Chapter 1 - Goodbye-Hello
"Sigurado ka na ba, Limea? Tiyak na mag-aalala ang parents mo kapag nalaman nilang wala ka na sa bahay niyo," ani Jester, pinsan ko sa mother side.
"Wala na akong pakialam, Jes. Ito na ang pasya ko. Mukhang hindi naman ako kabilang sa pamilya nila kaya aalis na lang ako," sabi ko.
"How can you say that? Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal sa'yo ni Tito. Nakikita ko namang gusto kang maging close ni Tita Leah dahil ikaw lang ang babae niyang anak," sabi niya.
Inilagay niya ang dalawang kamay sa batok niya habang naglalakad kaming dalawa. Kunwari pang sinasabihan ako pero ito siya at sasama na sa akin para sumakay sa train na papuntang Raekia Town.
"Nasasabi mo iyan kasi hindi naman ikaw ang nakakasama nila. Kapag nandoon ako sa bahay, lagi na lang akong sinesermunan ni Papa. Nakakasawa na," pagmamaktol ko sabay irap.
Bumuntong-hininga na lang siya. "Ikaw ang bahala. Ang tigas talaga ng ulo mo."
Nginisian ko na lang siya at saka nagpatuloy sa paghatak sa maleta ko. Kailangan kong magmadali dahil tiyak na alam na nilang aalis ako. Wala na kasi halos lahat ng gamit sa cabinet at tangay ko na lahat.
Papunta ako sa Raekia Town kung saan nakatira si Mama noong nabubuhay pa siya at hindi pa nag-aasawa. Isa siyang magaling na archer noong kabataan niya. Ang alam ko ay may paaralan doon kung saan nahasa niya ang talento at balak kong mag-aral doon. Kailangan kong ibaling ang atensyon ko sa ibang bagay habang hinihintay ang katapusan ko.
Magandang pagbuntunan ang paaralang ito dahil hindi siya ganoon kasikat. Balita ko nga ay ilan lang ang nakakaalam nito. Noong nabubuhay pa si Mama ay halos bente lang daw ang lahat ng estudyante at isang section lang sila. Mahigpit din daw kasi ang pagtanggap doon. Kailangan mo pang dumaan sa isang pagsubok na sila lang ang nakakaalam.
Hindi man ako siguradong matatanggap ako ay susubukan ko pa rin. Kung hindi naman ako matanggap, doon pa rin ang bagsak ko. Mangungupahan na lang siguro ako at maghahanap ng trabaho.
Bahala na...
"Mag-iingat ka, Pinsan. Wala ako roon para bantayan ka. Huwag na huwag kang gagawa ng kalokohan," paalala niya habang malawak ang pagkakangisi.
Tinaasan ko siya ng kilay pero napangiti pa rin ako. "Sabihin mo 'yan sa sarili mo, Jes. Mauna na ako," sabi ko.
Umupo ako sa isang bakanteng upuan nang makapasok sa loob ng train. Kumaway pa ako sa bintana nang makita ko si Jes. Prente lang siyang nakasandal sa isang poste, parang isang modelo. Napapatingin tuloy ang ilan sa kaniya dahil mukha siyang nagpo-photoshoot.
Umiling na lang ako nang kindatan niya ako. Napaiwas lang ako ng tingin sa kaniya nang maramdaman ko ang pagtabi sa akin ng isa pang pasahero. Bahagya akong umusod upang makaupo siya.
Tinuon ko na lang ang tingin sa labas para hindi ako mainip.
May naupo pang dalawang babae sa harap namin nitong katabi ko. Kumunot ang noo ko dahil ang ingay nila. Hindi ko naman sila masuway dahil hindi naman sa akin ang train na ito. Kung may magagawa lang ako ay naipatapon ko na sila sa labas.
Ngunit nakuha nila ang atensyon ko nang banggitin nila ang pangalang Raekia. Mukhang doon din ang punta ng dalawang babaeng ito.
"Na-mimiss ko na sina mama at ang potato mushroom niya! Sana makarating na agad tayo sa Raekia," ani babaeng may kulay pulang buhok na naka-pigtail. Mas maputi siya sa kausap niyang kulay kayumanggi naman ang balat.
"Miss ko na ang alaga kong aso. Tapos na ang bakasyon kaya aral mode on na naman tayo. Nakakainis!" bulalas naman ng kasama nitong may mahaba, straight at itim na buhok. Maganda rin siya gaya ng kasama niya.
Sisingit sana ako sa usapan nila nang biglang magsalita ang lalaking katabi ko. "Sa Raekia kayo nakatira?" tanong niya. Hindi na yata napigilan ang kuryosidad na nararamdaman.
Nagkatinginan muna ang dalawang babae bago sagutin ito. "Oo. Bakit? Doon din ba ang punta mo?" tanong ng may kulay pulang buhok.
"Bago lang ako. Doon ako pinag-aaral ng parents ko pero wala akong ideya kung paano makakapunta roon," sabi ng lalaki habang kinakamot ang batok. Naka-clean cut at itim na itim ang buhok niya. Naka-side view siya kaya hindi ko siya makita nang maayos pero matangos ang ilong niya.
"Great! Pwede ka naming samahan," sabi ng babaeng mahaba at straight ang buhok.
"Ako nga pala si Nicy Morit! Sa Raekia kami nag-aaral," ani babaeng naka-pigtail. Napansin kong ang hyper niyang kumilos kahit na nakikipagkamay lang naman siya.
"Ako naman si Jian Gonzales. Kung may tanong ka tungkol sa school ay pwede mo naman kaming tanungin," ani Jian. Napansin ko namang may pagkamahinhin ito kumpara kay Nicy.
"Alton Heather. Maraming salamat! Mukhang hindi ako maliligaw sa unang araw ko," ani lalaki. Tulad ni Nicy ay may pagka-hyper din siya. Napakalawak niya ring ngumiti na para bang tuwang-tuwa sa kung ano.
I looked at them with bored eyes. Hindi ko alam pero naging hobby ko na rin ito. Ang sipatin ang mga galaw ng iba't ibang tao.
Siguro, naging hobby ko ito dahil nagsusulat ako ng mga nobela. Doon ko lang kasi nasasabi kung ano talaga ang gusto kong sabihin. Sa pamamagitan ng pagsulat, nailalabas ko kung ano ang nararamdaman ko tungkol sa isang bagay o tao.
Matagal pa silang nag-usap. Nakatulog na ako at lahat ay nagku-kuwentuhan pa rin sila. Wala akong ideya kung ano pero hinayaan ko na lang. Mukhang ito ang paraan nila para hindi sila ma-bored sa byahe.
Nilibot ko ang tingin sa paligid at kaunti na lamang ang tao. Mukhang nakababa na ang ilan sa kanila pero hindi pa rin kami nakararating sa dapat naming puntahan. Nag-alala pa naman ako na baka maligaw ako pero dahil may kakilala na akong pupunta roon ay hindi na ako kinabahan.
"Next stop, Raekia Town. Next stop, Raekia Town."
"Nandito na tayo. Ihanda niyo na ang mga gamit niyo para hindi tayo mahuli sa sakayan ng bus doon," ani Nicy.
Inayos ko na rin ang gamit ko. Nang dahil sa ginawa ko ay napatingin silang tatlo sa akin. Hindi ko sana sila papansinin kung hindi lang ako tinanong ni Alton.
"Sa Raekia rin ba ang punta mo?" tanong niya sa'kin.
Tiningnan ko naman siya. Sa hindi malamang dahilan ay napalunok siya dahil sa ginawa ko. Umiwas na lang ako dahil mukhang ayaw niya sa'kin.
"Oo," tipid na sagot ko.
Hindi na sila nagsalita kaya naman hindi na rin ako nag-abala pa. Mukhang alam nila kung ano ang sasakyan kaya sa kanila na lang ako sasabay. Wala naman sigurong masama kung sasabay ako sa kanila.
Nang huminto ang train, agad kaming lumabas. Dala-dala ang mga gamit namin ay bumaba kami sa isang maalikabok na platform. Hindi iyon tulad ng ibang train stations dahil mukhang abandunado na ang isang ito at gawa lamang ito sa kahoy. May parte pa nga roon na butas na at mukhang walang balak na palitan.
Ang creepy rin ng paligid dahil hindi normal ang pagkadilim ng paligid. Halos alas kwatro pa lang kasi ng hapon. Masyado ring malamig ang hangin sa kinatatayuan namin na nagbibigay ng kakaibang kilabot sa'kin. Hindi naman ganoon kahangin.
Napansin ko ring apat lang kaming lumabas ng train kahit na ba ang daming tao roon. Hindi ko nga alam kung guni-guni ko lang ba o ano pero ang weird ng tingin ng mga tao sa loob habang nakatingin sa amin.
Ano ba'ng problema nila?
"Sigurado ba kayong dito iyon?" tanong ni Alton. Nais ko ring itanong iyan.
"Oo naman. Ilang ulit na kaming nagbabalik-balik dito kaya hindi kami pwedeng magkamali," sabi ni Nicy habang pinapagpagan ang pantalon na naalikabukan.
"Pero bakit parang wala namang bumababa sa station na 'to? Tingnan mo nga at isang platform lang ang binabaan natin. Muntik pa tayong magkasyang apat," sambit ni Alton.
Natawa si Jian sa sinabi niya at siya na ang sumagot sa tanong nito. "Wala kasi talagang nagpupunta rito sa lugar na ito kundi ang mga gaya naming dito lumaki. Kaya nga nagulat kami kanina noong nalaman naming dito ang punta mo."
"Hindi ba sikat ang school ng Raekia? Kakaiba kasi ang pangalan kaya sa tingin ko dapat mas sikat ang mga ganitong lugar."
"Hindi naman sa hindi sikat. Sa katunayan nga ay lahat ng tao alam ang pangalang ito. Pero hindi sila nagtatangkang pumunta rito dahil natatakot sila."
Nakita kong magtatanong pa sana si Alton pero narinig na namin ang busina ng isang sasakyan. Mukhang ito na ang magdadala sa amin sa baryo ng Raekia. Mas maliit ito kumpara sa normal na bus at kulang dalawampung tao lamang ang kasya sa loob.
Agad kaming sumakay roon. Nagulat pa yata silang tatlo nang mapansin akong nakasunod sa kanila.
"Kanina ka pa riyan?" tanong ni Nicy habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa 'kin.
Kunot-noo ko siyang sinagot. "Kanina niyo pa ako kasama noong bumaba sa train."
Nagkatinginan sila ulit at saka naupo sa bakanteng upuan. Umupo naman ako sa bandang likod nila.
"Masyado ka kasing tahimik kaya hindi ka namin napansin. Magsalita ka minsan para maisali ka namin sa usapan namin," sabi ni Alton, nakangiti sa gawi ko.
Tumango lang ako sa kaniya dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa kanila. Wala naman kasi akong masabi kanina kaya hindi ako sumali sa usapan. Lahat din naman ng tanong ko ay tinatanong na ni Alton kaya wala akong naging problema.
Sa buong byahe namin, natulog kaming apat. Mukhang dinadapuan din pala sila ng pagod kaya nauna akong gumising sa kanila. Tinapik ko lang ang mga balikat nila nang sabihin ni manong driver sa amin na nasa babaan na kami. Hindi na raw siya pwedeng pumasok sa bayan.
"Nakaka-miss talaga!" bulalas ni Nicy nang makalabas kami. Nag-inat pa siya at nag-stretching dahil kanina pa raw siya nakaupo. Kumunot ang noo niya nang mapansin ang dala kong gamit. "Ang dami mo namang dala. Para ka namang naglayas. Nakamaleta ka pa talaga!" sabi niya, natawa sa sariling komento.
Napayuko na lang ako dahil sa sinabi niya.
"Don't tell me..." Hindi tinapos ni Jian ang dapat niyang sasabihin.
"Naglayas ka talaga?!" bulalas na tanong ni Nicy habang nakatingin sa 'kin, nanlalaki na naman ang mga mata.
Tumango ako sa naging tanong niya at mas lalong napahigpit ang kapit sa maleta ko.
"Huwag nga kayong ganiyan! Baka naman may dahilan siya kaya niya ginawa 'yon. Tara na muna't maghanap ng matutuluyan bago tayo gumala," ani Alton.
Gumaan ang loob ko nang ngitian niya ako. Mukhang naiintindihan niya kung bakit ako lumayas pero hindi na lang siya nagtanong. Tumahimik na rin sina Nicy at Jian. Na-guilty tuloy ako dahil biglang nawala ang masayang aura nila dahil sa'kin.
"Okay lang naman kung huwag niyo na akong isama. Maghahanap na lang ako ng matutuluyan mag-isa," mahinang sambit ko.
"Huh? Bakit naman? Doon ka na lang sa inn namin pumunta para hindi ka na mahirapan. Baka maloko ka pa ng ilan dito. Mahirap na," ani Nicy.
"Tama si Nicy. Nga pala, ano ang pangalan mo? Hindi pa namin naitatanong. Sorry nga pala kanina. Na-guilty kasi kami sa pagtanong sa 'yo. Naging insensitive kami," sabi ni Jian.
"Ayos lang. Kasalanan ko rin naman. Kung hindi lang ako bumuntot sa inyo ay hindi mawawala ang masayang aura niyo."
"Wala 'yon. Pwede naman tayong maging magkakaibigan, 'no!" bulalas ni Nicy.
Napangiti ako dahil sa sinabi niya. "Oo naman. Ako nga pala si Limea, Limea Meadow. Nice to meet you."