at nalaglag ang panga ko dahil sa nasisilayan ko. Doon ko nakita kung gaano kaganda ang lugar na ito. Wala akong masabi.
Sobrang lawak ng paligid namin. Sa magkabilang gilid namin ay may matataas na bakod na humihiwalay sa mapunong lugar. Transparent iyon kaya kita ko ang iba't ibang mga kakaibang hayop sa kabila niyon. Para bang gusto kaming sugurin kung hindi lang dahil sa bakod.
May kuryente na dumadaloy sa bakod na iyon. Parang may plastik sa pagitan naming naghihiwalay sa'min. Ngayon ko lang napansing hindi na umuulan ng nyebe sa lugar na ito pero malamig pa rin ang simoy ng hangin. Para kaming pumasok sa ibang lugar.
Tinitigan ko ang kakaibang hayop na nasa likod ng bakod. Para itong ulo ng isang aso, kulay dilaw ang mga mata at puti ang buong mabalahibong katawan. Halos kasintangkad na siya ng bakod kaya nakatingala ako sa kaniya. Hindi ko maiwasang hindi matakot habang nakatingin sa mga mata nito.
"Sila ay mga Fire Foxes. Bumubuga sila ng apoy kapag nakaramdam sila ng panganib. Nalilimitahan lang ito dahil kapag bumuga sila ng apoy at tumama sa mga bakod na iyan ay babalik lang sa kanila ang mga apoy. Kung ako sa inyo, huwag muna kayong lalapit sa kanila," payo sa 'min ni Jian.
Nagpatuloy sila sa paglalakad sa harap kaya naputol ang tingin ko sa isa sa kanila. Hindi pala siya nag-iisa, marami sila sa likod ng bakod na ito.
Nakakatakot... nakakakilabot ang mga tingin nila. Para bang gusto ka nilang lamunin nang buo kung hindi lang dahil sa harang. Napapahawak na lang ako sa braso dahil sa pagtayo ng mga balahibo ko.
Inalis ko ang atensyon sa kanila. Imbis na matakot sa sunod na makita ay mas lalo akong napanganga. Kitang-kita mula rito ang mataas na kaharian ng Raekia. Hindi iyon mahirap makilala dahil sa flag nitong kulay asul na may tatlong bituin sa top-right nito.
"Ang mataas na kastilyong iyon ay ang Raekia Kingdom. Saan ninyo gustong magsimulang mag-tour? Sa kanan o sa kaliwa?" tanong ni Nicy sa amin habang nakaturo sa dalawang daan na magkahiwalay.
"Anywhere's better, right?"
Tumango kami sa sinabi ni Alton. Kahit saan naman ay ayos lang talaga. Makikita naman namin iyon kahit na saan magsimula.
Sa kanan namin nakita ang iba't ibang mga pinto. Para bang may kalumaan na ang mga ito ngunit wala namang mga anay. Gawa kasi ito sa mahogany. May iba't ibang mga pangalan din iyon sa itaas. May mga salita gaya ng Swords, Archers, Heal, Wizards, Witch at kung ano-ano pang mga pangalang ngayon ko lang halos narinig.
"Dito niyo pag-aaralan ang kahit na anong gusto niyong matutunan. Isa akong archer kaya naman bihasa na ako sa paggamit ng pana at palaso. Sa mga patimpalak ay isa akong support. Madalas lang akong magtago para hindi makita ng mga kalaban," ani Nicy.
"Isa naman akong healer. Isa rin akong support sa mga patimpalak dahil iyon ang gamit ng kapangyarihan ko. Bihasa naman ako sa mga mahika na makakatulong sa pagpapagaling ko sa iba at sa sarili ko," ani Jian.
"Wow, cool!" bulalas ni Alton.
"Kayo? Ano naman ang pag-aaralan niyo? Kung gusto niyo ay pwede tayong bumuo ng group at magpataas ng ranggo!" sambit ni Nicy na para bang buo na ang desisyon at wala na kaming magagawa.
Agad na kumunot ang noo namin ni Alton. "Ranggo? Para saan naman ang mga ranggo?" tanong ni Alton.
"Malalaman niyo rin. Pero sa ngayon, kailangan niyo munang mag-enrol!"