***
Nag-uumpisa nang manikip ang dibdib ni Kristina. Kanina pa kasi siya palakad-lakad sa mga lugar na posibleng puntahan ni Joan. Alam niyang dito lang naman ito magpupunta sa Sapphire Avenue, ang madalas nilang pasyalan noong nabubuhay pa ang kanilang ina.
Napakaabala ng lugar na maituturing na shopping capital ng Lamina dahil magkakatapatang malls at kilalang establishments dito.
Saglit na nagpahinga si Kristina sa isang tabi para magamit ang kaniyang inhaler. Pagkaupo niya sa nakitang bench na nalililiman ng puno, inalog niya ng ilang segundo ang hawak. Nagpakawala siya ng malalim na paghinga, saka niya 'yon inilagay sa kaniyang bibig, at doon ay humugot siya nang mabagal ngunit, malalim na hininga.
Napatingala siya sa napakalaking gusali ng Emerald Building. Naalala niya noon, doon sila madalas dalhin ng kanilang ina tuwing magpa-Pasko, lalo na kung nakuha na nito ang 13th month pay nito. Masaya sila habang ibinibili nito ng regalo, at pagkatapos ay dadalhin sila nito sa isang kilalang kainan doon. Paborito ni Joan ang mga pagkain sa Pinoy restaurant na 'yon na matagal na rin nilang hindi napupuntahan.
Kailan ba sila nagpasko na masaya at masasabi niyang masagana? Dalawang taon na ba o tatlong taon? Noong hindi pa nila alam na may matinding karamdamang iniinda ang kanilang ina.
Muling nangilid ang luha ni Kristina nang tumayo at humakbang papasok sa lugar. Magbabakasakali siya na pumunta roon. Pero, kapag hindi niya roon nakita si Joan, hindi na niya alam kung saan pa ito hahanapin.
***
"Ate Cindy?"
Pagkasabi n'on, bigla na lamang bumagsak ang bata na mabuti at nasalo ni David.
Napabukas ang bibig ni Avah dahil sa nasaksihan.
"Ano ka ba?" panggigising sa kaniya ng lalaki. "Tulungan mo ako."
Umalalay na siya sa kabila ng bagay na inaalala. Tinawag siya ng batang ito ng Cindy. Ibig sabihin, kilala nito ang babaeng may-ari ng katawan na ito. Kapag nagkataon, baka kamag-anak pa pala niya ito.
Hindi puwede. Kailangan niyang makagawa ng paraan.
"Iwan na lang natin siya sa mga staff dito at umalis na tayo," pahayag niya na agad naghanap sa paligid ng isa sa mga tauhan sa lugar.
Isang 'di pamilyar na babae naman ang agad niyang nasumpungang nakatingin sa kaniya. Bumakas sa nanlalaki nitong mga mata ang pagkabigla.
"Cindy?" wika nito na agad lumapit sa kanila. "Naku, Joan!" bulalas nito nang mapansin ang walang malay na bata sa bisig ni David. "Anong nangyari, Cindy?" usisa nito saka napatingin sa kasama niya. "Sino siya?"
"Miss, kilala mo siya?" usisa ni David sa babae. "Cindy ang pangalan niya?" wika nitong nalipat naman ang tingin sa kaniya.
***
Dinala sa isang simpleng klinika sa unang palapag ang bata na walang malay pa rin hanggang ngayon. Na-dehydrate daw ito dahil mukhang kanina pa ito sa labas ng initan.
Naging pagkakataon naman 'yon ng babae para makausap sila ni David. Mukhang hindi na niya ito matatakasan.
Naroon sila sa lounge ng clinic na mabuti at walang ibang tao. Napayakap pa sa kaniya ang babaeng nagpakilalang Kristina.
"Saan ka ba galing? Pinag-alala mo kami. Huwag mo nang uulitin 'yon." Nang bumitiw ito napatitig na ito sa kabuuan niya. "Ano ba talagang nangyari sa 'yo?"
"Kilala mo ba talaga ako?" tanong niya na tiningnan din ang suot nito. Simple lang ang pananamit nito. Blouse at pantalong na ipinares sa lumang sapatos. Mayroon itong simpleng ganda kahit wala itong suot na make-up.
"Ano bang sinasabi mo, Cindy?" laking pagtataka nito.
Nagsimula naman si David sa pagpapaliwanag kung anong nangyari sa kaniya. "Nai-report na namin siya sa pulis. Napa-over all check up na rin siya, at wala namang ibang masamang nangyari sa kaniya."
Gulat na gulat ang babaeng 'yon nang malamang nakita nga siyang walang malay sa gitna ng kalsada sa Quezon.
"Anong ginagawa mo sa Quezon? Doon ka ba nag-part time?" usisa nito.
Napailing si Avah. "Ewan ko, wala akong idea. Baka nakidnap ako," walang interes na wika niya.
"Imposible 'yon. Sinong baliw ang mangingidnap sa 'yo? Wala naman tayong pera."
Muli namang nagsalita si David. "Dahil din sa nangyari, na-trauma siya, kaya wala siyang kahit na anong maalala."
Kuwestiyonable napatingin pabalik sa kaniya si Kristina. "Wala kang maalala sa nangyari sa 'yo?"
"Sa lahat," paglilinaw ni Avah. "Pati kayo, hindi ko kayo maalala."
"A-ano?" Napaawang ang bibig nito at agad din itong humawak sa kamay niya. "Hindi mo ako naalala? Ate mo ako. Ako ang panganay sa ating lima, si Joan 'yong bunso." May inalabas itong wallet mula sa nakasukbit na sling bag. "Dala ko 'yong family picture natin para maniwala ka."
Ipinakita nito sa kanila ang isang maliit na larawan ng isang buong pamilya. Anim na katao ang naroon, limang babae at nag-iisang lalaki, at halos magkakahawig lahat. Mukhang hindi siya makakatanggi sa bagay na ito.
Isa-sa na 'yong ipinakilala ni Kristina. "Ito si Mama, ako, ikaw 'yong katabi ko, si Nicole, si Bobby, at ang bunsong si Joan. Kinunan ito, two years ago, bago pa ma-diagnose si Mama."
"Diagnosed ng alin?" usisa niya.
"Lung cancer," pahayag ni Kristina na nakatingin lamang sa larawan na 'yon.
"Oh, nasaan na siya? Magaling na ba siya?" Natigilan lang siya nang mag-iba ang ekspresyon ng babae.
"Hindi mo ba talaga naaalala?" kunot-noong wika nito. "Wala na si Mama, isang taon na rin."
Saglit na namayani ang katahimikan sa kanila.
Muli namang sumagi sa isipan ni Avah ang dapat niyang gawin. "Ganito kasi 'yon, Kristina, napag-usapan namin na hindi kami basta magtitiwala sa kung sino mang magsasabi na kapamilya nila ako. Matindi ang nangyari sa akin. I hope you understand. Kailangan nating magpa-DNA."
"DNA?" bulalas ni Kristina na napataas ang tono.
Tinapik naman ni David ang braso niya. "Ano ka ba? Hindi na kailangan 'yon." Napaturo ito sa picture na hawak ni Kristina. "Hindi pa ba sapat 'yan bilang ebidensiya na kapamilya mo sila?" Nagpilit pa ng alanganing pagtawa anag lalaki.
"Oo nga. Pero kahit kapamilya ko sila, malaki pa rin ang posibilidad na sila ang dahilan kaya ako napahamak." Kumibit na ng balikat si Avah at humarap sa kung saan.
"Cindy, imposible 'yang sinasabi mo," pahayag ng babae. "Ang totoo niyan, sa 'yo umaasa ang buong pamilya. Kaya nga, malaking bagay na wala ka sa bahay." Napayuko na si Kristina.
Nabaling naman ulit ang tingin niya rito. "Anong sinasabi mong sa akin umaasa ang buong pamilya n'yo?" laking pagtataka niya na agad nagkaideya. "S-sinasabi mo bang ako ang breadwinner n'yo?" Hindi niya maiwasang mapahalakhak.
Tumango-tango naman ang kausap niya. "Oo. Kaya sumama ka na sa amin, para malaman mong ligtas ka sa bahay. Gigisingin ko na si Joan para makauwi na tayo." Muli itong humawak sa kaniyang kamay. "Umuwi na tayo para mas makapag-usap tayo roon."
"Kung ganoon, ihahatid ko na kayo sa inyo," wika ni David sa kanila.
"Hindi na siguro kailangan. Nakakahiya na sa 'yo," pahayag ni Kristine nang tumayo. "Siguro, naging malaking istorbo na sa inyo ang kapatid ko."
"Hindi naman sa ganoon," pagtanggi ni David na ikinampay ang kamay. "Medyo mareklamo lang siya," dagdag nito. "Ganiyan ba talaga siya?"
"Ha?" taka ni Kristina na napatingin sa kanya.
Wala siyang magawa kundi ang samaan ng tingin ang lalaki.
"Ate Cindy?"
Pare-pareho silang napalingon sa batang tinig. Iyon na siguro 'yong tinatawag ni Kristina na Joan.
Patakbo itong lumapit at yumakap nang mahigpit kay Avah. At dahil nakaupo siya, agad niyang naamoy ang maasim-asim nitong buhok.
"Ano ba!? Bitiwan mo nga ako!" Bigla niya tuloy itong naitulak palayo kasabay ng pag-asim ng mukha niya.
"A-ate Cindy?" Bahagya itong napaatras ang napatitig sa kaniya. "Ate Cindy? Saan ka ba galing?"
"Galing ako sa kawalan," pang-asar niyang sagot. "Kapatid ba talaga kita? Ilang araw ka na bang hindi naliligo." Napatakip si Avah sa kaniyang ilong.
Napaamoy naman ang bata sa sarili nito. "Ate naman! Kasalanan mo kaya 'to!" tugon nitong napapadyak. Saka naman nito napansin ang lalaking katabi niya. "Teka, sino siya? Boyfriend mo? Nagtanan ka nga?" Nanlaki na ang mata ni Joan. "Huwag mong sabihing buntis ka?"
Kaagad nang tinakpan ni Kristina ang bibig nito. "Joan, ano ka ba?" pagsaway nito saka bumaling sa lalaki. "Pasensya ka na. Kung medyo loka-loka ang kapatid ko, mas matindi itong bunso namin." Humalakhak pang wika nito.
"Mukha ngang it really runs in the family," pag-ayon ni David na napatango-tango nang lumingon sa kaniya.
***
Sa kabila ng pagtanggi ni Kristina na ihatid sila ni David, wala itong magawa dahil ayaw niyang sumakay ng pampublikong sasakyan. Saglit pang nakapag-usap ang mga ito sa sasakyan, habang siya, ayaw namang bitiwan ng batang katabi niya sa backseat. Kapit na kapit ito sa braso niya na tila natatakot na makawala pa siya.
"Ano ka ba? Bitiwan mo nga ako, ang init-init!" pagrereklamo ni Avah na sinamaan ito ng tingin.
Saglit mang natulala sa kaniya ang bata, hindi naman ito natinag at ipinagpatuloy lang ang paghilig sa kaniyang braso. "Na-miss kaya kita Ate Cindy. Parang ang laki na ng ipinagbago mo. Talaga bang hindi mo na ako maalala?"
"Oo, kaya puwede bang 'wag kang masyadong clingy!" Pilit na niyang inialis ang mga kamay nito sa kaniyang braso.
Bumakas ang lungkot sa mukha ni Joan na napayuko na lang.
Napalingon naman si Kristina na nakaupo sa front seat. "Joan, intindihin mo na lang si Cindy. Nagkakaganiyan siya dahil hindi niya tayo maalala. Huwag kang mag-alala, lilipas din 'yan."
"I bet not," bulong niya.
Narinig naman nilang may tumunog sa kung saan. Napansin ni Avah nang ilagay ni Kristina sa tainga ang android phone na mukhang mumurahin.
"Hello, Auntie. Oo, nakita na namin si Cindy. Pauwi na rin kami," pahayag nito.
Napapaisip naman siya kung sinong kinakausap nito.
"Gusto n'yo pong makausap si Cindy?" Saglit itong sumulyap sa kaniya. "May problema po kasi... wala pong maalala si Cindy."
"Ano pong sinasabi n'yo? 'Yong kotse sa chicken house, kotse ni Avah Lopez? Paano mangyayari 'yon?"
"Ano?" Mukhang maging si David ay naalarma sa narinig.
Saka naman pumasok sa isipan ni Avah, na bukod sa suot nila at sa helmet, nagpalitan nga rin pala sila ng masasakyan ni Cindy nang araw na 'yon.
"Tama! Ang kotse ko," usal niya.
"Totoo ba 'yon?" tanong ni David na sinilip siya mula sa rearview mirror.
"Siguro... ewan," pag-iwas niya.
"Kung nasa 'yo nga ang kotse ni Avah Lopez, ibig sabihin, may kinalaman ka rin sa pagkawala niya," bulalas ni David na namilog ang mga mata.
"Anong sinasabi mo!?" Nanlaki ang mata niya dahil sa narinig. "Hindi ba nga, sa Quezon n'yo ako natagpuan? Sandali... ganoon ba 'yon?"
"Baka, nakidnap din siya gaya mo," bulalas ni David na napatitig sa kaniya.
"Nababaliw ka na," inis niyang wika na napakibit balikat na lang. "Nalaglag ako sa dagat... I mean, si Avah Lopez, nahulog sa dagat."
"Nagkataon lang ba 'yon na nawala kayo sa parehong araw?" Napapaisip na wika ng lalaki.
"Maigi pa, dumaan na lang muna tayo sa chicken house para makasiguro," suhestiyon ni Kristina.
***
Hindi rin nagtagal, nakarating sila sa sinasabi ni Kristina. Habang nagpaparada si David, napatingala pa si Avah sa pangalan ng lugar, Pride Chicken House. Ang corny.
Kaagad na rin silang bumaba, ngunit isang magandang ginang na mukhang nasa edad kuwarenta ang sumalubong sa kaniya, at ubod nang lakas siyang hinampas sa braso.
"Ano bang nangyari sa 'yong bata ka!? Akala ko kung napano ka na!"
"Aray!" bulyaw niya na pinanlakihan ito ng mata. "Ale, ano bang problema mo!?" Napahawak na lang si Avah sa nananakit na braso.