***
Mabigat ang loob, patuloy lamang sa paglalakad si Joan sa kahabaan ng kalye na madalas puntahan ng kapatid. Ilang minuto rin ang kaniyang nilakad para makapunta rito. Medyo may kalayuan kasi ito mula sa kanila. Wala naman siyang dalang pera pamasahe.
Kumakalam na nga rin ang kaniyang sikmura, naalala niya, hindi pa siya nag-aagahan. Hindi naman niya 'yon gaanong alintana. Mas malakas ang paghahangad niya na mahanap ang kaniyang Ate Cindy. Patuloy lang ang pagdaloy ng kaniyang luha na paulit-ulit niyang pinupunasan gamit ang kamay.
"Ate Cindy," pag-iyak niya.
May ilang ale ang napapahinto at nagtatanong kung naliligaw ba siya. Umiiling lang siya. Sinasabi niya ang dahilan, na ilang araw nang 'di umuuwi ang kapatid niya. Pinagre-report lang siya nga mga ito sa pulis, sabay abot ng pera at kung ano mang pagkain na dala nito.
Saglit siyang huminto sa paghahanap at naupo sa nakita niyang bench malapit sa isang mall. Masakit na ang sinag ng araw, mabuti at may malaking puno roon kung saan nalililiman siya. Doon ay maluha-luha siyang kumain ng tinapay na ibinigay sa kaniya. Napatingala siya sa malaking LED screen na naroon sa may itaas ng building. Ipinapalabas doon ang balita tungkol sa pagkawala ni Avah Lopez.
"Mabuti pa si Avah Lopez, hinahanap nila," usal ng mangiyak-ngiyak na si Joan. "Paano na ang ate ko?"
Doon naman siya nagkaroon ng ideya. Dapat, maibalita rin ang tungkol sa kapatid niya!
Kaagad na siyang tumayo at patakbong pumasok sa building na 'yon. Mabilis na nag-unahan ang kaniyang mga paa sa kabila ng mga taong nakakasalubong. Palingon-lingon lang ang mga ito. Punong-puno ng patataka ang mukha, marahil ay dahil sa kaniyang pagtakbo.
Pagkalampas niya sa pintuang salamin na awtomatikong nagbukas, lumapit siya sa malaking mapa ng gusali na nakapaskil sa pader. Naroon nakalagay ang impormasyon ng iba't ibang palapag. Maraming mga opisina sa itaas. Mayroong mga department store, supermarket at ang pinakamalaki ay ang shopping center na maraming palapag ang sakop.
Mabilis na hinanap ng mga mata ni Joan ang management office. Doon ay makikiusap siya kung puwedeng magkaroon ng maikling patalastas tungkol sa pagkawala ng kapatid. Muli na siyang tumakbo para makasakay ng elevator.
***
Pabalagbag na pinapalit-lipat ni Avah ang mga nakahanger na damit sa rack. Nang sulyapan niya si David, binigyan niya ito ng matalim na tingin. Hindi niya akalaing kuripot pala ito.
Imagine, dito siya naisipang dalhin nito? Dito mismo sa cheap na shopping center na nasa loob ng Emerald Building. Eh, dinadaan-daanan lang nila ito dati. Ni minsan hindi pa nakapasok sa ganitong lugar ang isang Avah Lopez.
Muli, nilingon niya si David at tinitigan nang masama.
Abala naman ang lalaking 'yon sa pagpili ng mga damit na wala man lang style. Kahit aso, hindi gugustuhing magsuot ng mga damit dito. Paano ito natitiis isuot ng mga tao?
Napatingin siya sa malawak na lugar. Its somehow feels strange na napakaraming tao nakapaligid, pero ni isa sa mga 'yon, hindi man lang siya tiningnan. Well, maliban doon sa ibang lalaki na kinikindat-kindatan siya at pinagnanasaan yata ang mukha ng babaeng 'to.
May iba ring babae na napapalingon at pinagbubulungan ang maluwang niyang tshirt at jogging pants. Mukha kasi siyang alalay na hampaslupa ng kasama niya. Idagdag pang sadyang magulo ang kulot na buhok ng babaeng ito.
Kaya lang, sadyang nakakapanibagong walang lumalapit sa kaniya para magpa-authograph o magpa-picture. Walang tumitili at nagsisigawan dahil sa presensiya niya. But somehow, she likes this feeling.
Parang ngayon lang siya lumaya.
Lihim siyang napangiti. Mukhang ito lang ang magandang idinulot sa kaniya ng kakaibang pangyayari na ito.
Naistorbo lang ang kaniyang pagsasaya nang biglang lumapit si David, at tinapatan siya ng nakuha nitong damit. "Oi, bagay 'to sa 'yo, ah?"
Napangiwi na lang si Avah. "Tingin mo ba, isusuot ko 'yan?"
"Bakit naman hindi?" wika nitong tiningnan ulit 'yong kulay kahel na bestidang lampas tuhod. "Hindi ba, uso 'to?"
"Baka noong panahon ng lola mo, uso 'yan!" bulyaw niya.
Napahalakhak ang lalaki. "Hindi magsusuot si Lola ng ganito. Boyish 'yon noong kabataan niya."
"Eh 'di ikaw na lang magsuot niyan!" inis niyang wika na nagsimula nang maglakad palayo.
Kaagad namang humabol sa kaniya si David. "Bakit ayaw mo n'on? Bagay kaya 'yon sa 'yo."
"I didn't know na cheap ka pala," pagrereklamo niya habang mabilis na naglalakad palabas ng store na 'yon.
"Eh, dito mura eh," tugon nito na sinasabayan siya sa paglalakad. "Alam mo, ikaw, pasalamat ka nga at naisipan kitang bilhan ng isusuot mo, eh."
"Huwag na, 'di bale na lang!" pagsusungit niya na pumasok sa kabilang tindahan.
"Ah, ayaw mo ba ng mga damit dito? Bakit? Masyado ka na sigurong nag-e-enjoy sa damit ko, ano?" pang-aasar nito kaya agad siyang huminto at binigyan ito ng matalim na tingin.
"Kapag talaga bumalik ako sa dati, bibilhin ko ang lahat ng damit dito at ipadadala ko sa condo mo. Manawa kang magsuot ng mga 'yon!" isip-isip niya.
***
Pagkasundo sa kambal na anak mula sa daycare, kaagad umuwi si Kristina sa bahay para lang matuklasang wala pa rin doon ang bunso nilang kapatid. Sapo ang ulo ay mas labis siyang nag-alala. Hindi pa kasi 'yon nag-aalmusal. Baka kung napaano na 'yon sa daan.
Sakay ang tricycle ay agad na siyang nagmadali patungo sa chicken house. Wala siyang magawa kung 'di ang kapalan ang mukha at iwan doon ang dalawang anak.
"Auntie, pasensiya na po talaga. Hanggang ngayon, hindi pa rin umuuwi si Joan, eh," paalam ni Kristina na nag-umpisa nang mangilid ang luha.
"Naku, ano bang nangyayari sa inyo." Napapalatak ang kaniyang tiyahin saka napasulyap sa dalawang bata na wala namang kamalay-malay at naglalaro lang sa bakanteng mesa. "Siya, sige't hanapin mo muna. Kami nang bahala sa mga 'to."
Nagmadali nang lumabas si Kristina. Nakasalubong pa nito ang pinsang si Beki na nangungunot naman ang noo.
Napatingin lang ang bakla sa nagmamadaling si Kristina, saka ito bumaling sa ina, "Saan 'yon pupunta?"
"Hay naku, hahanapin si Joan at kanina pang umaga umalis," paliwanag nito na napailing. "Hahanapin daw si Cindy. Aba'y mukhang maghahanapan lang sila."
"Hindi pa ba umuuwi si Ate Cindy?" laking pagtataka nito.
"Hindi pa nga, ilang gabi na," bulalas ni Auntie Juana saka napatitig sa anak. "At bakit ngayon ka lang nakauwi?"
"Naku, Mama. Hectic sa work," sagot ni Beki na lumapit sa dalawang bata at ito pa ang nagmano sa mga ito.
"Paanong magiging hectic? Hindi ba't nawawala ang boss mo? Ano nga palang nangyari doon?"
Tila bigla namang nawalan ng enerhiya si Beki na napasalampak na lang sa upuan katabi ni Peter. "Iyon na nga, Momshie. Kapag hindi nila ako inilipat sa ibang grupo, baka mawalan ako ng trabaho." Yumakap na lang ito sa bata na agad namang nagpumiglas.
"Tita Beki, ang baho mo!" reklamo ng limang taong batang lalaki na ang tinutukoy ay ang mumurahing face cream nito.
Bumitiw si Beki nang may maalala. "Nga pala, Mama. Mukhang yayamanin ang kustomer natin, ah? Ang ganda ng kotse niya, kamukha ng kay Miss Avah." Napatingin ito sa paligid at napakunot ang noo. "Wala namang mukhang rich dito, ah?" bulong nito saka napatango-tango. "Sa bagay, may mga rich na 'di pahalata."
Kaagad itong kinaltukan ng ina. "Gag*h! Iyan ang sinasabi ko sa 'yong kotse na ipinapalit ng kaibigan ng Ate Cindy mo, para sa motor na hiniram niya."
"Ano!?" Namilog ang malalaking mata ni Beki na agad napatayo at sumilip sa labas ng salaming harang. "Kamukhang-kamukha 'yan ng paboritong kotse ni Miss Avah," usal nito na nagsimula nang humakbang palabas.
Sumunod naman ang ina-inahan nitong si Auntie Juana.
Sa labas, kaagad na kinilatis ni Beki ang kabuuan ng sasakyan, ang buong exterior nito, maging ang interior. Natigilan na ito nang matitigan ang plaka.
Mayamaya pa, bigla na itong napatili, "Ahhh!!!"
Ikinalundag naman 'yon ni Auntie Juana, sabay hampas sa balikat ng anak. "Wal*nghiya ka! Bibigyan mo ako ng sakit sa puso!"
"Momshie!" bulalas ni Beki habang nanlalaki ang mata. "Kotse 'to ni Miss Avah." Humina ang boses nito na tila naubusan ito ng tinig sa huling sinabi.
"Anong sinasabi mo!?"
"Sigurado ako, plate number 'to ni Miss Avah!" pabulong pang wika nito na tinititigan pa rin ang mga numero ang letra sa bandang unahan ng kotse. "Bakit ito nandito?"
Doon din natuon ang tingin ni Auntie Juana na agad may nabuong konklusyon sa isipan. "Nawawala si Avah Lopez... at nawawala rin si Cindy." Nalipat ang tingin nito sa mukha ng anak. "Sinasabi mo bang... magkasama silang nahulog sa dagat?"
***
Patuloy pa rin ang huntahan nina Avah at David. Paano'y inis na inis siya hanggang ngayon sa lalaki. Sadya pa talaga itong nang-aasar nang dalhin siya sa isang simpleng Pinoy Restaurant sa loob ng gusali. Masarap naman daw kasi at mura ang mga lutuin doon. Pero, wala siyang ibang makita kundi iba't ibang lutuin na mamantika at palagay niya'y ma-vetsin.
At dahil wala siyang hilig sa mga 'yon, nakuntento na lang siyang uminom ng tubig. Napataas nga ang kilay niya nang malasahan ang tubig. Parang iba 'yong lasa. Hindi lasang mineral water. Hindi niya rin naubos 'yong tubig sa pag-aalalang magka-diarrhea siya.
Bakit ba napakakuripot ng lalaking ito? Tinitipid ba siya nito kasi nga napulot lang siya nito sa kung saan?
"Patay ka talaga sa akin kapag ako bumalik sa dati," pagbabanta niya sa kaniyang isipan. "Mag-oorder ako ng sandamakmak dito, tapos araw-araw akong magpapadala sa unit mo. Makikita mong hinahanap mo!"
Muli ay binigyan niya ito ng matalim na tingin.
"Bilisan mong kumain!" Pinagmadali na niya si David, habang siya, nalipat ang tingin sa malaking poster ng isa sa mga advertisement niya. Napakasopistikada niya roon habang hawak ang isang bote ng softdrink. Sa ngiti pa lang niya roon, tiyak mapapabili na ang mga consumer ng naturang inumin.
Panay naman ang pagdaldal ng lalaking kasama niya. "Alam mo kakaiba ka talaga? Imbes na magpasalamat ka, puro pa reklamo ang naririnig ko sa 'yo! Hindi naman sa nag-e-expect ako ng kapalit, pero kaunting appreciation man lang—" pinutol na niya ang sasabihin nito.
"Huwag kang mag-alala, bumalik lang ako sa dati, babayaran kita, with interest pa," pahayag niya habang nakatingin pa rin sa kaniyang larawan.
"Bakit? Mayaman ka ba?" tanong ni David. "Paano ka nakakasigurong mababayaran mo 'ko?"
Hindi na siya tumugon at ipinagapatuloy lang ang pagtitig sa kaniyang dating mukha.
Hindi na ba niya ulit makikita ang mukhang 'yon? Totoo bang... patay na nga siya?
"Parang fan na fan ka talaga ni Avah Lopez, ah?" pahayag ni David na 'di na maituloy ang pagkain. "Parehong-pareho kayo ni Anthony. I think, kung may numbering, baka number two ka lang, dahil siya ang number one."
Nalipat ang mga mata niya kay David. "Fan ni Avah si Anthony?"
"Oo. Kapag may US tour ang grupo nina Avah, ni minsan, hindi um-absent ang kaibigan kong 'yon," pagkukuwento ng lalaki. "Napanood niya ang lahat ng TV programs at movie ng babaeng 'yan. Lahat nga ng kanta ni Avah, nandoon sa phone niya. Pampatulog niya nga yata 'yon."
"Siguro, kung magaling na dancer si Anthony, baka kabisado rin niya ang sayaw ng Empress," dagdag nito.
Doon ay 'di na napigilan ni Avah na mapangiti. Naalala niya, hindi marunong sumayaw si Simon. Parehong kaliwa ang paa nito. Kapag may selebrasyon sa bahay nila noon, ito ang palagi niyang kapares. Kaya naman siya lang ang palaging nagtitiis at madalas na natatapakan ng paa nito.
"Oi, ngumiti ka na!" Napaturo sa mukha niya si David. Tuwang-tuwa ito at napapalakpak pa na akala mo, greatest achievement nito na mapangiti siya.
Nag-iwas lang siya ng paningin at sinubukang pumormal.
"Huwag kang masyadong mag-alala. Magiging maayos din ang lahat. Makakabalik ka rin sa inyo," paniniguro ni David na muli nang sumubo sa pagkain nito.
Matapos nitong kumain doon, ipinagpatuloy na nila ang paghahanap ng damit sa ibang tindahan. Mayroon namang ibang brand doon na kilala at swak sa panlasa niya. Ang problema, ayaw nga 'yong pasukin ni David.
"Huwag na kasi... sige, maghanap na lang tayo sa ibang mall," pagpupumilit nito na hinahaltak na siya palayo roon.
Nagsalubong naman ang kilay ni Avah. "Bakit ba ayaw mong pumasok tayo riyan?"
"Kasi... baka may makakita sa akin at isumbong ako sa dad ko," pagdadahilan nito.
Napatingala naman siya sa pangalan ng establishment, DE clothing. "Bakit? Manager ba rito ang dad mo?" bulalas ni Avah.
Muli na siya nitong hinaltak sa kung saan. Patuloy naman siya sa paghila sa mga kamay niya, at dahil hindi nga siya nakatingin sa daan, 'di sinasadya ay may nabangga siya.
"Ate Cindy?" manghang wika ng isang bata na ngayon ay nakatingala na sa kaniya.