***
Sa dressing room ng events place kung saan nag-perform ang Empress, mag-isang naghihintay si Hannah. Bahagya siyang nalungkot nang malamang umalis na si Avah. Aspiring singer siya at tulad ng grupo nito, hawak din siya ng Glamour entertainment at dalawang taon nang nagti-training doon.
Natuwa nga siya nang malaman mula sa tiyuhin na balak na siyang isabak bilang singer. Mas lalo pa siyang sumaya nang mapag-alamang magiging kabilang siya sa grupong hinahanggan niya. May pag-aalangan siya lalo pa't 'di naman siya ganoon kagaling sumayaw. Siguro masasabi niyang mayroon siyang talento sa pagkanta.
Naiisip niya ngang baka napasali lang siya dahil sa tiyuhin niya ang isa sa manager ng mga ito. Ngunit ayon naman kay Tito Edmund, noong una, wala raw kaalam-alam ang management na magkamag-anak sila. Nalaman na nga lang daw nang mapili siya ng mga producer at talent manager.
Mayamaya pa, muli nang pumasok ang ibang miyembro ng Empress, kasunod ang mga assistant nito.
Ngumiti si Hannah bilang pagbati, pero wala yatang nakapansin ng presensiya niya kaya nanatili siyang nakatayo habang nakayuko sa isang sulok.
"Ate, pahingi ngang tubig," wika ni Erika sa kaniya na mukhang hindi maganda ang timpla.
Aawatin sana ito ng kapapasok lang na si Tito Edmund, ngunit rumatsada na ang bunganga ng magandang babae.
"Ayos din siya, ah! Napaka-selfish niya para iwan kami at hayaang nasa gitna ng araw doon!?" bulalas ni Erica na muling bumaling kay Hannah. "Ate, tubig," mariing pag-uulit nito.
Sumunod na lang si Hannah na kumilos na para maghanap ng bottled water.
"Hindi n'yo siya PA," pahayag ni Tito Edmund na ikinalingon ng tatlo.
Ngayon tuloy ay nakatuon na kay Hannah ang buong atensyon ng mga ito.
"Hindi nga siya PA?" wika ni Rhian na tinignan si Hannah mula ulo hanggang paa.
Matapos makakuha ng bottled mineral water sa table, iniabot na 'yon ni Hannah kay Erica.
"Ngayon ko lang din siya nakita?" wika ni Erica na kinuha 'yong tubig at iniikot ang takip para mabuksan.
"Sino siya?" tanong ni Lizzie na binigyan siya ng pormal na ngiti.
Nagpaliwanag naman si Tito Edmund, "Siya si Hannah at magiging parte na siya ng grupo n'yo."
"Magiging part na siya ng grupo namin?" Nanlaki ang mata ni Erica nang dahil sa pagkagulat.
"So, magiging lima na kami?" 'di makapaniwalang wika ni Rhian.
"Hindi ganoon dahil magki-quit na ako," pahayag ni Lizzie na iniangat ang kamay para ipakita ang singsing. "Im getting married next month."
Mukhang wala namang natuwa sa balitang 'yon. Halos tumigil nga ang mundo ng ibang nakarinig. Nagsimula na ring magbulungan ang ibang staff na naroon.
"Bakit naman biglaan?" nabiglang tanong ni Erica. "Alam na ba ito ni Avah kaya siya umalis kanina?"
Umiling si Lizzie. "Hindi pa. And I don't know kung anong magiging reaksyon niya."
"Wait!" bulalas ni Rhian habang nakatitig pa rin kay Hannah. "Natatandaan kita! Ikaw 'yong trainee na nagsabi kay Avah na number one fan ka niya!"
Alanganing umamin si Hannah. "A-ako nga iyon." Muli na naman siyang napayuko.
"Hannah, umayos ka nga ng pagtayo," saway ni Tito Edmund na napaturo pa sa kaniyang likod.
"Sigurado ka bang magiging part na siya ng grupo?" wika ni Erica na tinitigan pa ang ayos ni Hannah.
Isang polka dot dress ang ipinasuot sa kaniya ng Tito Edmund kanina. Hanggang tuhod 'yon at may laso sa gilid ng kuwelyo.
Bigla namang napapalakpak si Rhian. "Hala! Lagot ka kay Avah, ayaw na ayaw pa naman n'on ng walang sense of style!" Humagalpak pa ito ng tawa.
"Bakit ka nga pala biglang magpapakasal?" biglang tanong ni Erica na hinarap si Lizzie.
"I'm pregnant, that's why," sagot ni Lizzie na napaiwas na lang ng tingin, dahil batid na nito ang gumuhit na pagkagulat sa mukha nilang lahat.
***
Nang makarating sa shooting sina Avah, muli na namang nag-init ang kaniyang ulo. Paano ba naman, kahit nandoon na siya, ayaw pa ring pumayag ng director na kunan ang mga eksena niya. Tinawagan pala ito ni Hector, ang walang hiyang anak ng dating CEO ng Glamour. Pinababalik daw kasi siya sa event.
Ngayon pa lang, gusto na niya itong sugurin.
Talaga namang kumukulo ang dugo niya. Kung puwede niya lang sabunutan ang lalaking iyon, ginawa na niya.
Dahil sa kaniyang pagmamatigas, umalis sila roon sakay ng kaniyang van.
"Tara! Umuwi na tayo," inis niyang turan habang nakahalukipkip.
"Sigurado ka ba, Avah?" wika ni Faye na may pag-aalangan sa tinig. "Baka managot kami niyan kay Sir Hector."
"Faye, ilang buwan na lang ba ang natitira sa kontrata ko?"
Kahit si Julian na biglang napalingon, mahahalata ang pagkagulat sa mukha.
"Bakit, Avah? Huwag mong sabihin..." Napatitig lang sa kaniya si Faye.
"Namumuro na sa akin ang Hector na 'yan," pahayag niyang napatingin sa labas ng van. "Baka kailangan ko ng maghanap ng ibang lugar para sa akin."
Hindi rin nagtagal ay nakauwi na si Avah. Kaagad na siyang pumasok sa loob, habang sina Faye at Julian, abala naman sa pag-aayos ng mga gamit niya sa van.
Bahagya siyang natuwa. Mukhang ngayon pa yata mapapaaga ang pagpapahinga niya. Hindi ito ang unang beses na ginawa niya ito. Nagawa na rin niya ito noon. Gusto lang niyang turuan ng leksyon ang Hector na iyon.
Dumiretso siya sa kitchen para makakuha ng maiinom. Saka naman niya napansing may iba palang tao roon. Isang chubby na guy, pero nakabihis babae ang lumapit sa kitchen counter. Ang pinakatumatak sa isipan niya ay ang makinis at maputi nitong balat.
Kumuha ito ng baso roon, saka iyon sinalinan ng tubig at iniabot sa kaniya.
"Sino ka?"
"Joselito Malake po, bago n'yong manager," pakilala ng lalaki o babae. Actually, hindi siya sure kung ano.
"Bagong manager?" Kinuha niya ang basong ibinibigay nito. Saka siya saglit na uminom habang nakatuon pa rin ang tingin dito.
"Opo. Pero, for training pa po ako," saad nito sa malambing na tinig. "You can call me Beki for short."
Nangunot naman ang kaniyang noo. "Beki ang short ng Joselito?"
Saka pa lang lumapit si Faye na kagagaling lang sa labas. "Ah, Avah, 'di ba nagpa-request ka ng sarili mong manager. Kaya hayan, binigyan ka na ni Sir Hector."
"Anong kaya mong gawin para sa akin?" direktang tanong niya sa taong 'yon.
"Kahit ano po."
"Kaya mo bang pumatay?" Napataas ang isa niyang kilay.
Bigka naman itong napaubo. "Po?"
"Ipis," paglilinaw ni Faye na nagpilit ng ngiti. "Ipis ang tinutukoy niya. Puwede ring gagamba."
Tumango-tango si Joselito. "Ah. Maraming ipis dito sa bahay n'yo?" wika nitong napatingin pa sa buong paligid.
Hindi ito inintindi ni Avah at muling nagtanong, "Nag-request ako ng matalino. Anong square root ng pi?"
"1.77 po," mabilis na sagot nito.
"Apple pie," pang-aasar niya na napaismid pa.
"Depende po kung ilan ang slice ng pie," agad na wika nito.
"Talaga?" wika niyang bahagyang napaisip. "Faye, gusto ko ng pie ngayon. Apple pie."
At tinalikuran na niya ang mga ito.
Aakyat na dapat siya sa itaas nang tawagin siya ni Julian, "Avah, may bagong dating na package, oh."
May hawak itong malaking paper bag na iniangat pa nito sa ere. "Galing Chalsea. Hindi ba, tapos na ang promotion mo sa kanila? Mukhang may sponsor na naman silang ipinadala, ah?"
Kinuha na niya 'yon mula sa kamay nito. "Salamat," seryosong pahayag niya at umakyat na siya patungo sa room niya.
Pagkapasok niya sa kaniyang maluwag na kuwarto, saglit niyang ipinatong sa center table ang paper bag. Nagtungo na siya sa kaniyang wardrobe para makapagpalit siya ng komportableng damit. Pinili niya ang furry lavender longsleeve na halos umabot ng kaniyang hita. Pinarisan niya 'yon ng puting shorts.
Nang lumabas siya roon, nalipat ang tingin niya sa paper bag na mayroong signature label ng Chalsea.
Kinakain naman siya ng kuryusidad kung bakit ito nagpadala sa kaniya. Kinuha niya ang phone na nasa side table para tawagan sana ang mismong contact niya sa Chalsea, saka pa lang niya napansing may card palang kasama ang paper bag. Kinuha niya 'yon at agad binasa. Ayon doon, thank you gift daw iyon ni Ms. Antoine Lee para sa pagtulong niya sa grandmother nito.
"Ang bilis naman?" usal niya sa sarili. "Kanina lang iyon, ah?"
Binuksan na niya 'yon para malaman kung anong ipinadala nito. Isa 'yong cardigan na may kulay madilim na asul. Napaawang ang bibig ni Avah dahil sa paghanga sa pagkakadetalye nito. Mayroon itong maliit at nagkikintabang itim na bato. Mukhang specially handicraft ito. Kaagad na niya itong isinukat at humarap siya sa malaking salamin.
"Wow." Tumagilid pa siya at halos 'di makapaniwalang, tila itinahi ito para umakma sa balingkinitan niyang katawan.
Kinuha niya ang phone at muling nag-selfie. Gusto niyang maipagmalaki sa lahat ang cardigan na ngayon ay pagmamay-ari niya. Hindi na niya 'yon pinadaan sa social media manager. Siya na mismo ang nag-post.
Mabilis 'yong umani ng libo-libong likes, pero hindi 'yon ang mahalaga sa kaniya. Ang gusto niya, mamatay sa inggit ang ibang kakumpitensiya niya, lalo na ang Eunice na 'yon.
"Gosh!" Napapaypay siya sa sarili. "Hindi dapat ako ma-stress dahil sa feeling na 'yon."
"Avah! Avah!" pagtawag ni Faye mula sa kaniyang pinto.
Humakbang siya palapit para pagbuksan ito. "Oh, bakit?"
"Hindi ka ba talaga pupunta sa victory party?" aligagang wika nito nang bumungad sa kaniya. Pumasok na ito sa loob para magpaliwanag. "Trending kasi 'yong break-up n'yo ni Sean."
"Saan naman galing 'yang kalokohan na yan!?" bulyaw niyang nanlaki ang mata.
Paano sila magbi-break, eh hindi naman sila?
Kinuha niya ang phone at agad hinanap ang tinutukoy nito. Isang napakahusay na kulumnista na tagapagpalaganap ng fake news sa mundo ng showbiz, ang nagsulat patungkol doon.
Ang malaking tanong, paano nalaman ng nilalang na ito, na hindi siya a-attend doon?
"Faye, maghanda kayo ni Julian. Pupunta tayo sa party na 'yon!" disididong pahayag niya habang napapakuyom sa kamao.