Nang mag-lunch ay talagang pinagtatawanan ako ni Violet. Grabe naman kasi ang dami ng ipinadalang agahan sa akin ni Mr. Mijares kanina. Kaya naging sentro tuloy ako ng atensyon sa aming opisina. Hindi na nga ako magtataka kung mamaya ay pag-initan ako ng aming department head o kaya may lumapit na isang HR sa akin para bigyan ako ng memo.
"Hindi na ako uulit... Talagang sisiguraduhin ko ngayon na kakain muna ako bago pumasok sa opisina," nagsisising komento ko pa sa aking sarili.
Malakas na tumawa lang muli si Violet bago inilapit ang mukha sa akin. "Pero sa totoo lang na-shock ako nang banggitin ni Mr. Mijares ang pangalan mo. Ang dami dami kaya empleyado ng kompanya na ito at kung iisipin ay mga mababa lang ang posisyon natin," pag-alala ni Violet sa nangyari, "Ang akala ko pa nga na susunod niyang sasabihin ay 'You're fired'. Grabe! Tinakot mo ko roon, Savannah. Akala ko ay mawawala ang tanging kakampi ko sa toxic na opisina na ito 'no."
Kahit din naman ako ay halos napigil sa paghinga kanina. Medyo gipit pa naman ako sa pera ngayon. Kung bigla ako mawawalan ng trabaho ay walang kasiguraduhan na may mahahanap agad ako na lilipatan. Baka sa kalsada na lang ako pulutin nito.
Pero tama si Violet, nakakapagtaka nga na kilala ako ni Mr. Mijares kahit isang simpleng empleyado lang ako ng kompanya. Kung ihahambing kasi ako ay para bang isang extra sa pelikula na mga dumadaan daan lang sa background.
"Hindi kaya may gusto sa iyo si Mr. Mijares?" nanlalaki ang mata na sambit ni Violet, "Sabagay, kakaiba ang ganda mo. Kaya sobrang insecure sa iyo ang ibang HR eh. Pati na rin ang matandang dalaga na department head natin."
Sinamaan ko siya ng tingin para matigil sa anumang naiisip na konklusyon. Baka mamaya pa kasi ay may makarinig at bigyan ng isyu iyon. Pagkatapos ang lalabas ay ako pa ang malandi na lumalapit sa CEO.
Nagpatuloy ako sa aking kinakain habang sumasalo sa akin si Violet para ubusin ang mga pagkain na iyon.
"Ito naman hindi mabiro," nakangising bulalas muli ni Violet saka bigla napalumbaba.
"Pero alam mo ba na sa US nag-aral ang nag-iisang anak ni Mr. Mijares? Ang bali-balita pa nga ay pauwi na siya ngayon sa ating bansa. Kaya kapag nangyari iyon ay siya na ang hahalili kay Mr. Mijares sa paghawak ng kompanya," pabulong na pamamalita sa akin ni Violet, "Siya na ang magiging bagong CEO natin."
"Ah..." bagot na bulalas ko, "Ganlon ba?"
Wala kasi akong interes sa ganoong mga usapan. Ang mahalaga sa akin ay may trabaho pa ako ngayon na mapagkukunan ng aking pambili sa aking pangangailangan.
Tila nahalata naman ni Violet ang kawalang interes ko sa ibinalita niyang iyon. "Aissh! My goodness! Magkunwari ka naman na interesado sa ibang lalaki," iiling iling na komento ni Violet dahil sa naging reaksyon ko na iyon, "Habang ang iba na naririto halos hindi na nga magkadamayaw sa pagpapa-rebond at pagkikilay para lang mapansin sila ng bagong CEO ay ikaw naman walang pakialam. Haler!"
Isang pilit na ngiti naman ang isinagot ko sa kanya. Wala naman talaga ako interes sa ibang lalaki bukod kay Apollo. Alam ko na mali pero wala eh.
Doon ay malakas na nagpakawala si Violet. Alam niya na anuman ang sabihin niya sa akin ay hindi mababago ang isipan ko.
"Concern lang naman ako na baka matulad ka sa department head natin na tumandang dalaga," nakangusong pagpaparinig pa ni Violet sa kanya, "Napapanahon na kaya para maghanap ka ng jojowain. Hindi ka na bumabata aber!"
***
Paulit ulit ko na pinindot ang button ng elevator. Kailangan ko na kasi makauwi sa bahay. Sa sobrang pagkaabala ko na matapos ang report ko ay hindi ko namalayan kung anong oras na.
"Paano na ito?" namomoblemang bulalas ko pa habang tinatapik tapik ang paa sa sahig at inip na inip na nakatingin sa suot na relo.
Ngunit bigla napaangat ako ng tingin nang makaramdam ng mga matang nakatitig sa akin ngayon. Dahil doon ay agarang inilibot ko ang tingin sa aking paligid para hanapin kung sino iyon. Kaso wala naman ako makitang kahit sinong tao na naroroon. Hanggang sa bigla ako ginapangan ng kakaibang kilabot sa buong katawan.
Naalala ko na bukod sa akin ay wala na niisa na maaaring naroroon sa floor na iyon. Dahil ako lang ang naiwan kanina para mag-overtime. Maaga nagsiuwian kasi ang mga katrabaho ko para sama-sama kumain sa labas.
Niyaya naman ako ni Violet sa dinner na iyon kaso naaalala ko ang report ko na baka hindi abutin sa deadline. Hindi naman pwede iyon dahil paniguradong maraming talak na naman ang matatanggap ko sa department head kapag nagkataon. Kaya sa huli ay nagpaiwan ako na mag-isa sa opisina namin.
Sunud sunod na napalunok ako at pinagpawisan ng malamig. Bigla ko kasi naalala na minsan ay naikwento ng mga ka-opisina ko na may nakita silang multong bata sa floor namin. Hindi ako naniwala noon dahil sa ilang beses na nakapag-OT ako pero wala naman ako nakita na katulad ng sinasabi nila.
"D-Damn..." kinakabahang sambit ko at muling pinindot pindot ang pababa button ng elevator, "C-Come on! Bumukas ka!" pagkausap ko pa rito.
*ting!*
Nakahinga ako ng maluwag nang sa wakas ay bumukas na ang pinto ng elevator. Dali dali at natataranta pa ako pumasok sa loob nito dahil sa takot na biglang may sumabay sa akin na bata sa elevator.
Paulit ulit ko rin na pinindot ang button para sa ground floor. Hanggang sa wakas ay unti unti na sumasara ang pintuan ng elevator.
Ngunit biglang nanginig ang tuhod ko nang matanaw mula sa malayo ang isang bulto ng tao na tila nagtatago sa kadiliman ng isang sulok. Mariing nakatitig ang mga mata nito sa akin kaya natatakot na napaurong ako ng ilang hakbang.
Doon ay tuluyan na sumara ang pinto ng elevator at umandar ito pababa. Napahawak pa ako sa tapat ng aking dibdib dahil sa lakas ng t***k ng puso ko.
"W-Who the hell is that? M-Multo nga ba iyon? P-Pero ang sabi nila ay bata ang multo sa opisina."
Napahawak ako sa aking ulunan at inalala ang mga matang iyon na nakatitig sa akin. Ang mga matang tila hinihigop ang aking kaluluwa. Katulad na katulad ng tingin na iyon ang tingin na binibigay sa akin ni Apollo sa aking panaginip.
Sa naisip na ideya ay biglang natigilan ako at napakunot ng noo. Maihahambing din kasi ang pigura nito sa pigura ng katawan ni Apollo. Hindi ako maaaring magkamali dahil ilang beses ko naging kaisa sa aking panaginip si Apollo.
Hanggang sa napatapal ako ng kamay sa aking noo nang mapagtanto ang maaaring nangyari sa akin.
"Tuluyan ka na nga nababaliw, Savannah! Pati naman sa realidad ay nagkakaguni guni ka na. Napaka-imposible naman na makita mo sa realidad si Apollo. Gawa lang naman siya ng imahinasyon mo!"