Chapter 13

1895 Words
Pasado alas otso na. Kanina pa nakarating si Avah sa ferry restaurant na tinutukoy ng investigator na contact niya. Nandito siya at mag-isang nakatayo sa kabilang side ng ferry. Ilang oras na rin siyang narito. Naikot na niya ang buong lugar, pero ni anino ng kaniyang ina, hindi niya nakita. Ang mga naroon lang ay mukhang mula sa prominenteng pamilya. Mahahalata naman 'yon sa mga mamahalin at naggagandahang suot ng mga ito. Idagdag pa ang nagkikintabang alahas ng mga ito. Nang umihip ang malamig na hangin ng gabi, walang magawa si Avah kundi ang mapayakap sa sarili. Kahit papaano ay nakakatulong din ang suot niyang jacket na galing sa babaeng nakapalitan niya kanina. Mukhang walang magiging saysay ang ginawa niyang pakikipagpalit. Muli siyang tumingin sa kaniyang phone at sinubukang tawagan ulit 'yong investigator. Pero, ganoon pa rin. Hindi pa rin niya ito ma-contact. Out of coverage na ito. Hindi niya alam kung anong nangyari. Nangunot lang ang kaniyang noo nang may mapansin, may isa sa message na mula sa bangko, at notification 'yon na may pumasok na one million pesos sa account niya. Nang tingnan niya kung saan galing, napansin niyang account name 'yon ni Cindy. "Nahihibang ba siya? Bakit niya ibinalik?" laking pagtataka niya. "Nakonsensiya siguro siya?" Masyado bang malaking halaga ang isang milyon para sa gaya nito? Muli siyang nagpadala ng karampatang halaga na siguro naman, hindi na nito matatanggihan. Ayaw niyang magkaroon ng utang na loob sa iba kaya nag-type siya sa phone. "I think fifty thousand is enough," bulong niya sa sarili nang mai-send niya 'yon. Lumingon si Avah sa napadaang waiter at tinawag niya ito. Lumapit naman ang lalaki na 'di pinahalata ang pagkagulat nang makilala siya. Ngumiti rin ito matapos siyang abutan ng cocktail drink. Nang umalis na ito, muli siyang humarap sa malawak na dagat. Sumimsim na rin siya sa tequila sunrise na may kulay na magkahalong kahel at pula. Kaagad niyang nalasahan sa dila ang magkahalong pait at tamis. Kumikislap sa 'di kalayuan ang lighthouse na kaniyang natatanaw. Tumatama rin ang liwanag ng buwan sa dalisay na pag-alon. Saglit siyang napatingala sa kalangitan. Napakaganda ng pagkislap ng mga bituin na katabi ngayon ang bilog na bilog na buwan. Mas lalong bumibigat ang kaniyang pakiramdam. Ang tagal na niyang hinahanap ang mom niya, pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya ito matagpuan. Siguro, ganoon talaga kapag ayaw ng magpakita. Ngunit, bakit pati sa kaniya? Bakit pati sa kaniya, pinutol na nito ang ugnayan nila? Bakit parang pati sa kaniya, ayaw na nitong magpakita? Paano siya nito natiis? Mukhang totoo nga ang naririnig niya noon sa mga kasambahay nila, na hindi talaga ito ang kaniyang tunay na ina. Na ang totoo'y anak siya ng dad niya sa iba ring babae. Doon pa lang niya namalayan ang paglaglag ng kaniyang mga luha. Kaagad niya itong pinunasan bago pa may ibang makakita sa kaniya. May pailan-ilan pa namang lalaking lumalapit sa kaniya kanina para itanong kung gusto niya ng makakasama. Ang sinabi lang niya, hinihintay niya ang boyfriend niya. Wala siyang pakialam kung lalo pang tumindi ang issue nila ni Direk Sean. Its no big deal dahil lumilipas din naman ang interes ng mga tao, lalo na sa mga issue na 'di naman mahalaga. Muli ulit siyang nagtawag ng server para makahingi ng cocktail drinks. Tutal, drink at eat all you can naman sa ferry resto sa halagang 10 thousand, lulubusin na niya. Nakailang tawag na nga siya, hanggang sa mag-decide 'yong server na dalhan siya ng sarili niyang high table doon. Binigyan din siya nito ng sariling wine at wine glass. "May nagpapabigay po." Tumuro ito sa kung saan, pero hindi siya lumingon at itinapon 'yong wine bottle sa dagat. "Tell me, kung magkano 'yon, ako na ang magbabayad," matalim na utos niya. "Kumuha ka rin ng bagong wine. 'Yong pinakabago. Ayaw ko ng lasa ng aged wine." Kaagad namang tumalima 'yong server at mayamaya ay bumalik din dala ang hinihingi niya. Aalis na sana ito, pero muli siyang nagsalita. Gamit ang isa pang baso roon ay nagsalin siya. "Tikman mo," pang-uudyok niya na nilingon ito. "Po?" Kaagad bumilog ang mata nito. "Bawal po kaming uminom sa duty." "I know, pero paano ko malalaman kung wala kang inihalong kung ano diyan," wika niya na tiningnan ang nameplate nito. "Mr. Bobby Katoh." Nagsalubong ang kilay ni Avah dahil parang pamilyar ang apelyido nito. Napaka-unique n'on. Bakit 'di niya maalala? "Promise po, Miss Avah, wala po kaming inihalo diyan. Hindi pa nga po nabubuksan 'yan," paliwanag nito na napaturo sa bote. Nalipat ang tingin niya roon at mukhang nagsasabi naman ito ng totoo. Pero, iba pa rin ang naniniguro. "Siguraduhin mo lang, maraming tao sa paligid. Maraming nakakakita sa atin. Malamang ang iba riyan, palihim na akong kinukuhanan ng picture. Tapos magkakaroon na naman ako ng issue na may boyfriend akong server dito na guwapo at—" Napailing si Avah. Tinatamaan na yata siya. Lumalawak na ang nilalakbay ng imahinasyon niya. Iwinagayway na niya ang kanang kamay rito. "Sige na, you can go." "Si Avah Lopez 'yan, 'di ba? 'Yong anak ni Senator Divino?" bulong ng tinig na mukhang napadaan lang sa likod niya. Kahit hindi niya lingunin ang mga ito, ramdam naman niya ang pagtitig ng dalawa mula sa kaniyang batok. "Totoo nga ang balita. Busy lang siyang makipag-date, kaysa dalawin ang dad niya sa hospital," bulalas pa ng isa. "Sino kayang ka-date niya ngayon?" "Bakit siya nagpapakalasing?" Tumaas ang tonong wika ng isa. "Ambasador pa naman siya for the youth, pero heto, masama pala siyang ehemplo," tila parinig pa nito. Napakuyom si Avah ng kamao. Pasalamat ang mga ito at hindi siyang puwedeng mang-iskandalo, dahil kung hindi, hinila na niya ang buhok ng dalawa, sabay tulak sa dagat. Napasuklay na lang siya sa buhok. Bitbit ang wine at kaniyang baso, dumistansiya na siya bago pa tuluyang magtagumpay ang kaniyang imahinasyon. Humakbang siya hanggang sa pinakadulo ng ferry. Mabuti nga at walang ibang tao roon, dahil ang iba ay abala sa pagkain sa loob, habang ang iba, nandito sa labas kung saan may open air at kitang-kita ang kalangitan. Napakaromantiko ng kombinasyon ng piano at violin na kaniyang naririnig. Hindi siya mahilig sa classic music pero pamilyar 'yon sa kaniya. Sa kabila ng masiglang musika na tila tinutugtog ni Kupido, muling nabalot ng kalungkutan ang puso ni Avah. Sobrang nami-miss na niya ang mom niya. Muli siyang nagsalin ng wine at agad itong nilagok. Saglit niyang ipinatong ang bote sa lapag at hawak ang wine glass, muli siyang tumingala sa kalangitan. Saka naman niya naalala. "Tama! Si Cinderella Katoh!" bulalas niya sa sarili at agad may napagtanto. "Cindy...Katoh?" Bigla siyang napahagalpak ng tawa kasunod ng pagpalakpak. "Cindy Katoh! Ang corny!" Uminom ulit siya ng wine saka napatingin sa bilog na bilog na buwan. Papikit-pikit pa siya nang tila bigla 'yong nagliwanag nang napakalakas. Napakalinaw ng langit, pero ngayon, kataka-takang hindi na niya matanaw ang mga bituin. "Nasaan na sila?" usal niya sa sarili na muling pumikit-pikit para gisingin ang sarili. Medyo nakakaramdam na rin kasi siya ng pagkahilo, kaya baka hindi niya makita. Mabuti na lang at may rampa roon kaya sumampa si Avah. Pagkaakyat niya ay tumingala siya. Gusto niyang makita ang mga bituin, ngunit habang nakatingala, napatitig siya sa napakalaking buwan. Tila mas lalo pa itong lumalaki. Mistulang hinihila siya nito papalapit. Bigla siyang nakaramdam ng pagbigat ng kaniyang mga talukap. Mukhang napagod siya nang husto sa biyahe. Unti-unti, naipikit niya ang mga mata. Hanggang sa tuluyan ng nilamon ng dilim ang buong kamalayan niya. Ngunit, kataka-taka, bigla namang may dumating na liwanag na tila yumakap at sumakop sa buong katauhan niya. *** Malamig na tubig na isinaboy sa mukha ni Cindy ang agad nagpagising sa kaniya. Pagdilat niya, hindi naman niya magawang tuluyang maibukas ang mga mata. Nasisilaw siya sa paligid. Ilang ulit man niyang pilit tingnan kung nasaan siya, hindi niya magawa dahil sa napakatinding liwanag. Nasa langit na ba siya? P-patay na siya? Bakit pakiramdam niya, nakatali ang paa't kamay niya? At nakaupo siya sa isang matigas na bagay? Nasaan ba siya? Ang huling naalala niya ay nakidnap siya ng isang van. Tatanggalan na ba siya ng lamang-loob? Bakit ang silaw rito? Medyo mainit din ang kaniyang pakiramdam. Parang may mga nakatutok sa kaniyang spotlight na mula sa iba't ibang direksyon. Balak ba siyang itusta ng mga ito? "Sino kayo?" sigaw niya sa kawalan. "Nasaan ba ako!? Parang awa n'yo na, pakawalan n'yo ako!" "Patahimikan n'yo 'yan," usal ng tinig ng isang babae. Pakiramdam niya, nasa harapan lang niya ito at nakatitig sa kaniya. Muli na namang may nagsaboy ng malamig na tubig sa mukha niya. Napaigtad siya sa mala-yelo nitong lamig. "Sino ba kayo? Anong kailangan n'yo sa akin? Bakit n'yo ako kinidnap? Hindi naman ako mayaman, ah. Dahil ba sa mga suot ko—!" Bigla namang may naglagay ng busal sa bibig niya mula sa likod. Patuloy siya sa impit na pagsigaw, pero mahihinang pag-ungol lang ang maririnig mula sa kaniya. "Alam mo ba kung bakit ka narito?" Narinig niya ang pagtawa ng isang babae. Gustong sumagot ni Cindy na malamang, hindi. Pero, may takip na ang bunganga niya. 'Di nga siya sigurado kung kilala niya ito. "Can you believe it? Pinili niya raw ako dahil mas mahalaga ang career niya! Dahil may pakinabang ako sa kaniya!" Muling napahalakhak ang babae. "I'm just his bridge to his career, kaya 'wag na 'wag ko raw asahan na mamahalin niya ako. Dahil magiging mag-asawa lang kami sa papel!" "Janna?" usal ng isipan niya. Nagpatuloy naman ito. "I got curious kung sinong babaeng kinalolokohan niya, and I'm deeply disgusted nang malaman kong ikaw lang pala?" Muli siyang nagpumiglas. Gusto niyang ipagsigawan na wala naman na silang relasyon ni Brian. Kaya wala rin itong dahilan para gawin ito sa kaniya. "Ano bang nakita niya sa 'yo!? You're just a cheap stripper! A prostitite, na malamang pinagsawaan na ng iba't ibang lalaki!" Dumagundong sa lugar ang matining nitong sigaw. "How dare you took a guy na hindi mo naman pag-aari!?" "Janna, nagkakamali ka!" Patuloy lang siya sa pagtalon mula sa kaniyang kinauupuan, pero walang nangyayari. Lumilikha lang ng ingay ang ginagawa niya. "Noong una, balak ko lang na hayaan kayo. I thought I can let you be his little plaything." Mahina itong napatawa. "But one night, nabaliw siya sa kalasingan. He even threathen na ititigil niya ang engagement?" "How dare him? If not for my father, akala ba niya, mananalo siya noong nakaraang eleksyon?" Saglit itong napahinto. At ramdam ni Cindy na mariin itong nakatitig sa kaniya. Nagpatuloy naman si Janna, "But despite that, he's too precious to me now. I don't want a cheap woman to taint my soon to be husband's reputation, kaya kailangan mo nang mawala." Kaagad dumagundong ang puso ni Cindy. Mas lalo siyang nagpumiglas sa kinauupuan. "Iligpit n'yo 'yan." Pagkasabi n'on ay narinig na niya ang malutong na tunog ng sapatos na mukhang palayo. "Janna! Janna!" sigaw ng kaniyang isipan. Bigla namang may lumapit sa kaniya at tinakpan ng kung ano ano ang ulo niya. Mula sa nakasisilaw na liwanag kanina, binalot na ngayon ng dilim ang paningin niya. Ang alam niya ay may bumuhat sa kaniya at isinampay pa siya sa balikat nito na para lang siyang isang sakong bigas. "Parang awa n'yo na! Huwag n'yo akong papatayin!" pag-ungol niya. "Kailangan ako ng pamilya ko! Paano na ang mga kapatid ko?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD