***
Masigla ang pagsalubong ng umaga para kay Cindy. Pagkalabas niya ng bahay, bumungad agad ang magandang sikat ng araw. Tila bumabati rin sa kaniya ang mga halamang naiwan ng kanilang ina. Saglit niyang pinagmasdan ang mga iyon. Nahilig kasi ang kanilang ina roon.
Naalala niya, tinulungan pa niya ito sa pagtatanim ng ilan sa mga iyon. Napangiti siya at naisipang diligan muna ito. Kinuha niya ang hose at pinasiritan ng tubig ang naggagandahang halaman at bulaklak.
"Cindy."
Napalingon siya dahil sa pamilyar na tinig mula sa gate.
"Ate?" Pinatay niya ang hose para pagbuksan ang nakatatandang kapatid. "Anong nangyari? Bakit ngayon ka lang umuwi?"
"Pasensiya ka na, ha." Pumasok na si Ate Kristina na halos 'di makatingin sa kaniya. "Nagpunta kasi ako sa kaibigan ko, kasi inalok niya ako ng trabaho. Kaso..." hindi na nito maituloy ang sasabihin. Nagsimula na ito sa mahinang paghikbi.
"Ate, ayos ka lang ba? Anong nangyari sa inyo ni Kuya Raymond?" Tinapik-tapik niya ang likod nito.
"Kasi, Cindy, nakipaghiwalay na ako sa kaniya," mangiyak-ngiyak nitong tugon. "Hindi ko na kayang tiisin pa ang trato sa 'kin ng pamilya niya."
Napabuntong-hininga si Cindy. "Ate naman? Paano na 'yong kambal?"
"Cindy, huwag kang mag-alala. Naghahanap naman na ako ng trabaho. May mga ilan na akong napasahan ng resume." Hinawakan nito ang kaniyang kamay. "Kaya sana, hayaan mo na munang dumito kami?"
"Ano bang klaseng tanong 'yan? Siyempre naman, Ate," sagot niya na bukal sa loob.
"Salamat, Cindy, at naiintindihan mo ang sitwasyon ko."
"Pero sabi mo, may inalok na trabaho sa 'yo ang kaibigan mo?" muling tanong niya nang maalala 'yon.
Muli itong napahagulgol. "Kasi, Cindy, nalaman ko, 'yong kaibigan ko pala 'yong kabit ng Kuya Raymond mo, kaya--" at hindi na naman nito matapos ang sinasabi.
Niyakap ni Cindy ang kapatid. Labis siyang nag-alala sa sinapit nito. Hindi dapat ito binibigyan ng ganitong sama ng loob dahil sa sakit ito.
Inaya niya muna itong pumasok sa loob para mapakalma. Mabuti at tulog pa ang kambal. Naroon naman si Joan sa kusina at naghuhugas ng pinagkainan nila kanina.
"Ate Kristina, akala ko di ka na babalik!" Kaagad ding yumakap si Joan nang makita ito.
Ipinagtimpla niya ito ng mainit na gatas. Naupo naman ito sa harap ng hapag-kainan.
"Nakapag-agahan ka na ba?" usisa niya habang abala sa paglalagay ng mainit na tubig sa tasa.
"Hindi pa."
Kaagad namang kumilos si Joan at ipinagsandok ito ng sinangag at itlog.
"Ano bang mga inaplayan mo? Sa office ba?" Pilit na pinasigla ni Cindy ang tinig nang iabot niya ang gatas nito.
"Ah, oo." Napaiwas ito ng tingin nang kunin iyon. "Huwag kang mag-alala, magkakatrabaho rin ako agad."
"Basta, 'yong kakayanin mo. Hindi ka na ba masyadong inaatake ng hika mo?" usisa ni Cindy.
"Hindi naman na gaano."
Napalingon sila nang mula sa kuwarto, lumabas ang nakaunipormeng si Nicole. Masama na nga ang ekspresyon nito gaya nang madalas, mas lalo pang sumama nang makita si Ate Kristina.
Umirap pa ito bago bumaling sa kaniya. "Ate, ano na? Wala pa rin ba?"
"Pasensiya ka na, Nicole. Hindi pa rin ako nakakapag-advance kay Auntie," paumanhin ni Cindy. "Pero, sigurado sa Lunes, may maibibigay na ako sa 'yo."
Sinabi niya lang iyon. Sa totoo lang, hindi pa siya sigurado kung papatulan niya nga ang inaalok sa kaniyang sideline sa elite bar.
"Naku, palagi namang ganiyan. Maghahabol na naman ako sa exams, tapos, ang kawawa 'yong grades ko!" bulyaw nito habang nagsusuot ng sapatos. "Tapos nagtataka kayo kung bakit ako nawala sa scholarship ko?"
"Nawala ka sa scholarship mo?" Laking pagtataka ni Ate Kristina na napatayo. "Hindi ba, 100 percent ka naman doon? Bakit ka magbabayad ng tuition? Anong klaseng logic 'yan, Nicole?
"Huwag ka ngang makialam!" bulalas ni Nicole na pinanlakihan ito ng mata. "Hindi ko naman hinihingi ang opinyon mo!"
"Nicole, 'wag ka namang magsalita ng ganiyan kay Ate Kristina," pag-awat niya sa kapatid.
"Bakit? Totoo naman, ah!" Taas noong wika nito. "Isa pa 'yan, dagdag pang palamunin dito!"
Wala nang maisagot si Ate Kristina na napayuko na lang.
"Nicole, tama na 'yan." Naglabas na siya ng isang daan mula sa bulsa at inaabot dito. "Umalis ka na at baka ma-late ka pa."
Tinitigan lang 'yon ng nakababatang kapatid. "Ate, kulang 'yan. Hindi ba, sinabi ko sa 'yo, may gagawin kaming project? Doon nga pala ako didiretso sa bahay ng kaklase ko. Huwag n'yo na akong hintayin sa hapunan," wika nitong binitbit na ang bag.
Wala namang magawa si Cindy kung 'di ilabas ang natitira niyang limang daan. Mukhang wala talaga siyang pagpipilian kung 'di ang mag-advance sa tiyahin.
Hinablot 'yon ni Nicole kasama ang isang daan, saka ito taas-noong lumakad palabas ng pinto.
***
Sa kabila ng nangyari, hindi hinayaan ni Cindy na masira ang buong araw niya. Sanay naman na siya sa ugali ni Nicole. Sa totoo lang, hindi naman 'yon ganoon noong nabubuhay pa ang kanilang ina. Malambing ito at napakabait. Palagi rin itong nakangiti noon. Nang mawala ng mama nila, ito ang labis na naapektuhan. Wala siyang ibang magawa para dito kaya hinayaan na lang niya.
Siguro, sa paglipas ng panahon, matatanggap din nito ang nangyari.
Nang makarating siya sa tapat ng chicken house, saglit niyang ipinarada sa parking ang kaniyang motor. Pagkaalis ng kaniyang helmet, lumitaw rin ang kulot at mahaba niyang buhok. Maigi niya itong iniayos, saka naman niya napansin ang paglapit ng isang eleganteng babae. Sa ayos nito at suot nitong mamahaling alahas, 'di mo maiisip na magpupunta ito sa isang simpleng subdibisyon.
"Cindy," pagtawag nito sa kaniya.
Ngumiti siya dahil hindi niya ito agad nakilala. Unti-unti 'yong nabura nang rumehistro sa kaniya ang pamilyar nitong mga mata at malahugis-pusong mukha. Napakalaki na ng pinagbago nito. Ganoon yata talaga kapag ang nanay ay nakapag-asawa ng mayamang pulitiko.
"Mabuti naman at nakikilala mo pa ako," wika ni Janna na matamis ang pagkakangiti. "Puwede ba tayong mag-usap?"
Pinaunlakan niya ito kaya pumasok sila sa kalapit na coffee shop. Nag-order ito ng kape para sa kanila, pero tumanggi siya.
"Kumusta ka na?" wika nito habang hawak ang tasa ng mainit na coffee. "Mula noong highschool, wala na akong naging balita sa 'yo."
Gusto niya itong murahin. Marami siyang gustong sabihin at ipamukha sa babaeng ito. Nagka-amnesia kaya ito, kaya 'di na nito maalala ang ginawa nitong panghihiya sa kaniya noong graduation nila? Nakalimutan ba nito kung paano siya nito tinawag na hampaslupa noon?
Bakit ba ito nandito? Hindi naman na sila close.
"Ayos lang ako." Sa dami ng gusto niyang sabihin, ito lang ang lumabas sa bibig niya.
"Talaga? Good," sabi nitong saglit na sumimsim sa cafe latte nito. Matapos nitong mailapag 'yon ay muli itong nagsalita, "I know eight years is so long. Siguro naman, nakalimutan mo na 'yong nangyari?"
"Hindi," sigaw ng isipan niya.
"Despite what happened, parte ka pa rin ng buhay ko. You're my closest friend before, right?" wika nitong may kinuha sa dala nitong branded bag. "Kaya nga, gusto ko itong ibigay sa 'yo."
Iniabot nito sa kaniya ang isang sobreng may napakagandang disenyo.
"Ikakasal na ako."
Umalingawngaw ang mga salitang 'yon sa kaniyang tainga. Wala siyang ibang magawa kundi ang mapatitig sa sobreng 'yon.
"Hindi ka ba curious kung sinong mapapangasawa ko?" wika ni Janna. "I'm sure kilala mo siya."
Biglang umalon ang kaba sa kaniyang puso. Nag-angat siya ng tingin at nakita niya ang pagngiti nito kasunod sa muling pagkuha nito ng tasa. Muli itong uminom at pagkatapos ay tumingin sa kaniya.
"Si Mayor Malvar. Lahat naman ng taga-Lamina, kilala siya," dagdag ng babae matapos mailapag ang kape. "I know he is seven years older than us, pero napakaguwapo niya, kaya pumayag na ako sa gusto ni Dad."
"Gusto ng stepdad mo," paglilinaw ng kaniyang isipan.
"Sana naman, makapunta ka," muling pahayag ni Janna. "Hindi ko hihilinging bumalik tayo sa dati, pero kung may kailangan ka, 'wag kang mahiyang lumapit sa akin." May iniabot na naman ito sa kaniya. "Business card ko 'yan. Kung gusto mo ng mas magandang trabaho, puwede kitang i-recommend sa mga kakilala ko."
"Bakit? Anong mali sa trabaho ko?" piping tanong ng utak niya.
Pero, bakit ba, walang kahit na anong lumalabas sa bibig niya?
Tumayo na si Janna at isinukbit sa balikat ang bag. "I'm sorry for taking your time. Pumunta lang talaga ako para ibigay 'yan," wika nitong napaturo sa sobre. "I have to go." Ngumiti ito nang matamis at matapos kumaway ay lumabas na sa coffee shop.
Naiwan si Cindy na napapaisip sa tunay na pakay nito. Gusto siya nitong magpunta roon?
"Baka, gusto kamong magyabang."
Pero...hindi kaya, may alam na ito tungkol sa kanila ni Brian?
"Hindi naman siguro?"
Eh 'di, sana, nabanggit na ni Janna ang tungkol doon.
Malapit niya itong kaibigan noon. Palagi niya itong kasa-kasama noong highschool. Pero, unti-unti na lang din itong nagbago, hanggang sa katagalan, hindi na siya kabilang sa mga kaibigan nito.
Bukod pa roon, ito pa ang naging pasimuno sa pangmamata sa kaniya. Dahil nga sa mahirap lang sila, at scholar siya ng science highschool na pinapasukan nila noon. Naging scholar lang siya dahil sa koneksyon ng mama niya, na nagtatrabaho sa munisipyo noon.
Inisip niya noon, baka nga ganoon lang talaga ang mga tao, sadyang nagbabago.
***
Minabuti na ni Cindy na magtungo sa chicken house. Pagkapasok niya roon, sumalubong sa kaniyang pandinig ang panenermon ng tiyahin sa anak-anakan nitong si Beki.
"Saan ka galing? Bakit hindi ka umuwi kagabi?"
Hinahampas na ni Auntie Juana ang anak-anakan nito kaya patakbo na siyang lumapit.
"May bago ka na naman bang lalaki, ha?"
"Auntie, ano pong nangyayari?" pag-awat niya na hinarangan na ang braso ng tiyahin.
"Itong si Joselito, kanina lang umuwi, wala man lang magandang paalam, bukod sa text!" tugon nito na halos maglabasan na ang ugat sa leeg. "Kadarating lang niyan, tapos ngayon, aalis na naman?" Muli nitong hinampas ang braso ni Beki kaya napapaatungal si Bakla dahil sa sakit.
"Arouch! Momshie! Nasasaktan na ako! Kakasuhan na kita ng child abuse!" mangiyak-ngiyak na wika ni Beki.
Pinilit ni Cindy na pahintuin ito. "Auntie, tama na po." Sinubukan niya ring pumagitna sa dalawa.
"Anong child abuse? Ha? Ang tanda-tanda mo na!" paghiyaw ni Auntie Juana na napaturo pa sa anak. "Malamang ay makapal na 'yang buhok mo sa 'baba!" Pilit din nitong inaabot si Beki na nagtatago na sa likod niya.
"Hindi kaya," pagtanggi ni Bakla na napapaiwas na lang. "Palagi kaya itong newly trimmed!"
Nilingon ito ni Cindy at saglit na sinamaan ng tingin.
"Bakit?" wika ni Beki na nagtaka pa.
"Saan ka ba kasi galing? Pinag-alala mo si Auntie. Kagabi, ang taas na naman ng presyon niyan," pahayag niya.
"Nag-text nga ako na roon ako natulog sa bahay ng alaga ko. Marami kasi siyang pinagawa kahapon."
"Sinong alaga?" laking pagtataka niya.
"Hayan, maniniwala ka ba?" wika ni Auntie Juana na bumaling sa kaniya. "Bago raw siyang manager ni Avah Lopez!"
"Totoo ngang sinasabi ko!" pagpipilit ni Beki na tumaas ang matinis na boses. "Ipinasok ako ng kaibigan ko na roon din nagtatrabaho sa Glamour. Bakit ba ayaw mong maniwala, Momshie? Para namang wala kang bilib sa akin?"
"Talaga? Manager ka nga ni Avah?" muling paniniguro ng tiyahin.
Ipinakita naman ni Beki sa kanila ang mga nakunan nitong larawan sa bahay mismo ng singer-actress. Mistulang nagkaroon si Avah ng pictorial kahapon at ito raw ang kumuha ng mga larawang 'yon. Makikita roon ang mala-masyon nitong tirahan na parang bahay yata ng prinsesa. Napakalawak ng lugar, matataas ang kisame, makulay ngunit may pagkaklasiko ang paligid, dahil siguro sa makakapal na poste at mamahaling painting na makikita sa bawat pader.
"Nalaman kasi niya na nakapagtrabaho ako sa isang photo studio, kaya sinubukan lang naman niya ang husay ko," pagmamalaki ni Bakla na napangiti na ngayon. "Anong say n'yo?"
Nagkatinginan sila ng tiyahin at pareho silang 'di pa rin makapaniwala.