Chapter 4

1878 Words
"Auntie, aalis na po ako," paalam ni Cindy sa nakababatang kapatid ng ina. Maayos na niyang inilalagay sa food container sa kaniyang motor ang mga pagkaing idi-deliver niya ngayong hapon. "Sigurado ka ba, Cindy, kumpleto na 'yan?" pahabol ng tiyahin na sumilip pa mula sa loob. "Opo, nandito na po lahat," sagot niya na binigyan ito nang matamis na ngiti. "Ah, sandali lang, Cindy." Tuluyan na itong lumabas mula sa babasaging pinto at lumapit sa kaniya. "Alam mo ba kung saan nagpunta ang pinsan mo? Nag-aalala ako. Ang aga-aga umalis kanina. Ngayon hindi naman sumasagot sa mga tawag at text ko," paliwanag nito. "Hindi ba po, sabi niya, may bago na siyang trabaho?" balik-tanong niya. "Naku, baka ma-scam na naman 'yang pinsan mo!" bulalas ng tiyahin na bumakas sa batang mukha ang pagkabalisa. "Auntie, magtiwala tayo kay Beki. Sigurado naman ako, na dahil sa nangyari sa kaniya dati, nagtanda na siya at hindi na para basta-basta magtiwala sa mga app na kikita ka raw nang malaki," paliwanag ni Cindy. Bumuntong-hininga ang tiyahin kahit may pag-aalala pa ring makikita sa noo. "Sige na, umalis ka na. Mag-ingat ka, ha?" paalam nito. "Okay, Auntie." Isinuot na niya ang kaniyang helmet. Tumalikod na rin ang tiyahin at pumasok sa loob. Siya naman ay sumakay na sa motor para masimulan na ang kaniyang pagdi-deliver. Nang mapaandar niya ito ay marahan na rin siyang umarangkada palabas ng subdibisyon nila. Ito na ang araw-araw niyang gawain magmula noong makapagtapos siya ng highschool. Mamamalengke sa umaga at tutulong sa kaniyang tiyahin sa pagluluto at paghahanda. At kapag may order sila, dala ang kaniyang motor ay iniikot niya ang buong Lamina City, para makapaghatid ng mga pagkain sa iba't ibang opisinang suki nila. Nagdi-deliver siya ng agahan, tanghalian, meryenda, at kung minsan pa nga ay pati hapunan para sa mga nag-o-overtime. Laking pasasalamat niya at malakas ang business ng tiyahin. Kaya nga kahit papaano ay mayroon siyang trabaho, sa kabila nang 'di siya nakapagtapos. Ipinaubaya niya noon ang pag-aaral para sa nakatatandang kapatid na si Kristina. Kahit kasi may trabaho sa munisipyo ang kanilang ina, hindi nito kayang dalawa silang pagsabayin sa kolehiyo. Marami kasi silang binabayarang utang. Ngunit sa kasamaang palad, noong nasa ikaapat na taon na ito, saka naman ito nabuntis. Kaya ito nahinto at maagang nag-asawa. Noong una, gusto niya itong sisihin. Pero, hindi niya magawa dahil kahit anong mangyari, nakatatandang kapatid niya pa rin ito. Maging ito, malaki ang naging pagkadismaya sa nangyari, naisipan pa nga nitong ipalaglag ang nasa sinapupunan nito. Siya lang ang kumumbinsi na 'wag ituloy ang bagay na 'yon dahil malaking kasalanan iyon. Nang subukan niyang suportahan noon ang kaniyang pag-aaral, hindi rin siya umubra matapos ma-diagnose ang ina ng lung cancer. Nahinto siya 'di pa man niya natatapos ang unang sem. Alam niyang kailangan niya ng ibang sideline. Kailangan niya ng mabilisang pera noon, kaya wala siyang ibang mapagpilian kung 'di ang kumapit sa patalim. Naging stripper siya. Nagsayaw siya sa isang elite bar na halos walang saplot. Pinapalakpakan at pinagpapantasyahan gabi-gabi ng mga lalaking 'di niya kilala ang kaniyang katawan. Pero wala siyang ibang magawa. Iyon lang ang paraan para makakuha siya ng malaking pera sa sandaling panahon, para sana sa operasyon ng ina. Ngunit sa huli, maaga rin itong binawi sa kanila Nang mga panahong 'yon pa niya nakilala ang lalaking 'di niya aakalaing mamahalin niya nang lubusan. Pero, kagaya ng ibang magkarelasyon na nagmula sa magkaibang mundo, hindi rin maganda ang naging kinahinatnan nila. Nakipaghiwalay siya nang malaman ang pagpapakasal nito sa dating kaibigan niyang si Janna. Malapit na si Cindy sa intersection patungo sa Glamour, kaya nagsisimula na ring bumagal ang trapiko. Hindi naman siya iresponsableng drayber kaya hindi niya gawaing basta mag-cut sa mga sasakyan. Mayamaya pa, mula sa side mirror, napansin ni Cindy ang kotseng tila ilang araw na rin siyang sinusundan. Sandali siyang huminto sa tapat ng isang establisyemento, at maayos na nagparada roon. Nang muli siyang tumingin sa salamin ng motor, nakita niyang ganoon din ang ginawa ng kotseng nakasunod sa kaniya. Bumaba na muna siya at inialis ang kaniyang helmet. Isinabit niya 'yong sa side mirror at agad na siyang lumapit sa kotseng naroon sa sidewalk. Kinatok niya ang bintana nito. Hindi naman nagtagal at bumukas ang bintana nito. "Cindy, puwede ba tayong mag-usap?" saad ng lalaking hindi niya inaasahang makikita pa niya. Bigla namang umalon ang kaba sa puso niya. 'Di niya akalaing hanggang ngayon, ganito pa rin ang magiging epekto nito sa kaniya. Napatingin siya sa paligid, at dahil sa pag-aalalang baka may makakita sa kanila, sumakay na muna siya ng kotse nito. "Ano bang kailangan mo?" wika ni Cindy habang diretso lang ang tingin sa harap ng kotse. "Nagpalit ka ba ng number?" tanong ni Brian. "Hindi mo ba nare-receive ang mga text ko?" "Tingin ko, hindi ko na kailangang sagutin 'yon." Mas malamig pa sa yelo ang kaniyang sagot. "Galit ka pa rin ba sa akin dahil sa engagement ko sa anak ni Senator Lopez?" Lumingon siya at mariin itong tinitigan. Hinawakan naman ni Brian ang kaniyang kamay. "Sinabi ko naman sa 'yo na ikakasal lang kami sa papel. We both need each other, pero hindi namin mahal ang isa't isa. Nag-iisa ka lang sa buhay ko, Cindy." Kaagad niyang hinila 'yon. "Mayor Malvar, ano sa tingin mong ginagawa mo?" "I'm sorry na ngayon lang kita napuntahan. I just want you to know that I'm still sincere." Tumitig ito sa kaniyang mga mata. At kakaiba ang nakikita niya sa mga iyon. Punong-puno 'yon ng pagmamahal. At desperasyon. Ibang-iba sa nakilala niyang lalaki. Napahalakhak si Cindy. Muntik na siyang mahulog sa bitag nito. Alam niya kung ano lang ang tanging kailangan nito sa kaniya. Ang katawan lang niya. Dahil kung hindi ganoon, eh 'di sana, hindi ito papayag na ma-engage sa iba. Baka, hindi nito makita kay Janna ang bagay na mayroon siya, kaya ito bumabalik ngayon. Hindi man siya nakapagtapos ng kolehiyo, pero hindi siya ganoon ka-b*bo. "I'm sorry din, Mayor Malvar, pero wala akong balak maging kabit," mariin niyang pahayag saka niya binuksan ang pinto ng kotse. Bumaba na siya at padabog 'yong isinara. Dahil sa kaniyang galit, mabilis niyang pinaharurot palayo ang kaniyang motor. Nagsimula na rin siyang sumingit sa gilid ng kalsada. Gusto niyang makalayo kay Brian. Natatakot siyang kainin ang kaniyang sinabi at balikan ito. Kasi...ang kabilang bahagi niya, 'yon ang gustong-gustong gawin. Saka pa lang niya naramdaman ang paglaglag ng kaniyang luha sa ilalim ng suot niyang helmet. Bakit pagkalipas ng isang taon, ganito pa rin ang puso niya? Hindi ito tama. Hindi siya ipinanganak sa mundong ito para magpakatanga sa isang lalaki. Hinding-hindi siya magpapakabaliw sa isang tao, 'yon ang ipinangako niya sa kaniyang sarili. Marami siyang alalahanin sa buhay. Marami siyang responsibilidad na kailangang harapin. Para sa kaniya, ang kaniyang pamilya lang ang mahalaga. Wala siyang oras para maging tanga. Sa kaniyang pagmamadali, hindi niya namalayan ang biglang sumulpot na ale. Dali-dali siyang lumiko at agad prumeno. Dahil sa impact, tumagilid ang kaniyang motor at sumemplang siya sa gilid. Napahiyaw ang mga taong nakakita sa nangyari. Kaagad din siyang tumayo at hinanap ng kaniyang paningin ang ale. Nang makita niya, agad niya itong nilapitan. "Naku, Ate, sorry po, hindi ko kayo nakita agad!" paumanhin niya na tiningnan ang kalagayan nito. "Ayos ka lang ba?" usisa nito na napatingin din sa kaniyang braso na ngayon ay may kakaunting gasgas. "Naku, ako ang dapat mag-sorry. Nagmamadali kasi akong tumawid dahil sa mga sasakyan. Anak, pasensiya ka na." Nakahinga siya nang maluwag nang makita okay naman ito. Paglingon niya sa kaniyang motor, ilang kalalakihan ang nagmagandang loob na itayo 'yon para sa kaniya. "Salamat po," pahayag niya at binigyan lang siya ng ngiti ng mga ito. Sandali niyang itinabi ang kaniyang motor na nakapagtatakang, tulad niya, kaunting gasgas lang din ang natamo. Matapos niyang alisin ang suot niyang helmet, muli niyang hinarap ang ale na mukhang nasa kuwarenta na, "Sigurado po kayong okay lang kayo?" "Ikaw ang hindi okay," wika ng ale na tumuro sa bandang braso niya. Napatingin ito sa malapit na botika. "Dito ka lang, ibibili kita ng gamot. Hawakan mo muna ito." Iniabot nito ang isang simpleng paper bag na hawak. "Huwag na po!" pagtanggi niya pero ngumiti lang ito saka pumasok na sa loob. Naupo muna siya sa pabilog na upuang naliliman ng puno. Napatingin siya loob ng paper bag. Mukhang mga damit ang laman n'on. May magagandang tela pero medyo luma na. Hindi naman sa pakialamera siya, pero ito ang mga hilig niya, mga damit na galing sa Ukay. Inilabas niya ang isa sa mga iyon, isang itim na jacket na naaadornohan ng nagkikintabang bato na may kulay na madilim na asul. "Ang ganda..." bulong niya sa sarili. Nalipat naman ang tingin niya sa papalapit na ale na may simpleng kasuotan, malaking tshirt at maong na pantalon. Parang ganoon din siya pumorma. Saka naman naalala ni Cindy na ipasok na sa loob ang jacket na nakuha. Lumapit na ang babae na agad naglabas ng alcohol mula sa nabili. "Hali ka na muna at nang malinisan ko ang sugat mo. Masakit ito, pero sinasabi ko sa 'yo, mas masakit manganak," pagbibiro nito. Nagpilit lang siya ng ngiti nang pahiran na nito ng alcohol ang braso niya. Mariin siyang napapikit dahil sa hapding nadama. Matapos n'on ay nilagyan na nito ng ointment, saka tinapalan ng band-aid. "Salamat po, Ate," wika niya na marahang napangiwi. "Maliit na bagay lang naman po ito. Sana 'di na kayo nag-abala." "Hindi dapat natin hinahayaan ang sugat na 'di magamot. Baka maimpeksyon," pahayag nito. "Hayaan na natin ang ibang sugat na 'di basta-basta napapagaling. Lalo na 'yong iniwan sa atin ng taong pinakamamahal natin." Matalinhaga ang pananalita nito kaya 'di maiwasan ni Cindy na magtaka. "P-paano n'yo po nalaman?" "Ang alin?" usisa nito na bahagyang napailing. "Wala naman akong nalalaman tungkol sa 'yo. Ang alam ko lang, lahat ng tao, may kaniya-kaniyang sugat sa kanilang puso na mahirap maghilom." Napayuko siya. Muli na naman niyang naalala si Brian. Alam niyang ang lalaking 'yon, ang sugat na matagal nang nakatatak sa kaniyang puso. "Sa kabila nito, wala tayong dapat ipag-alala. Dahil ang lahat naman ay lumilipas." Marahan napahawak sa kaniyang balikat ang babae. Malaki ang pasasalamat niya sa ale. Kahit papaano, napagaan nito ang kaniyang loob. Kinuha nito ang paper bag na nakapatong sa tabi niya, at mula roon, inilabas nito ang jacket na kanina ay tinitingnan niya. "Gusto kong makabawi sa 'yo, pero ito lang ang maibibigay ko," pahayag nito na iniabot na sa kaniya 'yon. "Naku, Ate. Hindi na po kailangan," agad na pagtanggi ni Cindy na iwinagayway pa ang dalawang kamay. "Huwag ka nang mahiya. Naaksidente ka nang dahil sa akin. Huwag kang mag-alala. In-arbor ko lang ito sa kaibigan ko, pero maganda ang tatak nito." Inilagay na nito sa dalawang kamay niya ang jacket. "Hindi na po talaga kailangan," wika niyang napatitig sa bagay na iyon. At ngayon, mistula naman siyang naeengkanto dahil sa napakaganda nitong disenyo. Gustong-gusto niya ito pero hindi niya maatim na basta na lang ito kunin kaya muli siyang nagsalita, "Ate, hindi ko talaga matatanggap ito." Nang mag-angat siya ng ulo, kataka-takang bigla na itong nawala na parang bula. "Ate?" Dali-dali siyang napatayo at inilibot ang tingin sa paligid ngunit wala na pala siyang kasama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD