Chapter 14

1831 Words
Nang mapalitan ng pop music ang awitin sa ferry resto, nagmistula itong dance club at ang karamihan sa mga naroon, naging abala sa pagsayaw. Hataw na hataw ang mga katawan ng ilang kabataan sa saliw ng makukulay na liwanag mula sa dancing ball, na nakasabit sa isa sa mga poste sa itaas. May busy rin sa pakikipagtawanan at pakikipag-date sa gilid, habang ang iba, abala sa pag-inom at pakikipagkuwentuhan. Isang babaeng nakasuot ng eleganteng pink na dress, at abala sa pag-selfie ang biglang natigilan at napalingon sa pinakadulo ng ferry. "Teka? Nasaan na 'yong babae roon?" inosenteng tanong nito na inilibot pa ang tingin sa paligid. Nalipat din doon ang paningin ng iba nitong kasama. "Oo nga, ano? Parang may babae roon kanina?" pagtataka pa ng isa na napakunot ang noo. "Baka naman umalis na?" pahayag ng isang lalaki saka lumagok sa hawak nitong baso. "Eh 'di sana, napansin natin?" pag-alma ng eleganteng babae. "Dito lang naman siya makakadaan, kasi the other way is sarado na! Waiter!" pagtawag pansin nito na lumapit sa may bar habang bitbit ang gilid ng mahabang bestida nito. Napalingon ang guwapong lalaking abala sa pagpupunas ng wine glass. "Yes po?" Bahagya tuloy natigilan ang babaeng tiningnan pang maigi ang mukha nito. "Ah, kasi...ano..." Tinulungan itong magpaliwanag ng isang babaeng kasama. "Tingin namin, may babaeng nahulog sa railing." Napatulo ito sa dulo ng ferry. "Hindi mo ba napansin 'yong babaeng nakatayo roon?" Nalipat din ang tingin nito sa tinutukoy nga mga ito. "Babae? Si Miss Avah Lopez lang ang nandoon kanina?" Kaagad tumalima ang server para humakbang patungo roon, habang ang isa nitong kasama na lumapit, nagradyo na sa captain. "What?" bulalas ng eleganteng babae na agad tumingin sa phone nito. "Oh my gosh!" Nanlaki na ang mata nito saka ipinakita sa mga kasama ang larawan. Isang babaeng nakasuot ng itim na jacket ang nakalingon. At kitang-kita nila ang mukha nito. "Oh my...si Avah Lopez nga!" *** Panay na ang paghagulgol ni Cindy na patuloy lang sa pagmamakaawa sa kabila ng nakabusal niyang bibig. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng taong may buhat sa kaniya dahil nakapiring ang mata niya. Ang alam lang niya, para siyang sako ng bigas na nakasukbit sa balikat nito. Patuloy ang malakas na pagtibok ng puso niya. Hindi pa siya puwedeng mamatay. Kailangan pa siya ng mga kapatid niya, lalo na si Joan. "Parang awa n'yo na po! 'Wag n'yo po akong papatayin... Kailangan ako ng pamilya ko..." piping usal niya sa kawalan. Umusal na rin siya ng dasal. Ngayon, higit kailanman, kailangan niya ng tulong mula sa itaas. Kahit hindi na lang para sa kaniya. "Maawa kayo kay Joan. Ang bata pa niya...kung pati ako mawawala, paano na lang siya?" Natigilan si Cindy nang maramdaman niyang ibinaba na siya ng taong 'yon. Kaagad nakapa ng kaniyang nakataling kamay palikod ang sementadong lapag. Pero, nakapagtataka? Parang may naririnig kasi siyang paghampas ng alon? Malapit ba sila sa may dagat? Bigla na lang may humawak sa kaniyang mga paa. Kaagad siyang nagpumiglas. Baka may iba na itong gawin sa kaniya? Muli siyang napaungol ng pagmamakaawa. Bakit ba, ayaw alisin ng mga ito ang busal sa bibig niya? Bakit ba hindi siya pinakinggan ng Janna na 'yon? Puwede naman silang mag-usap nang mahinahon. Para malaman din nitong wala naman silang relasyon ni Brian. Na mali ang iniisip nito. Saka niya napansing may itinatali ulit ang taong 'yon sa mga paa niya. Naramdaman niya ang unti-unting paghigpit n'on. Mas lalo siyang nagpumiglas nang may bumuhat ulit sa kaniya. Iba na ngayon. Binuhat na siya nito gamit ang dalawang bisig. At pakiramdam niya may iba pa itong kasama. Para kasing may humihila sa taling nasa paa niya. May naririnig din siyang buong-buong tunog sa lapag, kasabay ng tinig ng isang lalaki na mistulang hirap na hirap sa binubuhat nito. Nang huminto ang mga ito sa kung saan, may narinig na siyang boses. "Ngayon, tadhana mo na lang ang makapagsasabi kung mabubuhay ka pa o mamamatay na." Pagkasabi n'on, naramdaman na lang ni Cindy ang pagbitaw nito sa kaniya, kasunod n'on ang mabilis niyang pagbulusok. Kaagad sumalubong sa kaniyang sistema ang mala-yelong lamig ng tubig. Unti-unti ay parang may humihila sa kaniya pailalim. Dahan-dahan na rin siyang nauubusan ng hangin, ngunit wala siyang ibang magawa kundi ang mabalisa at subukang makawala s kaniyang pagkakatali. May busal ang bibig, may takip ang ulo at parehong nakatali ang paa't kamay, idagdag pang mistulang may pabigat sa paa niya na agad humila sa kaniya paibaba. Hindi ito magiging ganoon kadali sa kaniya. Mayamaya pa, tila naubos na rin ang lahat ng hangin sa kaniyang baga, kaya't 'di na siya makahinga. Hanggang sa tuluyan ng lamunin ng kadiliman ang buong kamalayan niya. Ngunit, kataka-takang kasunod ng kadilimang 'yon, ang matinding liwanag na tila sumakop at bumalot sa kaniya. *** "Oo, of course, susunduin kita. Nandito na nga ako sa airport," pahayag ni Anthony na agad kumaway nang makita ang kaibigan. Ibinaba na rin nito ang hawak na phone. Naglalakad na si David kasunod ang naggagandahang flight attendant, na tulad nito, may hila-hila ring maleta. Saglit nitong inialis ang suot na sunglass para bigyan ng matamis na ngiti ang mga napalingong kababaihan. Kinikilig na nagsipagtawanan ang mga ito, mas lalo pa nang mapansin din si Anthony. "Hey, Bro!" Nakipag-apir si David nang tuluyang makalapit. Tinanggap niya 'yon. "How's your flight?" Napailing si David. "What kind of arrival disturb me from my sleep?" Napahikab pa ang lalaking may singkit na mga mata. "Alam ba nila kung anong oras na?" Napatingin ito sa suot na relo. "Its past 8:30 PM!" Nagsimula na silang humakbang palabas ng airport. "Anong gusto mo, bukas ka na lang nila gisingin?" Napangiti siya. Bigla na lang itong napayakap sa kaniya. "Simon," pagtawag nito sa dating pangalan niya. "Naalala ko 'yong promise mo sa akin." Para na itong batang biglang naglambing sa kaniya. Kaagad pinilit ni Anthony na maialis ang mga braso nito sa katawan niya. "Ano bang ginagawa mo?" Napatingin pa siya sa paligid. "Ang daming tao rito, nakakahiya." "Bakit, gusto mo ba? Doon tayo sa lugar na tayo lang dalawa?" pang-aasar nito na tumingala pa sa kaniyang mukha. Napansin na niya ang pasimpleng pagngiti ng ibang taong napapadaan at nakarinig. Pinukpok naman niya ang noo nito. "Magtigil ka nga. Baka kung anong isipin ng mga tao. Ano bang gusto mo?" "Pumunta tayo sa resthouse namin, sige na?" pakiusap ni David na pinagdikit pa ang dalawang palad. "Nag-promise ka sa akin na dadalaw tayo kay lola, ah?" Hindi siya agad makasagot kaya muli itong nagsalita. "Ano ka ba naman? Ginawa ko ang lahat para makapunta ka sa victory party ng movie ni Avah. Tapos, hindi mo pala ako mapagbibigyan?" Napanguso na ito. "Oo na nga." Napilitan na lang si Anthony. Sa totoo lang, marami pa silang kailangang asikasuhin sa kanilang branch company dito sa bansa. Napangiti na ito na kumapit pa sa kaniyang braso. "Ang bait talaga ng bestfriend ko!" bulalas nito saka biglang bumitiw. "Oo nga pala. Kumusta? Nagkita ba kayo?" Napayuko na si Anthony. "Hindi, eh," simpleng tugon niya. Nakita man niya ito noong pumasok ito sa event hall, hindi naman niya ito malapitan dahil maraming tao ang abala sa pagkuha ng litrato nito. Ibang-iba na ito sa nakilala niyang Avah. Alam niyang hindi magiging ganoon kadali ang malapitan ito. Nag-aalala rin siya na baka, hindi na siya makilala nito. Matagal na rin ang sampung taon mula noong huli silang magkita. Mula noong ipatapon siya ng ama sa ibang bansa para doon mag-aral. Dahil umiiwas ito sa iskandalo. Dahil para sa kaniyang ama, isa siyang malaking iskandalo. Tinapik-tapik ni David ang balikat niya. "Huwag kang mag-alala. Ngayong nandito na tayo, I'm sure, marami ka pang ibang chance." Lumakad na sila patungo sa parking lot kung saan naroon ang kaniyang kotse. Sa totoo lang ay nauna siya kay David sa bansa ng ilang araw. May kailangan kasi siya na agad maasikaso sa branch ng company nila rito. Dahil nga mas lumalakas na ang ConverseMe International sa Pilipinas— isang business services company o mas kilala bilang 'call centers', napagdesisyunan nilang sila na ang personal na humawak ng branch dito sa bansa. Dati silang subsidiary ng Diamond Empire, ang company ng dad ni David. Pero nang kumbinsihin ito ng kaibigan niya na kaya nilang maging independent company, agad itong pinagbigyan. Palibhasa, spoiled ang lalaking ito sa mga magulang. Nang nasa kotse na sila at pabiyahe na nga diretso sa probinsya na ilang oras pa ang layo, saka naman may naalala ni Anthony. "Alam ba ng parents mo na umuwi ka na?" Lumingon ito at agad kinuha ang kamay niyang may hawak sa manibela. "Please, 'wag mo namang sabihing nandito na ako?" Nangunot ang noo niya. "Hindi alam ng parents mo na nakauwi ka na?" "Please, 'wag?" pakiusap ulit nito. "Gusto ko na lang munang mag-enjoy, kahit one week lang." Napaiwas na ito ng tingin. "One week? Hindi kita mapapayagan. You know, were busy, right?" Muli itong humarap at ipinakita ang tatlong daliri. "Three days?" bargain nito, Itinutok na niya ang atensyon sa pagmamaneho at hindi ito tinugon. *** Sa madilim na bahagi sa ilalim ng dagat, hindi alintana ng isang lalaki ang mala-yelong lamig. Hawak ang matalas na patalim, makailang ulit nitong hiniwa ang makapal na lubid na nakatali sa paa ng babae. Kahit hirap na hirap, itinuloy lang nito ang ginagawa, mailigtas lamang ang babaeng mahalaga sa taong pinagsisilbihan nito. Nang magtagumpay ito, agad na nitong hinila pataas ang babaeng walang malay. Ikinampay ng lalaki ang sariling mga paa sa tubig, upang mas mabilis itong maitaas. Mabuti at hindi gaanong malakas ang bugso ng alon, kaya agad din nitong nahila ang babae patungo sa pinakamalapit na tabing-dagat. Pagkarating sa buhanginan, sa kabila ng pagkahingal, nagmadali ang lalaki na tingnan ang kalagayan ng babae. Sinubukan nitong tapikin ang mukha nito pero hindi ito gumagalaw. Iniangat nito ang mukha ng babae para maitingala ito. Inilapit nito ang daliri sa ilong nito para malaman kung humihinga ito. Ngunit hindi, kaya agad na nitong binigyan ng hangin ang babae. Pinisil nito ang ilong ng babae at idinikit nito ang sariling labi, upang mabugahan ng hangin ang mismong bibig nito. Sa bawat paghinga ng lalaki, kailangan 'yong tumagal ng isang segundo. Sa bawat pag-angat ito para kumuha ng hangin sa paligid, sinisiguro nitong humuhugot ito nang malalim na paghinga. Limang beses nitong paulit-ulit na ginawa 'yon, pero mukang hindi pa rin umuubra. Ginamit na nito ang natutuhan sa training noon. Gamit ang dalawang kamay na magkapatong sa isa't isa, mariin nitong diniinan ang itaas ang pinakasentrong bahagi ng dibdib ng babae. Tuwid na tuwid ang braso nito habang itinutulak ang mga kamay, lima hanggang anim na sentimetro paibaba. Dalawang beses sa isang segundo, paulit-ulit 'yong ginawa ng lalaki hanggang isang minuto. At sa wakas ay bigla nang napaubo ang babae, at inilabas na rin ng bibig nito ang pumasok na tubig sa loob ng katawan nito. Saglit itong napadilat at napatingin sa lalaki, pero mukhang wala pa rin ito sa wisyo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD