❀⊱Trisha's POV⊰❀
Nineteen na ako ngayon at simpleng pansit at cake lang ang pinagsasaluhan namin ng pamilya ko at nila ninong at ninang. Maayos na rin ang ngipin ko, magandang-maganda na akong tignan sabi ng lahat ng nakikilala ko, pero kung minsan ay parang may mali sa sarili ko na hindi ko naman alam kung ano. Basta nararamdaman ko lang na may mali sa pagkatao ko. Minsan ay tinanong ko si nanay, kasi may mga bagay na kung minsan ay parang may nais na pumasok sa utak ko, pero kusa rin itong nawawala sa tuwing nararamdaman kong kumikirot ang puso ko. 'Yung para bang nasasaktan ako ng hindi ko alam ang dahilan, at may pagkakataon pa nga minsan na umiiyak ako ng hindi ko alam kung bakit. Ewan ko ba kung ano 'yon, wala naman akong maisip na dahilan kung bakit kailangan kong umiyak. Pero habang umiiyak ako, nasasaktan ang puso ko.
Sabi ni nanay ay baka epekto lang 'yon ng pagkakaroon ko ng sakit nuon, 'yung nakatulog daw ako ng halos isang taon at baka daw sa loob ng isang taon ay may nabuhay na panaginip sa isipan ko, hindi ko tuloy alam kung pwedeng mangyari ang ganuon. Sa totoo lang ay hindi ko naaalala 'yong panahon na nagkasakit ako, at hindi ko alam kung bakit ako nagkasakit. Ang daming tanong ng isipan ko, pero isa man duon ay wala akong alam na kasagutan. Ayoko na lang bigyan pa ng isipin si nanay kaya hindi na lang ako masyadong nagtatanong. Pinapaniwalaan ko na lang kung ano ang sinabi nila sa akin. May tiwala naman ako sa kanila at alam ko na hindi sila magsisinungaling sa akin at hangad lang nila ay ang kaligayahan namin ng kapatid ko.
"Ate naaalala mo ba 'yung sinasabi ko sa'yo na naging bff ko sa school nuon? Sayang hindi mo man lang siya nakilala dahil umalis tayo ng Manila. Miss na miss ko na si Dy. Sayang lang at hindi ka nagkaroon ng pagkakataon na makilala siya nuon, siya 'yung bagong transfer nuon sa school namin, tapos siya ang naging kaibigan ko, kaya lang kailangan na nating umalis kaya hindi na kami nagkaroon ng communication. Tignan mo picture namin sa phone, kaya lang malabo ang kuha namin, mumurahin lang naman kasi ang phone ko at nasira pa ang sim card ko kaya nawala ang lahat ng number ng mga kaibigan ko at hindi ko naman kabisado." Ngumuso pa si Queen habang ipinapakita niya sa akin ang luma niyang phone na binili nuon ni nanay na secondhand lang. Natawa tuloy ako dahil alam ko na nagpaparinig siya sa mga magulang namin na kailangan na niya ng bagong phone. Kung may pera lang talaga ako ay binili ko na siya ng bagong phone. Kaso piso man ay wala ako sa aking bulsa.
Babalik na ako sa pag-aaral kaya sabi ni nanay ay kailangan na rin naming magtipid dahil dalawa kami ni Queen na mag-aaral. Ang sabi ng nanay namin ay mag enroll na rin ako next month. Nakatapos ako ng senior high ng isang taon, sa tulong ni lolo at ginamitan niya ng kanyang impluwensya kaya nakakuha ako ng diploma ng senior high kahit isang taon lang akong nag-aral, to think na hindi naman ako grumaduate ng high school. Pero nakakuha si lolo ng diploma para sa akin sa huling school na pinasukan ko, iyon nga lang ay galit sa akin si lolo at hindi ko alam kung bakit. Sabi pa niya sa akin ay gamitin ko daw ang utak ko at hindi ang puso ko para hindi ako napaglalaruan ng kung sino mang lalaki. Hindi ko naman maunawaan kung bakit niya 'yon sinabi samantalang hindi pa naman ako nagkakaroon ng nobyo. Wala namang nanliligaw sa akin, lalo pa at hindi naman ako maganda nuon. Iwas nga sa akin ang mga lalaki sa school nuon at tinutukso pa akong nguso nuon. Ewan ko ba kay lolo. Pero okay na rin, at least pinag-aral ako sa online sa bayan, wala kasi kaming pambili ng laptop kaya sa bayan ako nagpupunta, sa isang computer shop duon at saka ako mag-aaral.
Buti na lang may diploma na ako kaya pwede na akong mag-aral ng college at kukuha ako ng kursong HRM. Sabi ni nanay ay pang-aral na lang daw namin ni Queen ang perang natitira sa kanila kaya kahit secondhand na phone ay hindi ako humihingi sa kanila. Okay lang na wala akong telepono dahil wala naman akong mga kaibigan na dapat kong tawagan, dahil wala namang gusto na maging kaibigan ako. Pero si Queen, marami siyang kaibigan kaya kung magkakaroon ako ng trabaho, ibibigay ko ang gusto niya. Bibilhin ko ang mga bagay na pangangailangan niya at ni Emboy. Magtatrabaho ako para sa kanilang lahat.
"Lilipat na tayo ng tirahan mga anak. Pumayag na rin si Tito Manuel at Tita Liway ninyo na duon na tayo manirahan sa Baguio city at dadalaw na lang tayo dito kapag anihan. Ang mga tauhan niya ang mamahala sa taniman nila dito ng gulay. Malapit lang sa Burnham Park ang paupahang apartment nila. May bahay pala sila duon na pinapaupahan nila, at patapos na ang kontrata ng nangungupahan sa isang pinto ngayon mismong araw na ito. Hindi na pina-renew ni Manuel ang kontrata kaya naghakot na rin sila ng gamit para makalipat na sila. Dalawang pinto iyon, at ang isa ay para daw sa atin, kaya bukas ay pupunta na tayo duon para mas madali para sa inyo ang makapag-aral. Napakabait sa atin ng Tito Manuel ninyo at ng Tita Liway ninyo." Wika ng aming ama kaya tuwang-tuwa kami. Nagpasalamat din kami kay ninong at ninang. Heto na ang hinihintay namin ni Queen, ang manirahan kami sa city at mangyayari na bukas.
╰┈➤ Kinabukasan nga ay isinasakay na sa jeep ni tatay ang lahat ng mga gamit namin. Maging ang mga gamit nila ninong ay isinampa na rin sa jeep. Masaya kami, ito na kasi ang pinakahihintay namin, ang makapag-aral kami na hindi na namin kailangan na maglakad ng malayo. Tapos may kuryente pa kami at gripo na makukuhanan ng tubig. Mga bagay na matagal din namin na hindi nararanasan.
"Ate, ikaw na ang magkarga kay Emboy, tulog pa kasi at ang bigat na nitong si kulit." Natawa ako at kinuha ko ang bunso naming kapatid. Ewan ko ba, sa tuwing hawak ko si Emboy, ibang kaligayahan ang nag-uumapaw sa puso ko. Hindi ko nga maunawaan kung bakit. Siguro dahil bunso naming kapatid at kami ni Queen ang magiging protector niya.
Hindi nagtagal ay nakarating kami ng Session Road. Dito pala dating tumira sila ninong bago nila binili 'yung lupain ng tinuluyan namin, tapos duon na sila nanirahan at ginawa nilang paupahan sa tourist ang kanilang bahay at ang dalawang apartment nila. Pero may nanirahan dito ng ilang taon at kagabi nga raw nagsialis na ang mga ito.
"may mga gamit na kayo dito, may mga kama ang bawat silid ninyo at may table na rin dito. Ipinabalik ko ang mga gamit sa mga tauhan namin dito na nangangalaga ng apartment at bahay namin. Wala na kayong iintindihin, plato, baso at kutsara na lang ang kailangan ninyong gamit at mayroon naman kayong dala kaya hindi na ninyo poproblemahin ang mga 'yan.
"Ate, tignan mo ito, may lababo na ulit tayo na may gripo. Hindi na tayo mag-iigib ng pangluto sa ibaba ng burol. Ang hirap kaya, nakakapagod 'yon." Tuwang-tuwa ang kapatid ko at nagkakatawanan pa kaming lahat. Binuksan niya ang gripo at ang lakas ng tulo nito. Talon siya ng talon, pagkatapos ay nagmamadali siyang nagtungo sa banyo. Bigla siyang tumili ng malakas kaya nagmamadali kaming nilapitan ito at baka kung ano na ang nangyari sa kanya.
"Ate oh my God! May shower tayo at may heater pa!" Umikot ang mga mata ko. Akala ko pa naman ay kung ano na ang nangyari sa kanya. Maging sila nanay ay tawa na ng tawa.
Apat daw ang silid ng apartment na ito, at talaga namang malaki ito at may gate pa kami dahil may garahe. Tamang-tama, ang sabi ng lolo namin ay bibigyan niya kami ng sasakyan ni Queen at iyon ang gagamitin namin pagpunta ng school, kaya kailangan kong kumuha ng lisensya soon.
"Titignan ko ang magiging silid ko. Excited na akong humiga sa malambot na kama." Sabi niya. kinuha naman ni nanay ang kapatid kong si Emboy at tumingin na rin daw ako ng aking silid. Masayang-masaya ako, kasi nga ay dito na magsisimula ang panibagong yugto ng aming buhay. Kaya lang ay hindi ko talaga maunawaan kung bakit kinailangan naming umalis ng Manila. Wala naman akong maisip na kahit na anong dahilan kung hindi 'yung nagkasakit lang daw ako. Siguro may nanakit sa akin nuon kaya nagkasakit ako. Hindi ko alam eh.
"Ate, ito ang silid ko, kasi may malaking salamin. Iyang katabi ng silid ko ang magiging silid mo kasi may banyo tayong dalawa. Share sa dalawang room ang banyo. Tapos iyong isa sa katapat ay kay Emboy tapos 'yung may balkonahe ay master bedroom. Ang ganda ng apartment natin, feeling mayaman ako ngayon." Sabi ni Queen kaya tawa ako ng tawa sa kanya.
Pagkahakot namin ng mga gamit ay lumabas muna ako ng apartment. Maghahanap ako ng tindahan para makabili ako ng meryenda namin at ng kahit na anong maiinom na malamig.
Habang naglalakad ako ay may nakabangga akong isang babae. Nagulat ako ng bumagsak ito sa semento kaya agad ko siyang tinulungan. Maganda ang babae at maamong tignan ang mukha, mukhang mas bata ito kaysa sa akin, I guess mga fifteen or sixteen lang siya.
"Sorry miss, hindi kita napansin. Pasensya na, nasaktan ka ba?" Napatingin ako sa isang babae ng sumigaw ito.
"Avvi, okay ka lang ba?" Napatingin ako sa babae, halos kasing edad lang ito ng babaeng tinawag niyang Avvi. Ngumiti ako sa kanila at pinagpagan ko ang suot ni Avvi.
"Ano ang nangyari sa inyo dito? Avvi nasaktan ka ba?" Napatingin ako sa isang lalaking gwapo, nakatitig ito sa akin, pero ibinalik lang nito ang tingin sa tinawag nilang Avvi.
"Sorry, hindi ko sinasadya. Hindi kasi ako nakatingin kaya nabangga ko ang kapatid ninyo." Sagot ko. Well, hindi ko alam kung magkapatid ba sila. Siguro.
"Okay lang 'yon. Ako nga pala si Avvi sixteen years old at ang pinakamaganda sa aming dalawa, at hindi rin kami magkakapatid. Bago ka siguro dito, ngayon lang kasi kita nakita. Ito nga pala si Adriana, hindi siya taga-rito, pero lagi siyang nagbabakasyon dito dahil kaibigan ko siya at fifteen naman siya. Ito naman si Mellard, kapatid ni Ate Natalie. Si Ate Natalie ay bff ng ate ko. Isang taon na kami ditong naninirahan sa Baguio, pero dati kaming naninirahan sa Manila." Mahabang kwento ni Avvi kaya natawa kami.
"F Y I, mas maganda ako sa'yo." Sabi ng tinawag na Adriana kaya natawa na din ako.
"Ako si Trisha, nineteen na ako, duon kami sa apartment nakatira at ngayong araw lang kaming lumipat. Kasama ko si nanay at si tatay, tapos may dalawa akong kapatid. Si Queen na seventeen years old na, at si Emboy na mag-tatlong taon na. Pasensya na ulit kung nasaktan pa yata kita." Sabi ko, pinagpagan ko pa ang nadumihan niyang damit.
"Ako naman si Mellard, magkasing edad pala tayo. Hindi kami magkakapatid, hindi ako papayag." Sabi nito, pero ang huling sinabi niya ay halos pabulong habang nakatitig kay Avvi.
"Anyway, mauuna na ako. Baka nakaabala na ako sa inyo." Sabi ko, ngumiti ako at nagsimula akong maglakad, pero sinasabayan ako ni Avvi at ni Adriana.
"Friends na tayong tatlo. Lagi akong pumupunta dito sa Baguio kasi ang stepdad ko ay may bahay dito. Nakilala ko si Avvi dito kaya naging magkaibigan kaming dalawa, pero ngayon ay magiging tatlo na tayo kasi gusto ka naming maging kaibigan." Napahinto ako sa paglalakad. Ngayon lang may gustong makipag-kaibigan sa akin. Sa buong buhay ko ay nasanay lang ako na si Queen lang ang nagmamalasakit sa akin at tumuturing na kaibigan sa akin kahit magkapatid kami. Humarap ako sa kanila, nagulat sila ng makita nila na paiyak na ako.
"Hala! Okay ka lang ba? Kung ayaw mo kaming maging kaibigan ay aalis na kami huwag ka lang umiyak." Sabi ni Avvi. Umiling agad ako. Ayokong umalis sila. Gusto kong maranasan ang magkaroon ng kaibigan dahil iyon ang isang bagay na hindi ako nagkaroon maliban lang sa mapagmahal kong kapatid.
"Gusto ninyo akong maging kaibigan? Talaga? Kasi walang tao na gusto akong maging kaibigan, ayaw nila sa akin at pangit na nerd ang lagi nilang isinisigaw sa akin." Naiiyak ako, ang sarap pala sa pakiramdam na magkaroon ng kaibigan.
"Sino naman ang mga gagong 'yon? Simula ngayon ay wala ng mam-bu-bully sa'yo. Poprotektahan ko kayong tatlo, kaya lang madalas akong wala, pero kapag nandito ako, lagi ko kayong babantayan. Huwag ka ng umiyak Ishang at magiging kaibigan mo kami." Bigla naman akong nagulat at tumingin ako sa likod ko. Sino si Ishang eh ako lang naman ang kaharap nila? Tawa sila ng tawa at sinabi nila na ako ang tinatawag na Ishang ni Mellard. Grabe naman ang lalaking ito, ang ganda ng pangalan ko, tinawag akong Ishang. Pero okay lang, ito ang unang pagkakataon na may gustong makipag-kaibigan sa akin.
"Salamat pangit." Biglang nanlaki ang mga mata ni Mellard ng marinig niya na tinawag ko siyang pangit kaya ang lakas ng tawanan ni Avvi at ni Adriana. Kung Ishang ang tawag niya sa akin... simula ngayon ay pangit naman ang itatawag ko sa kanya.