Chapter 6 - The ST Bosses
"You need to concentrate."
Nilibot ko ang tingin ko dahil sa pagtataka pero wala naman akong nakitang nagsasalita. Lahat sila ay nakatingin lang sa 'kin at hinihintay lang ang sunod kong gagawin.
Teka, sino ba iyon? Guni-guni ko lang ba 'yon o may lalaki talagang bumubulong sa 'kin?
"Everything that you see in the air are just puppets. But watch them carefully, they fly according to specific orders," aniya.
Hindi ko talaga alam kung sino ang naririnig ko pero ginawa ko pa rin ang sinasabi niya.
Pinanood ko ang mga uwak na lumilipad sa itaas. Pinanood ko ang isa sa kanila at may pattern siya na sinusundan. Ganoon din ang iba pang ibon nang pagmasdan ko sila. Nawala lang ako sa konsentrasyon nang marinig ko ang naiinip na boses ng mga nanonood.
Nang makabisado ko ang bawat galaw ng mga uwak ay nagplano ako agad kung saan ko patatamain ang mga patalim. Sabay kong inihagis ang dalawang pares ng daggers at hinintay ang pagkakataon para patamain ang natitira kong daggers sa dalawa.
Nang makita kong malapit nang magdikit ang pares ng daggers sa itaas ay mabilis at malakas kong inihagis ang isa pang dagger at pinatama sa dalawa. Sabay-sabay bumalik sa kamay ko ang mga daggers kasabay nang pagkawala ng mga uwak sa itaas. Para silang mga bubog na nalaglag sa amin na nakalikha ng kumikinang na mga bagay.
"Waa! Ang galing."
"Mga Rank C lang ba talaga sila?"
"Sino ba sila? Kilala niyo ba?"
Nakahinga ako nang malalim nang matapos iyon. Ang buong akala ko kasi ay hindi ko magagawa. Maraming salamat sa lalaking nagbigay sa akin ng impormasyon. Napadilat ako nang maalala ko ang mga tinig na iyon.
Muli kong tiningnan ang paligid para hanapin iyon. Kinakausap ako nina Eunice pero hindi ko magawang mag-focus sa sinasabi nila. Nahihilo na ako pero hindi ko pa rin mahanap ang gusto kong makita.
Nang dahil siguro sa pagod ay nanghihina akong napaupo sa sahig. Sa tingin ko ay mawawalan na naman ako ng malay. Sobrang inantok ako na gusto ko ng matulog. Pero bago ko ipikit ang mga mata ko, nakita ko siya. Nakatingin lang siya sa 'kin bago tumakbo palayo.
Who are you?
"PINATATAWAG KA po sa ST Headquarters, Sir Floyd," ani isang tauhan. Nakasuot ito ng armor na may logo ng Technology Group na tatlong bilog na nakaikot sa isa't isa. Ang ST ay acronym ng Science and Technology, sila ang namamahala sa mga training rooms at equipments ng mga estudyante.
Isa sa mga guro ni Sebastian Floyd ang namumuno ngayon sa ST Group. Naging malaki na rin ang parte niya sa grupong ito lalo na at isa siya sa ipinadadala upang puksain ang mga masasamang Marcollds.
Muling sinulyapan ni Sebastian ang walang malay na si Limea bago lumabas sa clinic. Nagtataka kasi siya sa inasta nito bago ito mawalan ng malay. Para itong may hinahanap sa kung saan pero hindi niya alam kung sino.
Marami ang bumabati sa kaniya habang naglalakad siya sa hallway ng ST Building. Kilala na kasi siya nang halos lahat lalo na at ang grupo nila ang kauna-unahang elite team na galing sa ST group. Mataas ang tingin sa kanila at ginagalang ng marami.
Nang makarating siya sa harap ng ST Headquarters ay agad siyang pumasok. Doon niya nakita ang maraming mga monitors kung saan kita ang mga CCTV sa buong paaralan at labas ng kingdom. Ang tanging wala lang silang access ay ang loob ng kaharian kung nasaan ang hari at reyna.
Sa kanang bahagi ng kwarto ay nakaupo ang kaniyang guro na si Mike. Nasa gitnang bahagi naman ang isang pang pinuno ng ST na si Richardo at sa kaliwa naman si Josiah. Lahat sila ay nakatingin sa mga monitors sa kanilang harapan ngunit sabay-sabay na napatingin sa kaniya nang pumasok siya.
"Nandito ka na pala, Floyd," bati sa kaniya ni Mike. May katabaan ito at hindi ganoon katangkad. Maputi at may kulot na itim na buhok.
"Ngayon na lang ulit kita nakitang pumunta sa HQ, Sebastian. Mukhang nagiging busy ka na rin tulad ng mga estudyante namin, a?" ani Richardo. Malaki naman ang kaniyang katawan, kayumanggi at spiky ang maikling buhok.
Nanatiling tahimik si Josiah na nakatingin pa rin sa mga monitors. Strikto ang kaniyang itsura, ang pinakabata sa mga boss pero ang pinakamatangkad. Kayumanggi ang kulay niya at may kahabaan ang kaniyang buhok para sa normal na buhok ng isang lalaki. Nakadagdag pa sa pagka-mature niya ang salamin na suot.
"Pinatawag niyo raw po ako?" magalang na tanong niya sa kaniyang guro.
"Ah, oo. Umupo ka muna at medyo mahaba-haba ang pag-uusapan natin," ani Mike.
Ginawa naman ni Sebastian ang sinabi ng kaniyang guro. Pinanood niya rin ang mga nangyayari sa monitors at nakita ang mga bagong estudyante na tinitingnan ni Josiah. Mukhang interesado ito sa mga bago, kasama na ang estudyante niya ngayon na si Limea.
"Kumusta naman ang mga bago sa Witches and Wizards? May progreso ba sila ayon sa nakikita mo?" tanong ni Mike kahit na parang may alam na ito sa sasabihin ng kaniyang estuyante.
"Yes. Nakikitaan ko sila ng potensyal lalo na si Limea Meadow. Sa tingin ko ay sayang ang talento niya kung magiging support lang siya sa isang grupo pero wala naman akong magagawa kung doon niya gusto," ani Sebastian. "Magaling siyang magbasa ng bagay sa paligid niya kaya mabilis din siyang nakapagpaplano."
Nakangiting tumatango naman si Mike sa mga sinasabi niya. "Magaling. Ganoon din ang tingin ko nang mapanood ko ang una mong misyon sa kaniya. Matalino siya pero mahina pa ang mana niya."
"Pero hindi niyo ba napapansin ang kakaibang enerhiya sa kaniya?" Nabaling ang tingin nila nang magsalita si Josiah.
"Ano naman ang ibig mong sabihin doon, Josiah?" tanong ni Richardo.
"Totoo nga na mahina ang mana niya pati na rin ang flow nito sa kaniyang katawan. Pero paano kung subukan mo naman ang pisikal na lakas niya?"
Tumango si Mike sa tinuran nito. "Hindi pa nga natin nakikita ang buo niyang potensyal kaya mapag-uusapan pa natin iyan sa susunod."
"Sa tingin ko, hindi lang siya ang dapat niyong panoorin." Napatingin ang tatlong boss sa sinabi ni Sebastian. "Kakaiba rin ang mana na tinataglay ni Oliver at alam niya kung paano at gaano kalakas ito dapat gamitin."
"Oliver Ruins. Pangalawang taon na niya pero isa pa rin siyang rank C. Paano mo naman nasabi na dapat namin siyang pagtuonan ng pansin? Ang mga katulad niya ay hindi na makakaalis sa ranggo na iyan. Only a miracle can save him now," ani Richardo.
"No..." Pagtutol ni Josiah sa kaniya. "Sebastian's right. Don't worry. I'll keep an eye on him. Sisiguraduhin kong magiging rank B siya kasabay ni Limea."
Nakalabas na si Sebastian ngunit hindi pa rin tapos ang topic nila sa mga bago at kay Limea. Mukhang nakuha ng mga ito ang atensyon ng ST boss. Tiyak na hindi na nila aalisin ang mga tingin nila sa dalawang ito.
"Alton Heather is the second son of Arthur Heather. Mukhang sumusunod na siya sa yapak ng kaniyang ama at nakatatandang kapatid. Tiyak na matutuwa si Armin kapag nalaman niyang nandito na ang kapatid niya," ani Richardo habang nakatingin sa screen kung saan nag-eensayo si Alton gamit ang kaniyang dalawang espada.
"Armin managed to become a rank S with just two years. Ilang taon kaya ang kailangan ng kaniyang kapatid para maging malakas?" curious na tanong naman ni Mike.
"This year's batch is interesting. I can't wait to see what will happen next," ani Richardo.
Tahimik na sumang-ayon si Josiah sa dalawa. Pinanood niyang mag-ensayong mag-isa si Oliver sa field. Tapos na ang klase pero nagpaiwan siya at patuloy na nag-eensayo. Para bang hindi nauubos ang mana niya sa kagagamit ng kapangyarihan. Pero hindi naman makahabol ang pisikal na katawan niya sa tagal kaya hinihingal din siya.
He needs to work a lot on that aspect...
Limea Seay Meadow
Nang buksan ko ang mga mata ko, puting kisame ang bumungad sa 'kin. Hindi tulad noong una akong nawalan ng malay ay wala sina Nicy ngayon na naghihintay. Nalaman ko lang ang dahilan nang tumingin ako sa orasan. Oras pa kasi ng klase ngayon kaya tiyak na hindi pa nila alam ang nangyari kanina.
Naupo ako sa kama at hinimas ang sumasakit kong ulo. Mukhang kokota ako sa clinic nito, a? Bakit naman kasi ang bilis kong mawalan ng malay? Parang gumamit lang naman ako ng dagger at inihagis iyon pero pagod na pagod ako.
Mukhang kailangan kong sanayin ang sarili ko sa pagod. Ayoko namang wala na akong matutunan dahil palagi na lang akong nasa clinic.
"It's because you are using too much mana," ani lalaking nasa harap ko.
Nanlaki ang mga mata ko, bumukas ang bibig ko para sumigaw pero agad niya akong pinigilan at tinakpan niya iyon. s**t! Bigla na lang siyang sumulpot sa harap ko nang walang pasabi tapos bigla na lang magsasalita. Aatakihin ako sa puso nito!
"You're the only one who can see me. You'll just look like an idiot if you shout," aniya pero sumisigaw pa rin ako kahit na tinatakpan niya ang bibig ko.
Pilit ko iyong tinanggal na ginawa naman niya. Nagsisigaw ako nang nagsisigaw hanggang sa may pumasok sa nurse sa kwarto. Halata mong nag-aalala siya habang nakatingin sa akin kaya agad niya akong nilapitan.
"Ano'ng problema? May masakit ba sa iyo? Ano?" natatarantang tanong niya sa 'kin.
Tinuro ko naman ang kinaroroonan ng lalaki sa harap ko bago magsalita, "Paano siya nakapasok dito? Hindi ko siya kilala!" bulalas ko dahil sa taranta. Baka kasi mamaya ay may masamang balak ang lalaking ito sa 'kin.
Tiningnan ng nurse ang tinuro ko pero kunot-noo niya lang binalik iyon sa 'kin. "Sino? Wala naman akong nakikita..." Huminga siya nang malalim at kumalma na ang itsura niya. "Baka nabigla lang ang utak mo kanina kaya magpahinga ka pa. Iiwan na muna kita rito."
"Huwag!" Hinawakan ko siya sa braso. "Hindi mo ba talaga siya nakikita?" tanong ko ulit sa kaniya.
"Ang kulit mo naman kasi. Sinubukan ko na silang kausapin pero hindi talaga nila ako naririnig at nakikita man lang. Useless lang ang ginagawa mo. Mukha ka lang tanga," sabi ng lalaki na nakapagpakulo ng dugo ko.
"Wala akong nakikita kundi isang puting kurtina. Magpahinga ka na at babalik na rin sa dati ang paningin mo kapag nagpahinga ka."
Nakaalis na ang nurse pero masama pa rin ang tingin ko sa lalaking kaharap ko. Nakatitig lang din siya sa 'kin na para bang hindi nababahala sa tingin ko. Wala na rin siyang sinabi matapos niyon kaya hindi ko tuloy alam kung guni-guni ko na lang ba siya.
"Bakit ako lang ang nakakakita sa 'yo?" tanong ko sa kaniya.
"Gusto ko rin iyang itanong sa 'yo. Bakit ikaw lang ang nakakakita sa 'kin?"
Napairap ako sa kaniya dahil mukhang pareho lang kaming clueless ngayon. Pero sino ba talaga siya? Ano ba ang kailangan niya at ako lang ang nakikita niya?