HINDI AKO MAKATULOG. Pabiling-biling ako sa higaan ko habang iniisip ang naging pagtawag ng Mayor ng Buena Astra sa akin kaninang hapon.
Mag-a-ala una na ng hating gabi, at hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tinatamaan ng antok. Shota, mga baks. Gusto kong tawagin si Madie at magpa-knock out. Sadyang hindi ko lang talaga alam kung dala ba ito ng pagtataka, kaba, excitement, o takot.
Iniisip ko nga kung ano ang kailangan sa akin ni Mayor, samantalang wala naman siyang mahihita sa akin maliban sa perlas ng silanganan ko. Eme! Pero halata naman sa kanya na ang mga katulad kong babae na highschool graduate lang ang natapos ang hindi niya mga tipo. Diyos ko! Halata naman sa tinawag niya sa akin na ‘unbelievable b*tch’.
Ang mga katulad ni Mayor Uno, mataas ang standards pagdating sa mga babae. Mapili. Mabusisi.
Pero bakit naman gusto niya akong makausap? “Hindi kaya gusto niya akong i-date?”
Peste. Nakakapeste ang pagiging assuming ko, sa true lang. Kasasabi ko lang na hindi ako matitipuhan no’n, tapos kung ano-ano na lang naiisip ko. Pero, pwedeng umasa? Very very slight lang. Wala naman sa edad ang pangangarap, e. Lulubusin ko na.
Mahigpit na napakapit ako sa aking kumot, at napapakagat labi pa para pigilan ang ngiti na dulot ng kilig. Para akong teenager na pumapapak ng sangkatutak na krimstick sa pag-iimagine na magkasama at magkayakap kaming dalawa ni Mayor Uno.
I picture myself with him, under the starry night—watching the starlight, and every glow of the moon. We will hear each other’s heartbeat as if it was a normal thing to do, and feel each other’s embrace and warmth as if we were afraid to let go of one another.
But of course, hanggang imagination ko lang ‘yan. Malabong mangyari ‘yan. Kaya mga marecakes, kapag ang isang bagay ay imposible, idaan na lang sa imagination. Lantak lang nang lantak ng krimstick! Imagination mo, walang limit!
ALAS QUATRO na ng madaling araw na ako nakatulog, pero kahit bangag na bangag pa ako, kinailangan kong bumangon ng alas sais. Gagawin ko na ang dapat kong matapos ngayong araw, para kapag lumarga ako’t makipagkita kay Mayor Uno, wala nang gagawin si Mama maliban sa pagtitinda ng miryenda.
Nang lumabas ako ng kwarto, nadatnan ko pang natutulog ang mga kapatid ko sa sala. Dumiretso ako ng kusina—divider lang ang naging pagitan ng sala at kusina—at naabutan ko sina Mama, Papa, Kuya Marco at ang asawa nito, at si Kuya Bodhi na naga-almusal na ng kape at pandesal.
Pero si Papa, nagkakayod ng niyog.
“‘Pa—” Bago ko pa matuloy ang sasabihin ko, mabilis na sumagot sa akin si Papa.
Sinulyapan ako ni Papa, at saglit na tumigil ito sa ginagawa. “Hindi mo kailangan mag-alala, ‘nak. Pneumonia lang ang meron ako, immortal ako. Hindi naman ako susumpungin kung uupo lang ako rito, at tulungan sa pagluluto ang nanay mo.”
Tiningnan ko si Mama na humigop saglit ng kape. Inosenteng tumingin ito sa akin. “Si Papa ang pagalitan mo, Barbara. Wala akong ginagawang masama.”
“Akala mo lang wala, pero meron! Meron! Meron!” pagbibiro naman ni Kuya Bodhi na talagang ginaya pa ang famous line ni Carlo Aquino.
“Sira ulo,” komento naman ni Mama rito. Bumalik sa akin ang atensyon nito. “Papa mo ang nagpumilit na magkayod ng niyog, ha? Hindi ko inutusan o pinakiusapan.”
Nang marinig ko ang side ni Mama, pabuntong hininga na lumingon ako kay Papa. “‘Pa, hindi ba’t sinabi ko sa iyo na sa kwarto lang kayo? Kaya naman namin ito, e.”
Three months ago, na-diagnose si Papa ng pneumonia. Nakuha nito ang sakit dahil noong kabataan nito, at bago ang buwan na sinugod ito sa ospital, ang lupit nitong magtrabaho, at matuyuan ng pawis. Kaya mula noon, natakot akong mapagod, at magtrabaho si Papa. Aside sa ayokong makitang nakahiga sa hospital bed si Papa, ayoko rin nakikitang nasasaktan si Mama.
Kaya noong lumabas ng ospital si Papa, pinakiusapan ko itong huwag maglalabas, at manatili ito sa loob ng kwarto. Kami na ang bahalang magsilbi at mag-asikaso kay Papa.
“Barbara, hindi ako baldado para humilata sa kwarto buong araw. Malakas pa ako,” katwiran nito. “Saka ayoko maging pabigat. Naturingan pa naman akong haligi ng tahanan.”
I sighed. Hindi ako mananalo sa kakulitan ng magulang ko, kaya shut up na lang ako. Umupo ako sa bakanteng upuan na nasa tabi ni Kuya Bodhi. Nasa mesa naman ang thermos, sangkap sa paggawa ng kape, at tasa kaya isang abutan lang ay nakapagtimpla ako ng black coffee.
“Nga pala, ‘Ma, aalis ako mamayang alas singko. Hingi sana akong pamasahe kahit one-fifty lang. Babayaran ko rin kaagad,” ani ko habang ngumunguya ng pandesal.
“Saan ka naman pupunta?” Si Kuya Bodhi ang nagtanong.
“Makikipag-date ako, bakit ba?” taas noo na sagot ko rito.
Tumawa ito ng mahina. “Ide-date mo ‘yong kaibigan mo? Madie ba ‘yon?”
“Gago! Hindi tumatanggap ng kipay ‘yon!”
“Hoy! Mga bibig niyo! May bata!” paninita ni Kuya Marco habang takip-takip nito ang tenga ng panganay na anak.
Nagsisikuhan man, naging mabilis ang paghingi namin ng paumanhin ni Kuya Bodhi.
Matapos ang pag-aalmusal namin, umpisa na ng paggawa ng mga gawaing bahay. Nag-umpisa ako sa paglilinis sa loob ng bahay, pagkatapos ay pagwawalis sa harap at gilid ng tahanan namin. Pagkatapos niyon, tinulungan ko sa pagluluto ng kakanin si Mama. Tatlong beses sa isang linggo kung magluto at maglako kami ng mga kakanin, at pagtutulungan ng mga kapatid ko ang paglalako.
Sumapit ang alas nueve, pumunta ako ng palengke para mamili ng mga rekado para sa iuulam at ititinda mamayang hapon. Ako na rin ang naglinis ng mga lamang loob na iiihaw mamaya, at nagluto ng tanghalian pagkauwi ko dahil nasa kapitbahay si Mama—nakikipaglabada.
Bago sumapit ang alas sais—ang oras na pagpunta ko sa opisina ng Mayor sa munisipyo—tumulong muna ako sa pagtitinda. Ganyan lang naman ako. Kapag may mahalagang pupuntahan, tutulong muna sa bahay bago tuluyang lumarga.
Nang sumapit ang alas singko, naligo na ako’t gumayak. Ayoko naman makipagkita kay Mayor Uno na mukha akong basahan at amoy usok, ‘no? Kaya binonggahan ko na ang pag-aayos.
Nagsuot ako ng puting bestida. Isa itong hepburn summer dress na binili ko sa pa ukay-ukay. Matagal na itong bestida na ito, hindi ko lang naisusuot noon dahil wala namang mahalagang okasyon para isuot. At pinerasan ko ng flat shoes ang suot ko. Syempre, nagsuklay at nag-ayos ako ng buhok! Turn off na nga ako sa educational attainment ko, pati ba naman sa pag-aayos? Syempre, gagandahan ko na!
Mukha akong ikakasal sa gayak ko. Hayaan na. Future husband ko naman ang kikitain ko. Eme!
Saktong alas sais ay nakarating ako ng munisipyo. Iilan na lang ang mga tao sa malawak na grand hall sa unang palapag dahil maggagabi na rin. Maingat ang bawat hakbang ko habang inaakyat ang hagdan patungo sa ikalawang palapag.
Feelingera man, pero ginawa kong runway ang hallway patungo sa opisina ni Mayor Uno. Pabigyan niyo na akong mag-maganda. Tusukin ko ng ice pick ang mata ang magreklamo.
Nabitin ang kamay ko sa pagkatok sa pinto nang may tumawag sa pangalan ko. Lumingon ako sa likuran ko at nakita kong nakatayo roon ang isang babae. Sekretarya ‘ata ito ni Mayor.
“Miss Ybanez?”
Ngumiti ako. “The one and only.”
Humagikgik ito sa paraan ng pagpapakilala ko. “I’m Cathy, Mayor’s secretary,” sambit nito. “Actually, you’re on time. Katatapos lang ng mga paperworks ni Mayor, and he’s waiting for you inside. Check ka na sa hindi pagiging late.”
“Bakit? May issue ba siya sa mga late?” usisa ko.
“Well, he hates being late. Kaya kung nagbigay siya ng oras, dapat thirty minutes pa lang, kaharap mo na siya,” sagot nito. “Anyway, pwede ka ng pumasok, Miss Ybanez. Basta knock before going. Ikukuha ko lang kayo ng maiinom.” Iyon lang ang sinabi ni Cathy at saka na ako tinalikuran nito.
Hinarap ko naman ang nakasarang pinto. Kumatok ako ng tatlong beses at nang marinig ko ang boses ni Mayor Uno na pinapapasok na ako ay binuksan ko na ang pinto.
Pagpasok ko, he was in a phone call. Nakaupo siya sa swivel chair. Nakalapat man ang cellphone sa tenga niya, pero ang seryosong mga mata niya ay nakatuon sa akin. He was as if waiting for me.
Maingat na sinara ko ang pinto. Sinenyasan niya akong umupo sa upuang nakapwesto sa harap ng kanyang office table. Papalapit ako nang papalapit sa direksyon ng table niya, unti-unti na rin naging visible ang parehong emosyon na nakita ko sa kanya noong unang magkita kami.
“Ayan. Naglalakad pa lang ako, galit na naman siya,” hindi ko naiwasang ibulong.
“What did you say?” He spat off. Hala? Narinig niya pa ‘yon?
Umupo ako. “Sabi ko, wala pa man akong ginagawa, galit ka na agad sa akin,” pag-uulit ko. “Hindi nga kita ma-gets, Mayor, e. Promise. Days ago was definitely our first meeting, yet you were so angry at me. Wala akong maalala na ginarabyado kita para magalit ka ng ganyan sa akin.”
Nilayo niya ang cellphone sa tenga, at may tinakpan na isang bahagi ng cellphone. ‘Yong speaker siguro ‘yon. Salubong ang kilay na tumingin siya sa akin. “Stop blabbering. Hindi ikaw ang kausap ko.” Pagkasabi niya no’n, binalikan niya muli ang pakikipagusap sa kabilang linya.
Naitikom ko tuloy ang bibig ko dahil do’n. Sige na. Ako na napahiya, shotakles. Nilibot ko na lang ang mata sa loob ng kanyang opisina. Wala itong masyadong ka-furni-furniture maliban sa isang mataas na shelves, coffee table at sofa sa gitna, at ang wall clock at potrait niya na nakasabit sa dingding.
Isang minuto ang lumipas bago natapos ang pakikipagusap niya sa kung sinoman ang nasa kabilang linya ng cellphone. Sinuksok niya ang gadget sa bulsa ng itim niyang coat. Narinig ko ang tunog ng pagbukas ng isang cabinet.
“Here.”
Automatic na dumako ang tingin ko sa kanya nang marinig ko ang boses niya. Tumambad sa akin ang inaabot niyang kulay pink na envelope. Teka, akin ‘to, ah?!
Mabilis na inagaw ko sa kanya ‘yon. “Napunta sa’yo ‘to?”
“You left it as well as your resume.” Pinakita lang niya ang resume ko, pero hindi inabot.
“Kaya ba pinapunta mo ako rito para isauli ang naiwan ko?” Pakisauli na rin ang puso ko, Mr. Ibarra. Naiwan ko ‘ata sa’yo. Chz!
Hindi siya sumagot. Matagal bago bumuka ang bibig niya at sabihing, “I made my decision. You’re qualified for the job.”
Napakunot noo ako. “Ano?” Wala akong matandaan na nag-a-apply ako sa kanya. “Ikaw rin ba ang may-ari ng Good Orions?”
“No, but you’re hired,” he announced. “Magtatrabaho ka sa akin—bilang asawa ko.”
Nanggagago ba ‘to?