Chapter 2 -Trisha-

2207 Words
┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈ Dinala nila si Trisha sa hospital, at duon na nga nila nakumpirma na sa batang edad ng kanilang anak ay buntis nga ito. Lunod na lunod sa luha ang ina ni Trisha at hindi makapaniwala sa sinapit ng kanilang anak. "Lalayo tayo, ilalayo natin sa kahihiyan ang ating anak. May kaibigan ako sa Baguio, pero masanay muna kayo na manirahan ng ilang buwan sa kabundukan hanggang sa makapanganak si Trisha. Pagkatapos ay saka tayo lilipat sa Baguio city upang makapaghanap ng maayos na matutuluyan sa lugar na 'yon." Wika ng ama ni Trisha. Wala pa rin malay ang dalaga, masyado nitong dinibdib ang mga nangyayari sa kanya. Parang ayaw na nitong gumising pa at harapin ang malaking dagok ng kanyang hinaharap sa murang edad. "Oo mahal, sasama kami sa'yo ng mga anak natin. Ilalayo natin si Trisha sa lugar na ito. Magpapakalayo-layo tayo upang mailayo natin ang ating anak sa mga mata ng mga taong mapangutya." Bumabalong ang luha mula sa mga mata ng mga magulang ni Trisha habang pinagmamasdan lamang nila ang walang malay nilang anak. Hindi nagtagal ay nagising din ang dalaga at walang patid lamang itong umiiyak na yakap ang kanyang mga magulang. Hindi rin ito nagsasalita kahit na anong pangungulit ng kanyang mga magulang kung ano ba ang tunay na nangyari sa kanya. Tinanong siya kung may pumilit ba sa kanya o kung pinagsamantalahan siya, ngunit umiling lamang ito. Mayamaya ay kusa ng nagsasalita si Trisha na parang wala sa kanyang sarili kaya awang-awa ang kanyang mga magulang sa sinapit ng kanilang anak. "Minahal kita Dimitri, bakit mo ako niloko? Sabi mo mahal na mahal mo din ako, bakit mo ako niloko? Akala ko ba pakakasalan mo ako, bakit mo ako niloko?" Paulit-ulit na salitang binabanggit ng kanilang anak. "Jusko po mahal, ilayo na natin dito ang ating anak." Wika ng ina ni Trisha habang yakap nila ang ka-awa-awang dalaga. Pagkabayad nila ay sumakay lang agad sila ng tricycle at nagpahatid sa kanilang tirahan. Pagkarating nila sa loob ng bahay ay inabutan nila si Queen na naglilinis ng bahay. Gulat na gulat pa ito ng makita nito ang kanyang mga magulang na umiiyak at maging ang kanyang Ate Trisha. "Nay, ano po ang nangyayari?" Gulat na tanong nito, hindi malaman kung sino ang una niyang lalapitan. "Magmadali ka Queenie, mag-empake ka ng damit ninyo ng ate mo. Dalhin mo lahat at ibebenta na natin ang bahay na ito. Lalayo tayo, saka na namin ipapaliwanag sa'yo kung ano ang nangyari, ang mahalaga ngayon ay makalayo tayo sa lugar na ito. Pupuntahan ko lang si Nana Tale, alam ko na matagal na niyang gustong bilhin ang bahay natin dahil gusto niyang palakihin ang kanyang bakuran. Kahit maliit na halaga lang na maitatabi natin para magamit natin sa pangangailangan ng ate mo ay sapat na. Sige na Queenie, mag-empake ka na anak," wika ng kanilang ina. Gulat na gulat man si Queen ay sumunod na lamang ito sa kanyang ina. Napatingin pa siya sa kanyang ate na iyak lang ng iyak at may kung anong ibinubulong. Hindi niya nauunawaan ang lahat, at katulad ng kanyang ate ay masyado pa rin siyang bata upang maintindihan ang mga nangyayari sa kanyang paligid. Ang alam lamang niya ay may kung anong pinag-dadaanan ngayon ang kanyang nakatatandang kapatid. Matapos makapag-empake ng lahat ay dumating naman si Nana Tale at may dala itong isang malaking envelope. Agad nitong iniabot ang envelope sa ina ni Trisha at napatingin pa ito sa maraming bag na nakakalat. "Pinasobrahan ko na 'yan ng bayad dahil may mga maaayos naman kayong gamit na maiiwan. Kalahating milyon ang laman ng envelope na iyan kaya pag-ingatan ninyo. Hintayin ninyo ang sinasabi kong maliit na jeep na ibinebenta sa halagang one hundred thousand pesos, at kapag nagkaayos kayo sa presyo ay pwede na ninyo itong dalhin kasama ang mga legal na dokumento. Huwag kayong mag-alala dahil kilala ko ang may ari ng jeep na inaalok ko sa inyo, sigurado ako na hindi ako mapapahiya at hindi kakarag-karag ang sasakyang ibinebenta nila. Tandaan mo Rosario, kapag may kailangan kayo ni Leo ay magsabi lang kayo sa akin. Huwag kayong mag-alala, mananatiling lihim ang sikreto ninyo sa akin. Makakaasa kayo na mapagkakatiwalaan ninyo ako. Mas mabuti nga na ilayo na muna ninyo dito si Trisha dahil sa kanyang kalagayan. Magiging tampulan siya ng tukso at magiging laman ng usap-usapan ng mga taong tsismosa." Wika ng mabait na ginang sa kanilang mag-asawa. "Salamat ho Nana Tale. Sa inyo lang po talaga kami nagtitiwala dahil kayo rin ang laging tumutulong sa amin dito. Kayo na po sana ang bahala sa aming tirahan. Minana pa ho iyan ng aking asawa sa kanyang mga magulang. Salamat po sa inyong kabutihan na ipinapakita sa aming pamilya." Wika ng ina ni Trisha. Ngumiti lamang ang mabait na ginang at lumabas na rin agad ito ng marinig nila ang isang jeep na pumarada sa harapan ng kanilang bahay. "Nandirito na ang sasakyang sinasabi ko sa inyo. Iakyat na muna ninyo sa itaas si Trisha bago ko papasukin dito ang may-ari para makausap ninyo ito ng maayos, at upang hindi rin nila malaman ang tungkol sa kalagayan ni Trisha." Wika nito. Mabilis namang iniakyat sa itaas si Trisha at pinabantayan na lamang ito sa nakababatang kapatid nito na si Queen. Lumipas pa ang kulang isang oras ay nagka-bayaran na sila at nagkapirmahan ng dokumento. Naghintay lamang sila ng madaling araw at sinigurado nila na walang ibang tao na makaka-alam ng kanilang pag-alis. Alas tres ng madaling araw ay sakay na sila ng bago nilang jeep. Gustuhin man magtanong ni Queen ay nananatili lamang itong tahimik. Nakatingin lamang siya sa kanyang ate na nakahiga sa mahabang upuan at nakaunan sa kanyang mga hita. Hinimas niya ang buhok ng kanyang Ate Trisha at pinunasan ang mga luha nito. "Matulog ka na ate, ako ang mag-aalaga sa'yo. Kung sino man ang lalaking nagpaiyak sa'yo, galit na rin ako sa kanya." Wika nito. Napatingin ang ina nila at kita sa mga mata nito ang labis na kalungkutan. Lumipas pa ang mahabang oras at nakarating na rin sila ng Baguio. Bako-bakong daan at papaakyat ng bundok ang binabaybay ngayon ng jeep na dala ng pamilya. At hindi rin nagtagal ay isang maliit na kubo ang hinintuan ng kanilang sasakyan. Walang mga kapitbahay at masyadong malayo sa kabihasnan. Malamig ang buong paligid at sariwa ang simoy ng hangin. "Pareng Leo, halina kayo dito. Matatapos ko na ang bahay na titirhan ninyo. Bubong lang naman ang inaayos ko dahil nasira ito, pero patapos na. Medyo may kalakihan iyon ng kaunti kaysa dito sa bahay namin ng aking asawa. Wala dito si Liway, bumaba ng bayan upang ibenta ang ilang gulay na inani namin." Wika ng lalaki. Ito ang ninong ni Trisha sa binyag na ayaw ng manirahan sa Maynila mula ng ninakaw ng isang sindikato ang nag-iisang anak ng mga ito na dapat ay disi-otso anyos na. Nabalitang ibinenta ang kanilang anak at dinala na ito sa ibang bansa. Gustuhin man nila itong hanapin ay wala silang magawa dahil tatlong buwan pa lang ang kanilang anak ng ito ay sapilitang kuhanin sa kanila. "Pare, ito ang inaanak mo. Batang nagmahal at ngayon ay nakakaranas na ng pighati sa buhay sa batang edad. Ilalayo na namin siya sa Manila at dito na muna kami sa inyo maninirahan. Huwag kang mag-alala dahil tutulong kami sa pagtatanim ng mga gulay at sa mga gastusin dito. Please pare, kahit hanggang sa makapanganak lang si Trisha. Aakuin namin ang bata upang kami ang kilalaning magulang ng sanggol." "Pareng Leo, katulad ng sinabi namin sa inyo ng aking asawa kagabi, wala kayong aalalahanin sa amin. Kahit hanggang kailan ninyo gusto dito manirahan ay welcome na welcome kayo." Sagot nito kaya tumango-tango ang ama ni Trisha. Dito nila sisimulan ang paglimot sa masakit na nakaraan ng kanilang anak. Naging biglaan ag lahat ng pangyayari, maging ang paglipat nila ng tirahan. Nagawa nilang ibenta ang pinakaiingatang alaala ng ama ni Trisha, ngunit kailangan nilang gawin upang proteksyonan ang pribadong buhay ng kanilang anak. Sila ang tutulong kay Trisha upang malabanan nito ang matinding kabiguan na nararanasan nito ngayon. Kung sino man ang Dimitri na tinutukoy ng kanilang anak ay sisiguraduhin nila na hindi nito malalaman na nagkaroon ito ng anak kay Trisha, kahit ito pa ang anak ng pinaka mayamang tao sa mundo. ┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈ Lumipas pa ang mga araw, linggo at mga buwan. Malaki na ang tiyan ni Trisha at kabuwanan na niya ngayon, ngunit wala pa rin ito sa kanyang sarili. Gayunpaman ay puro pagmamahal ang ipinapakita ng mga ito sa kanilang anak. Kaya parang langit na para sa kanila sa tuwing nakikita nila na napapangiti nila ang kanilang anak. "Nanay, tignan po ninyo ang tiyan ni ate. Sumisipa po ang baby niya," wika ni Queen na tuwang-tuwa na humihimas sa tiyan ni Trisha. "Malapit na kasing lumabas ang baby ng ate mo. Excited na akong paanakin ang ate mo at makita kung babae ba o lalake ang anak niya," wika ng asawa ni Manuel. Midwife ang asawa ni Manuel na si Liway at ito rin ang nag-aalaga sa pagbubuntis ni Trisha. Mayamaya ay nakarinig sila ng ungot mula sa dalaga kaya lahat sila ay napatingin kay Trisha. "Ahhhhhhhh!" Malakas na sigaw ng dalaga. Sa isang buwan ay seventeen years old na si Trisha at nananalangin sila na sana ay maging maayos na ang kalagayan nito. "Nanay, manganganak na po yata si ate, may dugo oh," sabi ni Queen kaya nagmamadali si Liway na inalalayan si Trisha upang ipasok sa loob ng kubo. "Leo! Leo, mag-init ka ng tubig, manganganak na ang anak natin!" Malakas na sigaw ng ina ni Trisha. Ang dalaga naman ay sigaw ng sigaw dahil sa matinding sakit na dulot nito sa kanya. "Leo, bilisan mo!" muling sigaw ng ina ni Trisha dahil natataranta na ito sa panay pag-sigaw ng kanyang anak. "Manganganak na nga si Trisha, nakikita ko na ang ulo ng bata at pumutok na rin ang panubigan niya." Ani ng asawa ni Manuel. "Push mo hija, kapag lumabas na ang bata ay magiginhawahan ka na rin. Ire pa anak," wika ni Liway sa kanya. Isang malakas na pag-ire ang ginawa ni Trisha at isang malakas na pag-uha din ang kanilang narinig. "Oh my God! Lalaki ang unang apo mo Rosario," wika ni Liway na umiiyak na dahil pinapaalala nito ang kanilang nawawalang anak. "Anak Liway, ako na ang magiging ina ni Lenox Damien Cena. At tatawagin namin siyang Emboy. Kaylanman ay hindi malalaman ng kanyang ama na isinilang siya sa mundong ito dahil kami lang ang magiging pamilya ni Emboy." Wika ng ina ni Trisha. Nawalan din ng malay si Trisha kaya inasikaso ito ni Liway. Ang sabi niya ay magigising din agad ito dahil napagod lamang ang katawan nito. Lumipas ang maghapon at nagising na nga si Trisha. Mabilis itong bumangon at nakaramdam ito ng pananakit ng kanyang katawan. "Nanay, nanay nasaan po kayo?" wika nito kaya halos madapa ang ama ni Trisha ng pumapasok ito sa silid. "Anak, nakikilala mo na kami?" gulat na ani nito. "Oo naman po tatay. Nasaan po tayo? Bakit ang haba po ng buhok ko at bakit ang sakit po ng katawa ko?" Wika nito kaya makikita sa mukha ng ama ni Trisha ang pagkalito. Humahangos din na lumalapit ang ina nito ng malaman nito na gising ang kanilang anak. "Anak, hindi mo ba alam kung bakit masakit ang katawan mo? Wala ka bang naaalala?" tanong nito. "Po? Ang naalala ko lang ay kailangan kong pumasok sa school kasi iyon naman po ang lagi kong ginagawa, hindi ba? Nasaan po ba tayo? Ang sakit po talaga ng katawan ko." Naguguluhan sila. Maging ang mag-asawang Liway at Mauel ay naguguluhan. "Ate, ano lang ba ang naalala mo?" Tanong ni Queen. "Birthday ko kahapon, hindi ba?" Wika nito. Nagkatinginan tuloy silang lahat at hindi nila alam kung ano ang dapat nilang isipin. Nagpapanggap lang ba si Trisha na hindi nito naaalala ang kanyang nakaraan upang makalimutan ang mapait na sinapit nito sa kanyang buhay? Hindi nila alam. "Anak, may bago na kaming baby, nagkasakit ka kasi at matagal kang nakatulog. Ngayon ka lang gumising kaya wala kang naaalala sa iyong nakaraan sa lumipas na kulang isang taon." Wika ng ina nito. Nagulat naman si Trisha at hindi makapaniwala sa kanyang narinig. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at pilit na inaalala kung ano ang nangyari sa kanyang nakaraan, ngunit wala siyang maapuhap na kahit na anong alaala kung hindi ang huling kaarawan niya. Ang panahon bago may nangyari sa kanila ni Dimitri sa loob ng banyo. "Kapag magaling ka na anak, dadalhin ka namin sa bayan upang ipatingin sa isang espesyalista para malaman natin kung ano ang nangyayari sa'yo. Masaya ako anak at nagsasalita ka na ulit at nakikilala mo na kami." "Nay, ang salamin ko po, wala akong makita," wika ni Trisha. "Huwag kang mag-alala anak, kapag gumaling ka na, gagamitin ko ang perang itinatabi namin upang maipa-ayos na ang iyong mga mata at ang iyong mga ngipin. Hindi ka na paglalaruan pa ng kahit na sino, anak." Napipiyok na ani ng Ina ni Trisha at niyakap nito ang kanyang anak na walang maalala sa kanyang nakaraan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD