Chapter 24

1751 Words
Bahagyang napaatras ang ginang saka napatingin kay Kristina. "Mukhang totoo nga ang sinasabi mo?" Hindi makapaniwalang wika nito. "Anong nangyari sa pamangkin ko?" Nalipat ang tingin nito kay David na abala na sa pagkilatis ng kaniyang kotse. "Sino 'yan?" "Siya 'yong tumulong kay Cindy," tugon ni Kristina. "Si David." "Ang guwapo naman niya." Napangiting wika ng isang baklang may makapal na matte lipstick, at actually, pamilyar kay Avah. Nang tuluyan niya itong makilala, kaagad ding bumilog ang mga mata niya. "Anong ginagawa mo rito?" tanong niya na napatitig sa bagong manager niyang si Mr. Malake. Humarang naman ang ale na nanghampas sa braso niya. "Teka, naaalala mo si Beki? Ako, hindi?" "Hindi, ah," pagtanggi ni Avah na napaiwas ng tingin. "I mean, bakit siya nandito? Usapang pamilya ito." "Ate Cindy naman! You're hurting my feelings," pag-iinarte ng bakla na napasimangot pa. "Ako ito, si Beki, ang pinakamaganda mong pinsan!" mangiyak-ngiyak na pag-atungal nito. "I bet wala akong ibang pinsan," bulong ni Avah na nalipat ang tingin kay David na nasa tainga na ang phone. "Sinong tinatawagan mo? Si Simon ba?" Tumango lang ito at may kinausap na roon, "Hello, Anthony? Kumusta? Wala pa ring balita?" Mayamaya pa, bumakas na ang lungkot sa mukha nito. "Ganoon ba? Kasi... may kailangan kang malaman. Hindi kami sigurado kung coincidence lang ba ito, pero naalala mo 'yong babaeng tinulungan natin sa Quezon? Inihatid ko na siya sa kanila." Napatingin pa si David sa kaniya. "Nandito na siya sa kanila, pero nalaman kong, isa siya sa mga huling taong nakausap ni Avah. Nandito sa kanila 'yong kotse ni Avah. Ang problema rito, wala nga siyang maalala, 'di ba?" "Gusto mo siyang makausap?" tanong ni David at agad nang iniabot sa kaniya ang phone. "Hello? Wala pa rin bang balita kay Avah?" pagbungad niya. "Nagsinungaling ka ba sa amin na wala kang maalala?" pambibintang ni Anthony. "Hindi, ah," agad na pagtanggi ni Avah. "Bakit ako magsisinungaling!? Sumagot ka na lang, Simon. May balita na ba kay Avah?" "Ha? Paninindigan mo pa rin ang panloloko mo?" Tila bumigat naman ang paghinga nito. "Kung wala ka ngang maalala, bakit ganiyan na lang ang pag-aalala mo kay Avah? May alam ka sa nangyari, ano?" "Sana nga may alam ako! Eh 'di sana, hindi na ako nagtatanong sa 'yo," bulalas niya na nagsimulang mangilid ang luha. "Hindi ko rin ito ginusto. Hindi ko alam kung anong nangyari. Gusto ko ring malaman kung ano bang nangyari!? Parang awa mo na, sagutin mo na ang tanong ko! Nahanap na ba ang katawan ni Avah?" Hindi na niya napigilan ang pagluha niya. "Hindi. Hindi pa rin," tugon ni Anthony na bahagya nang kumalma. "At hindi ako naniniwala sa 'yo. Asahan mong maiimbestigahan ka tungkol dito," tila pagbabanta nito na agad na siyang binabaan. Bigla namang nanlambot ang mga tuhod ni Avah kaya agad siyang napaupo. Mabilis siyang inalalayan ni David pero hindi na niya ito inintindi. "Ano ba talagang nangyari?" usal ng kaniyang isipan. *** Sakay ng kotse, inihatid sila ni David sa mismong bahay ng mga ito. Sa unahan na siya naupo, habang sina Joan at Kristina ay nasa likod at kandong 'yong dalawang bata. Lumilipad naman ang isipan ni Avah. Nagkataon lang ba talagang sabay silang nawala ni Cindy? Kung nahulog siya sa dagat, at si Cindy ay natagpuan sa gitna ng kalsada, may koneksyon ba 'yon sa isa't isa? Imposible... Napasapo na lamang siya sa kaniyang ulo. Mayamaya pa, napansin na niyang huminto si David sa isang tabi. Bumaba na rin sina Kristina mula sa likod. At dahil hindi siya bumaba agad, ipinagbukas pa siya ng lalaki ng pinto. Napangiwi pa siya bago tuluyang lumabas ng kotse. Saka pa lang niya napagmasdan ang simpleng tahanang may dalawang palapag. Mukhang napakaluma na nito, base sa nakikita niyang nangungupas na pintura ng gate na bakal. Kahit 'yong puting kulay ng mga pader ng mismong bahay, malapit na ring maging dirty white. Napaliligiran ito ng mga halaman at may isa itong matayog na puno ng mangga. Pero, mas napansin niya ang mga nakasampay na damit sa gilid ng bahay. Mayroong pa ngang mga bra at panty na agad tinakbo ni Kristina para kunin, saka nito ipinasok sa loob ng lumang washing machine. Mabilis din itong bumalik at alanganing napangiti kay David. "Pumasok ka na muna." "Hindi, 'wag na. Nakakahiya naman," pagtanggi ng lalaki na napalingon sa kaniya. "Oo, nakakahiya nga. Kahit ako, ayaw kong pumasok diyan," pahayag ni Avah na saka nakiusap sa lalaki. "Puwede bang sa inyo na lang muna ako tumuloy?" "Ano bang sinasabi mo, Ate Cindy?" pag-alma ni Joan na hinila ulit ang braso niya. "Kami ang pamilya mo. Bakit ka sasama sa kaniya? Baka naman, may relasyon talaga kayo?" "Wala kaya!" Magkasabay nilang pagtanggi ni David. "Hindi ko type 'yan, ano!" dagdag ni Avah na sinamaan pa ng tingin ang lalaki. Wala namang magawa si David nang muling alukin ni Kristina na pumasok. Sana man lang daw, kahit juice ay may maipainom ito, bilang pasasalamat sa pagtulong nito kay Cindy. Matapos makapagtimpla, iniabot na 'yon ni Kristina sa matangkad na lalaking nakaupo na sa may sopa na gawa sa kawayan. "Alam ko, maliit na bagay lang 'yan, kumpara sa naitulong n'yo sa kapatid namin." Pinagmamasdan naman ni Avah ang may kaliitang bahay. Siguro, itong unang palapag, kasinglawak lang ito ng kuwarto niya. Simple lang ang mga muwebles na karamihan ay gawa sa kahoy. May mga nakasabit ding palamuti sa pader na mukhang anito na gawa sa kahoy. May katabi 'yong malaking kutsara at tinidor na gawa rin sa kahoy. May maliit na flat TV screen, at ilang appliances mula sa mga cheap na brand. Napangiwi siya. Dito na ba talaga siya titira magmula ngayon? Hindi siya makapaniwala. Nang sumilip siya sa isang room sa unang palapag, mukhang mas malaki pa ang CR niya sa kaniyang bahay. "Kuwarto 'yan ni Ate Nicole," pahayag ni Joan na kasunod niya. "Ayaw niyang may ibang pumapasok diyan." "Sino naman 'yong Nicole?" Napataas na ang kilay ni Avah. "Ate Cindy!?" Napalingon silang lahat dahil sa malakas na tinig ng babaeng kapapasok lang mula sa pinto. Naka-uniform ito, naka-make up, may bitbit na bag at ilang libro at nakasuot ng high heels. Tuloy-tuloy itong pumasok at lumapit sa kaniya. "Ano bang nangyari sa 'yo? Naisipan mo pang maglayas, Ate naman! Alam mo bang dahil sa 'yo, hindi ako nakapag-take ng exams ko!?" Bahagyang napaatras si Avah. Medyo nagulat siya sa pag-atake ng babaeng ito. "Nicole?" wika ng kalmadong si Kristina nang lumapit sa kanila. "Kadarating lang ni Cindy. Huwag ka namang ganyan." Sinamaan lang ito ng tingin ni Nicole. "Magtigil ka nga. Isa ka pa! Dagdag ka pang pabigat dito," bumaling na ito sa kaniya. "Alam mo bang hindi na pumapasok si Bobby dahil busy na siya sa pagpa-part time?" Bigla itong napalingon kay David na walang malay na nakaupo sa sopa. "Tapos ito, uuwi ka na may kasamang lalaki? Sino ito? Asawa mo? Iiwan mo na rin kami?" Unti-unting kumulo ang dugo ni Avah dahil sa narinig. Ramdam na niya ang pagtaas ng kaniyang temperatura. Paulit-ulit na. Napakuyom siya ng kamao habang humuhugot nang malalim na paghinga. "Ano ka ba, Nicole? Ni hindi mo alam kung anong nangyari kay Cindy. Ganyan ba talaga ang tingin mo sa kanya?" pag-awat ni Kristina. "Hindi," sagot ng babaeng naghuhurumentado. "Kahit papaano, mataas pa ang tingin ko kay Ate Cindy, hindi tulad sa 'yo na nagpapakita lang dito kapag may kailangan ka!" Kaagad pumaling sa gilid ang mukha ni Nicole nang dumapo sa pisngi nito ang palad niya. Hindi na nakatiis si Avah. "A-ate?" tila bahagyang napatahimik ang babaeng 'yon dahil sa pagsampal niya. Nakapamaywang si Avah nang harapin ito. "Hoy, babaeng naka-five inches heels! Hindi ako nagtanan kung 'yon ang inaakala n'yong lahat! Bakit ba paulit-ulit n'yong sinasabi na papatulan ko ang lalaking ito." Napaturo siya kay David. "Nakakainsulto!" "Wala akong ideya kung anong nangyari sa akin dahil nawalan ako ng memorya. Pero, I'm sure, muntik na akong mamatay, kung hindi lang ako iniligtas ng lalaking ito na sinasabi n'yong asawa ko. At uulitin ko ulit, hindi ko siya type!" Napapadyak pa siya dahil sa pagkainis. Nagpilit ng alanganing pagtawa si David na bigla nang tumayo. "Hindi rin kita type," pahayag pa nito. "Tingin ko, kailangan ko nang umalis. Masyado na akong maraming nalalaman sa pamilya n'yo." Nang maglakad ito patungo sa pinto, agad siyang sumunod. "David, puwede bang balitaan n'yo ako kapag nahanap n'yo na si Avah?" pakiusap niya sa lalaki. "Huwag kang mag-alala. Tingin ko, magkikita pa naman tayo. Mukhang disidido ang kaibigan ko na paimbestigahan ka, dahil nga nasa 'yo ang kotse ni Avah," tugon nito na at agad na ring nagpaalam sa kanila. *** Sa may kalakihang opisina ng mayor, sa loob mismo ng Munisipyo ng Lamina, abala si Brian sa mga pinipirmahan niyang papeles. Nakailang beses na siya sa pagbuklat sa mga bagay na kailangan niyang aprubahan. Hindi naman niya maibigay ang buong atensyon dahil sa pagkabalisa. Pabalagbag niya 'yong inilapag at agad siyang tumayo. Sapo ang ulo, makailang ulit na naman siyang nagpaikot-ikot sa opisina. Ilang araw na magmula nang mawala sa hotel room si Cindy, pero wala pa ring ibinabalita ang kaniyang tauhan. Labis na siyang nag-aalala na baka may ginawa na namang kung ano si Janna. Dinampot niya ang phone at agad itong tinawagan. "Umamin ka. Nakuha mo ba ulit si Cindy?" pagbungad ni Brian nang tumugon ito. Napahalakhak pa ang babae sa kabilang linya. "At talagang hindi mo na itatanggi sa akin ang tungkol sa babae mo?" wika nitong may bahid ng pang-iinsulto. "Huwag mo na siyang hanapin. Patay na siya." "Sa oras na malaman kong may nangyaring masama sa kaniya, ipapatigil ko na ang engagement," pagbabanta ni Brian na disidido sa kaniyang sinasabi. "Huwag mong kakalimutang nasa ospital si Senator Lopez at wala pa ring malay. Tingin mo ba, kakailanganin pa kita?" Pagkasabi n'on ay kaagad niya na rin itong binabaan. Hindi talaga siya mangingiming gawin 'yon kapag napahamak ulit si Cindy. Hinding-hindi na niya ito palalampasin. Nang umalingawngaw sa buong opisina ang pagtunog ang phone niya, agad niya 'yong tinugon. "Hello, Mr. Lee. Any update?" "Mayor Malvar, nandito na po sa bahay nila si Miss Katoh," pagbabalita ng kaniyang tauhan. "Pero, may kasama po siyang lalaki." "Lalaki?" Nangunot ang kaniyang noo. "Opo. Napa-track ko na po siya. Base po sa plate number ng kotseng dala nila, naka-register po 'yon sa ilalim ng Diamond Empire." Nagsalubong ang kilay ni Brian dahil sa narinig. "Alamin mo ang lahat ng detalye kung sino ang lalaking iyon at bakit sila magkasama."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD