Chapter 12

1552 Words
Sakay ng motorsiklo, mabilis itong pinaharurot ni Avah papasok sa subdibisyon ng kaniyang townhouse. Hindi na niya kailangan ng ibang pass para makapasok doon. Sapat na ang pagmumukha niya na ipinakita niya sa guwardiya nang saglit niyang itaas ang visor ng helmet. Kaagad din siyang nakarating sa bahay at automatic namang bumukas ang gate ng garage. Mabuti at dala niya ang remote n'on. Ipinasok niya ang motor para doon muna maiparada. Nagmadali na rin siya sa pagkuha ng car key ng kotseng dadalhin niya—ang itim na luxury car na kabibili lang niya last year. Matapos 'yon ay lumarga na rin siya kaagad. Ni hindi nga siya nakita ni Mrs. Perez. Siguro ay nasa supermarket 'yon ngayon. Nagpadala na lang siya ng mensahe na kinuha niya ang isa pa niyang kotse. Pagkalagay niya ng phone sa dash board, sinubukan niya ulit kontakin 'yong investigator gamit ang blutooth headset. Kasabay n'on ay lumarga na rin siya matapos niyang makapagsuot ng seatbelt. Nang nasa highway na siya, panay lang ang pag-ring ng phone. Nawawalan na ng pasensiya si Avah dahil hindi man lang sumasagot 'yong investigator. "Ano bang ginagawa niya!?" Napapukpok siya sa manibela, kasunod n'on ay mas lalo niya pang pinaarangkada ang kotse. Ilang sasakyan ang nilampasan niya. Wala na siyang pakialam kahit ilang beses pang bumusina ang mga 'yon. Medyo kumalma lang siya nang maalalang, nabanggit nga pala ng investigator na papunta na rin ito sa Batangas. Nasa biyahe na siguro 'yon. Saglit siyang napasulyap sa orasang nasa dashboard. Pasado alas tres pa lang, pero hindi niya masiguro kung gaano katagal siyang babiyahe. Dadaan man siya ng SLEX, walang kasiguraduhan kung hindi nga siya maiipit sa trapik. Kabado siya habang nagmamaneho. Panay ang malakas na pagtibok ng puso niya. Punong-puno siya ng antisipasyon na sana, sa wakas ay magkita na rin sila ng mama niya. Sana mahanap na niya ito para kahit silang dalawa lang, may maituturing na siyang pamilya. Iyon ang matagal nang hinahangad ng puso niya. Isang pamilyang tatanggap at magpapahalaga sa kaniya. Isang buong pamilya na dapat mayroon siya, kung 'di lang pinili ng kaniyang ama na pagtaksilan sila. Kung 'di lang nito pinili noon ang babae nito. Mas diniinan niya ang pagtapak sa silinyador kaya't muling umugong ang pagharurot nito sa gitna ng kalye. *** Habang nagpaparada si Cindy ng kotseng dala niya, puno naman ng pag-aalala ang puso niya. Hindi niya alam kung paano siya magpapaalam sa tiyahin na maaga siyang aalis. Pagkababa niya ng sasakyan, pinindot niya 'yong car key at saglit itong nag-tutut. Pero, pagharap niya, naroon na pala at papalabas ng chicken house si Auntie Juana. "Sandali, Cindy," wika nitong napatitig sa sasakyan. "Kaninong kotse 'yan? Mamahalin 'yan, ah?" "Hiniram ko sa kaibigan ko." Napaiwas siya ng tingin kasabay ng pagsisinungaling. "Sinong kaibigan? Wala ka namang kaibigang mayaman, ah?" Nangunot ang noo nito nang pagmasdan ang suot niya. "'Yang mga 'yan, puro branded 'yan, ah? Huwag mong sabihing kay Janna 'yan?" Natigilan naman siya at napatitig sa tiyahin. "Oo." Bahagyang nanlaki at tumirik pa ang mata ni Auntie Juana. "Nakita ko noong nagpunta 'yong babaeng 'yon dito. Naalala ko pa siya. Hindi ba't dito kayo madalas tumambay noon?" pahayag nitong tataas na naman yata ang presyon. "Sandali... eh, nasaan 'yong motor?" "Ah, 'yon nga po, nakipagpalit sa akin 'yong kaibigan ko. Kailangan niya kasi." Napaturo siya sa kotse. "I-ito na lang muna 'yong gamitin natin." Bigla namang lumawak ang pagkakangiti ng kaniyang tiyahin. Kinuha nito ang susi sa kaniya, saka sumilip sa loob. "Maganda!" bulalas nito. "Hay... kung wala lang tayong masyadong kostumer ngayon, inaya na sana kitang mag-roadtrip tayo." Napailing si Auntie Juana. "Sa bagay, magagamit naman natin 'yan sa pamamalengke bukas, 'di ba?" Nauna na itong naglakad papasok ng chicken house. Doon na niya naalala. Wala pa nga pala silang usapan ni Avah kung kailan sila magkakasaulian. Hindi bale, nakuha naman niya ang number nito. Humakbang na rin siya papasok ng chicken house. Nasa counter dumiretso ang kaniyang tiyahin na abala na sa pagkuha ng bayad ng costumer. Lumapit siya para bumuwelo na ng pagpapaalam niya. "Ah, Auntie, puwede ba kitang makausap?" alanganing wika ni Cindy. Saglit itong lumingon sa kaniya. "Oh, eh, magkausap naman na tayo. Ano 'yon? Mag-a-advance ka? Hindi ako madamot, lalo na sa 'yo. Pero kung para sa mga kapatid mo, ayaw ko. Kailangan kong magmatigas, dahil ayaw kong palagi silang umaasa sa 'yo, naintindihan mo ba, Cindy?" Napayuko na siya. Hindi na niya alam kung paano magtutuloy sa paalam niya. Ilang segundo rin siguro siyang nakatayo sa tabi ng counter nang muli siyang tanungin ng tiyahin, "Ano? May sasabihin ka pa ba?" Alanganin siyang napangiti. "Auntie, kasi... gusto ko sanang magpaalam, kung puwede akong mag-out ng alas kuwatro." "Oh, bakit? Saan ka pupunta?" usisa nito habang abala sa pagbibilang ng ibinabayad ng kostumer. "Sa ano po..." Umisip siya ng magandang maidadahilan. May naisip na siya kanina, pero bakit 'di na niya maalala. "Huwag mong sabihing inaya ka ng babaeng 'yon sa bachelorette party niya? Hindi ba, ikakasal na 'yon? Nakita ko sa balita," hula nito na sumulyap sa kaniya. "Kung ganoon, okay na nga kayo?" Marahan lang siyang tumango-tango. Mali naman ang iniisip nito, pero puwede ng dahilan iyon. "Oh, 'di sige. Nandito naman 'yong kapatid ni Marie, saka si Joselito, maaga namang uuwi. At kung kailangang mag-deliver, ako na lang." Napangiti na ito. "Nang makapag-road trip ako." Alanganin din ang pilit na ngiting ibinigay niya sa tiyahin. "Ako, pinapayagan kita dahil iba pa rin ang may koneksyon," dagdag ng tiyahin na abala ang kamay sa cash register. "Tingnan mo 'yang pinsan mo, nagkaroon agad ng magandang trabaho sa Glamour." Mukhang may iba pa itong gustong sabihin pero itinikom na nito ang bibig dahil may ibang tao roon. Ngunit lihim na napangiti si Cindy nang maalala ang palaging sinasabi nito, noong minsang malasing ito. At talagang tumatak 'yon sa isipan niya. "Sana kapag nakapagtapos si Nicole, ikaw naman ang suportahan niya sa pag-aaral, bilang pagganti lang ba sa lahat ng sakripsiyo mo." Dahil doon, alam talaga niyang nagmamalasakit ito sa kaniya. *** Dahil hindi nga madadala ni Cindy ang kotse, iniwan na muna niya 'yon sa chicken house. Saglit siyang umuwi sa bahay nila sakay ng tricycle. Sa kabilang phase lang naman 'yon kaya mabilis siyang nakarating. Pagpasok niya sa loob, nakita niyang nasa salas sina Joan at ang kambal. "Ate, ang aga mo?" tanong ni Joan na lumapit para sumalubong ng yakap sa kaniya. Ganoon din ang ginawa ng limang taong gulang na kambal na umirit pa. Saglit pa ngang pinaglaruan ng mga ito ang mga batong palamuti ng suot niyang cardigan. "Hala, sorry, wala akong pasalubong." Naglabas siya ng wallet, para sana magpabili ng meryenda. Saka niya naalalang magkakano na lang pala ang laman n'on. Napasapo siya sa noo. Mukhang magagalaw niya ang itinabi niya. Sa bagay, pag-uwi naman niya, magkakapera agad siya. Iniabot niya kay Joan ang isang daan. "Oh, bumili muna kayo ng meryenda n'yo, ha?" Kinuha 'yon ng dose anyos na kapatid na lumawak ang pagkakangiti. "Tara, tara, sumama kayo sa akin," pag-aya nito sa kambal. "Ah, Joan, aalis si Ate. May importante akong lalakarin, baka bukas na ako makakauwi," pahayag niya. "Mag-iiwan na lang ako sa mesa ng panghapunan at pang-agahan n'yo, ha?" "Okay, Ate!" tugon nito na tinutulungan 'yong kambal sa pagsusuot ng sandals. Tumulong na rin si Cindy na suotan si Paris. "Pero, saan ka pupunta?" pagbaling sa kaniya ni Joan. "Ah, 'wag kang maingay kay Auntie, ha. Sinabi ko sa kaniya, na party 'yon. Pero trabaho talaga ang pupuntahan ko." Napaiwas siya ng tingin. "Magsa-sideline lang ako." Napakurap lang ang kapatid pero hindi na ito nangulit pa at umalis na kasama ng kambal. Pumasok na si Cindy sa loob ng silid na kaniyang tinutulugan katabi ni Joan. Agad siyang nagtungo sa may kama at binuksan ang zipper nito sa gilid. Sa ilalim nito ay roon nakatago ang dalawang libo na itinabi niya for emergency. May tig-iisang daan 'yon, at ilang limang daan. Kumuha siya ng halagang isang libo at agad na rin siyang nag-ayos ng mga dadalhin niya. Sa totoo lang ay mga personal na bagay lang ang kailangan niya, dahil nag-text si Jane na ito na raw ang bahala sa isusuot nila. Napabuntong hininga si Cindy. "Ano ba talaga itong ginagawa ko?" usal niya sa sarili. Bitbit ang simpleng tote bag na may disenyo ng bulaklak, lumabas na siya ng silid. Saglit din siyang nag-iwan ng limang daan sa mesa bago siya tuluyang lumabas ng bahay. Maayos na niyang isinasara ang gate nang may humintong van sa tapat nila. Dahan-dahang bumukas ang bintana sa pinakaunahan, at isang lalaking nakangiti ang bumungad. "Ah, Miss, puwede bang magtanong?" "Ano po 'yon?" wika niya. "Alam mo ba kung saan ang Perlas Street dito?" Napaturo siya sa bandang unahan. "Diyan po sa kanto, kumaliwa kayo. Tapos, mga limang bloke pa po ang daraanan n'yo, at doon na po 'yong Perlas Street." "Ano? Hindi ko masyadong marinig?" Mas lumapit si Cindy para ulitin ang kaniyang sinabi. "Sa may kanto po—" Natigilan na lang siya nang biglang bumukas ang malaking pinto ng van at isang lalaki ang mabilis na humaltak sa kaniya papasok. "Ano bang—" Kaagad din nitong tinakpan ng panyo ang bibig niya, at ang huli na lang niyang namalayan, mabilis nang humarurot palayo ang kanilang sinasakyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD