Maririnig sa kusina ng pamilya Katoh ang mahinang paghikbi ng batang si Joan. Abala ito roon habang naghahanda ng agahan ng kambal. Ito ang naghihiwa ng sibuyas na agad nitong inihalo sa piniritong itlog na nasa kawali. Panay naman ang pag-agos ng luha nito habang naririnig sa telebisyon ang balita tungkol kay Avah Lopez.
Higit dalawang gabi na ang lumipas, pero hanggang ngayon, hindi pa rin umuuwi sa kanila ang kaniyang Ate Cindy. Hindi pa rin nila matawagan ang cellphone nito.
"Nawawala rin ang Ate ko, bakit si Avah Lopez lang ang hinahanap nila?" pag-iyak niya na agad pinunasan ang luha gamit ang suot na t-shirt.
Kaagad din siyang napalingon sa pinto nang bigla 'yong bumukas. Pumasok mula roon ang kaniyang Ate Kristina na mababakas sa mukha ang pagkabalisa. Maaga itong umalis kanina para makapag-report sa police station.
"Ano pong nangyari, Ate? Nakapag-report ka na po ba?" pagsalubong ni Joan.
"Oo. Pero... nasa hustong gulang kasi si Cindy. At nasa matinong pag-iisip, kaya baka raw, may pinuntahan lang," paliwanag nitong napaiwas ng tingin.
"May pinuntahan? Anong sinasabi nila? Nag-part time si Ate! At noong isang gabi pa siya nawawala!" pag-atungal ni Joan. "Samantalang si Avah Lopez, isang minuto pa lang, hinanap na nila!"
Naupo sa harap niya ang kaniyang Ate Kristina. "Magkaiba naman kasi ang sitwasyon nila, Joan. Si Avah Lopez, nahulog siya sa dagat. Magpasalamat tayong hindi ganoon ang nangyari kay Cindy."
"Paano ka po nakakasiguro!? Nakita mo po ba siya? Alam mo po ba kung nasaan siya!" Mas lalong dumaloy mula sa pisngi niya ang malalaking patak ng luha.
Napayakap na sa kaniya si Ate Kristina. "Kasi, Joan... baka umalis lang si Cindy. Baka nag-alala siya, dahil nandito na kami ng kambal. Baka—"
Kaagad bumitiw si Joan para harapin ang ate niya. "Hindi ganoon si Ate Cindy! Hinding-hindi niya ako iiwan! Wala nga siyang dalang damit, anong sinasabi mo!?" patuloy ni Joan. "Paano mo nasasabi 'yan kay ate? Nawawala siya!"
"Joan?" Bumakas ang matinding pagkaawa mula sa mukha ni Kristina.
Pero, nakapagdesisyon na si Joan. "Kung ayaw mo siyang hanapin, ako ang maghahanap sa kaniya!" bulyaw niya at patakbo na siyang lumabas ng bahay.
"Joan!" pagtawag ng kaniyang Ate Kristina pero hindi na niya ito nilingon pa.
***
Buong magdamag na hindi nakatulog kagabi si Avah. Wala siyang ibang ginawa kundi ang magpapaling-paling sa kama. Kaya nga nang bumangon siya at naupo sa harap ng tokador, saglit niyang pinagmasdan ang repleksyon sa salamin.
Nakasuot siya nang maluwang na sweatshirt at mahabang pajama na pag-aari ni David. Gulo-gulo ang kulot at mahabang buhok ng babaeng nakatingin pabalik sa kaniya. Mahahalata rin ang pangingitim sa gilid ng kaniyang mata. Pakiramdam niya, tumanda ito ng isang taon.
"Ano bang paki ko! Hindi ko naman mukha ito!" Halos manggigil siya sa nakikita niya sa salamin. Labis siyang naiirita sa kulot at mahabang buhok ng babaeng 'to. Kalbuhin niya kaya ito?
"Hindi. Paano kung... matagal pa bago ako magising sa bangungot na ito?" bulalas niya sa sarili.
Para sa kaniya, isa lang itong mahabang bangungot. At hanggang ngayon, nagtataka pa rin siya kung bakit hindi siya nagigising. Napuno siya ng labis na pagkatakot sa maaaring mangyari sa kaniya. Ang malaking problema rito, wala siyang ibang mapagsabihan.
Tumayo na siya matapos niyang maitali ang buhok ng babaeng 'yon. Kaagad siyang bumaba sa first floor at sumalubong sa kaniya ang masarap na amoy. Napapikit siya at sinundan ang nakakatakam na amoy. Para nga siyang naengkanto hanggang sa makarating siya sa dining area.
"Anong ginagawa mo?" tanong ni David na ngayon ay nakakibit balikat.
Kaagad siyang naupo sa harap n'on at pinagmasdan ang simple pero nutritious na inihanda nito. Egg and vegetable salad, Blueberry pancake at Peach smoothie. Parang mga ganito rin ang iniluluto ni Mrs. Perez sa kaniya bilang agahan. Hindi na masama.
Mabuti na lang kahit papaano ay masarap magluto si David.
Nag-umpisa na siyang kumain at hindi inintindi ang pagtitig nito. Masigla siyang kumain sa kabila ng lahat ng nangyayari sa kaniya. Dahil 'yon ang itinuro ni Mrs. Perez. Sinabi nito na kahit ano pa mang pagdaanan niya sa buhay, ang importante, dapat palaging may laman ang sikmura niya.
Hindi sa kaniya problema ang tumaba kahit kumain pa siya nang kumain. May pills siyang iniinom para mabilis matunaw ang pagkain niya. Pero ngayon, dahil nasa katawan siya ng babaeng 'to, wala na siyang pakialam kahit tumaba pa ito.
Naupo na rin si David sa harap niya. "Naku, sa ayos mong 'yan para ka talagang survivor ng giyera," pahayag ng lalaki nang mag-umpisa ring kumuha ng pagkain nito."
Nang kukuha sana ito ng pancake, agad niyang iniharang ang tinidor niya. Dahan-dahan din siyang umiling.
"Bakit? Paborito mo ba 'yan?" usisa ni David na pinagbigyan din siya. "Si Anthony rin, mahilig sa blueberry."
Saglit siyang natigilan sa pagnguya dahil doon. Alam niya 'yon. Marami kasi silang pagkakapareho ni Simon na Anthony na nga ang pangalan ngayon.
"Kumusta kaya siya?"
"Malamang nandoon pa rin 'yon sa Batangas, naghihintay," pahayag ni David kasabay ng pagnguya. "Narinig ko, natuloy 'yong bagyo. Kaya malamang, huminto na 'yong mga drivers. Sana lang, 'wag siyang mawalan ng pasensya. Baka kasi siya mismo ang sumisid doon."
"Ano?" gimbal niyang wika.
"Pero, hindi naman niya siguro gagawin 'yon. Alam niyang 'di siya trained diver," sagot ni David.
Pagkatapos nilang mag-agahan, ang lalaki na mismo ang nagligpit ng pinagkainan nila. Naroon pa rin siya sa harap ng hapag-kainan at nalulunod na naman sa pag-aalala. Kailangan niyang makahanap ng paraan.
Ano bang puwede niyang gawin?
May iba ba siyang magagawa sa sitwasyon niya?
Gusto niyang maging matapang, pero sa tuwing iisipin niya ang posibilidad na patay na nga ang katawan niya, bumibigat ang buong pakiramdam niya. Nahihirapan din siyang humihinga. Hindi niya maiwasan ang pagtulo ng mga luha niya. Wala siyang ibang magawa kundi ang isandig ang ulo sa mesa.
"Miss, ayos ka lang ba?" tanong ni David na natigilan sa ginagawa at ngayon ay nakasilip na sa mukha niya. "May masakit ba sa 'yo?"
"Paano kung patay na ako?" usal niya.
"Ha?" wika ni David na nangunot ang noo. "Huwag mag-alala, I'm really sure, buhay ka pa, nakikita pa kita, eh. At hindi naman bukas ang third eye ko para makakita ng multo." Bigla na lang siya nitong pinitik sa noo.
Napapitlag naman si Avah at agad napatayo.
"See? Nasasaktan ka, ibig sabihin, kaya mong makaramdam."
Sinamaan niya lang ito ng tingin sabay sapo sa noo.
"Huwag kang mag-alala, hangga't nandito ka sa poder namin, hindi ka namin pababayaan," paniniguro ni David na binigyan pa siya ng matamis na ngiti.
Nagpatuloy naman siya sa pagsimangot habang nakatingin sa kawalan.
"Okay, dahil hindi pa rin maganda ang pakiramdam mo, bakit hindi tayo mag-shopping?" alok ni David na napapalakpak. "Ganoon ang ginagawa ng mom ko sa tuwing malungkot siya."
"Talaga? Magsho-shopping tayo?" Bahagya namang nagliwanag ang kaniyang mukha.
"Oo! Tutal, kailangan mo rin naman ng damit pamalit, 'di ba? At hindi sapat 'yong undergarments na binili ni Miss Torres sa 'yo, right?" Masiglang wika nito na inutusan na siyang mag-ayos at maligo para makaalis sila.
***
Hindi na nahabol ni Kristina si Joan kaninang umaga. Ang bilis nitong nawala sa paningin niya. Inakala niyang babalik ito kaagad, pero lumipas ang ilang minuto ay wala pa rin ito. Wala tuloy siyang ibang mapagpilian kung 'di siya mismo ang maghatid sa kambal sa daycare, bago siya dumiretso sa chicken house.
Siya kasi ang pansamantalang pumapalit kay Cindy na hindi pa rin nakakauwi hanggang ngayon.
Nag-aalala na siya. Ni minsan ay hindi pa ito nagagawa ni Cindy. Kung aalis man ito, palagi itong nagsasabi sa kanila. Noong bago mamatay ang kanilang ina, sa pagkakaalam niya, nagpa-part time ito sa isang catering service na ang kadalasang kustomer ay mga mayayamang pamilya.
Kahit siya na hindi naman nakatira sa bahay nila noon, alam niya kung saan ito nagpupunta dahil sa kaniya nito palaging ibinibilin ang ina nilang nakaratay noon. Kaya ngayong nawawala ito nang ganito katagal ay talaga namang labis na nakababahala.
Baka nga, may nangyari nang 'di maganda sa kaniyang kapatid?
Umaalon ang labis na kaba sa puso ni Kristina habang abala siya sa pagsasandok ng mga kanin, sa hile-hilerang styro na nasa mesa. Narito siya sa kusina ng chicken house. Kasama niya si Marie na abala sa pagpiprito ng manok, maging si Pipoy na in-charge sa paghuhugas ng plato at paglilinis ng mga mesa sa dining. Si Auntie Juana ngayon ang nagdi-deliver gamit ang kotse na palagay niya'y pag-aari nito.
Mayamaya ay bumukas ang stainless na pinto at pumasok doon ang kanilang tiyahin. Nakabusangot ito at ilang araw nang 'di maganda ang timpla.
"Hindi ka pa rin tapos sa pag-aayos diyan?" bulalas nito na napatingin sa ilang pirasong magkakapatong na styro. "Naku, kung si Cindy ang narito, kanina niya pa na-deliver 'yan!" Nagpamaywang na ito. "Nasaan na ba kasi ang batang 'yon?"
"Auntie, nag-report na kami sa pulis," pahayag ni Kristina.
"Nireport n'yo agad sa pulis? Hindi ba, sinabi ko sa 'yong ipatanong mo sa mga kaibigan ni Cindy, kung saan na nakatira si Janna, kasi 'yon nga ipinaalam niya sa akin? Pupunta siya sa party ng kaibigan niyang 'yon."
"Eh...kasi, Auntie," panimula niyang nag-aalangan sa sasabihin. "Hindi po talaga party ang pinuntahan ni Cindy. Part-time po."
"Anong sinasabi mo?" Napamaang na wika ng batang tiyahin. "Sinasabi mo bang nagsinungaling sa akin si Cindy?"
Napaiwas na ng tingin si Kristina. "Hindi naman po sa ganoon. Ayaw lang siguro niyang mag-alala kayo."
"Kung hindi 'yon party ni Janna, kaninong kotse 'yong nasa labas?" laking pagtataka nito.
"Hindi n'yo po ba kotse 'yon?' usisa niya.
"Nahihibang ka ba? Alam mo ba kung gaano kamahal ang kotseng 'yon?" Nanlaki ang mata ni Auntie Juana na nakatingin na sa kaniya. "Hindi ko rin alam." Umiling ito. "Pero, sigurado ako, base sa tatak n'on. Luxury car 'yon! At sinabi ni Cindy na nakipagpalit ang kaibigan niya dahil kailangan n'on ang motor. Hindi kaya..."
Abang na abang naman si Kristina sa sasabihin ng tiyahin.
"Hindi kaya, nakipagtanan na ang kapatid n'yo?" Namilog ang mata ni Auntie Juana.
"Ano po? May boyfriend ba si Cindy?"
"May boyfriend siya dati sa pagkakaaalam ko, baka nakipagbalikan na sa kaniya," hula nito. "Sa pagkakaalam ko mayaman 'yon. Kaya baka regalo talaga sa kaniya 'yang kotse na 'yan."
"Saan n'yo naman narinig 'yan? Auntie, hindi ganoon ang kapatid ko!" Kumulo na ang dugo ni Kristina dahil sa naiisip ng tiyahin. "Hindi siya iresponsable na bigla na lang aalis—"
"Tulad ng ginawa mo?" pagputol ng tiyahin sa sinasabi niya. Napaismid ito. "Ah, oo nga pala. Nakalimutan kong 'di mo nga pala katulad si Cindy. Kung sakali man, malamang magsabi siya sa akin." Napabuntong-hininga na ito at napatingin sa kung saan. "Kung ganoon, baka nga... may masama nang nangyari?"
Inis nang hinubad ni Kristina ang suot na apron. "Auntie, lalabas na muna ako saglit. Susunduin ko lang 'yong kambal. Titingnan ko rin kung nakauwi na si Joan," paalam niya at mabilis na itong tinalikuran.