Halos wala nang ibang narinig si Avah nang umalingawngaw ang balitang 'yon sa kaniyang tainga. Kaagad niyang naramdaman ang panlalambot ng tuhod. Mistulang lumabo ang lahat dahil sa mabilis na pag-agos ng kaniyang mga luha. Wala na ring ibang rumerehistro sa kaniyang isipan. Sinubukan niyang humakbang palayo pero, bigla na lang siyang nabuwal sa kinatatayuan. At kasunod n'on ay ang pagsalo ng isang taong pamilyar sa kaniya. Pinakatitigan niya ito. Tiningnan niyang maigi ang mukha na naging tanging sandigan niya noon. Ngunit kasabay ng nakabibinging pagsigaw ng kaniyang isipan, bigla na lang nilamon ng kadiliman ang kaniyang kamalayan. *** Mistulang inililipad ng hangin si Avah habang itinutulak sa duyan ng matalik na kaibigan. Kasabay ng pagsalubong ng malumanay na hangin, malaya rin